links: http://www.gov.ph/2013/07/02/talumpati-ni-pangulong-aquino-sa-pagbibigay-ng-mga-glock-17-pistols-sa-mga-kawani-ng-pnp-ika-2-ng-hulyo-2013/
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagbibigay ng mga Glock 17 pistols sa mga kawani ng Philippine National Police
[Inihayag sa Camp Crame, Lungsod Quezon, noong ika-2 ng Hulyo 2013]
Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.
Secretary Mar Roxas; Police
Director General Alan Purisima; command staff; recipients of the Glock
17 pistols; officials and staff of the DILG PNP and NAPOLCOM; fellow
workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Talagang maganda po ang umagang ‘to.
Patung-patong na problema ang
ating dinatnan nang magsimula tayong manungkulan. At isa nga po sa
bumulaga sa ating mabigat na suliranin ang hinaharap ng pambansang
kapulisan. Halos 50 porsyento ng ating mga pulis ang walang baril sa
serbisyo. Ibig sabihin: ang kalahati ng inyong hanay, umaasa lamang yata
sa anting-anting, o nananalanging huwag tablan ng bala sa oras ng
engkuwentro, o madaan sa pakiusap ang pusakal na kriminal. Sa matagal na
panahon, para bang sinasabi nating, “Tungkulin n’yo ang mabilis na
pagsugpo sa krimen at banta sa seguridad, pero kapag kapakanan n’yo na
ang nakataya, magtiis kayo’t ‘wag nang umasa.”
Kaya talaga naman pong isang
makabuluhang araw ito para sa ating pambansang seguridad. Sinimulan na
po natin ang distribusyon ng mga bagong unit ng 9mm na Glock 17 pistols;
at hindi rin magtatagal, maipagkakaloob na rin ang kabuuang 74,879 na
baril sa ating kapulisan. Sa ganitong positibong pag-usad ng programa,
nalalapit na tayo sa katuparan ng layunin nating 1:1 police-to-pistol
ratio. Kung mayroon pong isang tao na tiyak matutuwa sa katuparan ng
adhikaing ito para sa kapulisan, ito po ay ang dating Kalihim ng DILG na
si Jesse Robredo. Malinaw sa kaniyang matagal nang pinapasan ng mga
pulis ang kalbaryo sa kakulangan ng armas, kaya pinangunahan niya ang
paghahanap ng akmang solusyon. Hindi man natin siya kasama ngayong
umaga, siguradong ipinagmamalaki niya ang tagumpay nating ito.
Nagpapasalamat din tayo siyempre, kina Kalihim Mar Roxas, at Director
General Alan Purisima, sa paninigurong hindi mababalewala ang
pangangailangan ng ating mga alagad ng batas.
Ang inaprubahan nga po nating
budget para sa pagbili ng mga baril na ito—1.198 billion pesos. Dahil sa
maayos at tapat na bidding, nakatipid ang PNP ng mahigit 200 milyong
piso. Nandiyan po ang kuwenta sa aking pong bandang kanan.
Nakabili pa tayo ng dagdag na
halos 15,000 piraso ng armas. Ang maganda po: dahil sa de-kalidad at
iisang klase ng baril na ating ipagkakaloob, mas makakatipid tayo sa
pagbili ng mga piyesa, pati na rin sa pagsasanay ng ating mga pulis sa
paggamit nito.
Katumbas ang pagpapaunlad
natin sa inyong kapasidad, ang pag-aangat natin sa kalidad ng inyong
serbisyo sa sambayanan. Isipin n’yo, wala man bibit na baril o
kakulangan man sa armas, nagagawa pa rin ninyong magpakitang gilas.
Paano pa kaya kung mayroon nang sapat at modernong kagamitan ang inyong
hanay?
Patunay nga po rito si PO2
Edlyn Arbo; na walang pag-aatubiling hinarap at tinugis ang isang
holdaper sa nasakyang dyip. Hindi niya inalintana ang kawalan ng baril,
at natamong sugat sa engkuwentro. Tapang, pananagutan, at kasanayan
bilang pulis ang tanging sandata niya para panagutin ang holdaper. Kita
naman po n’yo ang kababaihan. [Applause]
Ilang beses na ring
nakatanggap ng papuri si PO2 naman, Felipe Moncatar mula sa iba’t ibang
istasyon at organisasyon dahil sa dami ng nahuli niyang kriminal. Ang
ilan pa rito, kabilang sa “most wanted persons” sa Lungsod ng Bacolod.
Ang iba naman, miyembro pa ng malalaking sindikato na sangkot sa
panggagahasa, pagpatay, pagnanakaw, at carnapping. Ang partida nga:
Naisakatuparan niya ang matatagumpay na operasyon nang, ulit, walang
dalang armas. Saludo ang buong bayan sa inyong katapangan at
pananagutan; at sa buong hanay ng ating kapulisan na walang pinipiling
sitwasyon at pagkakataon upang maglingkod sa kapwa at bansa.
Mar at Alan, parang hindi ko
napansin doon sa report ng ating dalawang nabanggit na sila ay
na-promote. ‘Yong mga ganyang gandang gilas palagay ko naman ay talagang
naman yan ang definition ng meritorious promotion, see to it that these
two are promoted. [Applause]
Edlyn, kung hindi ka pa kinakasal, si Mar Roxas puwede mag-ninong. [Laughter]
Sa katunayan, mula 319,441 na
crime volume noong 2010, naipababa ninyo ang bilang na ito sa 217,812
noong 2012. Idagdag pa rito ang halos 40 porsyentong pagbaba sa bilang
ng carnapping, at 73 porsyentong pagbaba naman sa kaso ng
kidnapping-for-ransom sa parehong panahon. Positibong datos din ang
resulta ng maigting ninyong pagsagupa sa Private Armed Groups.
Animnapu’t tatlong porsyentong kabawasan sa bilang ng grupong ito ang
naitala natin mula eleksyon 2010 hanggang nitong nakaraang halalan. Sa
matagumpay namang operasyon ng OPLAN Katok, umabot na sa halos 465,000
unrenewed firearms licenses ang natukoy ninyo; mahigit 96,000 lisensya
ng baril ang ni-renew, at mahigit 6,000 baril ang kinumpiska.
Sa lahat ng tagumpay ng ating
kapulisan—sa pagtataguyod man ng kaayusan o sa pagsugpo ng krimen,
hanggang sa pagsagip ng mga kababayan nating sinalanta ng
kalamidad—nagpapasalamat tayo sa dedikasyon at propesyunalismo ng mga
alagad ng batas.
Kaya naman pursigido ang
pamahalaan na paunlarin at patatagin ang pambansang kapulisan. Kaakibat
ng distribusyon ng mga bagong baril, isinusulong na rin natin ang PNP
Operational Transformation Plan para sa 2013 hanggang 2016. Bahagi nito
ang pagdaragdag ng 15,000 non-uniformed personnel kada taon upang
pumalit sa mga pulis sa mga gawaing administratibo. Sa pamamagitan nito,
sa halip na maghapong nakaposte sa mga presinto’t opisina ang ating mga
pulis, magsisilbi silang karagdagang puwersa sa pagbabantay sa mga
komunidad. Kasado na rin dito ang pagbili natin ng 13,000 unit ng M-4
rifle para sa hanay natin sa field patrol. Tuloy-tuloy naman ang ating
programang pabahay para maibsan ang inyong pasanin at ng inyong pamilya.
Nakapagpatayo na tayo ng 21,800 na tahanan sa unang yugto ng programa
para sa ating mga sundalo’t pulis. Mahigit 15,000 bahay na rin ang
nakumpleto natin sa Phase 2, na sa duluhan ay aabot ng 31,200 ang Phase
2. Kasama na ring maninirahan sa maitatayong pamayanan ang mga kawani ng
BFP, BuCor, at BJMP sa buong bansa.
At siguro naman itong mga
komunidad na ito ang pinakaligtas sa buong Pilipinas dahil puro sundalo,
pulis, Bureau of Corrections personnel, BJMP personnel, at kung
saka-sakali “minalas” ka, Bureau of Fire personnel ang katapat mo sa
komunidad na ‘to.
Sa mga reporma at tagumpay na
ito, inaasahan kong patuloy na pangungunahan ng ating mga alagad ng
batas ang pagsupil sa krimen at transaksyunalismo. Wala nang puwang sa
ating kapulisan ang mga nagsisiga-sigaan sa lansangan o padrino pa ng
masasamang elemento. Patuloy nating ibabantayog ang dangal at integridad
ng inyong hanay; at sa mga hindi pa rin tumitino, sisiguruhin kong
preso, na ating pong pinalalawak, ang susunod ninyong destino.
Kompiyansa po tayong sa
paglilinis at pag-aangat ng antas ng inyong serbisyo, lalo pang
aarangkada ang ating pambansang kapulisan. Puspusan namang kikilos ang
gobyerno upang suklian ang inyong makabuluhang paglilingkod—kayo na
handang masugatan sa bakbakan at sumuong sa anumang peligro, mailigtas
lamang ang kapwa Pilipino. Patunayan nating laging nasa panig ng
katwiran ang ating kapulisan; patuloy nating tutukan ang kapakanan ng
ating mga tunay na Hepe—ang sambayanan. Sabay-sabay nating asintahin at
tunguhin ang katuparan ng ating kolektibong adhika para sa minamahal
nating bansa.
‘Yong Transformational Plan,
may budget ho tayong hinanda ng nine bilyon pesos para dito, at nang
naaprubahan ho natin ‘yan—magaling po ang teamwork ni Secretary Roxas
at Director General Purisima—nang natapos po si Secretary Roxas, tumungo
naman sa akin si Director General Purisima at sinabi, “Sir, hindi pa
kasama ang mga helicopter na kailangan namin.” Sabi ko, “Okay kayo.
Hindi n’yo mininsanan, hinati n’yo nang naaprubahan ‘yong isa. Malamang
maaprubahan na rin ‘yong pangalawa.” Sana naman hindi sumunod si
Deputy-Director General Ager Ontog. Baka may nakalimutan ‘yong dalawa,
may pangatlo na namang hihiritin. Magkukulong na ako sa kuwarto ko. [Laughter]
Anyway, ulitin ko po: Alam
n’yo noong mas bata ako, naalala ko po isang konsepto. Sa isang district
dito sa NCR may tinatawag na rights. Sabi ko, “Anong rights?” ‘Pag may
nagretirong kapulisan, dahil kulang nga iyong kagamitan, ay binibili
doon sa nagreretiro ‘yung karapatan para sa kanya ilisan o ilipat ‘yong
baril doon sa walang baril.
Sabi ko, “Yong pulis tila
nagkaroon tayo ng iskandalo noong araw na pagpapasok sa serbisyo ay
katakot-takot raw na uutangin ng maraming babayaran para makapasok.”
Unang tatlong taon raw ay nagbabayad ng utang. Nang nakapasok,
pababayaran mo pa sa equipment na dapat ay ipinagkaloob sa kanya. At
pagkatapos n’on, ay marami pang ibang mga maling gawain na tila masasabi
natin, “‘Yong tagapangalaga ng ating siguridad ay wala nang napala
kundi maapi.”
Tapos na po ang panahon ng
pang-aapi sa ating kapulisan. Magpakatotoo po tayo sa ating mga boss. At
ako na ho ang bahalang maniguradong talaga namang damang-dama n’yo ang
pag-aaruga at pagmamahal ng nagpapasalamat na sambayanan.
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyo.
GPH Website
http://www.gov.ph/
links:
http://www.gov.ph/2013/07/02/talumpati-ni-pangulong-aquino-sa-pagbibigay-ng-mga-glock-17-pistols-sa-mga-kawani-ng-pnp-ika-2-ng-hulyo-2013/links:
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human RightsHome - Human rights Promotions Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment