Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-116 anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas
[Inihayag sa Lungsod Naga, Camarines Sur, noong ika-12 ng Hunyo 2014]
[Mga pagbati]
Mga namomotan ko pong mahimanwa, Dios marhay na aga sa indo gabos. [Palakpakan]
Pinagtulungan po ni Leni at ni John na
turuan ako ng Bikolano. Sana po ay tama. Kung mali, solo ko pong
kasalanan. [Tawanan] Sarap talagang nababalik sa Naga pero alam n’yo ho
meron pa tayong mga ilang pupuntahang lugar itong araw na ito. Baka
kung preskong-presko pa ho tayo dito, baka maisipan kong hindi lumitaw
doon. Malaki hong issue ‘yan dahil ‘yong diplomatic community ay
inimbitahan natin sa Malacañang ng tanghali.
Kaya pasensya na po kayo kung medyo paspasan ang ating biyahe. Sana po’y tama itong ating hinandang talumpati para sa inyo.
Isandaan at labing-anim na taon ang
nakalipas, mula noong pormal na pinatugtog ang Pambansang Awit at
iwinagayway ang Pambansang Bandila, sa Kawit, Cavite, bilang mga sagisag
ng isang malaya at nagkakaisang Pilipinas. Sa araw din pong iyon,
idineklara ang kalayaan ng Pilipinas: Isang bansa tayong kalag sa
tanikala ng dayuhan, binubuo ng mga mamamayang hawak ang sariling
kapalaran.
Ito po ang ginugunita at ipinagdiriwang
natin ngayon—itinuturing natin ang ika-12 ng Hunyo bilang kulminasyon ng
lahat ng sakripisyo, pakikipagsapalaran, at tagumpay ng ating mga
ninuno, upang makamtan ang kasarinlan mula sa Espanya. Mulat po ang
lahat: Hindi nangyari sa isang tulugan lang ang katuparan ng mithiin ng
ating mga bayani. Bunga ito ng pagbangon mula sa kabiguan at pagsubok,
at ng sakripisyo at pag-aambagan ng napakaraming tao, na pinagbuklod ng
nag-iisang layunin: Ang mabuhay nang marangal at malaya sa pang-aapi.
Nariyan po ang Kilusang Propaganda na nagpunla ng pagbabago sa isip ng
mga Pilipino; ang Katipunan na isinilang, kumalat, at naging kanlungan
ng mga bayani; ang maraming sagupaan sa pagitan ng mga gerilyang
Pilipino at ng hukbo ng Espanya; ang paglalathala ng dalawang nobela ni
Gat Jose Rizal, at ang kanyang pagkakabitay o pagkakapaslang sa
Bagumbayan noong ika-30 ng Disyembre 1896.
At alam din po natin: Ang tapang, ang
kadakilaan, at ang rebolusyon at kasarinlang bunsod nito ay hindi
natatangi sa iisang rehiyon. Dugong Pilipino ang dumanak sa iba’t ibang
panig ng Pilipinas, upang diligan ang adhikain ng nagkakaisang
bansa. Katunayan nga po, dito mismo, ginugunita tuwing ika-4 ng Enero
ang Kinse Martires ng Kabikulan. Matapos dakpin, pahirapan, at hatulan
matapos lamang ang isang araw ng paglilitis, binitay sa Bagumbayan ang
labing-isa sa labinlimang tinaguriang anak ng Bicol, limang araw matapos
barilin si Gat Jose Rizal. At sa apat na natira, dalawa ang namatay sa
kulungan, at dalawa ang ipinatapon sa kulungan sa isla ng Fernando Po sa
Africa at kalauna’y doon na rin namatay.
Malinaw po sa atin ngayon: Ang mga
kaganapan ukol sa inyong Kinse Martires ay nagsilbing mitsa ng
rebolusyon dito sa Kabikulan. Bago ito, hindi pa umaapaw ang pagnanasang
makalaya raw ng mga Bikolano; malayo pa ang mga kaguluhang
nagsisimulang kumulo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ngunit matapos ang
pagpapahirap sa labinlimang Bikolano dahil lamang sa kaba at haka-haka
ng iilang Espanyol noon, hindi na nagawang magtimpi ng taumbayan. Ang
tanong marahil sa puso ng mga Bikolano noon, “Nasaan ang tamang
proseso?” ‘Di po ba’t kahit sinuman ang dakpin at lubos na pahirapan, ay
darating ang puntong mapipilitan siyang sabihin ang anumang naisin ng
nagpapahirap sa kanya?Kung nangyari ito sa kanila—mga pari, guro,
manunulat, abogado, negosyante, at lingkod-bayan—sino ang makakapagsabi
na ang karaniwang tao ay hindi maaaring dakpin, pahirapan, ipatapon,
ikulong, o bitayin nang ganoon na lamang? Kasapi man sila ng Katipunan o
hindi, wasto man ang alegasyon o hindi, hustisya nga po kayang
matatawag ang ginawang pagyurak sa proseso at sa karapatan ng Kinse
Martires?
Napapanahon naman pong balikan ang mga
pangyayaring ito, lalo pa ngayong tinatahak na natin ang landas ng
reporma at tunay na hustisya. Alam naman po natin ang isa sa mga
pinakamainit na isyu ngayon: May ilang prominenteng personalidad nang
sinampahan ng kaso ng Ombudsman ukol sa isyu ng pagkakamkam ng pork
barrel. Ang kanilang sinasabi: Pinupulitika lamang raw sila. Ipaalala
lang po natin: Panahon ng eleksiyon noong 2013 nang unang lumutang ang
balita tungkol sa illegal detention kay Benhur Luy, Marso po, pati na
ang tungkol sa mga pekeng NGO at pambubulsa sa pondo ng bayan. Ibinilin
po natin sa butihing Kalihim Leila de Lima, huwag kang gagawa ng
akusasyon hangga’t walang karampatang patunay.Sinunod natin ang tamang
proseso: Nagsagawa ng imbestigasyon, nangalap at nangangalap pa ng mga
ebidensiya, at ngayon ay nakasampa ng kaso. Puwede naman itong ginawa
noon nang mabilisan at walang matibay na basehan upang masira ang
pangalan ng mga kandidatong dawit sa kontrobersiya, pero, at kayo na po
ang saksi, idinaan natin sa tamang sistema ang pagpapalabas ng
katotohanan. At pagkatapos, tayo pa ngayon ang sinasabihan na
namumulitika? Kayo na hong bahalang magpasya kung sino ang papanigan
niyo sa usaping ito.
Madalas ko nga pong balikan ang sinabi
sa akin noon ng aking ama. Ang sabi niya, “Sa tunay na demokrasya,
obligasyon ng bawat isa na ipaglaban na hindi lang ang karapatan ng
kanilang mga kaibigan, kundi pati na rin ng kanilang mga kalaban. Kung
yoyorakan mo ang karapatan ng sinuman, o kung mayoyorakan ang karapatan
ng sinoman, darating ang panahon na karapatan mo naman ang
babalewalain.” Siya nga po mismo ay nakaranas din ng kawalan ng
hustisya. Isang taon po bago ideklara ang Batas Militar, sinabi na ng
aking ama kay Ginoong Marcos, bilang Punong Ehekutibo na nagparatang sa
kanya, obligasyon niyang iharap ang aking ama sa husgado. Pero nilitis
lang ang aking ama nang ipasailalim ni Ginoong Marcos ang bansa sa
Martial Law. Iniharap sa court martial ang aking ama, kung saan ang
militar ang lilitis sa isang sibilyan. Sa hukumang binubuo ng mga
mahistrado, abugado, at mga testigong itinalaga ng mismong nagsampa ng
kaso na si Ginoong Marcos, pilit na binaluktot ng diktadurya ang
katarungan. Sa madaling salita po, si Ginoong Marcos ang nag-akusa, siya
rin ang naglitis, at siya pa rin ang may kapangyarihan magdesisyon sa
kanila. Kitang-kita po dito kung paano binaluktot ng diktador ang
sistema ng hustisya, upang makuha ang gusto niya.
Ang karanasan nga po ng aming pamilya
ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pakikipaglaban para sa
pagkakapantay-pantay upang mawakasan ang siklo ng kawalang katarungan.
Ngayon nga pong nasa posisyon na ako para maisabuhay ang mga aral na
ito, gagawin ko, at ginagawa ko ang lahat at ginagawa ko ang aking
makakaya upang mabigyan ng hustisya hindi lamang ang iilan, kundi ang
buong sambayanan.
At ito nga po ang aral ng kasaysayan:
Ang mga pangyayari sa isang bahagi ng ating kapuluan ay nakakaapekto sa
kapalaran ng buong bansa; ang paglaban sa pang-aapi, sa katiwalian, o sa
kahirapan sa isang lalawigan ay may ambag sa kabuuang pagbabagong
tinatamasa natin bilang nagkakaisang bayan. Ito rin ang kaisipang
isinasabuhay ng mga proyekto at inisyatiba ng inyong pamahalaan. Nariyan
po ang ipinapatayo nating Bicol International Airport sa Daraga na
magpapasigla sa sektor ng turismo, at magpapaunlad sa ating
pakikipag-ugnayan sa loob at labas ng bansa. Ang panukalang
one-stop Migrants Resource Center naman po dito sa Naga ay bahagi ng
ating agenda upang iangat ang kakayahan ng mga OFW sa iba’t ibang panig
ng daigdig; habang ang extension ng PNR charter na ipinasa ng Kongreso
ay manganganak ng oportunidad, hindi lamang sa mga lalawigang dadaanan
ng riles, kundi sa bawat Pilipino na maaaring makinabang sa mga
pagkakataong bubukas dahil sa mas masiglang ekonomiya.
Ang pagwawaksi sa korupsyon at
pang-aabuso sa sistema saan man sa Pilipinas—sa lokal mano sa mga
pambansang antas—ay magbubunga ng mas matibay na mga institusyong
makapaglilingkod sa bawat Pilipino. Bawat isa sa atin ay mayroong
maiaambag upang hindi masayang ang isinakripisyo ng ating mga ninuno.
Dalawang taon mula ngayon ay kakailanganin na naman nating pumili ng
bagong mga pinuno sa ating bansa. Ang hamon sa atin: Piliin ang mga
kandidatong kayang ipaglaban ang interes ng bawat mamamayan, sa harap ng
anumang hamon. Hindi natin kailangan ng magaling bumigkas ng script,
mahusay sumayaw, o kaya magaling kumanta. Pananagutan nating mag-iwan ng
mas makatarungan at mas maunlad na Pilipinas kaysa atin pong dinatnan.
Sa pag-usad ng kasaysayan,
ipinagtatanggol at patuloy nating nakakamit ang mga adhikain ng ating
mga ninuno: Matapos bumagsak ang Unang Republikang itinaguyod sa
Malolos, nilabanan natin ang iba pang dayuhang sumakop sa bansa.
Bumangon tayo mula sa pinsalang dulot ng digmaan. Tinibag natin ang
diktadurya gamit ang mapayapang rebolusyon noong 1986. Patuloy na
lumitaw ang mga bayani na magtataguyod ng iba’t ibang anyo ng kalayaan
sa maraming bahagi ng bansa: Ang mga marinong nakaistasyon sa Ayungin;
si Jesse Robredo dito sa Naga; ang milyun-milyong Pilipinong nagtipon sa
EDSA. Ito ang isinasabuhay ng mga gurong nagpapatulo ng pawis upang
magabayan ang ating mga mag-aaral; ito ang isinusulong ng mga sundalo at
pulis na nangangalaga sa ating teritoryo at seguridad; ito ang
itinataguyod ng ating mga propesyunal at lingkod-bayan sa kanilang
araw-araw na pagtupad sa kanilang tungkulin.
Bilang mga tagapagmana ng kalayaang
ipinaglaban ng mga nauna sa atin, tungkulin po ng bawat isa sa ating
hindi na hayaang bumalik ang ating bansa sa dati nitong kalagayan; ang
hindi na muling magbunsod ng mga panibagong sakripisyo sa maraming
Pilipino. ‘Di po ba’t nasusukat ang tunay na tagumpay sa pagkamit ng
pagbabago kung hindi na nangangailangan ng mabibigat na sakripisyo?
Ngayong Araw ng Kalayaan, sama-sama po
tayong nagbibigay-pugay sa mga bayaning ipinaglaban ang tama. Gamitin
natin silang inspirasyon sa patuloy nating paglalakbay sa daang matuwid.
Isapuso natin ang iniwan nilang aral: Ang malasakit sa ating kapwa ang
maghahatid sa atin sa mga inaasam-asam natin bilang isang lahi. Sa
ganitong paraan lamang po natin masasabing tunay tayong karapat-dapat sa
kanilang mga sakripisyo; sa ganitong paraan lamang po natin
maitataguyod ang isang Pilipinas na ganap na makatarungan at malaya.
Ulit po, isang magandang umaga po sa lahat, at maraming salamat po.
________________________________________
0 comments:
Post a Comment