Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa insidente sa Mamasapano, Maguindanao
[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan noong ika-28 Enero 2015]
Mga kababayan, Magandang gabi po sa inyong lahat.
Humaharap po ako sa inyo ngayon upang iulat ang ating nalalaman ukol sa nangyari sa Mamasapano, Maguindanao, nitong nakaraang Sabado at Linggo. Ginagawa po natin ito hindi upang pangunahan ang board of inquiry na itinalaga upang tuklasin ang buong katotohanan, kundi dahil karapatan ninyong malaman ang alam natin sa puntong ito.
Noong Sabado ng gabi, ika-24 ng Enero, isang grupo ng mga kasapi ng Special Action Force ng ating Philippine National Police ay tumungo sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao. Ang kanilang misyon, ipatupad ang mga outstanding warrants of arrest sa dalawang notorious na teroristang matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad: Sina Abdul Basit Usman at Zulkipli Bin Hir, alias Abu Marwan. Sa pagtupad ng kanilang tungkulin, 44 sa ating mga pulis ang napatay, habang 16 naman ang sugatan, kabilang na ang 3 sibilyan, ayon sa huling tala ng ating NDRRMC.
Bilang Pangulo, bilang Ama ng Bayan, napakalungkot pong isipin na kinailangang magbuwis ng buhay ng ating kapulisan sa misyong ito. At kung mayroon nga pong depinisyon ang bayani, sila na iyon: Silang mga humarap sa panganib upang pigilan ang banta sa ating kaligtasan; silang mga nasugatan; silang naghandog ng buhay sa ngalan ng kapayapaan. Bilang paggalang sa mga nasawi, magdedeklara tayo ng isang National Day of Mourning bilang sagisag ng pagdadalamhati at pakikiramay ng ating buong bansa.
Hindi po pangkaraniwang kriminal sina Marwan at Usman. Mayroong mahabang listahan ng mga warrant laban sa kanila; kay Usman pa lang po, mayroon nang di-bababa sa walong outstanding warrant, habang may di naman bababa sa dalawa kay Marwan. 2002 po ang isa sa mga pinakamaaga rito, kaya’t ang ibig sabihin, Congressman pa lang ako ay pinaghahanap na sila. Lilinawin ko lang po: Kapag may warrant laban sa isang tao, bawat alagad ng batas ay tungkuling ipatupad ito. Kaya nga po, dati pa, marami nang mga operasyon para madakip o subukang madakip sina Marwan at Usman, pati na ang iba pang terorista, ang isinigawa ng iba’t ibang sangay ng security sector, kabilang na ang AFP, PNP, at NBI.
Hindi sa bawat pagkakataon ay hinihiling nila ang pahintulot ko, dahil impraktikal naman kung hintayin pa nila ang clearance mula sa akin. Ang tungkulin ko: siguruhing ginagampanan nila ang kanilang responsibilidad. May pagkakataon naman pong inaakyat nila sa atin ang sitwasyon para makapagbigay tayo ng payo, tingnan sa malawak na pananaw ang sitwasyon, o ipaliwanag ang maaaring maging implikasyon nito.
Halimbawa po nito ang pagtugon sa rogue MNLF elements sa Zamboanga, ang paghuli sa pinakamatataas sa ating listahan ng Most Wanted Persons, o ang paglusob sa ating mga peacekeeper sa Golan Heights. Sa kaso po ng Golan Heights, hindi naman puwedeng ang battalion commander lamang doon ang magdedesisyon sa kanilang pag-alis. Bilang may pangunahing responsibilidad sa ating ugnayang panlabas, kinailangan tayong abisuhan upang masigurong natututukan pati ang ating mga obligasyon sa United Nations.
Bahagi po si Marwan ng Central Committee ng Jemaah Islamiya, na nagsagawa ng Bali bombing sa Indonesia. Dito, dalawang magkasunod na pagsabog ang nangyari, kaya’t tinamaan pati ang first responders at iba pang hindi umalis. 202 katao ang nasawi dito, at suspek po si Marwan dito. Sa Cagayan de Oro noong 2012, tinangka ni Marwan na gayahin ang modus na ito; nadiskubre ang pangalawang bomba kaya’t hindi ito sumabog, ngunit dalawang katao pa rin po ang nasawi sa pangyayaring ito. May alegasyon na noong 2006, kasama ni Umbra Kato, pinamunuan ni Marwan ang pagtatanim ng bomba upang pagtangkaan ang buhay ng gobernador ng Maguindanao noong panahon na iyon na si Andal Ampatuan. Dahil miyembro si Marwan ng international terrorist networks, na may koneksiyon sa iba pang mga grupong terorista, siya ay may kakayahang kumuha ng kaalaman, kagamitan, salapi, dagdag pa sa paglikha ng safe havens para sa mga kapwa niya terorista. Ito ang dahilan kung kaya’t itinuring siyang pangunahing target ng operasyon. Iniuugnay naman si Usman sa siyam na insidente ng pambobomba sa Mindanao. Siya ang pangunahing akusado sa pambobomba sa General Santos City noong 2002, kung saan 15 ang namatay at 60 ang nasugatan.
Kasama ang isa pang terorista na ang ngalan ay Mawiyah, sina Marwan at Usman ang nagsagawa ng terorismo sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Kilala ring trainer ng paggawa ng bomba ang dalawang ito. May mga ulat pong mayroon silang pagawaan ng mga improvised explosive device, na siya nilang ibinebenta sa mga kapwa nila terorista. Marami na silang nasaktan at napatay, at habang malaya sila, patuloy ang banta laban sa kaligtasan ng ating mamamayan.
Ididiin ko lang po: Sa Article II, Section 4 ng Saligang Batas, nakasaad na “The primary duty of government is to serve and protect the people.” Kaya nga po, nang nalaman ng ating kapulisan ang tutok na lokasyon nina Marwan at Usman, nagdesisyon silang kumilos upang ipatupad ang mga warrant sa mga ito. Actionable intelligence po ang nakalap ng ating mga awtoridad: Hindi lamang rehiyon, o probinsiya, o munisipyo ang natukoy nila, kundi ang mismong mga bahay na pinagtataguan ng dalawa. Kung hindi aaksiyunan ang kaalamang ito, maaaring makatakas sina Marwan at Usman, at kakailanganin na namang simulan ang mahabang proseso ng paghahanap sa kanila.
Pasado alas-4 ng umaga ng Linggo nang umabot ang Special Action Force sa kutang pinagtataguan nina Marwan at Usman. Sa nangyaring engkuwentro, diumano’y napatay ang pangunahing target na si Marwan. Nang marinig ang putukan, nanlaban naman si Usman at ang kanyang mga kasamahan. May mga non-combatants na nakita sa mga tirahan nina Marwan at Usman; kinailangan talagang dikitan sila ng ating mga puwersa para maiwasang madamay ang inosente. Unang inatake ang bahay ni Marwan; rumesponde naman sina Usman at nawala ang element of surprise na siyang magpapahirap na matupad ang kanilang misyon. Kaya naman, minabuti ng SAF na umatras at makipag-rendezvous sa mga kasamahan nilang nagbabantay ng kanilang daraanan papalabas sa lugar ng engkuwentro. Lumalabas pong sa withdrawal na ito nangyari ang pinakamadugong bahagi ng sagupaan.
Gaya po ng marami, may mga katanungan din ako ukol sa insidente, kaya inaasahan natin na mahahanap ng binuong board of inquiry ang katotohanan ukol sa insidenteng ito. Sa mga briefing na ibinigay sa akin ng PNP ukol sa continuing operation laban kina Marwan at Usman, makailang ulit kong idiniin ang pangangailangan ng tama, sapat, at napapanahong koordinasyon. Kumplikado ang sinasabi ngang terrain sa operasyong ito: ‘Yung mismong lupa maputik, may mga swampland, marshes, at kailangang tumawid ng ilog upang marating ang destinasyon ng ating SAF. Maraming mga puwersang nagkalat sa lugar na ito: Nariyan ang BIFF, MILF, at mayroon pang Private Armed Group. Kahit pa ba magkahiwalay na ang MILF at BIFF, marami sa kanila ang magkakamag-anak sa dugo o sa pag-aasawa. Hindi basta-basta maaaring pumasok ang mga estranghero. Kailangang tahimik at dahan-dahan ang pagpasok ng ating mga tropa; kung hindi, maaaring maalerto ang kanilang mga target.
Lalo pa’t dahil hindi kalakihan ang puwersa ng SAF kumpara sa mga nakapaligid na maaaring makialam, mahalagang nakaantabay ang Sandatahang Lakas upang maiposisyon nito ang mga tropa, kasangkapan, at kagamitan tulad ng mga kanyon kung sakaling kailanganin ng suporta ng ating kapulisan. Kailangan po nila ng sapat na panahon upang mailagay ang kanilang puwersa sa kung saan ito pinakamakakatulong. At sa ganitong klaseng bakbakan, kung kakailanganin ng ayuda mula sa Sandatahang Lakas, hindi ora mismo ay makakarating ito, lalo pa’t may iba’t ibang mga tungkulin ang mga kasapi ng 6th Infantry Division na siyang pinakamalapit sa aksiyon.
Sa paulit-ulit kong pagpapaalala sa pangangailangan ng koordinasyon, ang isinagot po sa akin ng direktor ng SAF, “Yes Sir.” Ang sabi lang niya, kailangan din ng operational security, o ang pagsigurong ang dapat lang makaalam ang masasabihan ukol sa operasyon. Gayumpaman, idiniin kong kailangan pa ring ialerto ang ibang mga sangay o ang kanilang mga hepe; kailangan nasa tamang oras ang abiso, at kumpleto ang impormasyon, para makapaghanda nang maayos.
Tanong ko: Bakit at paano nga po kaya nangyari na malapit na sa jump-off o naka-jump-off na, nang sinabihan ang batalyon ng AFP na malapit sa operasyon? Ang problema po dito, nagkalat sa iba’t ibang lugar ang mga sundalong kasapi ng batalyong ito na nagbabantay sa main supply route sa lugar na ito. Sa madaling salita, dikit na sa oras ng engkuwentro ang abiso, at mahirap masabi kung nagkaroon ng sapat na panahon upang ihanda ang ayuda kung kakailanganin. Kung may compliance pong nangyari sa atas kong siguruhing may sapat na koordinasyon, parang sinagad po itong very minimum compliance. Nagulat nga po akong malaman na ang pinuno ng Western Mindanao Command, o maski ng 6th Infantry Division, ay tila naabisuhan lamang matapos ang unang engkuwentro laban kina Marwan at Usman; palabas na ang puwersa ng SAF, at nagkakaroon na ng problema sa puntong ito.
Sa panig naman po ng MILF: Napakalaki na ang mga hakbang na nagawa natin dahil nagtiwala tayo sa isa’t isa. Napatunayan natin na kaya nating magtulungan: Noong 2014, isang Japanese national ang nailigtas sa Maguindanao; sa taon ding iyon, napigilan ang pagpapasabog ng isang bomba sa Maguindanao din. Nabasa ko rin po ang pahayag ni Chairman Al Haj Murad ukol sa insidente sa Mamasapano; magandang unang hakbang ang pagbubuo nila ng isang Special Investigative Commission upang matukoy ang mga detalye at katotohanan ng pangyayari. Inaasahan kong sa lalong madaling panahon, mas kongkretong patunay ng pakikiisa sa paghahabol ng kapayapaan ang ipapakita ng MILF, tungo sa paghahabol ng katotohanan, at sa pagpapanagot sa mga may kasalanan.
Iwasan na rin po sana ng lahat ang pagkakalat ng haka-haka ukol sa mga pangyayari. Ang sabi nga po sa bibliya: The truth shall set us free. Mayroon na pong board of inquiry na itinalaga upang makalap ang buong katotohanan. Abangan na lamang po natin ang resulta nito.
Napakalayo na po ng ating narating tungo sa kapayapaang matagal na nating minimithi para sa Mindanao. Ibayong tiwala po ang ipinamalas ng lahat ng panig upang maabot ang puntong ito. Sa nangyaring insidente sa Mamasapano, mayroon na pong mga nagsasamantala ng trahedya para mabawasan ang tiwala; nais nilang mabigo ang proseso ng pangkapayapaan. Mayroon na nga rin pong nagmumungkahing itigil ang pagsulong ng Bangsamoro Basic Law sa Kamara at Senado.
Hindi po dapat mangyari ito. Nakataya sa batas na ito ang buong peace process. Kung mabibigo ang pagpasa ng batas sa lalong madaling panahon, mabibigo ang peace process, mananatili ang status quo. Kung ganoon, ano pa ba ang aasahan natin kundi pareho ring resulta: Mga taumbayang nawawalan ng pag-asa at namumundok; mga napagkaitan ng hustisya na pinipiling gumawa ng karahasan sa kapwa. Para na po nating tinulungan sina Marwan at Usman na maabot ang kanilang mga layunin. Gusto po ba nating bumalik sa punto kung kailan palaging nakahanda ang mga komunidad na tumakbo sa mga evacuation center, dahil palaging may banta ng putukan? Kung ganoon ang mangyayari, sino ang makikinabang? Kung mabibigo ang prosesong pangkapayapaan, ilang libingan pa kaya ang kakailanganin nating hukayin? Ilang bata pa kaya ang iidolohin ang mga tulad ni Marwan; ilan pa ang gugustuhing maging Usman; ilang inhinyero pa ang pipiling gumawa ng bomba, kaysa magtayo ng gusali?
Isipin din po natin: Ang mga kasapi ng Special Action Force ay nasawi habang tinutupad ang kanilang tungkuling panatilihin ang kaligtasan. Kung hindi magtatagumpay ang prosesong pangkapayapaan; kung babalik tayo sa status quo, o kung lalala pa ang karahasan, di ba’t ito mismo ang kabaliktaran ng kanilang pinagbuwisan ng buhay?
Di po ba: Sa hinaharap nating hamon upang maisulong ang kapayapaan, lalo pa tayong dapat magkapit-bisig, at lalo pa dapat nating ituloy ang mga susunod na hakbang tulad ng pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law; ang pagbubuo ng Bangsamoro Transition Authority; pagpapalawak ng oportunidad sa lahat; at pagwawasto sa sistema ng pulitika kung saan may iilang nakikinabang sa kapahamakan ng napakarami nating kababayan.
Sa mga pamilya naman po ng mga nasawing kasapi ng Special Action Force: Damang-dama ko ang pinagdaraanan ninyong dalamhati. Alam ko ring maaaring may katuwang itong agam-agam para sa inyong kinabukasan, lalo na kung tumatayo na breadwinner ang kaanak ninyong nagsakripisyo para sa operasyong ito. Sinisiguro ko po sa inyo: Ibibigay ng estado ang sagad na maaari nitong ibigay ayon sa mga batas at patakaran. Sa pagkakataon pong ito, diretso kong pinapakiusapan ang publiko na kung puwede po ay magbigay din tayo ng ayuda, at isagad ang pagtulong sa mga pamilya ng nasawi, bilang pagkilala sa kadakilaan ng mga bayaning nag-alay ng buhay tungo sa minimithi nating kapayapaan.
Sa harap ng ating pagluluksa, sa harap ng mga pagnanasa ng ilang bumawi at maghiganti, sa harap ng bantang magiba ang tiwalang pinanday natin sa napakahabang panahon, ngayon, sinusubok ang kakayahan nating magpamalas ng ibayong malasakit sa ating kapwa. Kaya nga po, sa lahat ng kapwa kong nag-aasam ng kapayapaan, mula sa mga mambabatas, sa mga kasapi ng unipormadong hanay, sa mga pinuno at kasapi ng MILF, sa mga kababayan natin sa Bangsamoro, sa bawat disenteng Pilipino: Ipakita natin kung ano ang kayang abutin ng isang bansang binubuklod ng nagkakaisang adhikain. Siguruhin nating hindi masasayang ang sakripisyo ng mga nasawing kasapi ng Special Action Force. Mararating natin ang katarungan, harinawa, sa loob ng tamang proseso, at nang hindi bumibitaw sa mga pangarap nating makamtan ang malawakan at pangmatagalang kapayapaan.
Maraming salamat po, at magandang gabi po sa inyong lahat.
_____________________________________
0 comments:
Post a Comment