From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/02/06/president-aquino-address-to-nation/
Sec. Deles: Best way to disconnect legitimate rebel movements from terrorist groups is thru peace process
links: http://www.gov.ph/2015/02/13/sec-deles-best-way-to-disconnect-legitimate-rebel-movements-from-terrorist-groups-is-thru-peace-process/-----------------------------------
Speech of President Aquino addressing the nation on February 6, 2015
Mensahe
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Para sa sambayanang Pilipino
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Para sa sambayanang Pilipino
[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan noong ika-6 ng Pebrero 2015]
Hindi po madali ang landas tungo sa
kapayapaan. Marami nang Pilipino ang nagbuwis ng buhay para labanan ang
mga nais magpatuloy ang dahas at hidwaan. Ang pinakaayaw magkaroon ng
digmaan ay ang mga pulis at sundalo, dahil sila ang una at pinakamalaki
ang sakripisyo kapag nagkagulo. At bilang Pangulo at Commander-in-Chief,
pasan ko naman po ang responsibilidad para sa anumang resulta, sa
anumang tagumpay, pasakit, o trahedya, na maaari nating matamasa sa
paghahangad ng pangmatagalang seguridad at kapayapaan.
Noong ika-24 ng Enero, nagsagawa ng
operasyon ang ating Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Target nila ang dalawang kilabot na terorista: Pangunahin ang Malaysian
na si Zulkifli Bin Hir, alias Abu Marwan, at si Basit Usman. Tagumpay po
ang operasyon laban kay Marwan.
Mabigat ang naging kapalit ng tagumpay
na ito. 44 na bayani ng Special Action Force ang nagbuwis ng buhay. Sa
mga pamilya ng nasawi: Noong nakaraang Biyernes po, nakiusap akong
makapanayam kayo, at salamat naman at pinagbigyan ninyo ako, sa panahong
puwede ko na kayong makausap nang may dalang sapat na kaalaman sa
nangyari, at mga mungkahi para sa inyong kinabukasan. At gaya po
ng responsibilidad ko sa inyong mga mahal sa buhay, responsibilidad ko
rin kayo; tungkulin kong siguruhing masusuklian nang tama ang sakripisyo
ng inyong mga kaanak. Iyon pa rin po ang panata ko sa inyo: Sa nalalabi
kong labimpitong buwan sa puwesto, ginagawa ko na at gagawin ko pa ang
lahat ng nararapat para tiyaking nasa maayos ang inyong kalagayan.
Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga
anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa
ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga
araw ko ang pangyayaring ito. Responsibilidad ko po sila, kasama ang
buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa
kanila na nalagay din sa panganib ang buhay.
Ang mga teroristang tulad nina Marwan at
Usman ay walang-pakundangan at walang-konsensiyang pumapatay ng mga
inosente, kaya sadyang mapanganib ang tugisin sila. International
terrorist po itong si Marwan, na matagal nang pinaghahanap hindi lang
natin, kundi pati ng ibang bansa. Hindi natin inaasahan na para silang
maamong tupang basta na lang sasama kapag pinakitaan mo ng warrant.
Sa mga operasyong iniuulat sa atin,
parati nating binabalikan ang mga leksiyon o aral na dala nito, lalo na
kung tayo’y nalalagasan ng tropa. Kaya nga po, patuloy ang pagtatanong
ko: Mayroon pa bang maaaring nagawa, para naiwasan sana ang trahedya?
2002 pa po wanted sina Marwan at Usman.
Marami nang operasyon para tugisin sila, bago pa tayo maging Pangulo.
Itong pinakahuling bersiyon ng plano ay makailang ulit na rin pong
in-abort. Tulad ninyo, gusto ko ring malaman ang buong nangyari sa
pagkakataong ito, at buo ang tiwala kong lilitaw ito sa isang masusi at
walang-kinikilingang imbestigasyon ng Board of Inquiry. Inaabangan po
natin ang resulta nito. Pero bilang Pangulo, kasama po sa aking
responsibilidad ang matukoy, ngayon na, ang mga nangyaring mali, upang
maitama agad ito. Tungkulin kong mahanap ang katarungan sa lalong
madaling panahon.
Dahil nga po dito, nagsagawa ako ng
sariling pagsisiyasat at panayam sa mga kasama sa operasyong ito.
Malinaw pong lumalabas: Malayo na ang sitwasyong dinatnan ng mga tropa,
sa inasahan sa plano.
Mulat po dapat dito ang commander ng
operasyon, lalo pa’t matagal siyang nakadestino sa Mindanao. Inaasahan
sa kanya ang tinatawag na situational awareness. Bilang commander, siya
ang nakakaalam ng kabuuang plano, at sa mga panganib na dala nito; siya
ang unang nakakaalam kung naipapatupad ito nang tama. Alam niya dapat
ang nangyayari sa bawat sandali.
Sa ating pag-aaral sa talagang nangyari,
dahil nga malaki na ang ipinagbago ng sitwasyong dinatnan sa inaasahan
na plano, may di-bababa sa tatlong pagkakataon kung kailan maaaring
in-abort o pinagpaliban ang operasyon, o di kaya’y binago nang husto ang
plano. Tumindi pa ang pangangailangang gawin iyon, dahil alam niyang
walang koordinasyon sa inaasahang ayuda, at manipis, kung mayroon man,
ang maitutulong ng Sandatahang Lakas dahil walang sapat na panahon na
makapaghanda.
Bakit nangyaring walang koordinasyon?
Bakit itinuloy ang misyon gayong napakalihis na nito sa orihinal na
plano, at napakalaking peligro na ang kinakaharap ng ating mga tropa?
Iyan po, at marami pang iba, ang mga tanong na bumabagabag sa aking
isip. Magkakaroon po ng pagkakataon ang dating SAF commander na
ipaliwanag ang mga ito sa kanyang pagharap sa kinauukulan.
Naging malaking bahagi din po ng layunin
nating tugisin sina Marwan at Usman ang papel ni General Alan Purisima.
Marami siyang iniambag sa mahabang proseso at maraming operasyon na
pinlano para dito. Hindi rin naman po lingid sa kaalaman ng publiko na
mahaba ang aming pinagdaanan. Noon pong coup d’etat, o iyong attempted
coup d’etat ng 1987, panatag ang loob ko bago kami na-ambush na may
sapat na kakayahan ang aming security personnel. Dahil nga po halos
naubos ang mga kasamahan ko, nayanig ang aking kompiyansa. Si Alan
Purisima po ang nag-design, nagpatupad, nagtrain sa amin ng isang
modified VIP protection course; malaki ang naitulong nito sa
panunumbalik ng aking kompiyansa. Mula noon, hanggang ngayon, marami
kaming pinagdaanan; kasama ko siya sa pakikipagtunggali sa mga
makapangyarihang interes na maaari kaming ipahamak. Noong mga panahong
bahagi ako ng oposisyon, bagama’t peligroso sa kanyang karera ang
pagiging malapit sa akin, hindi po ako iniwan ni Alan.
Kaya nga po, siguro naman ay
maiintindihan ninyo kung bakit masakit para sa akin na aalis siya sa
serbisyo sa ilalim ng ganitong pagkakataon. Tinatanggap ko po, effective
immediately, ang resignation ni General Purisima. At nagpapasalamat ako
sa mahabang panahon ng kanyang paglilingkod bago mangyari ang
trahedyang ito.
Tinitiyak ko naman po sa inyo: Ginagawa
natin ang lahat para malaman ang buong katotohanan. Anumang mabubuong
ulat ay magbibigay sa atin ng mahahalagang aral, upang masigurong hindi
na mauulit pa ang trahedyang ito. Magkakaroon ng mga pagbabago.
Ginagampanan ko, at gagampanan ko pa ang
aking mga tungkulin. Kailangang ibangon muli ang morale ng mga tropa ng
Special Action Force. Kailangang maibalik ang kanilang kalagayan bilang
isang fully operational unit. Bagama’t may gustong gumawa ng hidwaan sa
pagitan ng AFP at PNP, titiyakin nating hindi sila magtatagumpay; hindi
dapat masayang ang napakaganda na nilang ugnayan, na nakikita na natin
na natin sa rescue operations tuwing may kalamidad, o sa iba pang mga
operasyon kung saan magkatuwang silang rumeresponde sa mga banta sa
ating seguridad, tulad ng nangyari sa Zamboanga siege. Alalahanin po
natin, hindi pa tapos ang ating trabaho: Malaya pa si Usman.
Sa mga kasapi at liderato ng MILF: Mula
pa noong umpisa, tinuturing ko kayo bilang mga kapatid sa paghahangad ng
kapayapaan. At hanggang ngayon, umaasa ako na tutulong kayo na hanapin
ang hustisya; kailangang panagutin ang lahat ng may sala, lalo na kung
totoong may mga sugatan at hindi makalaban na tuluyan pa ring pinatay.
Magandang unang hakbang ang pagkilos ninyo upang limitahan ang kilos ng
BIFF.
Ukol naman kay Usman, nais kong
ipahayag: Kung nasa loob siya ng inyong teritoryo o nasa ilalim siya ng
pangangalaga ng sinuman sa inyo, inaasahan kong isusuko ninyo siya sa
mga awtoridad. Kung hindi, ay gawin ang lahat upang tumulong sa pagdakip
sa kanya. At kung hindi pa rin maaari ito, ay huwag makialam sa aming
pag-uusig kay Usman.
Magsilbi sana itong babala at paalala:
Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang
kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago. Walang dapat magduda:
Magkatuwang ang adhikain natin para sa kapayapaan at katarungan. Sa mga
naliligaw naman ng landas, na magtatangka pang humadlang sa pagtugis
namin kay Usman, tandaan na ninyo: Estado ang kalaban ninyo, at
sasagasaan namin kayo.
Sa mga miyembro ng ating unipormadong
hanay: Kasama ninyo kami, sa harap, tabi, o likod man, kung saan ninyo
kami kailangan; anumang hihilingin sa inyo, handa kaming gawin ito
kasama ninyo. Sinisiguro ko sa inyo: Hindi kayo nag-iisa.
Muli po, sa mga pamilya ng nasawing
kasapi ng SAF: Walang salitang sasapat upang ibsan ang sakit ng nawalan.
Sa bawat isa sa inyo, at sa bawat isang nalalagay sa peligro ang buhay,
tulad ng sinabi sa amin ng bayang Pilipino noong kami’y naulila,
sinasabi ko sa inyo ngayon: Hindi rin kayo nag-iisa.
Sa lahat po ng nakikisanib sa atin sa
paghahangad ng kapayapaan: Desidido kaming ituloy ang laban. At gusto ko
rin naman pong sabihin sa mga humaharang sa ating adhikain, lalo na ang
mga gumagamit ng dahas: Itaga ninyo sa bato, lalo pa ninyong madarama
ang pinatalas at pinatinding lakas ng nagkakaisang sambayanang Pilipino.
Manatili sana tayong nakatutok sa ating
pangunahing layunin: Ang malawakan at pangmatagalang kapayapaan. Ito ang
ipinaglaban ng Special Action Force sa Mamasapano. Ito ang patuloy na
ipinaglalaban ng bawat disenteng Pilipinong gustong mag-iwan ng mas
magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon. Sa pamamagitan
ng pagkakaisa at pagtutulungan, matatamo natin ang katarungan,
masusuklian natin ang sakripisyo ng ating kapulisan, at matutupad natin
ang ating kolektibong mga pangarap.
Magandang gabi po, maraming salamat sa inyong lahat.
_______________________________________
GPH Website
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/02/06/president-aquino-address-to-nation/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/02/06/president-aquino-address-to-nation/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment