Friday, May 29, 2015

Speech: President Aquino at the “K to 12, Kayang-kaya, Sama-Sama!” celebration






From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/05/21/family-assessment-for-poverty-reduction-program-on-its-second-round/

Speech: President Aquino at the “K to 12, Kayang-kaya, Sama-Sama!” celebration

File photo


Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Sa pagdiriwang ng “K to 12, Kayang-kaya, Sama-sama!”
[Inihayag sa PICC, Lungsod Pasay, noong ika-29 ng Mayo 2015]

‘Yung kanina hong nagsalitang guro sa Don Alejandro Roces… Tinanong ko tuloy, “Iyan [Alejandro Roces] kaya si Anding Roces?” Oo nga raw, dating kalihim ng Department of Education. Sabi ko, “Kasama ng tatay ko ‘yan noong 1978. Tumakbo sa interim Batasang Pambansa elections. Tumatanda na yata ako’t iyong pinapangalanang mga eskuwela ay mga nakahalubilo ko.” [Tawanan]

Anyway, sabi ni Joel sa akin kanina, mayroon raw ho yatang mga tumututol sa K to 12 na nag-rally kanina. Higit-kumulang raw ho, dalawampu sila pero iyong banner ho raw nila [ay] tiglilima. Kaya gusto kong makita ‘yung mga diyaryo bukas, baka papakitaan tayo ng napakaraming tutol na bandera sa K to 12. ‘Yung tao ho, baka magreklamo ng unfair labor practice dahil limang bandera ang pinatangan sa kanya. [inaudible] Pagdating ng panahon, lahat ng mga tumututol, ‘pag nakita na ‘yung tagumpay, sasabihing kung hindi sa batikos nila [ay] hindi ko napaganda ang K to 12. [Palakpakan] Minsan ho talaga ang mga kritiko natin, sila lang talaga ang anak ng Diyos; sila lang ang magaling. Kaya bahala na ang Diyos sa kanila.

Mga kababayan, ang panata ko po sa ating mga Boss: Sa tuwid na daan, dapat walang maiiwan. Ito po ang dahilan sa pagsusulong natin ng tinatawag na inclusive growth, o ng kaunlarang naaabot ang nakakarami, kung hindi ang lahat. Naniniwala po tayo: Ang pagtutok sa edukasyon ang isa sa pinakamabilis at napakakailangan na paraan upang maisakatuparan ito.

Naaalala ko nga po ang sinabi ng aking ama noong panahong hindi makakita ng liwanag sa kadiliman ng Martial Law; kung kailan hindi po kagandahan ang nakukuhang grado ng paborito nilang anak na lalaki. Sabi po ng aking ama, “Baka ngayon mayaman ka, baka bukas mahirap ka na. Baka ngayon sikat ka, baka bukas laos ka na. Pero kapag natuto ka, sa iyo na ‘yon habambuhay. Hindi kailanman mawawala sa iyo ang mga pinag-aralan mo.”

Ito nga po ang batayang prinsipyo ng itinaguyod nating Enhanced Basic Education Act of 2013 o mas kilala bilang K to 12 Act. Sa sistemang pang-edukasyong ito, tinututukan natin ang pagsasanay ng kabataan, para bigyan sila ng sapat na kakayahang sagarin ang bumubukas na pagkakataon sa bansa, at makaambag sa paglago ng ating ekonomiya.

Layunin po ng K to 12 program na maglatag ng reporma sa kinalakihan nating 10-year basic education cycle. Para po mas madaling intindihin, isipin na lang natin ang mangga: Di po ba, mayroon tayong tinatawag na hinog sa pilit, at mayroon ding hinog sa natural? Ang dating sasampung taon na basic education, puwede nating ituring na kinalburo—pinilit isiksik sa maikling panahon ang lahat ng kailangang matutuhan ng bata. Siguro nga po, sa ilang nakalipas na henerasyon, pupuwede pa ang sampung taon ng pag-aaral. Pero habang umuusad ang panahon, di po ba, mas malawak na ang kaalamang inaasahan sa bawat isa, at kailangan nating makasabay sa pagbabago?

Noong di-hamak na mas bata pa si Secretary Soliman, naalala ko, sabi niya, “You only have to tackle the 4Rs.” Reading, Riting [writing], Rithmetic [arithmetic]… Ano ‘yung pang-apat? Nakalimutan ko na sa tagal ng panahon na iyon. [Tawanan] O, 3R’s na lang raw, puwede na rin ho. [Palakpakan] Ngayon ho, pati ‘yung lola dapat “techie.” ‘Pag kukuha na ng litrato, kailangan marunong mag-selfie.

Alam din po natin: Sa dating sistema, pinagkakasya ang lahat ng dapat malaman, mula Grade 1 hanggang Grade 6; pagdating ng first year high school, kailangang habulin ang hindi kinayang maituro noong elementarya. Ganoon din po sa kolehiyo: Pagtapak ng first year college, kakain na naman ng oras dahil kailangang tapusin ang mga leksiyong di nakumpleto noong high school dahil kinuhanan ng isang taon para punuin ‘yung grade school. Di po ba, kung ikaw ang estudyante, talagang aasim ang mukha mo dahil sa dami ng pilit na isinusubong kaalaman sa iyo, na halos wala ka nang panahong nguyain at namnamin? Ito naman po ang kabaligtaran ng isinusulong nating K to 12 program, kung saan mabibigyan ng sapat na panahong mahinog ang kaalaman na kailangang matutuhan ng kabataan.

Isipin po ninyo: Bago isabatas ang K to 12, isa tayo sa natitirang tatatlong bansa sa buong mundo na may 10 taong basic education. ‘Yung dalawa po, nasa Africa; habang nag-iisa tayo sa Asya. May mga usapin nga po noon: Talagang madedehado ang graduates natin at baka hindi na raw kilalanin ang diploma ng mga Pilipino pagdating sa empleo o sa mas mataas na larangan sa ibang bansa. Mas pipiliin daw kasi nila ang graduates na dumaan sa 12 years na basic education; kung hindi naman, ire-require kang mag-aral pa para maging kuwalipikado sa kanilang pamantayan. At ‘yun po ay nagiging problema ng ating mga manggagawa.

Sa K to 12, pinaiigting ang pagtuturo ng mga batayang kaalaman sa elementarya at junior high school; at sa senior high school, makakapili ng specialized tracks para sa akademya, sa technical and vocational education, pati na sa sports and arts. Sa pamamagitan nito, sinisiguro nating may sapat na dunong na ang ating mga kabataan pagka-graduate ng high school upang mas maging produktibong bahagi ng lipunan.

Kaya naman ang panawagan po natin: Imbes na isiping pabigat ang karagdagang dalawang taon sa paaralan ng ating mga estudyante, ituring po natin itong pagkakataon upang higit nilang mapahusay ang sarili tungo sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Kung makaka-graduate ang mga pinag-aaral natin taglay ang di-hamak na mas mataas na antas ng kaalaman, mas maaayos ding trabaho ang kanilang mapapasukan, na maghahatid sa kanila sa mas maginhawang buhay.

Sa kabila po ng mga naisakatuparan nating mga inisyatiba, batid nating may ilan pa ring nagsasabing hindi po tayo handa. Ito po ang tugon natin sa kanila: Handa na tayo. Bunga ang K to 12 ng ilang taong pagpaplano’t masusing konsultasyon, kasama ang mga katuwang natin sa sektor ng edukasyon. Kabilang po rito ang TESDA, CHED, DOLE, at DTI; mga mambabatas, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang stakeholders.

Naalala ko nga po ang panahong nanunungkulan pa ang aking ina. Isa sa mga ginawa niyang hakbang upang mapalaki ang kita sa mga kanayunan ay ang pagtatayo, o pagtutulong sa pagtatayo, ng mga kooperatiba. Alam po n’yo, para maging epektibo, kakailanganin daw ng dalawang taon para sanayin ang nangangasiwa ng mga proyekto nito.

Ulitin ko lang po ‘yon: Noong panahon ng aking ina, tinuturing na kailangan ng dalawang taon [upang] matuto ang bawat isang masanay na nakikipagtrabaho sa isa’t isa bago bigyan ng proyekto na siyang magkakaroon ng tinatawag nating potensiyal sa [inaudible].

Ang problema po, sabi ng aking Ina, dahil nga nasimot ang pondo noong panahon ng diktadurya, imbis na dalawang taong pagsasanay sa ating mga kasamahan sa kooperatiba, apat na buwan lang ang kakayaning tustusan ng gobyerno. Ang kaibahan po ngayon, dahil sa pagbabagong ating tinatamasa, mayroon na tayong sapat na pondo; mayroon na tayong kakayahang tugunan ang pangangailangan sa sektor ng edukasyon.

Ang mga ipinamana sa ating backlogs ng nakaraang administrasyon, isa-isa na nating natapos sa pangunguna nga po ni Brother Armin. Nandiyan na ang 61.7 million textbooks at 2.5 milyon na upuan, napunuan na natin ito noong 2012 pa. Ang kakulangan namang 66,800 classrooms, naisara na rin natin noong 2013. Ang mga dagdag naman pong pangangailangang kaakibat ng K to 12, tinutugunan na rin natin. Sa katunayan, noong 2014, umabot sa 33,607 classrooms ang naidagdag, ipinapagawa, at nasa proseso ng procurement. Ngayon namang 2015, dagdag pang 31,728 classrooms ang pinondohan nating maipatayo.

Para naman sa mga nag-aalala sa pagbabagong hatid ng K to 12 program, may mga inisyatiba na tayo para tulungan ang mga posibleng maaapektuhan nito. Halimbawa po: Dahil may dagdag na dalawang taon sa basic education, may dalawang taon ding mawawalan ng papasok na estudyante sa kolehiyo. Para po sa mga madi-displace na guro dahil sa pagbabagong ito, pinag-aaralan na natin ang ilang programa para sa inyo. Sa implementasyon ng K to 12, mangangailangan ng di-bababa sa 30,000 guro para sa bagong antas ng Senior High School. Kaya po, ngayon, maaaring gawing opsiyon ng ating mga guro sa kolehiyo ang pagtuturo rito. Sa mga guro naman ng State Universities and Colleges na nais kumuha ng masters at doctoral degrees, alam po natin na ilan sa inyo, o marami sa inyo, naoobligang mag-aral na lang sa pinakamalapit na pamantasan ngunit gustong mag-aral sa ibang mga pamantasan. Gustuhin n’yo mang pumasok sa ibang institusyon, hindi ninyo magawa dahil malayo ito at limitado ang oras ninyo dahil kayo ay nagtuturo. Ngayon po, sa mga gustong tapusin ang degree sa napupusuang pamantasan, maaari pong gamitin ang dalawang taong transition phase sa K to 12 para tuluyang makuha ang kanilang mga inaasam-asam na degree.

Pihado po, lahat ng butil ng sakripisyo natin ngayon—mula sa pakikiisa’t pakikiambag ng mga estudyante, magulang, guro, pinuno at ng iba pang miyembro ng akademya; sa mga kawani ng gobyerno; at sa bawat disenteng Pilipinong naghahangad ng mas maunlad na Pilipinas—lahat ng ipinupunla nating ito, kung atin pang didiligan, ay magbubunga ng positibong transpormasyon, na aanihin ng mga susunod na salinlahi.

Ngayon po, hindi naman natin sinasabing tangan na natin ang perpektong solusyon sa lahat ng problema. Ang atin lang po, mapatibay na ngayon, sa abot ng ating makakaya, ang sistemang pang-edukasyon sa bansa. Ang tanong: Palilipasin na naman ba natin ang maraming taon, at sasabihin sa mga susunod sa ating “Bahala na kayong tugunan ito”? Ika nga po, sinabi noong panahon ng batas militar, tinatanong ang ginigising na mamamayan: Kung hindi ngayon, kailan pa? At kung hindi ikaw, sino pa?”

Mga Boss: Hindi na natin sasayangin ang ginintuang pagkakataong ito. Kayang-kaya nating isulong ang sinimulan nating K to 12 program; sama-sama nating iangat ang antas ng edukasyon sa Pilipinas. Sa ganoong paraan, maging totoo tayo ‘pag sinabi nating inaaruga natin ang susunod na salinlahi.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.



GPH Website

http://www.gov.ph/




Article links:

http://www.gov.ph/2015/05/29/speech-president-aquino-at-the-k-to-12-kayang-kaya-sama-sama-celebration/






OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES

Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights

Home - Human rights Promotions Website

HUMAN RIGHTS PROMOTIONS

PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment