From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/06/12/speech-independence-day/
Speech of President Aquino at the celebration of Independence Day
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan
[Inihayag a Sta. Barbara, Iloilo, noong ika-12 ng Hunyo 2015]
Sa atin pong kasaysayan, madalas na
ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa Maynila. Marami po kasing mga
pangyayari na may kaugnayan sa pagkakamit natin ng kalayaan nana naganap
sa Maynila at sa mga karatig nitong lugar. Bilang Pangulo, tayo naman
po ay umiikot sa bansa, dahil alam nating ang kalayaang tinatamasa natin
ngayon ay bunga ng pagkilos at paglaban ng napakaraming Pilipino,
nasaan man silang bahagi ng Pilipinas. Noon nga pong 2011, nagpunta tayo
sa Kawit, Cavite; sa 2012, sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos,
Bulacan; noong 2013, sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, at nitong
nakaraang taon, nagtungo tayo sa Naga, Camarines Sur. Ngayon po,
nagtitipon tayo dito sa Sta. Barbara, Iloilo bilang pagkilala sa ambag
ng Kabisayaan sa pakikipaglaban para sa kalayaan. Sa susunod pong taon,
balak naman nating tumungo sa isang lalawigan sa Mindanao, upang doon
tumingala sa watawat at magbalik-tanaw sa kabayanihan ng atin pong mga
ninuno.
Tandaan natin: Bilang arkipelago,
hiwa-hiwalay ang isla ng Pilipinas. Noon nga po, limitado ang
transportasyon kaya’t pahirapan ang pagbiyahe kahit sa mga
karatig-bayan; wala ring teknolohiyang nagpapabilis ng komunikasyon. Isa
po ito sa sinasabing dahilan kung bakit hindi nagsabay-sabay ang
maraming pag-aaklas sa unang yugto ng ating rebolusyon. Gayumpaman,
noong 1898, sa kabila ng mga limitasyong ito, nagkaisa ang mga Pilipino
at sabay-sabay ang naging pag-aklas sa Pilipinas. Patunay po ito: Noon
pa man, klaro na sa mga Pilipinong kilalanin kung ano ang tama at mali;
at ang tugon nila dito ay ang manindigan sa panig ng katwiran.
Sa loob nga po ng mahigit 300 taong
pananakop ng mga Kastila, umiral ang sistemang nagdulot ng matinding
pagdurusa sa ating mga kababayan. Nariyan, halimbawa, ang sapilitang
paggawa o polo y servicio; ang pagbabawal sa mga paring Pilipino
na mamuno ng sariling parokya; ang pagmamalupit ng mga guwardiya sibil,
ang walang pakundangang pag-aresto; at pagpapahirap sa mga bilanggo,
gayundin ang laganap na diskriminasyon laban sa mga Pilipino.
Ang mga usapin pong tulad nito ang
ipinaglabang repormahin ng mga propagandistang tulad nina Jose Rizal,
Marcelo H. del Pilar, at ng kapwa ninyo Ilonggo na si Graciano Lopez
Jaena. Ngunit hindi pa rin sila pinakinggan ng pamahalaan. Ang naging
tanong po marahil ng ating mga ninuno: Kalabisan bang mangarap at
humiling ng katarungan at buhay na may dignidad? Kung hindi sila
lalaban, ilang henerasyon pang magpapatuloy ang pagdurusa? Sino pa nga
ba ang maaaring asahan ng Pilipino, kundi kapwa niya Pilipino?
Bunsod nito, sumiklab ang huling yugto
ng ating rebolusyon. Noong 1896, nanguna si Andres Bonifacio sa Maynila,
at Emilio Aguinaldo sa Cavite. Sa Kabisayaan naman, sina Heneral
Francisco del Castillo ng Aklan, Esteban Contreras ng Capiz, Leon Kilat
ng Cebu, at Martin Delgado at Teresa Magbanua ng Iloilo ang namuno sa
laban noong 1897 at 1898. Ang totoo nga po, dito mismo sa Santa Barbara
unang itinaas ang bandila ng Pilipinas sa labas ng Luzon noong ika-17 ng
Nobyembre 1898. Nakaburda sa bandilang iyon ang tatlong bituin: sagisag
ng Luzon, Mindanao, at ang inyong isla ng Panay bilang kinatawan ng
buong Kabisayaan.
Nang itatag naman ang Unang Republika,
kusang nakiisa ang mga kinatawan ng Bisaya dito. Marahil, ito na po ang
kanilang pagkilala sa prinsipyong inilatag ni Apolinario Mabini sa
pagtataguyod ng ating republika, at atin pong inaalala, sabi po niya,
“Kailangan nating humarap sa mga dayuhan bilang isang nagkakaisang
bansa, dahil ito ang pinakamatibay na kalasag laban sa pang-aabuso ng
makapangyarihan.”
Isandaan at labimpitong taon na ang
nakalipas mula nang ideklara ang kalayaan; kalag na po tayo ngayon sa
tanikala ng mga dayuhang mananakop. Sa kabila nito, nariyan naman ang
panibagong hamon na labanan ang katiwalian at kahirapan sa bansa.
Malinaw po: Sa pagbibigkis nananaig ang ating mga bayani sa pagkamit ng
kalayaan, kaya’t sa pagbibigkis din malalampasan ang suliraning ating
hinaharap sa kasalukuyan.
Sinimulan nating bagtasin ang Daang
Matuwid upang maibalik ang pamahalaang tunay na nagsisilbi at
kumakatawan sa adhikain ng sambayanan. Ang panata natin: Walang maiiwan
sa kaunlaran, nasa Luzon man, Visayas o Mindanao; bawat Pilipino,
makikinabang sa tinatamasa nating pag-unlad. Hindi puwedeng aangat lang
ang nasa itaas, habang ang ibaba, napag-iiwanan.
Paano po natin tinutupad ito? Simple
lang po: Pinapalawak natin ang oportunidad, at binibigyang-lakas ang
nakakarami nating kababayan upang sagarin ang pakinabang na dulot nito.
Halimbawa po ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. May cash grant na
ipinagkakaloob sa ating kababayan, kapalit ng mga kondisyong sisiguro na
ang kanilang paghihirap ay hindi na mamanahin ng susunod na henerasyon.
Kabilang sa mga kondisyong ito ang pagsigurong pumapasok sa eskuwela
ang kanilang mga anak. Sa buong bansa, mayroon nang mahigit 4.4 milyong
kabahayan ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya; 904,725 niyan ang nasa
Visayas, at 94,190 naman ang nandito sa Iloilo.
Isa pa pong halimbawa: Alam naman nating
napakalaking tulong sa mga magsasaka ang maayos na sistema ng
irigasyon. Dito po sa inyo, ginagawa na ang Jalaur River Multi-purpose
Project. Malaking proyekto ito na unang naisip noong taon na ako po’y
ipinanganak. Napakatagal po nitong napako sa pangako, pero tayo na rin
po sa Daang Matuwid ang nagpapatupad. Tuloy, di natin maiwasang isipin:
Kung dati, inasikaso na ito, ilang libo na kayang magsasaka ang dapat
sana’y umasenso na?
Nabalitaan na rin siguro ninyo ang
inisyatibang isinulong natin sa mga karatig-bayan ninyong Negros
Oriental at Negros Occidental: Kamakailan lang, pinirmahan natin ang
Executive Order na lumikha ng Negros Island Region, kung saan pinag-isa
na ang mga nabanggit na probinsiya. Isipin po ninyo: ‘yun pong dalawang
probinsyang nasa isang isla, nasa magkabilang rehiyon. Kumbaga, iisang
isla, iisa ang mga problema, iisa ang lumalapag na oportunidad, hahatiin
pa? Sa pagkakaroon ng Negros Island Region, mas magiging tutok na ang
gobyerno sa alokasyon ng pondo sa isang rehiyon. Mas direkta at mas
mabilis na rin silang makikinabang sa mga proyektong ito: Hindi na
kailangang tumawid ng dagat ng mga taga-Negros para makamtan ang mga
serbisyong inilalaan para sa kanila. Ang maganda pa rito, pati ang mga
katabing rehiyon nito na matagal nang kahati ng mga probinsiyang
malayo-layo sa kanila, bibilis na rin ang benepisyong makukuha galing sa
gobyerno, dahil mas magiging tutok na sa mga mamamayan nila ang mga
serbisyo.
Nagkasundo nga po ang lahat ng
stakeholders na makabubuti ang inisyatibang ito sa mas nakakarami.
Dininig natin ang boses ng ating mga Boss, mga kababayan sa nasabing mga
probinsiya—na inihayag ng kanilang mga pinuno mula sa hepe ng mga
barangay pataas sa kanilang mga gobernador, mga kinatawan—at ng mga
kapulungang pangkomersiyo. Kaya nang inilapit sa akin ni Secretary Mar
Roxas ang mungkahi niyang ito, at naisagawa ang mga nararapat na
konsultasyon, agad na natin itong pinirmahan. Alam naman po ninyo, itong
tunay na anak ng Panay island na si Secretary Mar ang nanguna sa
pagsusulong nito. Gaya po ng nabanggit ko na, alam nating kapag inatas
nating pamunuan ng isang Mar Roxas ang isang proyekto o programa, asahan
mong magtatagumpay po ito. [Palakpakan]
Tiwala po ako: Basta’t nananatili tayong
tumatahak sa Daang Matuwid, maipagpapatuloy natin ang pagbabagong ating
tinatamasa sa kasalukuyan. Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya at
sa panahon ng social media, may higit na tayong kakayahan, at mas
malalim na responsibilidad na makiisa sa paghahanap ng solusyon sa ating
mga problema. Sa halip na maging pabigat sa ating kapwa, nawa’y gawin
natin ang lahat, iambag natin ang ating maiaambag sa abot ng ating
makakaya, upang sama-sama nating maiangat ang atin pong minamahal na
bansa.
Nang bumisita po tayo sa bansang Hapon
nitong Hunyo, marami ang nagpahayag ng kanilang paghanga sa mga
repormang naisakatuparan natin sa nakalipas na limang taon. Ngunit
paulit-ulit po ang tanong po nila. Ang ang tanong po’y, “Paano naman
kami makakasiguro na magpapatuloy ito?” Ang tugon ko: Taumbayan ang
bahala; taumbayan ang magpapatuloy ng pagbabagong sila mismo ang gumawa.
Alam nila kung ano ang tama, at kung ano ang mali. Tiwala akong
pipiliin nilang muli ang nararapat na pinuno, lalo pa’t nakikita nila
ang resulta ng ating mabuting pamamahala.
Pinatunayan na po natin ito noong EDSA
1986, at muli nating naisakatuparan noong 2010 kung kailan nagkaisa ang
taumbayang wakasan ang baluktot na kalakaran. Ngayong patapos na ang
ating termino, naaalala ko po ang tanong ng marami noong Martial Law sa
mga nangangambang labanan ang diktadurya: “Kung hindi ngayon, kailan pa?
Kung hindi ikaw, sino pa?”
Buong-buo ang kompiyansa ko:
Maipagpapatuloy ng ating mga Boss ang maganda nating nasimulan. Alam
nating bigyan mo lang ng tamang pagkakataon ang Pilipino, ipapakita niya
ang kagalingan sa lahat ng larangan. Ang panawagan na lang sa atin
ngayon: Manatiling nagbibigkis para itaguyod ang kapakanan ng kapwa,
lalo na ng mas nangangailangan. Nawa’y gawin nating gabay ang nakaraan,
isabuhay ang mga aral na ating natutuhan sa kasalukuyan, upang marating
natin ang inaasam nating patutunguhan.
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/06/12/speech-independence-day/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment