From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/08/07/president-aquino-speech-114th-police-service-anniversary/
Speech of President Aquino at the 114th Police Service anniversary
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa ika-114 Anibersaryo ng Paglilingkod ng Kapulisan
[inihayag sa Camp Crame, Lungsod Quezon noong ika-7 ng Agosto 2015]
Sa huli ko pong SONA, napansin po siguro
ninyo: Isa sa mga ibinida ko ay ang transpormasyong tinatamasa ng ating
pambansang pulisya. Tunay pong umaarangkada ang serbisyong itinataguyod
ng estado para sa kapulisan, na sinusuklian naman ninyo ng ibayong
pagpapakitang-gilas.
Binanggit ko ang Oplan Lambat-Sibat. Sa
inisyatibang ito, napakalaki ng naibaba sa krimen sa National Capital
Region. Ang maganda, halos dalawang linggo pa lang ang nakakalipas,
muling nabawasan ang krimen sa Kamaynilaan. Ayon sa pinakahuling datos:
Mula sa 37 na kaso ng murder at homicide kada linggo sa National Capital
Region mula Enero hanggang Hunyo 2014, bumaba ito sa 21 nitong Hulyo.
Sa robbery, theft, at carnapping naman para sa parehong panahon, mula sa
dating 919 na kaso, 340 na ang lingguhang average pagdating ng Hulyo.
Kamakailan lang, sa ilalim din ng programang ito, naaresto ang 23
kataong sangkot sa gun-for-hire activities, drug trafficking, at
carnapping sa lungsod ng Caloocan. Dahil nga sa positibong resultang
hatid ng Oplan Lambat-Sibat, pinalawak na rin natin ang saklaw nito;
inilunsad na rin natin ito sa Region 3 at 4.
Isang bahagi lang ang Lambat-Sibat sa
malawakan nating estratehiya para sugpuin ang masasamang elemento sa
lipunan. Mula 2010 hanggang nitong Hunyo, halos 163,000 wanted na ang
nahuli; mahigit 1,000 na gang ang na-neutralize, at 29,294 na baril na
walang lisensiya ang nakumpiska sa buong bansa. Patunay ito sa tagumpay
ng isang ahensiyang may maayos na liderato, at nagkakaisang mga
kapulisan. Sa epektibo ninyong pagtatrabaho, marami nating kababayan ang
nailayo sa panganib; maraming komunidad ang nalalagay sa tahimik.
Lalo nga pong pinatitingkad ang
pagdiriwang natin ngayon ng mga indibidwal at tanggapan ng pulisya mula
sa iba’t ibang panig ng bansa. Nariyan ang halimbawang ipinakita ni
Police Chief Inspector Wilfredo Sy. Pinangunahan niya ang pag-aresto sa
most wanted na si Bingbong Kapina na salarin sa karumal-dumal na RCBC
Bank Robbery, at 15 taon nang nagtatago sa batas sa Kabuntalan,
Maguindanao. Instrumental din siya sa pagkakahuli sa high value target
na opisyal ng Abu Sayyaf na si Khair Mundos nitong 2014. Nariyan din si
Police Inspector John Ryan Doceo, pinamunuan niya ang 28 operasyon laban
sa droga na nagresulta sa pagkakahuli ng 75 katao. Kasama na sa
na-neutralize ng kanyang pangkat ang dalawang sindikato ng droga sa
Iloilo; ang Braga Drug Group at Bolivar Drug Group, pati na ang mga
kasabwat nitong mga opisyal ng barangay at kawani ng PDEA.
Ilan lang sila sa ating awardees ngayong
araw. Nagpupugay at nagpapasalamat din tayo sa mga pinarangalan nating
unit ng ating PNP. Kayo, kasama ang iba pa nating magigiting na pulis,
ang dahilan sa nanunumbalik nang kompiyansa ng taumbayan sa ating
pambansang pulisya. Sa ngalan ng sambayanan, maraming salamat sa inyong
dedikasyon sa serbisyo.
Nagpapasalamat din tayo sa huwarang
liderato ni Secretary Mar Roxas sa DILG; palagay ko, kayo na rin ang
sasang-ayon sa mahusay niyang pagtitimon sa ating pambansang pulisya,
pati na rin sa Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management
and Penology. Kung tutuusin, biglaan ang pagkakatalaga natin sa kanya,
bilang kahalili ng pumanaw nating kasamahang si Secretary Jesse Robredo.
Pero malinaw naman: Ipinagpatuloy ni Secretary Mar ang mabubuting
inisyatiba ni Jesse, at talagang nagsilbi siyang tulay para maipatupad
ang mga reporma sa inyong hanay. Ngayon ngang bababa na sa puwesto si
Secretary Mar— upang hindi mahaluan ng politika ang pagpapakitang-gilas
ng DILG at ng ating PNP—tiwala tayong malalim na ang ugat ng ipinunla
niyang mga reporma, na tiyak na yayabong tungo sa higit na pagpapalakas
ng ating kapulisan.
Kay Police Director General Ricardo
Marquez naman: Malaya kang pumili ng mga nais mong makasama sa trabaho.
Gayumpaman, alam kong batid mo ang kaakibat nitong obligasyon, na
siguruhin sa aking nagagawa nila ang sinumpaang tungkulin sa ating mga
Boss.
Sa kabila ng maraming problemang minana
at tinutugunan natin, alam din nating marami pang pagsubok na darating.
Totoo: Hindi na natin maibabalik ang nakalipas, pero di-hamak na mas
maganda kung ayusin na natin ang kasalukuyan, upang talagang mapaganda
ang ating kinabukasan. Ang tanong ko nga: Sino sa inyo ang gustong
magpahirap sa trabaho? Palagay ko po’y wala.
Batid ng nakakarami, lahat ng desisyon
ko ay nagmumula at naaayon kung ano ang higit na makabubuti sa aking mga
Boss—ang taumbayan. Bilang Pangulo, napapadali ang trabaho ko dahil
alam kong hindi ako nag-iisa; nariyan ang nakakaraming Pilipinong
nagsisilbi kong lakas, na talaga namang nakikiisa sa ating agenda ng
reporma.
Tiyak ko: Basta’t gawin lang ninyong mga
alagad ng batas ang tama, ang makatwiran, at ang makabubuti sa
taumbayan, siguradong gagaan ang inyong pasanin, gaano man ito kabigat.
Sa oras ng peligro, kayo ang unang takbuhan ng ating mga kababayan. Kayo
ang tutulong sa kanila kung ano ang dapat gawin; kayo ang reresponde sa
nangangailangan ng saklolo at ayuda. Kung natupad ninyo ang tungkulin
nang mahusay, o higit pa sa inaasahan, siguradong mapapasainyo ang
respeto ng taumbayan. Nagtitiwala silang kayang-kaya n’yo silang
protektahan at pangalagaan. Kaya sa oras na kayo naman ang mangailangan
ng kanilang ambag at tulong sa pagtugis sa kriminal, o sa pagresolba ng
kaso, panatag ang loob nilang makipagtulungan din sa inyo. Di ba’t sa
ganitong ugnayan, dadali ang trabaho ng lahat? Di ba’t lahat panalo?
Malinaw naman: Sa lahat ng pagkakataon,
kailangan ang maigting nating pagkakaisa at pagsunod sa mga patakaran.
Hindi puwedeng kanya-kanya; hindi puwedeng lumihis sa batas o sumuway sa
atas. Kailanman, hindi puwedeng maging optional ang pagtupad sa
kautusan. Kaya ang katumbas na pananagutan para sa pagsuway sa utos,
pinapatunayan nating hindi optional, kundi garantisadong may
kaparusahan. Hindi lang natin huhulihin, kundi sisiguruhin nating
makukulong ang mga nagkasala.
Isipin ninyo: Kung mababalitaan ng ating
mga kababayan ang mga krimeng sangkot o kasabwat mismo ang mga pulis;
kung nagkalat ang mga kotong cop at laganap ang hulidap, tiyak na
maglalaho ang kompiyansa ng publiko sa inyong hanay. Sa ganitong
kalakaran, hinahayaan na rin natin silang magwalang-kibo sa
nasasaksihang krimen, o kaya naman ay pumanig sa mga nagpapanggap na
tagapagtanggol nila. Sa ating pamamahala, tinatapos na natin ang
maliligayang sandali ng mga scalawag sa inyong ahensiya. Desidido tayong
linisin ang inyong hanay, at itira lamang ang mga tunay at tapat na
lingkod-bayan.
Sa kabilang banda, binibigyan natin ng
insentibo ang mga nagpapamalas ng husay at gilas sa serbisyo. Itataguyod
natin ang kultura sa kapulisan kung saan nasa sarili ninyong kamay ang
inyong pag-angat. Ang hangad natin: Kapag may nakitang pulis ang
taumbayan, alam nilang maaasahan kayo, at talagang mapapanatag ang
kanilang kalooban.
Gaya ng sinabi natin sa ating mga
tagapayo kabilang sina Sec. Mar Roxas at Sec. Voltaire Gazmin, pati na
rin ang inyong mga hepe at mga pinuno ng kaugnay na ahensiya: Bukas ako
sa inyong mga mungkahi kung paano mas matutugunan ang mga
pangangailangan ng ating unipormadong hanay para epektibong matugunan
ang inyong mga misyon.
Naalala ko pa noon, may tinatawag na
“pagbili ng rights” sa pag-issue ng mga baril sa ating mga pulis. Ang
tanong ko: “Ano’ng ibig sabihin nito?” Kapag daw pala may magreretiro,
isu-surrender niya ‘yung issued firearm. Kung sino man ang gustong
maibigay sa kanya ‘yung baril na isinauli, kailangan daw bilhin ‘yung
“rights” para sa kanya ma-issue.
Isa pa: Noon din daw, para makapasok sa
serbisyo, may mga kailangan pang mangutang para matustusan ang lahat ng
alituntunin para magpulis. Sinisiguro natin: Ngayon, wala nang ganitong
sistema ngayon; hindi natin hahayaang manatili ang ganitong kalakaran
kung saan naisasantabi ang ating kapulisan at ang mismong pulis ang
naaapi.
Sa pagpapakitang-gilas ngayon ng PNP,
talagang lalo tayong nagiging determinado na ipagpatuloy ang serbisyo at
paghahatid ng benepisyo sa inyong hanay. Bilang Pangulo, ibinibigay ko
ang dapat lamang mapunta sa inyo. Nabanggit ko na noong SONA: Sa unang
pagkakataon sa ating kasaysayan, nakamit natin ang 1:1 police-to-pistol
ratio. Ngayon, ginagamit na ninyo ang Crime Incident Recording System,
kung saan mas detalyado at mas mahusay nang itinatala ang mga krimen.
Nariyan din ang pag-install ng daan-daang CCTV cameras sa iba’t ibang
lugar sa National Capital Region na madalas pangyarihan ng krimen. Gamit
ang makabagong sistema at mga kagamitang ito, namomonitor ang galaw ng
masasamang loob, at mabilis na nakakaresponde ang ating kapulisan.
Ilan naman po sa halimbawa ng
isinusulong nating modernisasyon ang inaprubahan nating pag-procure ng
kabuuang 2,523 patrol jeeps, 577 utility vehicles, 5,736 motorcycles,
29,266 handheld radios, at 3,328 investigative kits. Bukod sa
pagpapalakas pa ng puwersa at pagpapaunlad sa kakayahan ng inyong hanay,
tinututukan din natin ang inyong mga personal na pangangailangan. Halos
25,000 na ang inilaan nating housing units para sa mga kuwalipikadong
kawani ng PNP. Gayundin, inaasikaso natin ang mga hakbang, gaya ng
pagsasaayos sa inyong pensiyon, upang masiguro ang kapakanan ninyo kahit
sa panahong wala na kayo sa serbisyo. Nakita naman po natin na
karapat-dapat lamang sa mga benepisyong ito ang mga nagmamalasakit sa
bayan. Kung mananatili ang mataas ninyong morale sa serbisyo, pihado
namang mapapanatili, kundi man mahihigitan, ang nakamit na ninyong mga
tagumpay.
Ngayong nalalapit na ang halalan, muli
na namang susukatin ang de-kalidad na serbisyo nating mga pulis. Ang
hamon at atas ko sa inyo: Siguraduhin na patas, payapa at makatarungan
ang magiging pagpili ng susunod na pinuno ng ating mga Boss. Pinaigting
na natin ang ating pagkilos upang mabuwag ang Private Armed Groups, at
iba pang banta para lang gamitin ang halalan sa kanilang pansariling
interes. Alam kong patuloy lang ninyong tutuparin ang inyong trabaho; na
wala kayong kikilingang partido o ilang panig na inuuna ang agendang
pansarili, kaysa kapakanan ng nakakarami. Hindi nga po natin hahayaang
gamitin at pagsamantalahan ng iba ang mga isyung hinaharap ng bansa;
silang mas pipiling yurakan at sirain ang ating pagkakaisa para muling
maghari-harian sa poder. Alam kong patuloy ninyong tatahakin ang landas
na makatwiran at makakabuti sa ating mga Boss.
Wala na pong isang taon ang nalalabi sa
aking termino. Simple lang ang hangad ko sa pagbaba sa puwesto: ang iwan
ang hanay ng ating kapulisang talagang kabahagi ng lipunang mas patas,
mas payapa, at mas maunlad. Sadyang napakahalaga ng papel ninyo sa
pagtataguyod, hindi lang ng dangal at kapakanan ng kapulisan, kundi ng
buong sambayanan.
Nawa’y magkaroon kayo ng iisang tinig, at isang hanay
kayong kumumpas tungo sa inaasam natin para sa Pambansang Pulisya: Na
kapag sinabing PNP, walang ibang masasabi kundi, ito ang hanay na
tinutumbasan ng serbisyo ang pagkalinga ng estado; ang hanay na
ipinagtatanggol ang mga nasa tama, at hindi tinatantanan ang masasamang
elemento; ang hanay na buong-tapang, buong-lakas, at buong-loob na
naglilingkod sa sambayanan.
Sa bawat pagkakataon, itaguyod ninyo ang
isang PNP na laging tumototoo sa kapwa, sinasagad ang kakayahan para
itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino, ngayon at ng mga susunod pang
henerasyon.
Maraming salamat. Maligayang anibersaryo sa atin pong buong kapulisan.
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/08/07/president-aquino-speech-114th-police-service-anniversary/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment