Saturday, October 3, 2015

Speech of President Aquino during the groundbreaking of the new SC complex




From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:
  http://www.gov.ph/2015/10/02/speech-president-aquino-signing-groundbreaking-new-sc-complex/

Speech of President Aquino during the groundbreaking of the new SC complex

The President leads the ceremonial contract signing and groundbreaking of the new Supreme Court Complex at the Bonifacio Global City, Taguig City. Also in photo are SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno and Bases Conversion and Development Authority president Arnel Casanova. (Photo by Lauro Montellano, Jr. of the Malacañang Photo Bureau)


Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas sa seremonyal na paglagda ng kontrata at pagpapasinaya ng pagtatayo ng bagong complex ng Korte Suprema

[Inihayag sa Bonifacio Global City, Lungsod Taguig noong ika-2 ng Oktubre 2015]

Umpisahan ko ho itong talumpati sa isang pagbati para sa naging pasya ng hukuman sa kaso ng namayapang Congressman Chito Bersamin. Dati ko po siyang kasamahan sa Kongreso, at talagang natuwa ako nang nabalitaang nagkaroon na ng resolusyon ang kaso. Matapos nga po ang siyam na taon, sa wakas, ay nakamit na ni Chito at ng kanyang pamilya ang tunay na katarungan.

At sa araw pong ito, nasaksihan natin ang makasaysayang groundbreaking ng itatayong bagong Supreme Court Complex. Ang sabi sa akin: Bago pa raw mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig huling nagkaroon ng sariling gusali ang Supreme Court, nang ipagkaloob dito ang tinatawag na Ayuntamiento sa Maynila. Matapos naman ng giyera, inilipat ang Mataas na Hukuman sa Mabini Hall sa Malacañang, bago ipamana sa Supreme Court ang dating DFA building na siya namang lumang library ng U.P.

Naaalala ko nga po, noong hindi pa ako Pangulo, minsan kong binisita ang tanggapan ni Justice Antonio Eduardo Nachura sa Padre Faura. Nasa second floor ho iyon; sa ilalim noon ay parang may tambakan ng papel, may garahe, at sa tabi naman ng opisina ay canteen ng Supreme Court. Parang di angkop bilang tanggapan ng isang mahistrado. Nakakagulat pang di nakakabit sa main building ang kanyang opisina. Nagtaka rin po ako noon kung bakit may elevated walkway sa loob ng Korte Suprema. Di ho ba, hindi ko na ho babanggitin kung saan may kadalasang elevated walkway. Karugtong na daanan pala iyon papuntang U.P. campus.

Ito nga po ang naging kalagayan ng kasalukuyan ninyong Supreme Court Complex. Batid nga po natin ang mga naging kakulangan sa physical structure: Pangunahin dito, limitado ang espasyo sa Padre Faura. Tuloy, apektado ang inyong serbisyo at mga operasyon. Halimbawa, gaya po ng nabanggit, ‘yung docketing office kung saan naghahain ng kaso, at ‘yung cashier office para sa court fees, ay nasa magkaibang compound pa. Kulang din ang office area para sa mga empleado at abogado, at wala ring lugar sa Supreme Court Complex para sa mga training at kumperensiya ng ating mga hukom at legal experts. Ngayon ho, lahat ng problemang ito, matutugunan ng itatayong bago at modernong SC Complex. Sa unang pagkakataon sa loob ng pitong dekada, tuluyan nang magkakaroon ng sariling tahanan ang ating Korte Suprema.
Ang maganda nga po rito: Dahil batay sa green building principles ang disenyo ng ipapagawang gusali, inaasahang aabot sa P65.78 million kada taon ang matitipid sa maintenance at utility expenses nito. Dahil din dito, maibabalik na rin sa University of the Philippines ang ilan sa kanilang mga gusali.

Siyempre, naging posible ang lahat ng ito dahil sa maayos na pagpaplano at ugnayan ng Ehekutibo, Hudikatura, at Lehislatura. Talaga naman pong makabuluhan ang okasyong ito, dahil binubuksan nito ang bagong kabanata sa ating pag-uugnayan. At idagdag ko na rin: talagang tangan ninyo ang suporta ng Ehekutibo at Lehislatura; halimbawa nito ang inaasahang higit na pagdoble ng inyong budget mula sa P12.66 billion noong 2010 patungong P25.89 billion para sa 2016, na tiwala akong magagamit n’yo upang mas mapaglingkuran ang ating mga mamamayan. [Palakpakan]

Patunay nga ang itatayong SC Complex na ito na basta’t may lehitimong pangangailangan, basta’t makabuluhan ang patutunguhan, isasagad natin ang ating kakayahan upang tugunan ito. Sa ganito pong paraan, mapapatibay natin ang ating mga institusyon, at magiging mas epektibo ang paglilingkod sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino.

Sa gabay naman ng itinalaga nating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, kumpiyansa tayong isusulong niya nang husto ang reporma sa inyong sangay sa mahabang panahong maglilingkod siya. At kung totoong may subspecialty kung paanong nade-delay ang mga proceeding, ang Hudikatura naman ngayon, talagang gumagawa ng paraan para labanan ito. Nariyan, halimbawa, ang inyong “Hustisyeah”, ang automated hearings, at e-courts para pabilisin ang pangangasiwa sa mga kaso, pati na rin ang mga inisyatibang gaya ng e-subpoena sa ilalim ng ating Justice Zone, na sinimulan kasama ng ating DILG at DOJ.

Simple lang naman ang inaasahan ng ating mga Boss mula sa ating mga lingkod-bayan: imbes na “just-tiis,” isulong natin ang totoong justice. Kaya naman lulubusin ko na ang pagkakataong makaharap kayo ngayon, at ilapit sa inyo ang isang usapin.

Sa inyo hong mas aral sa batas: di po ba may batas tayong pagdating sa pagtatayo ng mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno, kailangang merong deposito para sa amilyar ng lupang na-expropriate? Kapag nagawa ito, ayon sa batas, dapat ay maglalabas agad ang korte ng Writ of Possession, na nagsasabing ang gobyerno na ang may karapatang gumamit sa lupa at puwede nang ituloy ang proyekto.

Ngayon po, ipinapaabot sa atin ng butihing Secretary Babes Singson ang isa sa mga dahilan ng aberya sa implementasyon ng ilang proyekto. Kahit raw nakapagdeposito na ang DPWH ng halagang naaayon sa batas, di agad naglalabas ang korte ng Writ of Possession. May mga pagkakataong naaantala pa ang mga proyekto dahil kailangan daw ng determination of just compensation. Idudulog ko po: Sana agad nating matutukan ang paglalabas ng desisyon sa ganitong mga isyu. Malinaw naman po sa batas ang karapatan ng gobyernong ituloy ang proyekto kahit hindi pa natatapos ang pagdinig ng korte sa usapin ng tamang kabayaran.

Sa pagkakaunawa ko rin po, sinasabi ng batas na bawal sumailalim sa TRO ang mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno. Pero tingnan na lang natin ang nangyari sa sitwasyon ng isa nating expressway, kung saan naipit ang proyekto dahil di agad naglabas ng Writ of Possession ang hukuman. Kapag iniisip ko: dahil naantala ng ganitong mga hearing ang proyekto, para na ring na-TRO po ito. Dito ko nga po naaalala yung minsang sinabi sa akin ng aking mga abogado: Noong nag-aaral pa daw sila ng abogasya sa kursong “Introduction to Law”, ang sabi sa kanila, may dalawang klase raw ng abogado: “Those who know the law,” at “Those who know the judge.” [Tawanan]

Sa tingin ko, lahat naman tayo rito, sasang-ayon: Sa tuwing nauudlot ang makabuluhang proyekto ng gobyerno, nauudlot din ang benepisyo para sa karaniwang Pilipino. Bukod rito, dahil delayed ang proyekto, tataas rin ang gastusin; ang dagdag na ginugol dito, puwede sanang nailaan para pondohan ang ibang serbisyo. Lahat nga po tayong naglilingkod sa ating mga Boss, dapat walang ibang tinututukan kundi ang ikagaganda ng kalagayan ng sambayanan.

Ang sa akin po, kapag binalikan natin ang Saligang Batas, mababatid natin ang layunin ng mga bumalangkas nito. Kung may maimumungkahi nga po ako: Marapat lang na nakatutok tayo sa paghahatid ng katarungan sa tama at pinakamabilis na paraan. At ito nga po’y ginagawa na sa ilalim ni Chief Justice Sereno. Bilang namumuno sa Hudikatura, nasa inyong mga kamay ang pangunguna sa adhikaing ito. Alam naman natin, ayon nga po sa kasabihan: “Justice delayed is justice denied.”

Gusto ko nga pong idiin ang sinasabi ng Saligang Batas: Ayon ho sa Article VIII, Section 1: “The judicial power shall be vested in one Supreme Court and in such lower courts as may be established by law.” Samantalang sinasabi naman sa Section 15, subsection 1 ng parehong Artikulo: “All cases or matters filed after the effectivity of this Constitution must be decided or resolved within twenty-four months from date of submission for the Supreme Court…”

Bakit ko po sinipi ang mga bahaging ito ng ating Konstitusyon? Moderno at dekalidad nga ho itong itatayong bagong complex ninyo, at makabago ang mga kagamitang ilalagay dito. Pero para sa akin, ang pinakamahalagang bahagi nito ay ang mga magtatrabaho rito. Lahat ng magiging kasangkapan sa bago ninyong gusali, makakatulong sa pagtupad ng inyong mandato, pero nasa sa inyo pa rin kung isusulong ninyo ang tama at makatwiran.

Bilang mga inaasahang magtataguyod sa interes ng Pilipino, tanungin sana natin ang ating mga sarili: Nagagawa ko ba ang tama para sa sambayanan o may ginagawa lang ako para masabing tinutupad ko ang tungkulin ko? Itong gagawin ko, sigurado bang makakabuti para sa aking mga Boss, at totoo bang maghahatid ito ng katarungan?

Ibabahagi ko lang ho: nang namatay ang aming ina, silang kontra sa ipinaglalaban niya ang agad-agad na nagmungkahing patayuan siya ng monumento. Agaran pong sumagi sa isip ko noon: Ganoon na lang ba iyon, “Konting bato, konting semento, monumento”? Hindi ba’t walang katuturan ang ganoong hakbang kung taliwas naman ang prinsipyong kanilang ipinaglalaban?

Sandali na lang ho ang aking termino—masasabi nating nasa huling sampung porsiyento na lang ako sa panahong ipinagkaloob sa akin para maglingkod bilang Pangulo. Ipinangako ko ang “judicial reform,” at talagang ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para tuparin ito. Pero malinaw namang di ko kayang gawin ang lahat, at di ko tangan ang lahat ng susi para gawing mas episyente ang ating sistemang pangkatarungan.

Sa totoo lang, kayo po ang mga dalubhasa sa batas—at ang panawagan ko: Balikan ninyo ang mabibigat at kontrobersiyal na isyung kinaharap ng Hudikatura, gaya ng mga panahong naging kataka-taka ang posisyon ng isa o iilang mahistrado, kung kailan biglang nagbago ang pananaw ng Korte sa mahahalagang usapin, o tila nagkaroon ng judicial legislation. Batid kong may mga hakbang na kayong ginagawa para lalong patatagin at isulong ang positibong transpormasyon sa inyong institusyon. Kaisa ninyo ako at ang Ehekutibo sa hangaring ito.

Sa tingin ko, kung hangad natin ang pagbabago, dapat lalo pa tayong maging gigil na gigil na kumilos para rito—lalo pa dapat mag-alab ang pagnanais nating gawing mas patas at makatarungan ang ating lipunan. Di ba’t napakagandang isipin: Sa ating pagreretiro, kapag nagbalik-tanaw tayo, talagang masasabi nating, “Malaki ang naiambag ko; hindi ko ipinagpatuloy ang dinatnan kong status quo”?

Idiin ko po: Sa pagkakaisa, tiyak na maipapamana natin sa susunod na salinlahi ang isang Pilipinas na di-hamak na mas maganda kaysa sa ating dinatnan; isang bansa kung saan talagang namamayani ang hustisya at patas ang pagkakataon para sa bawat Pilipino; isang lipunan kung saan masasabi nating ang mga problemang ating kinakaharap ay di na kailangang danasin pa ng mga susunod sa atin.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.


GPH Website

http://www.gov.ph/




Article links:

http://www.gov.ph/2015/10/02/speech-president-aquino-signing-groundbreaking-new-sc-complex/





OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights

Home - Human rights Promotions Website

HUMAN RIGHTS PROMOTIONS

PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment