Friday, January 1, 2016

President Benigno S. Aquino III’s New Year’s Message December 31, 2015


From the Website of the President

President Benigno S. Aquino III’s New Year’s Message December 31, 2015
 
Ito na nga po ang huling bagong taon na ipagdiriwang ng ating administrasyon. At tuwing bagong taon, binabalikan natin ang taong nakalipas na taon; ang mga hinarap nating hamon at ang mga nakamit nating tagumpay. Hayaan niyo po sanang ibuod ko ang positibong resulta ng ating pagtahak sa Daang Matuwid. 

Malinaw po: Nasa punto tayo kung saan napakalaki na ng pagbabago sa bansa. Makikita ito sa mga sumusunod: Sa mabuting pamamahala, umaangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Ayon nga sa inisyal na pag-aaral ng DSWD, 1.5 million na kabahayan o 7.5 million na Pilipino ang naka-alpas na sa tinatawag na poverty line, dahil sa Pantawid Pamilya. Naitala natin ang unemployment rate na 5.7 percent nitong Oktubre— ito po ang pinakamababa sa nakalipas na huling dekada. Inaasahan po nating lalo pang gaganda ang estatiskang ito dahil sa pinagsanib na gawain ng DepEd, Ched, TESDA, at DOLE.

Ang imprastrakturang ilang dekadang inabangan dati pero hindi natupad, ngayon ay isa-isa nang binubuksan o tinatapos. Tuloy-tuloy ang modernisasyon ng ating unipormadong hanay—sila ang kadalasang first responder sa karahasang dulot ng tao o ng kalikasan. Mula sa pagpapaunlad ng kanilang sandata, kagamitan, pagsasanay, hanggang sa programang pangkabuhayan, inaaruga ng gobyerno ang nagmamasalakit sa bayan.

Patunay rin sa pagbabago ang kaliwa’t kanang testimonya ng ating mga kababayan kung paano sila natulungan ng Daang Matuwid. Ngayon, nakakapagpagamot na ang mahihirap nating kababayan, nang wala kailangang bayaran; ang ating mga pulis at sundalo, may higit nang kakayahang tuparin ang kanilang tungkulin. Nariyan din ang mga estudyanteng nakatuloy ng pag-aaral at nagkaroon ng liwanag ang kinabukasan sa tulong ng Pantawid Pamilya, at ang bawat Pilipinong nabibigyan ng disenteng trabaho at pagkakataong umasenso sa ating bansa. 

Ilan lang po ang mga ito sa malawakang transpormasyong nangyayari na sa ating lipunan. Ang talagang hindi na lang nakakakita nito, ay yung mga nagtatakip ng mata at tenga dahil gusto nilang masabing wala silang nakita o narinig na pagbabago. Ipagdasal na lang po natin sila.

Ako naman po’y wala pang katuwang sa buhay o anak na kailangang asikasuhin. Ngunit ako po’y tinaguriang Ama ng bayan, kaya ang tanging tutok ko ay ang trabaho bilang Punong Ehekutibo, na tulungan ang sambayanang Pilipino.
Ako poy’ nagbitaw ng panata: ang iiwan ang ating bansa sa di hamak na mas magandang kalagayan kumpara sa sa ating dinatnan. Sa parehas namang batayan at sukatan, malayo na talaga ang ating narating. 

Ang lahat may hangganan. Sa Hunyo, bababa na ako sa puwesto. Siguro ho, kakuntentuhan ko na sa buhay na patuloy ninyo akong sinusuportahan, pinagkakatiwalaan at sinasamahan. Sa oras pong tawagin na ako ng Maykapal, maipagmamalaki kong ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang maglingkod sa aking mga Boss at talaga naman pong nakikita natin ang magagandang bunga nito. 

Tandaan po natin: Hindi nangyari ang tinatamasa nating transpormasyon kung hindi tayo nagsakripisyo at nagtrabaho. Napakahalaga ng magiging desisyon ninyo sa darating na Mayo, kung saan haharap tayong muli sa sangandaan. Pipiliin ba natin ang pinunong magpapa-arangkada sa ating mga nasimulan o iyong ibabalik lang tayo sa ating pinanggalingan?
Ngayon at sa mga susunod pang henerasyon, nawa’y patuloy nating isabuhay ang dakilang aral ng ating Panginoon: ang laging pumanig sa tama at makatwiran, ang magmahalan at magmalasakit sa kapwa. Sa ating pagkakaisa, sa gabay at pag-ibig ng Diyos, tiyak pong mas malayo pa ang ating mararating.

Talaga naman pong isang karangalan ang paglingkuran ang aking mga Boss—ang sambayanang Pilipino, na sama-samang humahakbang tungo mas payapa at mas maunlad na kinabukasan. Isang ligtas at masaganang bagong taon po sa inyong lahat.


Office of the President Website

http://president.gov.ph/



Article links: 





PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

------------------------------------------------------------------------------------------------
-----------------------------------------------------------------------
----
-------------------------------

0 comments:

Post a Comment