Friday, May 17, 2013

President Aquino signs K to 12 into law


From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2013/05/15/president-aquino-signs-k-to-12-into-law/

President Aquino signs K to 12 into law

A May 15, 2013, press release from the Department of Education

President Benigno S. Aquino III signed today the K to 12 law, a landmark piece of legislation that institutionalizes 12 years of basic education, making it responsive to global educational standards. The law, which introduces two additional years in secondary education and makes Kindergarten mandatory among five-year olds, is expected to give graduates better choices in the field of work or further education.

“[Sa K-12] tinitiyak nating sapat at kapaki-pakinabang ang kasanayang naibabahagi sa ating mga mag-aaral,” said the President. [With K-12 we are making sure that adequate and useful skills are being imparted to our students.] The additional two years after fourth year high school are intended to further hone the skills and talents of students for their chosen career path in arts and sports, technical vocational, entrepreneurship or tertiary education.

Secretary of Education Armin A. Luistro, for his part, expressed gratitude to all sectors that helped shepherd the bill into law. “We are particularly grateful to the members of Congress, government agencies, the working groups, and other individuals who share with us the vision of a relevant, responsive and truly 21st century education.”

DepEd is currently preparing for the full implementation of K to 12 in 2016. In school year 2012-2013, the curriculum for Grades 1 and 7 was rolled out. By June of this year (school year 2013-2014), the curriculum for Grades 2 and 8 will be introduced.





----------------------------------------------------




Speech of President Aquino at the signing of the Enhanced Basic Education Act of 2013, May 15, 2013

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglagda ng Enhanced Basic Education Act of 2013

[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan, Maynila, noong ika-15 ng Mayo 2013]

Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat, lalo na sa mga mag-aaral na nadagdagan ng two years. [Laughter] Pumapalakpak pa naman kayo, kaya nga naiintindihan n’yo yata ang ginagawa natin.

Magandang umaga, lalong-lalo na sa inyo. Magandang umaga po sa lahat.

Speaker Sonny Belmonte; His Excellency Jorge Domecq, Ambassador of Spain; Executive Secretary Paquito Ochoa; Secretary Armin Luistro; Senator Frank Drilon; Senator Ralph Recto; Representative Sandy Ocampo; Representative and Majority Floor Leader Boyet Gonzales; Representative, soon to be senator,  Sonny Angara; Representative Jun Piamonte; other members of the Cabinet present; other members of the House of Representatives present; development partners, the steering committee and technical working group of the K to 12; elementary and high school students present, and their teachers; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen:
Again, good morning.

Nagtitipon po tayo ngayon upang saksihan ang isa na namang makasaysayang araw sa ating bansa—ang paglagda natin sa batas na magsisilbing pundasyon para sa mas maaliwalas na bukas ng bawat kabataang Pilipino: ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o mas kilala bilang ang K to 12 Act.

Dahil na rin sa tiwala ng sambayanan, matagumpay nating nakamit ang adhikang magkaroon ng isang sistemang pang-edukasyon na tunay na pumapanday sa kakayahan ng ating mga kabataan, at naglalapit sa kanila tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap.

Malinaw ang batayang prinsipyo ng batas na ito: karapatan ng bawat Pilipinong mamuhay nang marangal; tungkulin naman ng estadong siguruhing may patas na oportunidad ang ating mamamayan, lalo na ang pinakamahihirap nating kababayan. At isang matatag na haligi ng kanilang pag-ahon ang pagkakaroon ng mataas na antas ng edukasyon. Sa pagsasabatas ng K to 12, hindi lang tayo nagdaragdag ng dalawang taon para sa higit pang pagsasanay ng ating mga mag-aaral; tinitiyak din nating talagang nabibigyang-lakas ang susunod na henerasyon na makiambag sa pagpapalago ng ating ekonomiya at lipunan.

Mulat po tayo sa mga kakulangan ng kinalakihan nating ten-year basic education cycle. Bukod sa lugi ang ating mga mag-aaral sa bilang ng taon para lubusang maunawaan ang kanilang mga leksyon, puwersado pa silang makipagkompetensya sa mga graduate mula sa ibang bansa na ‘di hamak na mas matagal at mas malalim ang naging pagsasanay. Kung sa basic education pa lang, dehado na ang ating kabataan, paano pa sila makikipagsabayan para sa empleyo at ibang mas mataas na larangan?

Kaya naman, mula sa pagtatatag ng universal kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan, hanggang sa pagtuturo ng mga batayang aralin gamit ang mother tongue sa unang tatlong taon sa elementarya, at maging sa higit pang paglinang sa kaalaman sa Filipino, Ingles, Matematika, at Agham ng ating kabataan sa junior high school, tinitiyak nating sapat at kapaki-pakinabang ang kasanayang naibabahagi sa ating mga mag-aaral. Sa pagkakaroon naman ng senior high school kung saan makakapili ang kabataang Pilipino ng specialized tracks para sa akademya, technical education, at sports and arts, ginagarantiya nating talagang handa silang humakbang para abutin ang kanilang mga mithiin.

Totoo po: hindi nalilihis ang tutok natin sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon. Mula nang tayo’y manungkulan, taon-taon nating inaangat ang budget ng basic education. Sa katunayan mula sa mahigit 161 billion pesos na budget noong 2010, naitaas na natin ito sa mahigit 232 billion pesos ngayong 2013.

Sa Technical Education naman, nariyan ang Industry Based Training for Work Scholarship Program ng TESDA, na may higit sa 150,900 scholars nang hinasa at natulungan sa pamumuno ni Joel Villanueva, at habang nagawa niya iyon kaya pa niyang nakangiti—dadagdagan pa natin iyan, Joel. [Laughter] Samantala, para sa ating mga state universities and colleges, umaarangkada na ang Public Higher Education Roadmap ng CHED na ang isa sa mga layunin ay paunlarin ang mga pasilidad panturo ng ating mga State Universities and Colleges. Saludo po tayo kina Secretary Joel Villanueva ng TESDA at Secretary Patricia Licuanan ng CHED para sa kanilang di-matatawarang pagsisikap para palakasin ang technical at higher education sa ating bansa.

Siyempre, nariyan din po ang maaasahang pamumuno ni Bro. Armin Luistro. Ang good news nga po: tuluyan na nating nabura noong nakaraang taon ang minana nating backlog sa textbooks at upuan para sa ating mga pampublikong paaralan. Ngayong pong 2013, napipinto na ring matugunan ang minana nating kakulangan na 66,800 na silid-aralan. Talaga nga pong heaven sent sa atin si Bro. Armin, lalo na pagdating ng December 31. [Laughter and applause]

Brother, inaasahan ko pong mag-i-inaugurate ng 66,800 classrooms preferably before December 31. [Laughter]

Nagpapasalamat din po tayo siyempre kina Senate President Juan Ponce Enrile, Senador Ed Angara, Senador Ralph Recto, Senador Loren Legarda, at Senador Frank Drilon na nagtimon sa pagpasa sa K to 12 Act sa Senado; sa mga kabalikat nating kongresista—mula kay Speaker Sonny Belmonte, siyempre si Congresswoman Sandy Ocampo, Congressman Sonny Angara, Congressman Mariano Piamonte, Congresswoman Fatima Aliah Dimaporo, Congressman Mel Sarmiento, ang atin pong Majority Floor Leader Boyet Gonzales,  at sa iba pang kasangga natin sa Mababang Kapulungan para sa K to 12. Taos-puso din po tayong nagpapasalamat sa namayapang congressman na si Salvador Escudero III, ang isa sa mga nagsulong ng repormang pang-edukasyon sa Kamara. Wala po siyang ibang hinangad kundi ang pangalagaan ang interes at kapakanan ng ating kabataan.

Maraming salamat din po sa mga development organizations, civic groups, at sa mga indibidwal na walang patid ang pagsuporta sa ating agenda na iangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa ating mga guro, lalo na sa mga nagsisilbi sa ating mga pampublikong paaralan; tunay pong hindi mapapantayan ang inyong sakripisyo, pagkalinga, at pagsusumikap na gabayan ang bawat batang Pilipino.
Walang duda: ang K to 12 Act ay bunga ng ating patuloy na pagsisikap na itulak ang makabuluhan at positibong reporma hindi lang sa sistemang pang-edukasyon sa ating bansa, kundi maging sa lahat ng sektor ng ating lipunan. Ito’y tagumpay na sumasalamin sa ating nagkakaisang hangarin na mamuhunan sa pinakamahalaga nating yaman—ang mamamayang Pilipino. Patunay ito sa isang panata: na walang maiiwan sa pagtahak natin sa landas tungo sa kaginhawaan.

Sa ating mabuting pamamahala, abot-kamay na po ng bawat Juan at Juana de la Cruz ang mga pangarap na dati’y ‘di man lang natin matanaw. Patuloy po tayong humakbang sa iisang direksyon at sama-sama nating iangat ang ating minamahal na bayan. Sa paglalatag natin ng tamang balangkas para sa ating sistemang pang-edukasyon, nilalatag din po natin ang saligan para sa isang Pilipinas na maunlad, mapayapa, at bukal ng pagkakataon para sa bawat Pilipino.

Muli po, maraming salamat po sa inyong lahat.




GPH Website




OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights

Home - Human rights Promotions Website


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------

0 comments:

Post a Comment