From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2013/10/30/pambansang-pahayag-ni-pangulong-aquino-noong-ika-30-ng-oktubre-2013/
Pambansang Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Mula sa Palasyo ng Malacañan
Inihayag sa isang live telecast
[7:45 n.g., ika-30 ng Oktubre 2013]
Mga minamahal kong kababayan, magandang gabi po.
Nitong mga nakaraang buwan,
lumitaw ang ilang mga paksang naging sentro ng pampublikong diskurso.
Kabi-kabilang tinig po ang narinig natin, at baka po mayroon na sa ating
nahihilo sa usaping Pork Barrel at DAP [Disbursement Acceleration
Program]. Humihingi po ako ngayon ng kaunting oras upang liwanagin ang
mga isyung ito.
Nakikita na po siguro ninyo
ang nangyayari ngayong bangayan. Sa isang panig, kayo at ang gobyernong
binigyan ninyo ng mandato para sa pagbabago, na tatlong taon at limang
buwan nang gumagawa ng reporma, naghahabol sa corrupt, at kumakalinga sa
mahirap. Sa kabila naman ay ang mga tiwaling opisyal na diumano’y
sangkot sa Pork Barrel Scam.
Baka po may nakakalimot sa
atin: Pagnanakaw ang tunay na ugat ng isyung ito. Iyan po ang usapang
pilit nilang tinatabunan, matapos mabisto ang kanilang kalokohan.
Napapailing na nga lang po ako, dahil ang una kong inasahan,
papabulaanan nila ang mga akusasyon. Di po ba’t iyan ang natural na
tugon ng kahit sinong akusado? Sa hinaba-haba ng mga kontra-paratang na
ibinabato sa atin, ni minsan, hindi ko narinig ang katagang at statement
na “Hindi ako nagnakaw.”
Sana nga po, alang-alang sa
inyong mga nagtiwala at bumoto sa kanila, ay tinutupad ng mga opisyal na
ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sana nga po, may paliwanag kung
paanong nangyaring ang mga benepisyaryo ng pekeng NGO [nongovernment
organization] na pinili nila, ay listahan lang pala ng mga board passer
na hinugot lang mula sa diyaryo. Pero parang ang hirap na pong maniwala
sa mga palusot, kung sa paulit-ulit nilang paggamit ng pare-parehong
NGO, ni minsan ay hindi nila sinilip kung nakakaabot sa taumbayan ang
perang inilaan nila para dito. Medyo mahirap o imposible na po talagang
ipaliwanag ito.
Sa sobrang hirap nga pong
ipaliwanag, tila sinunod na lamang nila ang payo ng isang matandang
pulitiko sa kanilang kampo: Kung hindi mo kayang ipaliwanag, palabuin mo
na lang lahat; kung hindi mo kayang bumango, pabahuin mo na lang lahat;
kung hindi mo kayang gumuwapo, papangitin mo na lang lahat. Narinig
naman ninyo ang hirit nila: Pare-pareho lang naman daw kaming lahat.
Ang tugon ko po diyan: Hindi
tayo pareho. Hindi kami nagnakaw, at hindi kami magnanakaw; kami ang
umuusig sa mga magnanakaw. Itinalaga po natin ang mga taong may
paninindigang tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Di po ba’t
ang itinalaga nating liderato ng Commission on Audit ang sumuyod sa mga
dokumento, kaya’t natuklas ang mga pang-aabuso sa PDAF [Priority
Development Assistance Fund]? Di ba’t nakakaasa tayo ngayon sa patas at
makatarungang imbestigasyon, dahil katuwang sa tuwid na daan ang
Ombudsman na atin ding itinalaga?
Linawin na rin po natin: Hindi
pork barrel ang Disbursement Acceleration Program. Sa kabuuang DAP
releases noong 2011 at 2012, siyam na porsyento po nito ang ginugol sa
mga proyektong iminungkahi ng mambabatas. Hindi rin po pagnanakaw ang
DAP. Ang pagnanakaw, ilegal; ang paggastos gamit ang DAP, malinaw na
nakasaad sa Konstitusyon at sa iba pang mga batas. Pangalan lang ang DAP
ng isang proseso ng paggastos sa perang natipid, at sa iba pang nalikom
na kita ng inyong gobyerno. Saan po nanggaling ang perang ito? Nagmula
ito sa pagtitigil natin sa kuntsabahan sa kontrata, tong-pats,
overpricing, at kickback. Nagmula ito sa maayos na paggugol ng budget.
Nagmula ito mula sa dagdag na kita mula sa matinong koleksyon ng buwis.
Nagmula ito sa tapat na pamamahala ng mga GOCC [government-owned and
-controlled corporation]; halimbawa ang MWSS [Metropolitan Waterworks
and Sewerage System], na dating nababaon sa utang, pero ngayon,
taun-taon nang nag-aabot ng dibidendo sa gobyerno. Savings, above-target
na koleksyon, at mga bagong revenue ang resulta ng tamang pamamahala.
At dahil sa DAP, naitutok ang pondo sa mga proyektong nasa loob rin
naman ng budget at totoong may pakinabang sa atin.
Paano gumagana ang mekanismong
ito? Simple lang po. May mga ahensya, na sa iba’t ibang kadahilanan,
hindi agad naipapatupad ang mga proyekto nila; mayroon namang masigasig
at mabilis magpatupad ng mga proyekto. Kapag naantala ang pagpapatupad
ng proyekto, natural, hindi rin ito gugugulan ng pondo. Hindi po natin
hinahayaang matulog ang pondong ito: Humanap tayo ng programang nakapila
sa ilalim ng ahensyang mabilis magpatupad, at doon natin itinutok ang
pondong natipid, pati na rin ang dagdag na perang kinita ng ating
gobyerno. Mas mabilis at napaaga ang pagdating ng benepisyo sa
mamamayan, at mas masinop at epektibo nating nagugol ang perang
taun-taong nakalaan sa ilalim ng Pambansang Budget.
Kayo nga po ang magsabi: Mali
ba ito? Kailan ba naging masama ang paghahanap ng konstitusyonal na
paraan para makapaglingkod ng mas epektibo sa taumbayan? Dahil po sa
DAP, napondohan ang Project NOAH [Nationwide Operational Assessment of
Hazards], na nagbibigay ng tama at agarang babala kung may sakuna. Dahil
din sa DAP, sa ilalim ng Training-for-Work Scholarship Program ng TESDA
[Technical Education and Skills Development Authority], mayroong halos
150,000 na Pilipino ang napag-aral; at di bababa sa 90,000 sa kanila ang
may trabaho na ngayon. Nakinabang din po ang ating Air Force at
kapulisan; nakapagpatayo tayo ng kalsada, classroom, at ospital sa
Mindanao at sa iba pang bahagi ng bansa; naibalik ang benepisyo ng mga
empleyado ng DepEd noong nabayaran ang kanilang GSIS [Government Service
Insurance System] premiums na matagal nang di nababayaran ng
pamahalaan; at marami pang ibang programa at proyektong may tunay na
pakinabang sa Pilipino.
Malaki rin ang naitulong ng
DAP sa nangyayaring pag-arangkada ng ating ekonomiya. Sabi pa nga ng
World Bank, nag-ambag ang DAP ng 1.3 percentage points sa ating GDP
[gross domestic product] growth noong ikaapat na quarter ng 2011.
Ikumpara po natin: Hindi ba’t noong sila ang nasa poder, “Sick Man of
Asia” ang tawag sa atin? Ngayon, mamili na kayo sa mga bagong bansag sa
atin ng mundo: “Asia’s Fastest Growing Economy,” “Rising Tiger,”
“Brightest Spark.” Isama pa diyan ang nakuha nating investment grade
status mula sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agency. Ang
pag-angat nito, at ang tinatamasang benepisyo ng ating mga kababayan,
lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan–ito po ang bunga ng tamang
paggastos, sa halip na pagnanakaw. Ang perang dating kino-corrupt,
napakinabangan na ng taumbayan, lalo na ng mahihirap.
Ipaliwanag na rin po natin
itong President’s Social Fund [PSF]. May mga pagkakataon po na kailangan
ng agarang pondo para tumugon sa mga biglaang pangangailangan.
Halimbawa: ang tulong para sa pamilya ng sundalo’t pulis na nasawi sa
pagreresponde sa MNLF [Moro National Liberation Front]-Misuari Faction
sa Zamboanga, gayundin sa paghahatid ng ayuda nang sumalanta ang bagyong
Sendong. PSF po ang pinanggagalingan nito; kung wala nito, kung walang
calamity o contingency funds, mananatili ang ating mga kababayang
nagdurusa.
Dahil noong araw, inabuso ang
pondong ito, baka raw abusuhin namin ito ngayon—kahit walang paratang ng
pagnanakaw o kamalian ng paggamit. Ang mungkahi ng ilan, tanggalin na
lang. Tanong po: Makatuwiran po ba ito? Maganda po sana kung ganoong
kasimple, pero paano po kung magkaroon ng sakuna? Buwenas na tayo kung
may session sa Batasan; mahina po ang apat na buwan ng debate at
pakikipagpalitan ng sulat sa Kongreso bago maaprubahan ang pondong
puwedeng gugulin. Kung ikaw ang nasa Zamboanga City, at humihilab ang
sikmura ng anak mong iyak nang iyak, matatanggap mo ba kung sabihin sa
iyo ng iyong gobyernong, pasensyahan muna tayo? May pera naman, at may
sapat tayong mekanismo upang siguruhing mapupunta ito sa dapat kalagyan.
Tama bang ipagkait ang kalinga sa ating mga kababayan?
Uulitin ko po: Pagnanakaw ang
isyu dito. Hindi ako nagnakaw. Pero ang mga diumano’y nagnakaw ay siyang
nagpapasimuno ng kalituhan; gustong kaladkarin pababa ang lahat ng
ating pinaghirapang maabot dito sa tuwid na daan. Tayo ang ninakawan,
tayo ang niloko, tapos tayo pa ngayon ang pinagpapaliwanag. Tayo ang
patuloy na naghahanap ng katotohanan, tayo ang nagbawas nang nagbawas sa
mga mekanismong maaaring gamitin para abusuhin ang kapangyarihan―tapos,
tayo pa ngayon ang pinaparatangang “Pork Barrel King.”
Ito po ang masasabi ko sa
kanila: Kung sa tingin ninyo, titigil ako sa pag-usig; kung sa tingin
ninyo, maililihis ninyo ang atensyon ng publiko; kung sa tingin ninyo,
makakatakas kayo sa pagnanakaw; nagkakamali kayo ng tantya sa akin, at
sa taumbayang Pilipino. Baka naman po may natitira pang kabaitan sa
inyo. Sana po, gumawa na kayo ng kilos para naman sa kapwa ninyo, at
hindi lang para sa sarili.
Nang bumalik sa bansa ang
aking ama noong ika-21 ng Agosto 1983, may nakahanda siyang talumpati.
Hindi na ito narinig ng mga Pilipino dahil sa tarmac pa lang, pinaslang
na siya. Sa talumpati, sinipi niya si Archibald MacLeish: “How shall freedom be defended? By truth when it is attacked by lies.”
Ngayong sinusubok ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang karapatan
ng mga Pilipinong magkaroon ng isang tapat na pamahalaan, tanging
katotohanan lamang ang wastong sandata. Sa gabing ito, inilatag ko sa
inyo ang tunay na konteksto ng mga nangyayari sa ating bayan. Mangyari
po sanang sa darating na mga araw, pag-usapan ninyo ito sa kani-kaniyang
mga pamilya, grupo, at komunidad, at doon bumuo ng sariling mga
kaisipang nakatuntong sa katotohanan.
Mga Boss, marami na tayong
pinagdaanang laban. Nagpapasalamat ako dahil gaano man kasahol ang mga
paninira at pagsasabotahe, hindi kayo bumitiw, hindi kayo sumuko, at
pinatunayan nating walang maaapi kung walang magpapaapi. Ngayon, ang mga
tila nagsamantala sa atin ang gustong idiskaril ang kurso natin tungo
sa ating mga pangarap. Hindi ako naniniwalang papayag kayo dito. At
habang nandiyan kayo, patuloy akong maninindigan.
Panatag ang loob ko, nasa
poder man ako o hindi, na kayo mismong mga Boss kong maayos ang kaisipan
at nasa tamang lugar ang puso, ang magpapatuloy at magtatapos ng laban.
Dito nagmumula ang aking lakas at katatagan ng loob. Di ba’t kailan
lang, ang umiiral na siste ay isang taumbayang nagsawa nang mangarap,
nagsawa nang pumalag, nagsawa nang makiambag? Ngayon, napakarami na
nating sama-samang pumapanday ng positibo at makabuluhang pagbabago sa
lipunan. Tiwala akong mas masigasig pa ninyong papanigan ang tama, ang
makatotohanan, at ang makatarungan. Kaya nagpapasalamat ako, dahil alam
kong tuloy na tuloy pa rin ang ating martsa sa tuwid na daan.
Muli, isang magandang gabi po sa inyong lahat.
GPH Website
http://www.gov.ph/2013/10/30/pambansang-pahayag-ni-pangulong-aquino-noong-ika-30-ng-oktubre-2013/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human RightsHome - Human rights Promotions Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
----------------------------------------------------------------------------------------------- ------------------------------------------------------------ ----------------------------------- |
0 comments:
Post a Comment