Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Araw ng Paggawa
[Inihayag sa Laguna Technopark, Lungsod ng Binan, Laguna ika-1 ng Mayo 2014]
Linda [Baldoz], medyo
nenerbyos [nervous] ako noong papunta ka sa entablado, lalo noong
nagmamadali ka. Sabi ko may time naman tayo ngayon eh. [Laughter] Baka
mapilayan ka, kawawa Pilipinas ‘pag ganoon ang nangyari.
Secretary Linda Baldoz;
Secretary Greg Domingo; Secretary Arsi Balisacan; Secretary Rene
Almendras; Secretary Joel Villanueva; PEZA Director General, Lilia de
Lima; Representative Dan Fernandez; Governor ER Ejercito; Mayor Len
Alonte-Naguiat; Dr. Dan Lachica; Mr. Gilles Bernard; Mr. Alfonso “Tito”
Yuchengco III; Mr. Francisco Ferrer; SEIPI Board of Directors; TESDA
scholars; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko
pong kababayan;
Magandang tanghali na po pala.
Alam po ninyo, nitong
nakaraang taon, nasanay na po yata ako na tuwing bibiyahe ako sa labas
ng Maynila, madalas, may kailangan po tayong tugunang krisis. Nang may
masasamang elementong tinangkang manggulo sa Zamboanga; lumipad po tayo
doon para personal na pamunuan ang pagtugon sa mga kaganapan. Noon naman
pong niyanig ng lindol ang Bohol at Cebu, tumungo din tayo doon para
kumustahin ang mga kababayan natin. At nito nga pong Nobyembre,
sinalanta ni Yolanda ang Kabisayaan. Talaga nga pong nakakapanikip ng
dibdib ang nasaksihan kong pagkasira at pagluluksa—at nakapagbibigay
naman ng panibagong sigla at pag-asa ang pagbabayanihan ng ating mga
kababayan upang bumangon mula sa pansamantalang pagkakadapa dala ng
sakuna.
Kaya naman po ngayong Araw ng
Paggawa, doble ang nararamdaman kong tuwa. Mayroon na akong pagkakataong
lumabas ng Maynila—hindi para tumugon sa krisis o sakuna, ngunit para
personal na makita ang magandang balitang bunga ng ating mga programa
upang paramihin ang pagkakataon para sa mga Pilipino.
Sa simula pa lang po ng ating
panunungkulan, tinukoy na natin ang tunay na mga problema, upang
makapaglatag ng tamang solusyon. Halimbawa po: Noon, laging inire-report
sa atin ni Secretary Linda na maraming naiiwang bakanteng trabaho sa
Phil-JobNet dahil sa job-skills mismatch.
Ano po ang ating naging tugon?
Noong 2011, inatasan na natin ang DOLE, CHED, at DepEd na
makipag-ugnayan, siyempre kasama po ang TESDA, sa ating mga negosyante
upang tukuyin ang kanilang mga pangangailangan, at sa gayon ay
madagdagan ang mga may hanapbuhay. Wala po tayong sinayang na oras sa
paglalatag ng mga hakbang upang masigurong ang mga bakanteng trabaho sa
merkado ay pupunuan ng mga graduate nating may sapat na pagsasanay.
Alam po n’yo noong mga
panahong iyon, siguro sa istatistikong talagang gumigimbal sa akin,
dalawang daan limampung libong nursing graduates raw ho ang walang
trabaho. Pumasok sila dahil maraming naghahanap ng nurse. Noong nag
graduate, wala na pong naghahanap ng mga nurse. Sabi ko, kailangan natin
palitan ang situwasyon na kung saan ang Pilipino parating naghahabol ng
trabahong nawawala na ‘pag panahon na sila’y nakapagtapos sa
pagsasanay.
Sa pagtutulungan ng ating mga
ahensya, nagkaloob tayo ng mga de-kalidad na training upang umangkop ang
kaalaman ng ating mga graduate na papasok sa labor force.
Matapos nga po ang dalawang
taon, kitang-kita na natin ang positibong bunga ng ating mga pagsisikap.
Halimbawa nito ang magandang resulta ng pagsasanay ng ating scholars sa
TESDA sa mga kumpanyang Testech, Inc., Alliance Mansols, Inc., at dito
po sa Integrated Microelectronics, Inc. or IMI. Ito nga pong tatlong
kumpanyang ito na dinalaw natin ngayon, kasama na ang organisasyon
ninyong Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines o
SEIPI—ang siyang nakipagkapit-bisig sa ating pamahalaan upang ipatupad
ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA.
Datos na po ang nagpapatunay
sa tagumpay ng TWSP: Noong 2013, sa 130 na scholar na sinanay ng
Testech, 113 na po ang may trabaho ngayon. Dito po sa inyo sa IMI, sa
100 scholar na binigyang-kaalaman ng inyong programa, bawat isa sa
kanila may trabaho na. At sa 400 na scholar naman po na dumaan sa
training ng AMI, 400 din ang may trabaho na. Tingnan naman po ninyo:
Ginawa lang natin ang tama; tapat at maayos lang tayong nakipag-usap sa
investors, at ang resulta: 91.43 percent employment rate ng buong
semiconductors and electronics industry—konti na lang po ay maabot na
natin ang 100 percent. Patunay lang po itong kapag binigyan mo ng sapat
na pagkakataon ang Pilipino, talaga namang magpapakitang-gilas siya
tungo sa sariling at sambayanang pag-asenso.
Hindi na rin po siguro
nakakabigla, na dala ng tagumpay na ito, dumami pa ang mga scholar na
sinasanay sa ilalim ng TWSP para sa semiconductor at electronics
industries: Sa Testech, inangat na natin ang numero sa 200 ang mga
scholar ngayong 2014 mula sa 130 noong nakaraang taon; sa AMI naman po,
mula 400 noong 2013, ngayong taon ay 1,500 ang scholars ang kanilang
sasanayin. Umaasa nga po ako na hindi magpapaiwan ang kumpanya ninyong
IMI, upang madagdagan pa ang 100 na scholar na hinahasa ng inyong
kumpanya para sa 2014. Kung gusto ho n’yong gawing isang libo, handa po
si Joel tulungan kayo. [Laughter]
Hindi po maitatanggi: Habang
lumalago ang sektor ng electronics at semiconductor ay nadaragdagan ang
pangangailangan para sa mga bisig at isip na makakatulong upang maging
tuloy-tuloy ang pag-arangkada. At talaga naman pong malaki ang inyong
naiaambag sa pagsisigurong sapat ang kaalaman at kakayahan ng ating mga
manggagawa upang makapasok sa mga nagbubukas na pinto ng oportunidad.
Kapansin-pansin nga po na ang
libo-libong scholar natin ay nasa empleyo na ng mga SEIPI-member
companies. Ang ibig pong sabihin, talagang nagagamit nila ang mga
kakayahang kanilang pinagsanayan; talagang nagkakaroon ng dibidendo ang
pondong inilaan sa TWSP; at talagang may katumbas na mas maginhawang
bukas ang pawis na pinuhunan ng ating pong mga scholar. Dagdag pa po
rito, malinaw rin itong sagisag ng paglagong tinatamasa ng semiconductor
and electronics industry; ang pagdami ng inyong mga manggagawa ay
kumakatawan sa inyong pagtataya sa ating ekonomiya, at sa pakikiambag
ninyo sa pagpapalawak sa positibong transpormasyon ng lipunan. Patuloy
nga po ang pagtaas ng employment numbers ng electronics industry nitong
mga nagdaang taon. At hindi lang po ang inyong mga empleyado ang
nakikinabang dito; dahil sa multiplier effect, nabigyan ng indirect jobs
ang napakarami pa nating mga kababayan.
Matibay po ang paninindigan ng
inyong pambansang pamahalaan na ipagpatuloy ang magandang takbo sa inyo
pong sektor. Hindi po natin dadaanin sa tsamba ito; planadong paglago
ang ating pakay. Noong Oktubre ng 2013, nailatag na po ng DTI at SEIPI
ang updated electronics roadmap ng ating bansa. Tatlong landas po ang
nililinaw ng roadmap na ito: Una, ang product innovation na sisigurong
kakayanin na nating makipagsabayan sa paglikha ng makabagong
teknolohiya. Ikalawa, ang pagpapalakas ng inyong manufacturing
capability. At ikatlo, ang paghanap ng solusyon sa mga isyung
kinakaharap ng inyong industriya.
Bahagi po ito ng isang
malawakang stratehiya upang gawing permanente ang pagbabagong tinatamasa
natin. Pangunahin pong pundasyon nito ang pagsigurong ang pag-angat ng
ekonomiya ay napapakinabangan ng nakakarami—sa pamamagitan ng trabaho,
kabuhayan, at pagkakataong bumubukas sa iba’t ibang sektor. Alam naman
po natin na ang sektor ng paggawa, kung mabibigyang-lakas at sapat na
suporta, ay siyang hitik na hitik sa trabaho—kaya nga po patuloy ang
tutok natin dito. Nakikita nga po natin na ang mga reporma at insentibo
natin ay nagkakaroon na ng panimulang mga bunga: Noon pong nakaraang
taon, tumaas sa 22.8 percent ang ambag ng manufacturing sa ating
pambansang ekonomiya. Malaki po ang naitulong ng inyong industriya sa
pagsiglang ito: Noong nakaraang taon, sa kabuuang 53.98 billion dollars
na iniluwas ng ating bansa, 40.4 percent ang nanggaling sa electronics
industry. Tinatayang 18.6 percent naman po ng kabuuang GDP ng ating
bansa ang nanggaling mula sa ating electronics exports. Kaya naman lalo
pa nating idinidiin ang suporta at pagbibigay-halaga sa semiconductor at
electronics industry bilang haligi ng manufacturing sa ating bansa.
Lahat po ng mga proyekto’t
programa natin sa tuwid na daan—mula sa agrikultura, sa imprastruktura,
sa turismo, hanggang sa serbisyong panlipunan—ang bawat inisyatiba natin
nitong nakaraang mga taon, ayon sa NEDA, ang nagbunsod upang bumaba ng
three percentage points ang bilang ng mga Pilipinong nasa ibaba o nasa
ilalim ng poverty line mula noong 1st semester ng 2012 patungong 2013.
Baka mayroon nga pong
nagtatanong: Hindi ba’t napakaliit ng three-percentage points na yan?
Ang sagot po natin: ang katumbas ng three-percentage points, nasa 2.5
million na Pilipino na naiangat lampas ng poverty line. Ibig-sabihin,
halos dalawa’t kalahating milyong Juan o Juana dela Cruz ang nasa lampas
na ng poverty line. At ngayong higit pang nagbubunga ang mga repormang
ipinatupad at ipinapatupad natin, tiyak na dadami pa ang mamamayang
mabibigyan natin ng mas komportableng pamumuhay. Kaugnay po nito,
patuloy po nating paiigtingin ang pagkalinga at pagkakaloob ng serbisyo
sa Pilipino. Ang nais natin: masigurong hindi na babalik pa sa dating
kalagayan ang ating mga kababayan, sakaling tumama muli ang anumang
sakuna.
Kung tutuusin nga po, puwedeng
noon pa man ay nagawa na ang mga pagbabagong ito sa ating bansa.
Subalit dahil sa mga pinunong mas inuuna ang sariling interes, matagal
tayong nasadlak sa malubhang kahirapan at katiwalian. Hanggang sa
nagkaisa nga po at sama-samang nanindigan ang mga Pilipino para sa
pagbabago. Dito nga po sa inyo, nagpapasalamat ako, dahil hindi man ako
tubong-Laguna ay ginawa po ninyo akong number one noong 2013. [Applause]
Noong 2007, number four, pero okay lang po ‘yon. Labingdalawa po ‘yon.
[Laughter]
Ang pakiusap ko po: Kung
naniniwala kayo na tama ang ating ginagawa, kung ayaw ninyong mabalewala
ang maganda nating nasimulan sa tuwid na daan, piliin natin ang mga
susunod na pinunong magpapatuloy at higit pang magpapayabong sa ating
mga naipunlang reporma. Piliin natin ang karapat-dapat upang maging
permanente ang malawakang transpormasyong tinatamasa na ng ating
lipunan.
Ngayong Araw ng Paggawa,
ibinabandila natin ang isang katotohanang nagdala sa atin sa yugtong ito
ng ating kasaysayan: ang pinakamahalagang yaman ng Pilipinas ay ang
Pilipino. Bawat patak ng pawis sa ating paghahanapbuhay, bawat bisig na
nagbibigay-lingap sa nangangailangan, at bawat butil ng sakripisyo ng
Pilipino, ay may makabuluhang ambag sa katuparan ng ating kolektibong
mithiin. Kapit-bisig at taas-noo po nating ipamana sa susunod na mga
henerasyon ang isang Pilipinas kung saan ang kaunlaran ay
napapakinabangan ng mas nakararami; pantay ang oportunidad para sa lahat
ng mamamayan, at kung saan ang Labor Day ay tunay na araw ng pagkilala
sa pagsisikap ng bawat isa sa ating mga manggagawa.
Magandang tanghali po muli. Maraming salamat po as inyong lahat.
0 comments:
Post a Comment