From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:
http://www.gov.ph/2014/11/14/statement-of-president-aquino-upon-his-arrival-from-the-22nd-apec-economic-leaders-meeting-and-25th-asean-summit/
Statement of President Aquino upon his arrival from the 22nd APEC Economic Leaders’ Meeting and 25th ASEAN Summit
Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Matapos ang kanyang pagdalo sa ika-22 APEC Economic Leaders’ Meeting at ika-25 ASEAN Summit
[Inihayag sa NAIA Terminal 2, Pasay City, noong ika-14 ng Nobyembre 2014]
Nagbabalik po tayo matapos ang
magkasunod na pagdalo sa dalawang mahalagang pagpupulong: Una, sa 22nd
APEC Economic Leaders’ Meeting sa China; at ikalawa, sa 25th ASEAN
Summit sa Myanmar.
Talaga naman pong sinulit natin ang mga
nagbukas na pagkakataong makipagdiyalogo sa matataas na opisyal tungkol
sa mga isyung kinakaharap hindi lang ng ating rehiyon kundi pati ng
iba’t ibang panig ng daigdig. Nakikita ninyo naman po, kahit madaling
araw na, at galing sa nakakapagod na schedule, masiglang-masigla ang
ating delegasyon dahil nakauwi na sa Pilipinas at makakapaghatid na sa
inyo ng magandang balita. Napapanahon nga po ang mga dinaluhan nating
talakayan dahil kasabay ng kolektibong pagpupunyagi tungo sa kaunlaran,
dumarating ang mga hamong walang kinikilalang teritoryo: pagbabago ng
klima, pagkalat ng Ebola virus at terorismo. Sa bawat minutong inilagi
natin sa Beijing at Nay Pyi Taw, ipinakita nating ang
Pilipino ay may malasakit, hinaharap ang problema imbes na tinatakasan
ito, at handang makipagtulungan sa pagtugon sa mga hamon.
Nakita po natin ang bisa ng harapang
pakikipagkita sa iba’t ibang world leader: Sa ganitong paraan,
nagkakapalagayan ng loob, nabubuo ang tiwala at napapadali nito ang
lahat ng atin pong ugnayan. Mas madali ang makiusap, at mas madali rin
naman ang magbigay ng tulong dahil sa ganitong pagkakataon. Sa APEC
Summit, nagkaroon tayo ng pagkakataon na makadaupang palad ang mga
pinunong bihira nating makasama kapag bumibiyahe tayo, partikular na ang
mga nasa Latin America. Ang biro ko nga po sa ating mga deligado, ang
laki ng natipid natin sa mga foreign trips dahil kasama na natin ang
iba’t ibang mga pinuno sa iisang venue, at puwede na nating imbitahang
magpalalim ng ugnayan sa pagitan ng ating mga bansa. Nabuo kaagad ang
tiwala, at mas mabilis na mapapakinabangan ng mamamayan ang benepisyo ng
mga kasunduan.
Naging mabunga po ang pakikipagpulong
natin sa mga pinuno ng Vietnam, Chile, Peru, Papua New Guinea, Thailand,
Canada, New Zealand, Japan, Australia, India, at Tsina. Nagkaroon ng
palitan ng kaalaman tungkol sa mabuting pamamahala, pagpapayabong ng
agrikultura, at pagpapabilis at pagpapadali sa ating pakikipagkalakalan.
Para naman mapaunlad ang tinatawag na people-to-people cooperation,
nakipagkasundo rin tayo na paigtingin ang mga inisyatiba sa edukasyon at
turismo.
Espesyal ko pong babanggitin naging
usapan namin ni Prime Minister Peter O’Neill ng Papua New Guinea. Ang
sabi niya po sa atin, marami sa kanilang mamamayan ang tumutungo sa
Pilipinas para mag-aral. Niyaya niya tayong magbahagi ng kaalaman sa mga
sumusunod na larangan tulad ng: fisheries, finance, agrikultura,
pampublikong kalusugan, edukasyon, at marami pang iba pa. Ang balik nito
sa atin ay pagyabong ng ating pakikipagkalakalan sa kanila. Ang biro
nga po niya sa atin, kapag nagpunta ang dalubhasa natin sa kanilang
bansa, baka raw po hindi na bumalik sa Pilipinas sa sobrang pag-aalaga
na ibibigay nila. Bukod pa po rito, sinabi rin ni Prime Minister O’Neill
na destinasyon na rin nila ang Pilipinas para sa medical tourism.
Talaga nga pong ganadong-ganadong nakikipag-usap si Prime Minister sa
atin, at napakahaba ng listahan ng mga gusto niyang gawin upang lalong
mapatibay ang nabuong ugnayan. Ang naramdaman ko po sa kanya, hindi lang
sila nagbukas ng pinto para sa atin, nilagyan pa nila ng red carpet ang
ating daraanan. Kitang-kita po natin: Ang dating iniiwasan, tinitingala
at nilalapitan na ngayon ng ibang bansa.
Sa ating pakikipagdiyalogo ngayon,
lalong naging magkalapit ang Thailand at Pilipinas. Mahaba at matagal na
oras po ang naging usapan namin ni Prime Minister Prayuth Chan-o-Cha
tungkol sa magkatulad nating pinagdaraanan. Ang mga problema nila ay
problema natin; ang mga good news para sa kanila ay katulad rin ng good
news para sa atin. Bago nga po natapos ang usapan namin ni Prime
Minister o-Cha, nakapagbahagi na kami sa isa’t isa ng mga hakbang na
isinagawa namin upang maipatupad ang matuwid na pamamahala sa
kani-kaniyang bansa. Siyempre po naimbita na tayong dumalaw sa kanila.
Sandali rin po nating nakausap si
Pangulong Xi Jinping ng China noong nasa Beijing tayo. Nagpasalamat tayo
sa mainit nilang pagtanggap sa ating delegasyon, at sa pagkakataong
simulan ang proseso patungo sa mas mabuting pakikipag-ugnayan. Sinabi
rin po natin na ang pangunahin nating layunin ay ang pagpapaunlad sa
kalagayan ng ating mga kababayan, at dito nakabatay ang ating mga
desisyon.
Bukod po sa mga pinuno ng bansa,
nakipag-usap rin tayo sa mga pinuno ng iba’t ibang kompanya. Kabilang
dito ang chief executive officer ng Moody’s na si Raymond McDaniel, na
nagsabing bihirang-bihira raw mangyari na may credit ratings upgrade na
nga ang isang bansa, bibigyan pa ng tinatawag na positive outlook.
Tandaan po natin: Nangyari ito sa panahong ingat na ingat at
konserbatibo ang mga credit ratings agency. Sa kabila ng mas mataas na
standards, mataas pa rin ang nakuha nating marka. Bukod pa po rito,
ibinahagi niya rin sa atin na batay sa ating mga indicators, sa buong
mundo, ang ating banking system lamang ang nabigyan ng positive outlook.
Dagdagan pa po natin ang good news: Sa
ating pakikipag-usap sa kompanyang Sanofi, nalaman natin na kasalukuyan
silang gumagawa ng bakuna laban sa apat na klase ng dengue na binigyan
tayo ng problema dito sa ating bansa. Sa aking pagkakaunawa po, nagtayo
na sila ng pabrika at sinusubok na nila ang bakuna sa Asya at Latin
America. Hindi po magtatagal ay makakarating na rin ito sa Pilipinas.
Samantala, magtatayo naman ang Johnson and Johnson’s ng kanilang service
center sa Pilipinas—magbibigay naman po ng mga 500 trabaho sa ating mga
kababayan—na natitiyak nating magdadala ng bagong oportunidad sa ating
mga kababayan. Ibinalita rin po sa atin na dadalhin na sa ating merkado
ang nalikha ng kanilang pharma arm na gamot laban sa tuberculosis na may
resistensiya na sa iba’t ibang klase ng antibiotic.
Bago po tayo tumungo ng Myanmar, pormal
na rin nating inimbitahan ang mga pinunong bahagi ng APEC countries sa
ating hosting ng 23rd APEC Summit sa susunod na taon. Isa po itong
napakagandang pagkakataon para ipakitang tunay ngang It’s more fun in
the Philippines. Nakatitiyak po akong kapag nakipagtulungan ang ating
mga minamahal na kababayan, hindi tayo mapapahiya maski ikumpara sa
ginawa ng China na mas mayaman at mas maraming kababayan kaysa sa atin.
Nagpapasalamat tayo sa mga nagpahayag ng suporta at pagtitiwala sa
tagumpay ng ating pagiging host sa APEC Meeting next year.
Sa ASEAN Summit naman po, ipinaabot
natin ang ating pagbati kay Pangulong U Thein Sein ng Myanmar sa kanyang
matagumpay na chairmanship sa 25th ASEAN Summit ngayong taong ito.
Tiwala naman po tayo na sa susunod na taon, matagumpay ring
maipagpapatuloy ni Prime Minister Najib Razak ng Malaysia ang hosting ng
mga pinuno sa ating rehiyon.
Bukod po sa mga kasunduang binuo hinggil
sa mas maigting na kooperasyon sa harap ng mga bagong hamon sa ating
rehiyon, nagkasundo rin ang mga miyembro na kumpletuhin ang
pagbabalangkas sa ASEAN Community Integration bago matapos ang Disyembre
ng 2015. Kapag naipatupad ito, magbubukas para sa produkto at
serbisyong Pilipino ang buong merkado sa ating rehiyon, na binubuo ng
600 milyong katao. Matagal na po nating sinimulan ang paghahanda para
dito, dahil gusto nating masigurong tuloy-tuloy ang pagpasok ng mga
Pilipino kapag nagbukas ang mga pintuan ng oportunidad.
Sandali lamang po ang ating naging
biyahe, pero siksik na siksik naman ang ating schedule. Siniguro po
nating sagad na sagad ang benepisyong makukuha ng bawat Pilipino sa
ating pagdalo sa APEC at ASEAN Summit. Malinaw po: Habang nakatutok sa
pangkasalukuyan at madaliang pangangailangan ng mga Pilipino, masigasig
rin tayo sa pagpupunla ng mabuting pakikipag-ugnayan, hindi lang sa
ating mga karatig bansa, kundi pati sa iba pang panig ng daigdig. Sa
pamamagitan po nito, matitiyak natin na hindi lamang magiging
pansamantala ang ating mga naging tagumpay.
Sa ating sama-samang paghakbang sa tuwid
na daan, pinatutunayan natin sa ating mga sarili at sa mundo: Matagal
nang bumangon ang Sick Man of Asia. Handa na siya ngayong tumakbo
patungo sa higit pang positibong transpormasyon; handa na siyang maging
kabalikat tungo sa mas malawakang kaunlaran.
Maraming salamat po sa inyong. Magandang araw po.
GPH Website
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment