Friday, November 28, 2014

Statement of President Aquino during his dialogue with the Kilus Magniniyog farmers



From the Website of GPH - Government of the Philippines
 links:  http://www.gov.ph/2014/11/26/statement-of-president-aquino-during-his-dialogue-with-the-kilus-magniniyog-farmers/



 

Statement of President Aquino during his dialogue with the Kilus Magniniyog farmers

YouTube Video 



Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pakikipagdiyalogo kasama ng Kilus Magniniyog

[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan noong ika-26 ng Nobyembre 2014]
Sa maraming nagdaang pagpupulong sa pagitan ninyo at ng iba’t ibang kinatawan ng gobyerno, kayo na po mismo ang naging saksi sa sinseridad ng ating administrasyon, upang mailagay sa ayos at maresolusyonan na ang mahabang alitan ukol sa Coco Levy Fund. Alam po ninyo, kung naging tradisyunal na politiko po ako, siguro po’y wala na kayong maririnig kundi matatayog na pangako sa araw na ito. Pero kilala po n’yo ako. Ang mahalaga sa akin, ang tumotoo sa inyo. Kaya po heto ang totoo:
Noon pong Setyembre ng 2012, ibinaba na ng Korte Suprema ang huling hatol nila sa kasong COCOFED vs. Republic; noon naman pong Nobyembre ng parehong taon, lumabas ang hatol sa Cojuangco vs. Republic, kaugnay ng UCPB shares sa partido ni Cojuangco. Ang mga kaso pong ito ay ukol sa Coco Levy Fund. Pabor po sa inyong sektor ang mga naging desisyon. Ang problema lang po: hangga’t wala pang hatol hinggil sa motion for partial reconsideration na ating nilatag para sa kasong COCOFED vs. Republic, at wala pang utos ang Korte Suprema hinggil sa nilatag nating motion for partial entry of judgment para sa kaso, hindi pa po tapos ang proseso, at hindi pa rin po natin maaaring gugulin ang perang dapat nakalaan sa industriya ng niyog.
Ang totoo nga po, matagal na nating pinag-aaralan kung ano ang gagawin sa Coco Levy Fund. Marami po tayong kasangga mula sa Quezon na pinaalala ang kasong ito, kaya po halos kakaupo pa lang natin ay inatasan na natin ang Department of Agriculture, Department of Finance, Department of Budget and Management, at ang ating mga abugado sa gobyerno. Ang sabi ko po sa kanila: Suriin ang sitwasyon at magmungkahi ng pinakamainam na hakbang na ikabibiyaya ng inyong sektor. Sa sandaling mabigyan tayo ng pahintulot na gugulin ang pera, ang gusto ko, nakahanda na po ang plano, upang mapabilis ang pagdadala sa inyong sektor ng mga benepisyong matagal nang naantala.
Sa kabila po nito, hindi po tayo papayag na habang naghihintay tayo sa pasya ng Korte Suprema, ay mapapabayaan naman ang ating mga magsasaka ng niyog. Hindi po namin kayo pinabayaan: Mula mahigit 593 milyong piso noong 2010, umangat sa P5.1 billion para sa 2013 ang nakalaang pondo ng Philippine Coconut Authority. Sadyang malaki nga po ito, dahil isinama na rin sa budget ng PCA ang pondo para sa mga magsasaka ng niyog na sinalanta ng bagyong Yolanda, pati na rin ang pagtugon sa mga tinamaan ng cocolisap.
Dahil po sa pagbubuhos ng pondo, natutukan natin ang mga programang ginagawang mas produktibo ang inyong mga sakahan. Halimbawa po: Sa pagpupunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog, mas dadalas ang inyong ani. ‘Di po ba, kung kopra lang ang inyong aanihin, ang ulat po sa atin ay nasa 20,000 piso kada taon kada ektarya ang kikitain? Kung magkakaroon po tayo ng fertilization, at dadagdagan ng saging ang sasakahin sa pamamagitan ng intercropping, tinataya ko aabot ng 129,000 piso ang kabuuang kita kada ektarya. Kung hahabulin nating anihin ang coco sap sugar, nang may fertilization at dagdag ding saging, aabot ang kita sa 185,900 piso. Kung sa virgin coconut oil naman po, dagdag sa saging at kung may fertilization, ang dati pong 20,000 piso mula sa kopra, aangat sa 250,320 piso sa kada ektarya kada taon. Kabilang nga po ito sa mga inisyatiba natin upang palakihin ang inyong kita. Dagdag pa rito, pinapalakas pa natin ang coco-based farming enterprises, tulad ng sa coco-sugar, coco coir, vinegar, at iba pang mga produkto. Naghahain din po tayo ng mga scholarship program para pahusayin ang mga susunod na henerasyon ng ating magsasaka.
Lilinawin ko lang po: Ang pondo para sa lahat ng mga programang ito ay hindi nagmula o hiniram sa Coco Levy Fund, na hindi pa nga po natin magugol dahil wala pang pasya sa ating motion. Mula po ito sa ating pambansang budget, na talaga pong itinututok natin sa mga sektor na sisigurong naaaruga sa bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Ano pa po ba ang mga plano sa mga darating na panahon? Sa usapin po ng United Coconut Planters Bank, alam naman nating hindi ito napatakbo nang maayos noong nakaraan. Dumating na po tayo sa punto na para mapangalagaan ang interes ng inyong sektor, at pati na rin po ng buong sambayanan, kailangan na nating gumawa ng mga hakbang upang masigurong masasagad ang benepisyong dala ng ating mga assets, kabilang na po ang UCPB. Handa po akong gawin ito. Kung matutuloy po sa baka sakaling pagbebentang ito, makakaasa tayo sa ‘di bababa sa 1.1 billion piso na maidaragdag sa pondong inilalaan sa inyong sektor.
Nagbigay na rin nga po tayo ng direktibang pag-aralan, pag-usapan, at bumuo ng pagkakasundo sa buong sektor ukol sa kung ano ang pinakamainam na gawin sa Coco Levy Fund sa sandaling pumasok na ang pasya sa motion for partial reconsideration, at maaari nang gugulin ito. Ang nakikita ko nga pong pinakamagandang gawin ay ang bumuo ng isang batas: Sisiguruhin nitong tatawid sa mga susunod na salinlahi ang benepisyong dala ng Coco Levy Fund, at maiiwas din tayo sa anumang aberyang legal sa hinaharap. Alam ko po, na sa pag-uusap ninyo ni Secretary Kiko, ay sang-ayon kayo dito sa planong ito.
Malaking bahagi po ang inyong sektor sa papanday sa panukalang batas na ito. Kayo ang pangunahing kukonsultahin sa mga probisyong lalamanin ng batas; kapag nagkasundo na po tayo sa mga probisyong ito, ihahain natin ang panukalang batas sa Kongreso, at isasama natin ito sa mga panukalang certified as urgent, upang maasikaso at maipasa nila ito sa lalong madaling panahon.
Alam ko pong hindi magiging mahirap ang pagkakasundo, dahil ngayon pa lang ay nagiging mabunga na ang usapan ninyo ng aking mga kinatawan, partikular na nga po si Secretary Kiko Pangilinan. Naiulat na nga po niyang may mahahalagang bagay na kayong napagkasunduan. Bukod po sa pagpapanday ng isang batas, ibinahagi niya po sa akin ang iba pang napagkasunduan. Una: Bagaman mas maganda kung mayroong batas, habang wala po ito, inaaral na rin po natin ang mungkahi ninyong gumawa na muna ako ng isang Executive Order. Ikalawa: Na ang pondo ng Coco Levy Fund ay bukod pa sa pondong inilalaan natin sa Philippine Coconut Authority, mula sa pambansang budget. Sang-ayon po tayo dito. Ikatlo: Sang-ayon din po ako na tanging interest income mula sa Coco Levy Fund ang ating gagamitin, upang pati ang mga susunod na henerasyon ng magsasaka ay mapakinabangan ito.
At malinaw po sa atin: Kailangan nating ipagpatuloy ang mga konsultasyong nangyayari. Ngayon pa lang, kausap na po natin ang napakaraming stakeholders ng inyong sektor; kung maaari nga po, gawin pa nating mas malawak ito, at magbuo ng mga mekanismo upang lalo pang gawing mabunga ang ating usapan.
Malinaw naman po siguro: Buong-buo ang aming suporta, at nasa panig ninyo kami. Magkatugma ang mga hangarin ninyo, at ang hangarin ng gobyerno para sa inyo. Ang totoo nga po, higit pa ang gusto namin: Mas malawak na benepisyo, at mas pangmatagalang mga struktura upang masigurong mabibigyang-kalinga ang inyong sektor. Magpatuloy nga po sana ang inyong tiwala, at lalo pa sana itong tumibay; tulungan po ninyo kami sa laban tungo sa katuparan ng ating nagkakaisang adhikain para sa mga magsasaka ng niyog, at para sa kalakhang Pilipinas.
Maraming salamat po; simulan na po natin ang ating diyalogo.




GPH Website


OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment