Friday, April 10, 2015

Speech of President Aquino at the commemoration of Araw ng Kagitingan, April 9, 2015




From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  http://www.gov.ph/2015/03/23/p188-m-fund-to-cover-ongoing-housing-program-for-informal-settler-families/


Speech of President Aquino at the commemoration of Araw ng Kagitingan, April 9, 2015


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa anibersaryo ng Araw ng Kagitingan
[Inihayag sa Bundok Samat, Pilar, Bataan, noong ika-9 ng Abril 2015]
Halos tatlong henerasyon na ang nagdaan mula nang bumagsak ang Bataan. Matapos ang matinding labanan, napilitang sumuko sa mga Hapon ang pinagsamang hanay ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo. Sa araw pong ito, muli tayong nagtitipon upang bigyang-pugay ang kolektibong kagitingan ng mga nakipaglaban sa mga panahong ito. Kasabay ng paggunita sa kanilang kabayanihan, naninindigan tayo, kasama ang ating mga naging kakampi at katunggali noon, bilang nagkakaisang mga bansa sa pagtataguyod ng malawakang kapayapaan at kaunlaran sa mundo.
Kaakibat naman ng paggunita natin sa Araw ng Kagitingan ang pagdiriwang ng Philippine Veterans’ Week. Sa atin pong mga beterano: Saludo ang sambayanang Pilipino sa ipinamalas ninyong tapang upang ipagtanggol ang kalayaan at itaguyod ang mas magandang kinabukasan. Marapat lang po na kayong mga nagpamalas ng malasakit sa kapwa at bansa, ay maaruga at maitaguyod ang mga karapatan.
Sa mabuting pamamahala, higit pa nating pinapabuti at pinapalawak ang natatanggap n’yong mga benepisyo. Pangunahin po nating tinututukan ang paglilinis at pagsasaayos ng listahan ng mga beteranong nakakatanggap ng ayuda, sa ilalim ng Pensioner’s Revalidation Program. Siyempre po, makatarungan lang na ang tanging makakakuha ng benepisyo ay ang mga lehitimong beterano, at walang nakikihating hindi kuwalipikado. Kaya nga po, natutuwa tayo sa pinaigting na pagpapatupad ng Philippine Veterans Affairs Office sa ating Validation Program, sa pamamagitan ng mga pormal na kasunduan sa mga katuwang na bangko, financial institutions, local civil registrars, at iba pang ahensya ng gobyerno. Ang good news po: Ang records po ng ating mga beterano, digital na, at hindi na mano-manong inililista. Dahil po sa mga inisyatibang ito, ang validity rate ng pensioner accounts list natin nitong 2014 ay nasa 99.95 percent na. Ang perang inilaan para sa inyo, diretso na pong pumupunta sa inyo. Nito ngang Marso 2015, nasa 198,169 pension accounts na ng living veterans at mga dependent ng mga yumao o may kapansanang beterano ang nasa pangangasiwa ng PVAO.
Sa pangunguna naman ng Veterans Memorial Medical Center at ng 601 pang pampublikong ospital sa buong bansa, sinisiguro nating natututukan ang kalusugan ng ating mga beterano. Kabilang dito ang pagkakaloob ng daily medical subsidy kapag na-confine sa ospital. Nariyan din ang tulong-pinansyal para sa operasyong medikal gaya ng sa cataract, coronary angiogram, angioplasty, cardiac bypass, at chemotherapeutic agents. Mula Hulyo 2010 po, 8,760 beterano at kanilang mga dependent ang nakinabang sa mga nasabing serbisyo na nagkakahalagang P81.6 miyon. Nagkakaloob din tayo ng subsidy para sa medical products tulad ng sa orthopedic implants at prosthesis, hearing aid, at dentures.
Mula Hulyo 2010, umabot naman sa 15,571 dependents ng ating mga beterano ang sinusuportahan ng estado sa kanilang pag-aaral. Sa ilalim ng Educational Benefits Program ng PVAO, mayroon tayong financial assistance na umaabot hanggang P36,000 kada taon para sa bawat kuwalipikadong mag-aaral. Ang pondong ipinagkaloob natin dito mula nang tayo ay manungkulan: P305.2 milyon.
Nakikita na po natin: Ang sakripisyo ng ating mga beterano, sinusuklian na ng estado. Kasabay nito ang patuloy ding pag-aaruga sa mga aktibo nating sundalo at pulis. Sa loob at labas ng ating bansa, ipinapamalas nila ang walang patid na husay ng ating unipormadong hanay. Sinusuong nila ang panganib na higit pa sa inasahan o napagkasunduan. Sa ngalan ng sambayanan, saludo tayo sa kagitingang ipinapamalas ng ating unipormadong hanay, at ng lahat ng Pilipinong handang manindigan, anuman ang kaharapin nilang pagsubok.
Sa paggunita natin sa Araw ng Kagitingan, nagbabalik-tanaw tayo  sa aral ng nakaraan upang hindi na maulit ang mga dating kamalian, at tuluyang makarating sa dapat na paroroonan. Makalipas po ang halos tatlong henerasyon, malinaw na sa atin ang mga dahilang nagbunsod sa mga digmaang pandaigdig. Sinasabi po na sa katapusan ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang mga nanalo ay masyadong pinaluhod ang mga natalo. Ginawa nila ang tradisyonal na pagpaparusa, hindi lamang sa mga pinuno, kundi maging sa mga ordinaryong mamamayan. Dahil nga po sa hirap ng buhay, nawalan sila ng pag-asa, at nagkaroon ng puwang sa pag-usbong ng mga pasismo at national socialism. Ito po ang nagbunsod sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ano nga po ba ang napala natin mula sa World War II? Gaya po ng lagi nating idinidiin, napakatindi ng tinamo nating pinsala dahil sa digmaang ito. Nasa mahigit isang milyong Pilipino ang nasawi noon. Napakalaking bilang po nito, lalo na’t noong mga panahong iyon, nasa mahigit 16 na milyon lamang ang populasyon sa Pilipinas. Ayon nga po sa ulat, pumapangalawa ang Maynila sa Warsaw sa Poland sa listahan ng Allied capitals na pinakamatindi ang pinsala noong panahon ng digmaan.
Kaya naman humahanga tayo sa henerasyon ng ating mga beterano at pinuno noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang digmaan, sa halip na igiit muli ang pakikipaglaban, nagpasya silang piliin ang pagtataguyod ng kapayapaan. Pinanagot nila sa pamamagitan ng paglilitis ang mga pinuno ng mga natalong bansa, at tinulungang bumangon ang pangkalahatang lipunan.
Nanindigan ang mundo: Hindi na dapat pang maulit ang nangyaring trahedya, lalo’t wala naman talagang nagwawagi sa anumang digmaan. Alam nating miski ang mga nakaligtas at nanaig sa labanan ay kailangan ding tumindig mula sa abo ng digmaan. Dahil sa kanilang pasya, nabigyan ng pagkakataon ang dating magkalabang puwersa na maging magkasangga. Kita naman po ninyo, ang mga tinulungang bumangon noon, gaya ng bansang Alemanya at Hapon, ay sila namang tumutulong ngayon sa pagtataguyod ng pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran.
Sa panig naman po natin: Napakarami nang nalampasang pagsubok ng Pilipinas, lalo pa’t maigting nating katuwang sa pagsulong ang Estados Unidos at Hapon, at iba pang mga bansa. Kapag sinalanta tayo ng matinding kalamidad, di po ba’t lagi silang nariyan upang sumaklolo at tugunan ang ating mga pangangailangan? Kung tutuusin, hindi na natin kailangan pang tanungin kung may darating bang ayuda mula sa kanila. Ang madalas na tanong na lang: “Kailan o gaano kabilis ba itong makakarating sa atin?” Halimbawa po nito ang agarang pagresponde ng Estados Unidos at Hapon nang hagupitin tayo ng bagyong Yolanda noong 2013. Nag-deploy ang kanilang mga gobyerno ng libo-libong personnel, gayundin ng mga barko at aircraft upang maghatid ng relief goods, at ilikas ang mga sinalanta nating kababayan. Bukod pa rito, nagkaloob sila ng tulong pinansyal para sa rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad. Siyempre, nang sila naman ang mangailangan ng suporta, hindi rin tayo nag-atubiling tumulong sa abot ng ating makakaya.
Malinaw po: Imposible ang pag-unlad sa pagkakanya-kanya. Higit pang pagdurusa at di-pagkakaunawaan ang idudulot ng karahasan, samantalang kaunlaran naman ang bunga ng pagkakaisa. Ang aral pong ito ang lalong nagtutulak sa atin upang itaguyod ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, at isulong ang Bangsamoro Basic Law.
Isipin ninyo: Ang dating kalaban, ngayon, katuwang na natin sa pagkamit ng kapayapaang makatarungan sa lahat. Sa pagbubuklod natin upang itaguyod ang kaayusan sa Mindanao, higit nating mapapalawak ang pagkakataon para sa ating mga kababayan. Sa pamamagitan nito, wala nang mauudyok na pumanig sa mga radikal, terorista, at sa mga nagsusulong ng pansariling agenda. Dalawang henerasyon na po ang nagdusa dahil nangibabaw ang karahasan sa Mindanao. Ngayong tayo na ang narito, hindi po natin hahayaang matulad dito ang mga susunod pang salinlahi. Gaano man ito kahirap, anumang pasakit ang ating harapin, itataguyod natin ang kapayapaan dahil ito ang paraan upang makamit ang katarungan para sa lahat.
Batid po natin: Hindi biro ang mga hinaharap nating pagsubok maging sa kasalukuyan. Kabilang dito ang panganib na dulot ng pandemics, pinsalang dulot ng climate change, at ang paghahasik ng takot at karahasan ng mga terorista. Kung mabibigo tayong magkaisa, marami na namang pagkakataon ang masasayang, mga buhay na aangkinin ng kaguluhan, at mga kabuhayang mawawasak ng di-pagkakaunawaan. Ang hamon sa atin: lalong patibayin ang ating pagbubuklod at tumahak sa iisang direksyon tungo sa katuparan ng ating kolektibong mithiin.
Tandaan lang po natin: Mayroon man tayong mga pagkakaiba, iisang mundo pa rin ang ating ginagalawan. Ang lehitimong problema ng isa, problema nating lahat. Kaya naman ang sangandaang kinakaharap natin: tutulong ba tayo sa paglutas ng mga problema habang maliit pa, o magwawalang-kibo tayo at harapin ang mas malaking suliranin sa hinaharap? Naalala ko po ang sabi po ng aking ama, kapag hinayaan mong yurakan ang karapatan ng iyong kapwa, hinayaan mo na ring mayurakan ang iyong karapatan.
Ngayong tumatahak na po tayo sa tuwid na daan, unti-unti na nating nakikita ang isang kinabukasan kung saan may problema man, ay may kakayahan na tayong tugunan ang mga ito, at hindi na ito maipamana sa mga susunod sa atin. Ganito rin ang diwa ng pagkakapit-kamay at pagtahak sa iisang landas ng iba’t ibang bansa tungo sa pagkamit ng kolektibong layunin.
Hayaan ninyo po akong idiin: Tungkulin ng henerasyong ito na panatilihin ang kapayapaan at ipagpatuloy ang paghakbang tungo sa malawakang kaunlaran. Panata ng Pilipinas na tuparin ito, hindi lamang para sa mga naging biktima ng mga nagdaang digmaan at karahasan, kundi para sa kasalukuyan, at sa mga susunod pang salinlahi ng Pilipino at iba pa nating mga kapatid sa buong mundo.
Magandang araw po sa inyong lahat. Maraming salamat po.
___________________________




GPH Website


http://www.gov.ph/




Article links:

http://www.gov.ph/2015/04/09/speech-of-president-aquino-at-the-commemoration-of-araw-ng-kagitingan-april-9-2015/





OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights


Home - Human rights Promotions Website


HUMAN RIGHTS PROMOTIONS


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment