From the Website of PIA
links: http://news.pia.gov.ph/article/view/1141470919042/filipino-news-kalihim-bello-pinasalamatan-si-king-salman-ng-saudi-sa-pagtiyak-ng-tulong-para-sa-mga-stranded-na-ofw
Filipino News: Kalihim Bello pinasalamatan si King Salman ng Saudi sa pagtiyak ng tulong para sa mga stranded na OFW
MANILA, Aug. 12 - Ipinahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang magandang balita sa repatriation assistance ng mga overseas Filipino worker (OFW) kasabay ng kaniyang pasasalamat kay King Salman bin Abdulaziz Al Saud ng Saudi sa pagaatas nito sa kaniyang Ministry of Labor na asikasuhin ang pagbibigay ng tulong sa mga OFW na nasa Saudi Arabia.
“Lubos na pasasalamat ang aming ipinaaabot kay King Salman sa kanyang pagmamalasakit sa ating mga OFW,” ani Bello, sa kanyang paghahatid ng update mula sa Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh.
Kabilang sa mga iniatas ni King Salman ang pag-aalis ng immigration penalties dahil sa nag-expire na working visa, bayad sa eroplano ng mga OFW na pabalik ng bansa, pagkain, tulong-empleo sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang kompanya, at tulong legal para sa kanilang money claims.
Sinabi ni Bello na kinumpirma ng Ministry of Labor ng Saudi ang atas ng Hari upang tiyakin na mapoprotektahan ang mga karapatan ng mga banyagang manggagawa sa Saudi Oger at iba pang kompanya na naapektuhan ng krisis sa krudo.
“Ito ay isang malaking tulong sa ating pagpupunyagi na mapangalagaan ang kapakanan ng ating mga OFW,” ani Bello.
Maaari nang bumalik ng bansa ang mga manggagawang Filipino na-stranded sa Saudi Arabia dahil inalis na ni King Salman ang multa sa mga banyagang manggagawa na naapektuhan ng malawakang layoff at retrenchment. Sasagutin ng pamahalaan ng Saudi ang bayad nila sa eroplano.
Magbibigay din ng pagkain ang pamahalaan ng Saudi sa mga manggagawang nanatili sa lahat ng company camp, at ipadadala din ng Ministry of Labor ang kanilang mga abogado sa camp upang likumin ang mga money claim at iba pang kaugnay na reklamo upang maihain sa tamang lugar.
“Ipinaalam din sa amin ng Ministry of Labor na papayagan ang paglipat ng mga manggagawa sa ibang kompanya kung nanaisin pa ng mga ito na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa KSA. Maaaring maghanap ng bagong employer ang mga manggagawa, at ang mainam dito gagamitin ang Mega Manpower Companies para mag-alok ng trabaho sa mga manggagawa,” ani Kalihim Bello.
Ayon sa Kalihim, ipinaalam ni Ministry of Labor Director General Mohammed Al Sharekh ng KSA sa POLO-Riyadh na sa halip na hilingin sa libong manggagawa na ihain ang kanilang kaso sa Saudi Labor Office building, opisyal nilang tatanggapin ang mga kaso na kanilang makakalap mula sa camp.
Isa sa mga naging suliranin na kinaharap ng mga OWF ay nang mag-expire ang kanilang work permit matapos silang ma-retrench ng mga kompanyang nalugi dahil sa krisis sa krudo sa Middle East.
Nagtatag ang pamahalaan ng Pilipinas ng inter-agency emergency relief assistance mission, na binubuo ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, at ang Public Attorney’s Office, upang sumuporta sa kasalukuyang operasyon ng tatlong Philippine Overseas Labor Office sa KSA.
Babalik sa susunod na linggo sa Saudi Arabia si Kalihim Bello, kasama sina Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III at POEA Administrator Hans Leo Cacdac, upang personal na tingnan ang nasabing mission operation.
Hinati sa tatlong grupo ang mga opisyal ng DOLE, na binubuo ng labor attaches, Philippine Overseas Employment Administration lawyers, Overseas Workers Welfare Administration welfare officers, at training personnel mula sa TESDA, para sa magkakasabay na pag-deploy sa Riyadh, Jeddah, at Al Khobar. Sila ay tutulong sa pagpapatupad ng Relief Assistance Program sa pamamahagi ng pagkain, medisina, at cash assistance sa mga OFW na nasa company camps at shelters. (DOLE) - See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/1141470919042/filipino-news-kalihim-bello-pinasalamatan-si-king-salman-ng-saudi-sa-pagtiyak-ng-tulong-para-sa-mga-stranded-na-ofw#sthash.UA9awCNu.dpuf
PIA Website
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment