Friday, January 18, 2019

DILG sa PNP : Magsagawa ng mga paraan para protektahan ang mga kandidato bago pa man magsimula ang kampanya



DILG sa PNP : Magsagawa ng mga paraan para protektahan ang mga kandidato bago pa man magsimula ang kampanya

Dahil sa mga nakaraang pamamaslang sa mga politikong kandidato sa darating na halalan, inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng mga paraan para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga lokal na opisyal at kandidato para sa darating na 2019 midterm elections.

“Dapat magsagawa ng mga offensive at preventive measures ang kapulisan. Alam dapat nila ang maaaring maging galaw ng mga taong nais maghasik ng karahasan para manalo sa eleksyon. Dapat tayong maging mapagbantay at handa para mapigilan ang anumang kaguluhan,” sinabi ni Año.

“Inaasahan din na paiigtingin ng PNP ang police interventions, operations, at police visibility. Bago pa man magsimula ang kampanya, ipakita na natin na laging nakaalerto ang kapulisan para magdalawang-isip ang mga gustong manggulo sa eleksyon,” sabi pa nito.

Ipinalabas ni Año ang direktiba matapos ang ilang pamamaslang nitong mga nakaraang buwan na ang motibo di umano ay politikal. Inatasan ni Pangulong Duterte ang DILG na aksyunan ang mga ito na tinawag niyang “political terrorism”.

Nito lamang Disyembre, si AKO Bicol party-list representative Rodel Batocabe, kasama ang kanyang police escort, ay napatay bago makasakay sa kanyang sasakyan matapos ang isang gift-giving event sa Albay. Nauna rito, si Batocabe ay nag-file ng kanyang kandidatura para alkalde ng bayan ng Daraga sa lalawigan ng Albay.

Nauna dito sa parehong araw, si dating mayor Joelito Talaid ng Kadingilan, Bukidnon ay nabaril bago ito makababa sa kanyang sasakyan upang bumili ng mga prutas.

Ayon kay Año, ang mga lokal na police ay dapat makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at kandidato upang masiguro ang kaligtasan ng mga lugar na kanilang pupuntahan, at kung kinakailangan, bigyan ng police security assistance ang mga tao na napatunayang mayroong banta sa kanilang buhay.

“Ito ay karagdagan pa sa seguridad at proteksyon na puwede nilang hilingin mula sa PNP-PSPG,” aniya.

Dagdag pa ng DILG Secretary, ang mga lokal opisyal at kandidato ay mayroon ding responsibilidad na maging maingat at mapagmatyag para maprotektahan ang kanilang mga sarili. Sinabi pa nito na ang PNP-Police Community Relations Group ay magpapalabas ng "Handbook on Personal Security for Candidates to Government Elective Positions" na nagbibigay ng mga tips sa mga kandidato at sa kanilang security teams para sa kanilang pangangampanya sa panahon ng halalan.

“Hindi makakayanan ng kapulisan na siguruhin ang kaligtasan ng isang kandidato sa bawat sandali. Tungkulin din ng mga kandidato na mag-ingat at protektahan ang sarili nila at ang kanilang pamilya,” sabi nito.

Pinaalalahanan niya ang mga kandidato na agad ipaalam sa lokal na pulisya kung mayroong pagbabanta sa buhay nila o kung kailangan nila ng police security at assistance.

“Kailangan din natin ng kooperasyon ng publiko para ireport sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar,” ayon kay Año.

links:




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------

0 comments:

Post a Comment