Friday, November 7, 2025

PBBM, nagdeklara ng state of national calamity dahil sa Bagyong Tino at paparating na Bagyong Uwan

 

 From the Website of the President
  and Government Media Offices
------------------------------------------------------------------

PBBM, nagdeklara ng state of national calamity dahil sa Bagyong Tino at paparating na Bagyong Uwan

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang deklarasyon ng state of national calamity bunsod ng matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Tino sa ilang rehiyon, at bilang paghahanda sa pananalasa ng paparating na malakas na Bagyong Uwan.

Sa isinagawang situation briefing sa punong tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng NDRRMC na ideklara ang state of calamity.

Ayon kay Pangulong Marcos, nagpapatuloy ang mga operasyon ng pamahalaan para sa rescue at relief ng mga naapektuhan ng Bagyong Tino, habang kasabay ding pinag-iigting ang paghahanda para sa pagdating ng Bagyong Uwan.

“Mabigat talaga ang pagkatama sa Cebu. Actually, Regions VI, VII, VIII, MIMAROPA, umabot sa Negros Island Region dahil tumawid ang Tino – the damage is heavy,” ani ng Pangulo sa panayam matapos ang briefing.

“And so, we are doing our usual relief and support activities para lahat nung mga na-displace, lahat nung naging biktima, ay matutulungan ng pamahalaan, together with national government, together with the first responders, of course, the LGUs,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng Pangulo na dahil sa lawak ng pinsala ng Bagyong Tino at ng mga lugar na posibleng tamaan ni Uwan, inaprubahan niya ang mungkahi ng NDRRMC na magdeklara ng state of national calamity.

Tinatayang 10 hanggang 12 rehiyon ang maaapektuhan ng magkasunod na bagyo. “Because of the scope of, shall we say, problem areas that has been hit by Tino and will be hit by Uwan, there was a proposal from the NDRRMC, which I approved, that we will declare a national calamity because ilang regions na ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ang deklarasyon ng state of national calamity ay magpapabilis sa mga aksyon ng pamahalaan at pribadong sektor sa rescue, recovery, relief, at rehabilitation ng mga apektadong lugar.

“That gives us quicker access to some of the emergency funds, number one. Secondly, mapapabilis ang ating procurement so that, we don’t have to go to the usual bureaucratic procedures and we can immediately provide assistance to the victims of the storms,” paliwanag ng Pangulo.

Matapos ang pananalasa ni Bagyong Tino, nagkaloob ang Office of the President (OP) ng kabuuang PhP760 milyon bilang tulong pinansyal sa mga apektadong lokal na pamahalaan:

PhP50 milyon bawat isa sa mga lalawigan ng Cebu, Capiz, Surigao del Norte, Iloilo, Bohol, at Negros Occidental;

PhP40 milyon bawat isa sa Eastern Samar, Surigao del Sur, Southern Leyte, Antique, at Aklan;

PhP30 milyon bawat isa sa Leyte at Masbate;

PhP20 milyon bawat isa sa Guimaras, Agusan del Norte, at Dinagat Islands;

PhP10 milyon bawat isa sa Biliran, Camarines Sur, Sorsogon, Misamis Oriental, Negros Oriental, at Palawan; at

PhP5 milyon bawat isa sa Albay, Romblon, Batangas, Northern Samar, Siquijor, Quezon, Samar, Agusan del Sur, Laguna, Zamboanga City, Lungsod ng Maynila (para sa mga stranded na pasahero), Camiguin, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Zamboanga del Norte, at Iligan City.

Dagdag pa ng Pangulo, kasalukuyang sinusuri ng pamahalaan ang deployment ng mga tauhan para sa rescue at relief operations sa mga lugar na sinalanta ni Tino at maghanda sa posibleng pinsala ni Uwan sa Hilagang Luzon.

“Kaya’t ‘yun ang aming binabalanse. Siyempre, hindi namin iiwanan ang Cebu hangga’t lahat na ay in place na. But we will do as much as we can to anticipate – if we anticipate well and we prepare well, marami tayong nagagawa para medyo mas mabawasan ang effect,” ani Pangulong Marcos. | PND







 
Office of the President Website






PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------
 ------------------------- 
 
 
 

0 comments:

Post a Comment