From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2013/01/24/dfa-tanong-at-sagot-ukol-sa-unclos-arbitral-tribunal-proceedings-laban-sa-tsina/
links: http://www.gov.ph/2013/01/24/dfa-tanong-at-sagot-ukol-sa-unclos-arbitral-tribunal-proceedings-laban-sa-tsina/
DFA: Tanong at sagot ukol sa UNCLOS Arbitral Tribunal Proceedings laban sa Tsina
Tanong at sagot ukol sa UNCLOS
Arbitral Tribunal Proceedings laban sa Tsina upang makamit ang mapayapa
at pangmatagalang solusyon sa hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea (WPS)
1. Bakit natin pinapaharap ang Tsina sa isang arbitral tribunal?
Ang pinagbabatayang
9-dash line ng Tsina ay sumasaklaw sa halos buong West Philippine Sea
(WPS). Tungkulin nating manindigan laban sa hindi-makatarungang
pag-aangkin ng Tsina upang ipagtanggol ang ating pambansang teritoryo at
karagatan.
2. Bakit natin kailangang gawin ito ngayon?
Matapos ang lahat ng
nakalipas nating mga hakbang, naniniwala kaming panahon na upang
kumilos. Kung hindi pa tayo kikilos ngayon, hahantong ito sa pagkaka-default natin.
3. Ano ang batayan ng ating legal na pagkilos?
Ang legal nating
pagkilos ay alinsunod sa konstitusyunal na mandato ng Pangulo upang
isulong at itaguyod ang pambansang interes at ipagtanggol ang ating
pambansang teritoryo at karagatan. Sinusunod din nito ang “rules-based approach”
batay sa internasyonal na mga batas, lalo na ng United Nations
Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), upang malutas ang mga hindi
pagkakaunawaan sa WPS.
4. Ano ang aasahan nating ibubunga ng arbitral tribunal?
Umaasa kaming sa pag-aakyat sa arbitral tribunal,
maaatasan ang Tsina, alinsunod sa mga internasyonal na batas, na
igalang ang ating soberenya, karapatan at kapangyarihan bilang
nagmamay-ari ng ating exclusive economic zone (EEZ), continental shelf, contiguous zone, at teritoryal na karagatan na saklaw ng WPS, at huminto sa anumang gawain o pagkilos na lumalabag sa ating mga karapatan.
5. Paano ang mangyayaring proseso ng arbitrasyon?
Sa ilalim ng Annex
VII ng UNCLOS, nagsisimula ang arbitrasyon sa pamamagitan ng pag-aabiso
sa partidong sangkot sa hindi pagkakaunawaan, at ang pagsasalaysay ng
mga katotohanan kung saan nakabatay ang inihaing abiso.
Alinsunod sa prosesong ito, ipinasa ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DFA, ang isang Note Verbale
sa Ambassador ng Tsina sa Maynila nitong ika-22 ng Enero 2013, at
ipinapaalam sa Tsina na dinala ng Pilipinas ang isyu sa hindi
pagkakaunawaan sa WPS sa isang arbitral tribunal sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS.
Ang susunod na hakbang ay ang pagbuo ng isang 5-member arbitration panel. Oras na mabuo ito, ihaharap ng magkabilang panig ang kanilang mga dokumentong susuporta sa kanilang kaso.
6. Wala na bang ibang maaaring gawin maliban sa pagsampa ng kaso sa arbitral tribunal?
Mayroon tayong tatlong paraan ng pagtugon (three tracks)
sa problema sa WPS: pulitikal, diplomatiko at legal. Sa ngayon, ang
legal na paraan ang nagpapakita ng pinakamatibay na potensyal na
matagumpay na ipagtanggol ang ating pambansang interes at teritoryo,
batay sa mga internasyonal na batas.
7. Sino ang nagsampa ng kaso at saan ito isinampa?
Ang Pilipinas ang
nagsampa ng kasong arbitrasyon laban sa Tsina. Kailangang magkasundo ang
Pilipinas at Tsina kung saan gaganapin ng arbitral tribunal ang
pagdinig sa kaso.
Sa ilalim ng UNCLOS,
maaaring pumili ang mga sangkot sa hindi pagkakaunawaan kung saan nila
nais magsampa ng kaso. Maaari itong ihain sa International Court of
Justice, sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), sa arbitral tribunal, gayundin sa mga especial na arbitral tribunal. Minarapat ng Pilipinas na dalhin ang kasong ito sa isang arbitral tribunal dahil naniniwala tayong ito na ang pinakaangkop na lugar upang marinig ang hinaing ng Pilipinas laban sa Tsina.
8. Gaano katagal ang mangyayaring paglilitis?
Batay sa mga kasong sumailalim na sa mga international tribunal para sa mga alitang pandagat, ang isang kaso ay umaabot nang mula tatlo hanggang apat na taon.
9. Mananalo ba tayo sa kasong ito?
May matibay tayong
kaso sa ilalim ng internasyonal na batas. Gayumpaman, gaya ng anumang
legal na hakbang, may iba’t ibang mga aspetong dapat isaalang-alang. Ang
mahalaga ay ang mailatag natin ang ating kaso laban sa Tsina, at
maipagtanggol ang ating pambansang interes at karapatan sa saklaw nating
karagatan (maritime domain) sa harap ng isang malayang hukumang
pang-internasyunal. Malaki ang gagampanan ng mga internasyonal na mga
batas at alituntunin para sa tagumpay natin sa kasong ito.
10. Sino ang mga kinatawan ng Pilipinas para sa kasong ito?
Si Solicitor General
Francis H. Jardeleza ang legal na kinatawan ng Pilipinas sa kasong ito.
Samantala, si Ginoong Paul Reichler ng Washington law firm na Foley
and Hoag ang magsisilbing lead counsel.
11. Bakit hindi nagsasampa ng kaso ang ibang bansa laban sa Tsina?
Kumikilos ang Pilipinas ayon sa pambansang interes at hindi ayon sa kilos o hindi pagkilos ng anumang bansa.
12. Paano kung tumanggi ang Tsina na lumahok sa arbitrasyon?
Ipagpapatuloy ng
Pilipinas ang mga proseso’t pamamaraang maaaring magamit sa ilalim ng
Annex VII ng UNCLOS upang makamit ang isinaad nating paggawad sa
Statement of Claim.
Nakasaad rin sa
Annex VII ng UNCLOS ang pagbibigay ng sapilitang paglilitis tungo sa
isang hatol na nirerespeto ng magkabilang panig.
13. Ano ang mga susunod na hakbang ng Pilipinas?
Naghahanda na ngayon ang Pilipinas para sa pagbuo ng 5-member arbitration panel at pagkasunduan kung saan gaganapin ang pagdinig sa kaso.
14. Suportado ba kayo ng iba pang sangay ng gobyerno?
Oo, suportado ng tatlong sangay ng pamahalaan ang desisyon ng Pangulong dalhin sa UNCLOS arbitral tribunal ang hindi pagkakaunawaan sa WPS.
15. Ano ang magiging epekto nito sa ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Tsina?
Mananatiling
mapayapa ang mangyayaring arbitrasyon, kaya naman umaasa kaming wala
itong malubhang epekto sa ating pakikipagkalakalan sa Tsina. Nagkasundo
sina Pangulong Aquino at Pangulong Hu Jintao na ipagpatuloy ang
pagsusulong ng mga bilateral na agenda, habang ang mga isyung
pinag-uugatan ng magkataliwas na pananaw ay tutugunan sa hiwalay na
paraan.
Hangad nating
mapatibay ang ating ugnayang pang-ekonomiya sa Tsina, subalit hindi
dapat maisugal ang ating pambansang soberanya para lamang dito.
16. Ano ang epekto nito sa turismo?
May napakalaking
ugnayang pantao (people-to-people engagement) ang Pilipinas at Tsina.
Umaasa kaming higit pa itong mapatibay sa pamamagitan ng isang
epektibong programang pang-turismo.
17. Ano ang mangyayari sa ating mga OFWs na maaaring maapektuhan ng pagkilos na ito?
Titiyakin ng pamahalaan na magtatag ng sapat na mekanismo upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga OFWs.
18. May impluwensya ba ang mga bansang Estados Unidos at Hapon sa pagkilos na ito?
Wala. Malaya at nag-iisang kumikilos ang Pilipinas para rito.
19. Ano ang opinyon ng iba’t ibang sektor sa Pilipinas ukol dito?
Bagamat mayroong
iba’t ibang pananaw ukol sa isyung ito, kailangang magbuklod ang mga
Pilipino upang suportahan ang mandato ng Pangulong bantayan at
ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas at ang pambansang interes.
20. Magsisimula ba ito ng isang hidwaang militar?
Kaibigan natin ang
Tsina. Ang arbitrasyon ay isang mapayapang paraan upang isaayos ang
gusot o solusyonan ang hindi pagkakaintindihan ng dalawang magkaibigan.
21. Ano ang mangyayari sa ugnayang Pilipinas at Tsina?
Patuloy nating pagbubutihin at pauunlarin ang ating ugnayan sa lahat ng aspeto ng kooperasyon.
22. Maaapektuhan ba ang ASEAN sa pagkilos na ito?
Umaasa tayo sa
suporta ng ASEAN sa paghahanap ng mapayapang paraan at ng pangmatagalang
solusyon sa hindi-pagkakaunawaang ito. Kailangang pangalagaan ng
Pilipinas ang pambansang interes, sa ASEAN man o sa iba pang kapulungan,
upang mapaigting ang respeto ng mga katuwang na bansang sumusuporta rin
sa ating adhikain.
23. Magpapatuloy ba ang pag-uusap ukol sa Code of Conduct (CoC)?
Oo, patuloy na
makikipagtulungan ang Pilipinas sa ASEAN at Tsina sa pagbubuo ng Code of
Conduct (CoC) at sa pagsasakatuparan ng mga kasunduan ng ASEAN Member
States at ng Tsina sa ilalim ng Declaration on the Conduct of Parties in
the South China Sea (DOC).
24. Bakit hindi tayo makiisa sa isang “joint development” kasama ang Tsina?
Ang konsepto ng “joint development,” kung ibabatay sa Chinese model, ay isang paglabag sa konstitusyon ng Pilipinas. Kailangang umayon ang konsepto ng “joint development” sa batas ng Pilipinas.
25. Magkano ang aabuting gastos nito sa kaban ng bayan?
Hindi maaaring
tapatan ng anumang halaga ang pagsusumikap ng sambayanang Pilipino at ng
pamahalaang bantayan at ipagtanggol ang ating teritoryo, pambansang
interes at dangal.
26. Bakit kailangang suportahan ng sambayanang Pilipino ang pagkilos na ito?
Kung may isang taong
pangahas na nilooban ang iyong bakuran, at walang pakundangang nakawin
ang pag-aari mo, hindi ka ba kikilos laban sa nanloob sa iyo? Ang
pagkilos natin ay upang ipaglaban ang sarili nating teritoryo at
karagatan.
27. Paano makakatulong ang mga Pilipino sa pagtataguyod ng positibong bunga sa inisyatibang ito?
Nasa likod dapat ng
Pangulo ang sambayanang Pilipino sa pagtatanggol ng sarili nating
pag-aari. Kailangang ipamalas ng bawat isa ang pagmamahal sa bayan.
Kailangan nating kapit-bisig na magkaisa upang maipamalas sa buong mundo
ang pamumuno ng Pangulo sa usaping ito.
dfa.gov.ph
GPH Website
http://www.gov.ph/2013/01/24/dfa-tanong-at-sagot-ukol-sa-unclos-arbitral-tribunal-proceedings-laban-sa-tsina/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human RightsHome - Human rights Promotions Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------
0 comments:
Post a Comment