From the Website of the President
links: http://1.president.gov.ph/speech/pahayag-ni-pangulong-aquino-ukol-sa-mga-kaganapan-sa-sabah-ika-4-ng-marso-2013/
links: http://1.president.gov.ph/speech/pahayag-ni-pangulong-aquino-ukol-sa-mga-kaganapan-sa-sabah-ika-4-ng-marso-2013/
Speech
Pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa mga kaganapan sa Sabah, ika-4 ng Marso 2013 March 4, 2013
Pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa mga kaganapan sa Sabah, ika-4 ng Marso 2013 March 4, 2013
Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa mga kaganapan sa Sabah
[Inihayag sa President’s Hall, Palasyo ng Malacañan, noong ika-4 ng Marso 2013]
Magandang hapon po.
Kasagsagan ng kudeta noong 1987 nang in-ambush ako, kasama ang apat sa aking security detail. Tatlo sa mga inatasang mangalaga sa aking buhay ang namatay. Dalawa sa mga biktima ng naganap na ambush ay nagpaplano nang magpakasal—at natural hindi na po natuloy. Ang isa nama’y hindi na inabutan ang pagsilang ng kaniyang huling anak. Mula sa burol hanggang sa ngayon, hindi ko maiwasang pag-isipan at sisihin ang aking sarili: na baka kung hindi kami lumabas noon, baka buhay pa sila ngayon; na kung wala kaming kailangang puntahan noon, baka kasama pa nila hanggang ngayon ang kanilang anak, asawa, at pamilya. Dahil sa pangyayaring ito, mas naging importante sa akin ang halaga ng buhay ng aking kapwa, lalo na kung ito’y apektado ng aking mga desisyon at pagkilos.
Ganito mismo ang kinakaharap ko ngayon sa gitna ng mga nangyayari sa Sabah. Bilang Pangulo, nakaatang sa aking balikat ang buhay, hindi lang ng grupo ni Rajah Muda Agbimuddin Kiram, kundi maging ang kapakanan at kaligtasan ng tinatayang walondaang libong Pilipinong nasa Sabah. Bawat buhay ay mahalaga, at wala tayong ibang pakay kundi ang mangibabaw ang kaligtasan ng mga kababayan natin, nasaang panig man sila ng mundo.
Magprangkahan nga po tayo: kung baliktad ang sitwasyon, at sarili nating komunidad ang pinasok ng sino mang armadong grupo, puwede bang magwalang-kibo na lang tayo? Hindi rin ba tayo magpapasaklolo sa pamahalaan? Kahit naman po anong lahi, basta may banta sa kanilang kaligtasan, papalag at gagawa ng paraan upang mailayo ang kanilang mamamayan sa banta ng karahasan. Paano ka naman makakaasa ng risonableng usapan kung tinututukan mo ng baril sa mukha ang kabilang panig? Kung gusto mo talagang umusad ang usapan, tanggalin mo muna ang banta sa kaligtasan ng iyong kausap.
Pinipilit nating paghandaan maski ano ang kahinatnan ng mga pangyayari. Bawat ahensya ng gobyernong may kaugnayan at responsibilidad sa iba’t ibang aspeto na maaaring ibunga ng kaguluhan ay matagal na nating inatasan na, una, pag-aralan at, pangalawa, paghandaan ang implikasyon.
Saksi tayong lahat sa kakayahan at dedikasyon ng ating mga kapatid na Muslim, handa silang makipagtulungan tungo sa pangmatagalang kapayapaan. Hindi pa rin nagbabago ang panawagan ko sa angkan ni Sultan Jamalul Kiram III: hindi risonableng humingi ng pang-unawa kung nakatutok ang iyong armas sa mukha ng iyong kausap. Magsisimula lamang ang risonableng usapan oras na maging handa kayong huminahon at magtimpi, at humarap sa mesa nang may bukas na pag-iisip.
Mulat tayong may mga taong nagkuntsabahan upang humantong tayo sa sitwasyong ito—isang sitwasyong walang agarang solusyon. Ilan po sa kanila ay nakikita natin, habang ang iba naman ay nagkukubli pa rin sa dilim. Hindi po kakayanin ng angkan ni Sultan Jamalul Kiram III na gawing mag-isa ang ganitong uri ng pagkilos. Kapansin-pansin din ang nag-iisang linya ng mga kritiko para gatungan ang malubha na ngang sitwasyon. Pinalubha nila ang isyung ito, at ginagawa nila ito habang inilalagay sa peligro ang daan-daang libong Pilipino. Sa mga taong nasa likod nito, ngayon pa lang, sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo magtatagumpay. Pananagutin natin ang mga nagkasala sa bansa.
Nagpapasalamat ako sa napakaraming kababayan nating risonable, at tumutulong tungo sa resolusyon ng pangyayaring ito. Maliwanag sa ating lahat na puwede pang lumala ang sitwasyon, pero puwede ring matapos na ang kaguluhang ito. Alam naman po natin kung alin ang delubyong tadhana ang may gawa, at kung alin ang talagang sinadya. Ang masakit ngayon, pinili ng ilang tao na mangyari ito, at sadyang inilagay sa panganib ang napakaraming Pilipino. Gayumpaman, hindi tayo mauubusan ng lakas para piliting tapusin ang kaguluhang ito sa lalong madaling panahon. Simple lamang po: matatapos ang kaguluhang ito kung maging risonable ang mga personalidad na sangkot dito, lalo na ang mga taong ang tingin nila sa kanilang sarili ay tunay na pinuno.
Maraming salamat po.
Office of the President
links:
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------
-------------------------------------------------------------------------------------------
-----------------------------------------------------------------
-----------------------------------
-------------------------------------------------------------------------------------------
-----------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment