Pahayag
ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Ukol sa abolisyon ng PDAF at mga reporma sa pagbabadyet
[Inihayag sa Bulwagang Kalayaan, Palasyo ng Malacañan, noong ika-23 ng Agosto 2013]
Video:
Full Transcript:
Taong 1990 nang binuo ang
tinatawag na nating PDAF ngayon para sa isang marangal na layunin: Ang
bigyang-lakas ang inyong mga Kinatawan sa Kongreso, upang tumukoy ng mga
proyektong hindi kayang pondohan ng mga local government units. Wala
pong mali o masama sa polisiyang ito. Ang mali, ang masama, at ang siya
ngang ikinagagalit ng taumbayan, ay ang pagsasabwatan sa pagitan ng
isang pangulong handang makipagtransaksyon para manatili sa
kapangyarihan; mga mambabatas handang makipagkuntsabahan; at kung
nariyan ang kooperasyon ng burukrasya; at mga mamamayang tila namanhid
na sa panlalapastangang ginagawa sa kanila—kung nagsama-sama po ang mga
sangkap na ito, maaaring maabuso ang PDAF. Kailangan nating maniguradong
hindi na maaabuso ang sistema.
Akala po ng iba, pera nila ang
PDAF, na puwedeng gastusin kung paano nila gusto. Pero mali po ito:
Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito, at sa bayan dapat—at hindi sa
ilang gahaman lamang– ang pakinabang nito. Nakakagimbal nga po ang mga
rebelasyon tulad ng mga nakapaloob sa COA Special Audit Report
ukol sa paggamit ng PDAF noong 2007 hanggang 2009, na inilabas nitong
nakaraang linggo. Dalawang bagay po ang malinaw na kailangan nating
gawin sa panahong ito.
Una, ang panagutin ang mga
umabuso sa sistema. Kahapon, iniulat ko sa inyo: Inatasan ko ang DOJ,
sampu ng lahat ng ahensya ng ehekutibo sa ilalim ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council, o IAAGCC,
na mag-ambagan at magtutulungan upang mapabilis ang proseso, mula sa
imbestigasyon, hanggang sa pag-usig, hanggang sa pagpapakulong, at pati
na ang pagbawi ng ilegal na yaman. Malinaw ang aking direktiba sa lahat
ng ahensya at kawani ng gobyerno: Ibigay ang inyong buong tulong at
kooperasyon upang mahanap ang katotohanan, at nang mapanagot ang dapat
managot.
Buong-buo po ang kumpiyansa ko
sa integridad nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Kalihim Leila M.
de Lima, at Chairperson Grace Pulido-Tan; alam kong wala silang
kikilingan. Kinakatawan nila ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa
mga institusyong kanilang pinamumunuan.
Iyan po ang balangkas ng ating
unang layunin. Ang ikalawa: maghanap ng mas mainam na paraan upang
siguruhing ang pera ng taumbayan ay mapunta sa taumbayan lamang.
Lilinawin ko po: Simula pa lamang, pilit na tayong nagpapasok ng reporma
upang bawasan ang diskresyon, na siyang ugat ng labis at maling
paggamit ng PDAF. Naniniwala tayo: kung hayag ang proseso, mababawasan
din ang pang-aabuso sa sistema. Inatas po nating itala sa Pambansang
Budget kung magkano ang PDAF na natatanggap ng bawat mambabatas, at
ipinagbawal na rin natin ang congressional insertions. Partikular na
lamang ang menu na puwedeng paglagyan ng PDAF, hindi katulad dati kung
kailan inilalagay lamang ito sa kung saan-saan. Hinihingi na rin natin
ang mga detalye ng proyekto, di gaya ng nakaraan kung kailan kahit
malawak ang depinisyon ay naaaprubahan ito. Real time na ring ina-upload
sa website ng DBM
ang listahan ng proyektong napopondohan ng PDAF, kaya’t malaya itong
mabusisi ng madla. Pagdating naman sa bidding, lahat ng bid notices at
awards ay nakapaskil na rin sa Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS.
Naalala ko nga po noong
Senador ako. Ang budget, nakalaan para sa January 1 hanggang December
31. Noong 2007, naaprubahan ito, Abril na. Ibig sabihin, mula Enero
hanggang Abril, carry over ang budget mula sa nakaraang taon. Di ba
makatuwiran na dahil na-reenact ang budget, tanggalin na rin sa budget
ang pondo para sa mga buwan na nakalipas at nagastusan na? Natalo po ang
mungkahi ko—kaya bumoto ako ng “No” sa budget ng 2007. Tinatayang 36
billion pesos ang biglang naging savings noong taong ito. Ang tanong po:
Saan naman po kaya napunta itong 36 billion na ito?
Kaya nga po, mula nang maupo
tayo, maaga na ring isinusumite at inaaprubahan ang budget, upang hindi
na ito paulit-ulit na ma-reenact, na maaari ring magamit bilang
instrumento ng pang-aabuso. Sa araw matapos ang SONA, isinusumite na
namin ito sa Kongreso; naaaprubahan po nila ito bago matapos ang taon,
kaya’t nabawasan na rin ang pagkakataong makakalikot ito at
mapagkakitaan.
Sa kabila po ng mga repormang
ito, nakita natin sa mga ulat na lumabas nitong mga nakaraang linggo:
kailangan pa ng mas malaking pagbabago upang labanan ang mga talagang
pursigidong abusuhin ang sistema. Panahon na po upang i-abolish ang
PDAF.
Ngayon, bubuo tayo ng bagong
mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at
sektor—sa paraang tapat, gamit ang tama at makatuwirang proseso, at
nang may sapat na mga kalasag laban sa pang-aabuso at katiwalian.
Katuwang nina Senate President
Frank Drilon at Speaker Sonny Belmonte, sisiguruhin kong bawat
mamamayan at sektor ay makakakuha ng patas na bahagi ng pambansang
budget para sa serbisyong pangkalusugan, scholarship, proyektong
lumilikha ng kabuhayan, at lokal na imprastruktura. Makakapagmungkahi ng
proyekto ang inyong mga mambabatas, ngunit kailangan itong idaan sa
proseso ng pagbubuo ng budget. Kung maaprubahan, itatalang mga ito
bilang mga line item, alinsunod sa mga programa ng Pambansang
Pamahalaan. Mapapaloob ito sa batas bilang Pambansang Budget—hihimayin
ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto, gaya ng lahat ng iba pang
mga programa ng inyong pamahalaan.
Dagdag pa rito, ang mga
proyekto, at ang pag-release ng budget para sa mga ito, ay magkakaroon
ng mga sumusunod na patakaran laban sa katiwalian:
1. Itutuloy natin: Kailangang manggaling sa isang limitadong menu ang mga proyektong popondohan.
2.
Ngayon, bawal na ang mga consumable na soft project tulad ng
fertilizers, punla, gamot, medical kits, pustiso, paliga, training
materials, at iba pang mga bagay na hindi masusuri kung totoo ngang may
kinahihinatnan, o kung nagmumulto at pinagkakakitaan lamang.
3.
Ngayon, bawal na rin ang mga panandaliang imprastruktura, tulad ng mga
dredging, desilting, regravelling, o asphalt overlay project.
4.
Ngayon, bawal na ring padaanin ang pondo sa mga NGO at piling GOCC
tulad ng ZREC at NABCOR. Bubuwagin na po ang mga GOCC na ito at iba pang
tulad nila, na paulit-ulit na ginamit sa kuntsabahan, at parang wala
namang ibang silbi kundi ang maging instrumento ng katiwalian.
5. Ngayon, limitado na sa distrito o sektor ng mambabatas na nag-sponsor ang kanyang panukalang proyekto.
6.
Ipagpapatuloy natin ang tapat at bukas na bidding para sa bawat
proyekto; kailangang ipaskil sa Philippine Government Electronic
Procurement System o PhilGEPS ang lahat ng mga bid notices at awards.
7.
Patuloy din pong masubaybayan ng taumbayan ang implementasyon ng mga
proyekto, ihahayag ito nang buo sa website ng DBM at kaukulang ahensya,
pati na sa National Data Portal ng gobyerno.
Inatasan ko na si Secretary
Abad ng DBM na kumonsulta kina Speaker Belmonte at Senate President
Drilon upang pandayin ang mekanismo, at isumite ito kaagad sa akin.
Ilalatag natin ito upang ang mga alokasyon sa bawat distrito ay
mapabilang na sa ating Pambansang Budget simula sa panukalang budget ng
2014.
Gagana lamang po ang sistemang
ito kung makikiisa at makikilahok kayo. Ihahayag po nang buo ang
impormasyon; suyurin at kilitasin po natin ito. Nananawagan akong
makiambag at magsikap ang bawat isa, gaya ng pakikiambag at pagsisikap
ng inyong gobyerno. Sama-sama nating pagtibayin ang pananagutan at
katapatan, upang masigurong ang pera ng bayan ay ginugugol sa paraang
makatarungan at tunay ninyong napapakinabangan.
Maraming salamat po, at magandang araw po.
GPH Website
http://www.gov.ph/
links: http://www.gov.ph/2013/08/23/pahayag-ni-pangulong-aquino-ukol-sa-abolisyon-ng-pdaf-ika-23-ng-agosto-2013/
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human RightsHome - Human rights Promotions Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
----------------------------------------------------------------------------------------------- ------------------------------------------------------------ ----------------------------- |
0 comments:
Post a Comment