Friday, August 8, 2014

Speech of President Aquino at the 113th anniversary of the national police service, August 8, 2014

From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  http://www.gov.ph/2014/08/08/speech-of-president-aquino-at-the-113th-police-service-anniversary-august-8-2014/


Speech of President Aquino at the 113th anniversary of the national police service, August 8, 2014


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-113 anibersaryo ng paglilingkod ng Kapulisan

[Inihayag sa Camp Crame, Lungsod Quezon, noong ika-8 ng Agosto 2014]

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang ika-113 anibersaryo ng serbisyo ng kapulisan sa bansa. Sa loob nga ng mahigit 11 dekada, nakiambag ang kapulisan sa pagsusulong ng kaayusan sa bansa at naging kabalikat ng Pilipino sa pagharap sa iba’t ibang hamon.
Malinaw po: Umaasa ang buong sambayanan sa husay at tapang ng ating kapulisan at iba pang kasapi ng unipormadong hanay; na sa oras ng peligro o sakuna, nariyan dapat kayo—handang umaksyon, handang tumugon, ‘di magdadalawang-isip na ibuwis ang sariling buhay, mapangalagaan lang ang kaayusan, katahimikan, at karapatan ng ating mga kababayan. Pero sa mahabang panahon, ang naging siste: kayo na nga ang may mabigat na tungkulin, kayo pa ang bahalang dumiskarte para sa inyong kagamitan—na pagdating sa inyong kapakanan, parang tama ‘yong sinasabing, “Bahala na si Batman.”

Sa ilang kasama natin rito na matagal na sa serbisyo, naaalala naman po siguro ninyo: Dati, dahil kulang sa baril ang inyong hanay, kailangan pang bilhin ng mga bagong pulis ang rights ng baril sa mga magreretiro. Sa kagustuhan mong magserbisyo, nagkautang ka na para makapasok sa serbisyo, nakakaltasan ka pa sa suweldo mo pagdating na ikaw ay nakapasok na sa trabaho. Kabado ka pa dahil kapag nagkaengkuwentro, hindi naman puwedeng daanin mo na lang sa pleasing personality ang masasamang elemento. Paano naman naging tama ang ganyang kalakaran?

Dahil sa maraming dekada ng maling pamamalakad at pagpapabaya, marahil may mga nag-isip sa inyo noon: Balewala ang ginagawa kong paglilingkod kung ako mismo ang binabalewala. Ito po mismo ang binago natin sa apat na taon ng pagtahak natin sa tuwid na daan. Tunay nga po: Tapos na ang panahong isinasantabi ang inyong kapakanan. Patuloy na nagsisikap ang ating administrasyon para magtulak ng makabuluhang repormang higit na magpapalakas sa inyong hanay.

Patunay po rito ang pagsara natin sa kakulangan ng baril noong nakaraang taon. Ngayon meron na tayong 1:1 police to pistol ratio. Batid din natin ang halaga ng agham at sistematikong pag-aaral sa pagsugpo ng krimen sa bansa. Kaya nakatutok tayo sa pag-upgrade sa ating science and forensic gathering capability. Halimbawa nito ang procedure natin ng panibagong Integrated Ballistics Identification System (IBIS) para sa pagtatala ng impormasyon ng lahat ng baril sa bansa, at ng panibagong Automated Fingerprint Identification System (AFIS) na ginagamit para sa mas mabilis na makumpara at matukoy ang mga fingerprint sa isang krimen. Ipinatupad din natin sa mga operasyon ang prinsipyo ng “work smarter”—dahil mas kumprehensibo ang nakakalap nating datos, mas estratehiko na rin ang pagtukoy natin kung saan dapat mag-deploy ng mas maraming pulis. Sa implementasyon naman ng Crime Incident Recording System simula nitong 2013, mas organisado nang naitatala ng ating mga pulis ang iba’t ibang krimen. Natugunan na nga po nito ang dating bungi-bunging datos sa record system ng PNP.

Sa tinatamasa nating transpormasyon, nadaragdagan ang kakayahan ng pamahalaan na alagaan ang kapakanan ninyo at ng inyong pamilya. Sa proyektong pabahay, halimbawa, 98 percent ng target na 31,200 na tahanan para sa ating Phase II ng ating AFP/PNP Housing Program ang natapos na; katumbas nito ang 30,558 na tahanang naipatayo. 14,040 na unit dito ang nakalaan para sa ating kapulisan, at ngayon nga ay isinusumite na sa NHA ang final list ng awardees sa programang ito.

Naghahanda na rin tayong mag-hire ng paunang 7,439 mula sa target na 30,000 non-uniformed personnel para sa gawaing administratibo. Sa ganitong paraan, ang mga pulis na papalitan nila, makakapagronda na sa mga pamayanan, at talagang matututukan ang pagbabantay sa kaligtasan ng ating mga Boss.

Malinaw naman po sa atin na nararapat lang na dagdagan ang bilang ng mga pulis dahil lumalaki ang populasyon ng ating bansa. Pero bago po natin ito magawa, kailangan muna nating tugunan ang minana nating suliranin sa pagbibigay-pensyon sa ating unipormadong hanay. Ang dinatnan natin: Walang sistemang pampensyon para sa inyo, kaya taon-taon, kailangang paglaanan ng pondo sa ating pambansang budget ang pensyon. Bukod pa rito, naka-index pa sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ang sabi po sa atin, mahigit four trillion pesos ang kakailanganin para ayusin ang sistemang pampensyon—iyon po ‘yong seed capital. Ibig-sabihin: kahit ibigay pa natin ang buong panukalang 2.6 trillion na budget para sa 2015, kulang pa rin ang pondo para sa isang programa lang—iyon pong pension system. Ganito po kalaki ang problemang iniwan sa atin. Pero determinado tayo; gagawan na natin at ginagawan na natin ng paraan ito para matugunan.

Bukod sa paghahanap ng paraan para maparami ang inyong bilang, plano rin sana nating bumili pa ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng mga radyo at patrol vehicle. Huwag kayong mag-alala na ‘di matutupad ang ating plano para sa “shoot, scoot, and communicate,” dahil sa naging desisyon sa DAP. Patuloy tayong gumagawa ng hakbang para masigurong tuloy-tuloy ang inyong modernisasyon.

Sinasagad nga po natin ang ating pagkakataong mabigyan ng benepisyo ang ating kapulisan. Halimbawa, sa panukala nating budget para sa susunod na taon, naglaan tayo ng dalawang bilyong piso para sa inyong Capability Enhancement Program; at 100 milyong piso naman para sa konstruksyon ng 18 police stations sa bansa.

Ganito po ang ibig-sabihin ng matuwid na pamamahala: ang pangangailangan ng ating unipormadong hanay, tinutugunan. Ang alagad ng batas, inaalagaan at sinusuklian ng kalinga ng pamahalaan at ng estado. Sa patuloy na pagpapalakas sa inyong hanay, tiwala tayong nasa mabuting kamay kayo; nagpapasalamat tayo kina Sec. Mar Roxas at Police Chief Alan Purisima para sa talagang maaasahang pagtimon sa PNP. Nagpupugay at nagpapasalamat rin tayo para sa natatangi ninyong paglilingkod.

Nariyan po ang mga halimbawa, ang Zamboanga City Public Safety Company, ang unang pangkat na sumabak sa Zamboanga City upang ipagtanggol ang lungsod matapos itong lusubin ng masasamang elemento noong nakaraang Setyembre. Kasama rin natin ngayon sina Police Superintendent Lambert Suerte para sa Benguet Provincial Public Safety Company. Dahil sa tapang at husay nila, napasakamay natin ang pinakamalaking kampo ng NPA sa Cordillera, at nahuli ang ilang pinuno nito noong 2013. Narito rin ang Criminal Investigation and Detection Group sa pamumuno ni Police Director Benjamin Magalong na nakahuli ng 3,453 na nagtatago sa batas—kabilang na ang 22 sa most wanted sa bansa—noong nakaraang taon. Hindi rin naman pahuhuli sa husay at dedikasyon si SPO1 Dominador Canlas nang iligtas niya ang tatlong bata sa operasyon laban sa NPA noong nakaraang taon sa Tarlac.

Ilan lamang sila sa magigiting nating pulis na kinikilala natin sa araw na ito. Sinasalamin nila ang malasakit at propesyunalismo ng iba pa nating kapulisan na talaga naman pong nagpakitang-gilas sa serbisyo. Nito nga lang pong SONA, nagbigay-pugay tayo sa apat na rookie policewomen na hindi nag-atubiling tuparin ang kanilang tungkulin nang umatake ang Martilyo Gang sa SM Mall of Asia. Nariyan din si SPO3 Erlinda Gagaoin ng Tubao sa La Union; nang hindi nga po makadaan ang kanilang police mobile patrol sa bukid para iuwi ang isang matandang babae, minabuti po niyang pasanin ang lola at ihatid sa tahanan. Walang duda: Hindi na kailangang manood ng mga Pilipino ng pelikula para makakita ng pulis na gagawing idolo. Sa mabubuting halimbawa ng ating awardees at ng iba pang huwarang pulis, naipapamalas ninyo kung ano ang inaasahan sa mga nagsusuot ng uniporme’t nagdadala ng tsapa.

Totoo nga po: Malayo na ang ating narating simula nang tahakin natin ang tuwid na daan. Subalit sa kabila ng lahat ng ating nakamit, mulat tayong nananatili pa rin ang mga hamon sa ating seguridad. Bilang mga alagad ng batas, malinaw ang inyong responsibilidad: Ang ipagtanggol ang ating mga kababayan at maipadama sa mga kriminal na hindi nila matatakasan ang katarungan; na sa oras na makalap natin ang sapat na ebidensya, sa oras na mahuli natin sila sa akto, mararamdaman nila ang lakas ng estado.

Bilang mga tagapaglingkod ng sambayanang Pilipino, pag-uwi natin sa bahay, pagharap natin sa salamin, dapat nating itanong: Nagawa ko ba ang dapat kong gawin sa araw na ito? Kung ang sagot natin ay oo, hamunin pa natin ang ating sarili, at sabihing: Bukas, hihigitan ko pa ang aking nagawa. Sa ganitong paraan, masisiguro natin ang pagdating ng panahong ligtas na na nakakapaglaro ang mga bata sa kalsada; panatag ang kalooban ng mga umuuwi galing opisina, at ang mga alagad ng batas ay kumpiyansa sa kanilang kakayahan na ipagtanggol hindi lang ang kanilang mga sarili at mahal sa buhay, kundi ang lahat ng Pilipinong nagtitiwala sa kanila.

Maraming salamat at maligayang anibersaryo po sa inyong lahat.





GPH Website

OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment