Talumpating hindi nabigkas ni Senador Benigno S. Aquino Jr.:
Noong siya ay bumalik mula sa Amerika
[Ika-21 ng Agosto 1983]
Kusa akong nagbalik upang makisama sa
mga hanay ng mga nakikipaglaban para sa pagbabalik ng ating mga
karapatan at kalayaan sa mapayapang pamamaraan.
Hindi ko hangad ang sagupaan.
Idinadalangin ko’t aking sisikaping magkaroon ng tunay na pambansang
pagkakasundo batay sa katarungan. Handa ako sa ano mang masamang
maaaring mangyari. Nagpasya ako labag sa payo ng aking ina, ng aking
tagpayong espirituwal, ng aking mga kaibigan, at ng ilang tagapayo sa
politika. May naghihintay sa aking hatol na kamatayan, dalawang kasong subversion na ang pawang hiling ay ang aking kamatayan na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa mga korte.
Maaari sanang ako’y humingi ng political asylum sa
Amerika ngunit nadarama kong tungkulin ko na siya ring tungkulin ng
bawat Pilipino na makiramay sa kanyang mga kababayan lalo na sa panahon
ng krisis.
Kusa akong nagbalik na ang tanging
sandata ay ang aking malinis na konsensiya at nagkukuta sa pananalig na
sa dakong huli’y ang katarunga’y gigitaw nang buong tagumpay.
Nang ako ay umalis upang ipailalim sa bypass operation sa
puso, ako’y umasa at nanalanging sana’y ibalik ang mga kalayaan at
karapatan ng ating mga kababayan na ang pamumuhay ay umunlad at ang
pagdanak ng dugo ay matigil. Ngunit sa halip na tayo’y sumulong tayo’y
dumausdos nang paurong. Dumami ang pagpatay, ang ekonomiya ang lalong
sumama at lumubha ang karapatang pantao. Ang malalang kalagayan ng bansa
ay ating malulunasan kung tayo’y nagkakaisa. Ngunit tayo’y magkakaisa
lamang kung maibabalik ang lahat ng karapatan at kalayaang tinatamasa
natin bago ang ikadalawampu’t isa ng Setyembre, 1971. Tunay na matiisin
ang Pilipino ngunit may hangganan ang kanyang pagtitimpi. Hihintayin pa
ba nating maubos ang pagtitimping ito?
Ang laganap na paghihimagsik ay lumalala
at nagbabantang sumabog sa isang madugong rebolusyon. Dumarami ang mga
kadre ng kabataang Pilipino na sa ngayo’y naniniwalang ang kalayaan ay
hindi ibinibigay kundi kailangan ito’y agawin. Kailangan pa bang tayo’y
magbuhos ng dugo tulad noong nakaraan na naging kabayaran ang ating
Republika o maaari ba tayong umupo at mag-usap bilang magkakapatid upang
ayusin ang ating hindi pagkakasunduan sa tulong ng katwiran at
magandang kalooban.
Madalas kong isipin, alin kayang mga
sigalot ang naisasaayos sana nang mahusay kung ang mga nagtutunggali ay
naglalahad lamang ng kanilang malinaw na mga kagustuhan. Kaya upang di
mabigyang puwang ang di pagkakaunawaan, aking ilalahad ang aking mga
hangad na mangyari.
Una, iniutos ang pagbitay sa akin noong
ako’y palayain kaagad. Ako’y hinatulang mamatay sapagkat ako raw ay
isang puno ng mga komunista. Hindi ako isang Komunista, hindi ako
kailanman naging komunista at kailanman ay hindi ako magiging komunista.
Ikalawa, ang pamabansang pagkakasundo’t
pagkakaisa ay makakamit ngunit sa tulong lamang ng katarungan. Kasama na
ang katarungan para sa ating mga kapatid na Muslim at Ifugao. Walang
pakikitungo sa isang diktador, walang pakikipagsundo sa diktadurya.
Ikatlo, sa isang rebolusyon ay walang
nagtatagumpay. Mayroon lamang mga biktima, hindi natin kailangan
magwasak upang makatayo tayong muli.
Ikaapat, ang paglaban sa pamahalaan o subversion ay
nag-uugat sa mga dahilang pang-ekonomiko, pangkabuhayan at pampolitika
at hindi ito malulunasan ng mga hakbang militar. Ito’y masasagkaan hindi
ng higit na paghihigpit kundi ng higit na patas na pamamahagi ng
kabuhayan. Higit na demokrasya at higit na kalayaan.
Ikalima, upang mapaunlad ang ekonomiya,
ang mga manggagawa ay dapat na pagkalooban ng kanilang makatarungan at
tamang bahagi ng kanilang pinagpaguran sa pasilyo sa Harvard University
ay nakaukit sa marmol ang mga salita ng makatang si Archibald Macleish,
ang sabi ni Macleish, “Paano ipagtatanggol ang kalayaan sa tulong ng
sandata kapag ito’y sinasalakay ng sandata, sa tulong ng katotohanan
kapag ito ay nilalapastangan ng kasinungalingan, ng tiwala sa demokrasya
kung ito ay binabayo ng prinsipyong mapaniil, lagi at hanggang sa huli,
sa tulong ng matatag na paninindigan.”
Ako’y magbabalik mula sa pagkatapon sa
ibang bansa at sa walang katiyakang bukas taglay lamang ang tanging
tibay ng loob at pananalig sa Pilipino at pananalig sa lumikha.
________________________________________________________________
0 comments:
Post a Comment