Friday, October 3, 2014

Speech of President Aquino at the oath-taking ceremony of the Union of Local Authorities of the Philippines, October 2, 2014




From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  http://www.gov.ph/2014/10/02/speech-of-president-aquino-at-the-ulap-national-executive-board-oath-taking-ceremony-october-2-2014/


Speech of President Aquino at the oath-taking ceremony of the Union of Local Authorities of the Philippines, October 2, 2014



Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa panunumpa ng bagong National Executive Board ng Union of Local Authorities of the Philippines

[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan, noong ika-2 ng Oktubre 2014]

Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Mar Roxas; Governor Alfonso Umali Jr.; Governor Arthur Defensor Sr.; National Executive Board Officers of the Union of Local Authorities of the Philippines Inc.; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Ililiwanag ko lang po, bestman po ako ni Boy Umali doon po sa renewal of vows ha. [Tawanan] Hindi ho noong una siyang kinasal. [Tawanan] Baka ho may magduda ho sa edad ko.

Kailan ba ‘yon, Boy, mga two years ago yata ‘yon?

Alam niyo, noong bumiyahe ho tayo, marami, pati ‘yong media na kasama natin, nagkasakit dahil medyo mabigat daw ‘yong schedule. At ako naman po, awa ng Diyos, hindi ako tinamaan ng miski ano. Ngayon, kinakabahan ako, namamalat, baka bukas ako may trangkaso. [Tawanan]

Marami po sa ating nandito ngayon ay matagal nang nasa politika. Marami ho siguro sa inyo ay mga nauna sa akin sa politika. Malamang, kabisado na rin ninyo ang mga pasikot-sikot sa mundo ng politika, at ang mga sikretong rekado para manalo. Automatic na sa ating maging todo-sigasig para maipakilala ang kakayahan at ang ating mabubuting katangian. Kumbaga, nakuha na natin ang tamang timpla ng marketing campaign para manatili sa puwesto.

Matanong ko lang po kayo: Meron ba sa inyo rito ang nagsabi noong unang tumakbo pa lang na pananatilihin ninyo ang sistemang nagisnan? May nangako ba sa inyong kapag ibinoto tayo, walang asensong mangyayari? Palagay ko wala ho sa atin ang nagsabi nito noong tayo’y tumakbo. Sa halip, inilalatag ninyo kung paano mapapabuti ang sitwasyon ng ating mga mamamayan.

Alam kong hindi biro ang pinagdadaanan bago ninyo marating ang kinaroroonan [ninyo ngayon]. Hindi ito basta inabot lang, pinaghihirapan ito. Mayroon tayong sisikmurahing mga insulto, pambabatikos at batuhan ng putik tuwing kampanya, kung minsan lampas ng kampanya pa, at kung minsan naman bago pa ng kampanya. Maraming sakripisyo, pagod at pagtitimping kailangang bunuin. Noon nga pong nangangampanya ako sa pagka-congressman ng Tarlac, sinusuyod ko ang bawat kalsada, inaakyat ang mga dike, nagha-house-to-house sa umaga at hapon, at kaliwa’t kanang meeting naman pagdating ng gabi. Walang pagod akong nag-iikot sa kabila ng matinding init para mapalapit sa ating mga kababayan.

Mayroon nga pong biro, na marahil narinig na ninyo: Ang pormula daw po sa kampanya ay matatawag nating KBL—at hindi po Kilusang Bagong Lipunan iyon: kundi Kasal, Binyag, at Libing. Parang mula sa panganganak hanggang pagpanaw, takbuhan ka ng lahat para hingan ng tulong. Sa totoo lang, mahirap talagang tumanggi sa mga ito lalo pa’t gusto rin nating makatulong. Baka rin pagmulan pa ng sama ng loob, o isipin pa nilang hindi tayo nalalapitan.

Kahit nga po nasa puwesto na, tuloy pa rin ang ganitong mga klase ng paghingi ng pabor. Natatandaan ko po nang bagong-halal pa lang akong Congressman sa Tarlac. May lumapit sa aking konsehal at humingi ng tulong sa pag-arkila ng orkestra sa aming piyesta. Tinanong ko kung magkano, sagot po niya’y 40,000 piso daw ang babayaran bawat isa, at ‘yun na raw po ang pinakamura. Dahil ang gusto po niya dalawang orkestra ang aming kunin para meron daw relyebuhan sa pagtugtog at hindi mapagod. Samakatuwid nga ho, 80,000 piso ang kakailanganin. Ang sahod ko noon, kung ‘di ako nagkakamali ay 35,000 piso; wala pa ‘yung kaltas ng tax. Kaya sabi ko po sa kanya, doblehin man natin ang sahod ko, kukulangin pa rin sa balak niyang gastusin sa pag-arkila. At kayo po ngayon ang tatanungin ko: Paano naman popondohan ito? ‘Di po ba, sa pagpopondo sa mga ganitong panghihingi ng ating nasasakupan, saka tayo natutuksong baka gumawa ng kung ano-anong gimik?

Sa panunungkulan ko nga bilang Kinatawan ng Tarlac, minabuti kong lumapit at kumustahin ang ating mga kababayan tuwing dumadalaw ako sa iba’t ibang barangay. Sa umpisa po, ‘pag may iminungkahing proyekto sa akin, na madalas umaabot nang hindi bababa sa anim na folder kada isang barangay, o mga resolusyon ng bawat barangay, at 159 po ang barangay na sakop natin, halos pareho-pareho lang ang laman ng mga ito. Karamihan dito, gusto lang pagandahin ang kanilang barangay hall. Ang binabalik ko namang tanong sa kanila: Kapag napaganda natin ang barangay hall ninyo, ilan kaya ang makakakain diyan? Ilan ang matutulungan sa komunidad? Ilan ang aangat ang buhay kapag nagtayo tayo ng mga monumento tulad ng inyong barangay hall? Ang mungkahi ko naman: Baka mas maganda, nakiusap po ako, kung gamitin natin ang pondong mayroon tayo para sa irigasyon, sa pagpapagawa ng kalsada, o sa pagpapatayo ng mga paaralan. Sa tatlong termino ko bilang Congressman, maipagmamalaki ko sa maayos na ring kooperasyon ng ating mga nasasakupan, nandoon na nga po ang mga kapitan at ang mga konseho ng barangay, hindi bababa po sa tatlong makabuluhang proyekto ang naisakatuparan sa bawat barangay. ‘Di ko po sinasabing naubos na ang problema sa aking distrito matapos ang aking termino. Pero lahat ng bukas ang pag-iisip, makikita na may talagang nagawa tayong pagbabago sa panahon ng ating panunungkulan.

Hindi nga rin po siguro maiiwasan, na kahit nasa puwesto ka na, nariyan din ang mga kontra lang nang kontra sa inilalatag mong reporma. Sila ang mga puro batikos lang na wala namang maihaing solusyon. Kapag may hiniling sa iyong sampung bagay, at nagawa mong tuparin, sabihin na natin, ang 9.9 sa mga ito, ang mga kontra ang pilit maghahalungkat ng 0.1 at ipagsisigawang hindi mo ito nagawa.

Ngayong Pangulo na tayo, hindi naman po natin sila pag-aaksayahan ng oras. Mas nakatutok tayo sa patuloy na pagpupunla ng mga reporma at pagpitas ng mga bunga nito. Nandiyan ang mahigit apat na milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Program, ang 20 positive credit ratings actions na nakamit natin sa ating panunungkulan, ang 2.5 milyong Pilipinong nakaalpas sa poverty line, ang 1.65 milyong nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho mula Abril 2013 hanggang Abril 2014.

Ilan lang po ito sa mga patunay na talagang malaki na ang pagkakaiba ng sitwasyon ngayon ng Pilipinas kumpara sa ating dinatnan. Pati nga po ang ibang mga bansa, napakataas na ang kompiyansa sa atin. Noon pong bumisita tayo sa Europa kamakailan lang, isang mataas na opisyal ng prominenteng bangko sa buong mundo, ang nagsabi: Baka raw po dapat ay i-globalize natin ang piso. Ibig sabihin, magiging currency ng mundo ang piso na itini-trade sa ibang bansa. Sa totoo lang, nabigla po tayo sa mungkahing ito; sino po ba sa atin ang inisip na may magmumungkahi nito? Nang marinig nga natin ito,  tinanong ko pa si Secretary Greg Domingo ng Department of Trade and Industry kasama natin doon sa pagpupulong, kung tama ba ang nadinig ko. Kailangan po ng mas malalim na pag-aaral ng ganito kalaking mga hakbang, pero malinaw naman ang mensahe ng nagmungkahi nito: Kompiyansa siya sa stabilidad ng ating ekonomiya; naniniwala siyang sulit tumaya sa Pilipinas.

Lahat po tayo rito, binigyan ng mandato ng taumbayan para pagsilbihan sila. Tayo naman, bilang mga pinuno, ay nangakong magdudulot ng pagbabago. Pero kung ang pakay mo lang ay ang manatili sa kapangyarihan, magpakulong sa siklo ng KBL, at panatilihin ang sitwasyon na dinatnan mo, ‘di ba’t parang nakikipagpalitan ka lang ng puwesto sa musical chairs?

Paano ba natin babaguhin kung saan ang pag-aabot ng panggastos sa kasal, binyag, at libing ang buod ng pagiging lingkod-bayan? Ang paniniwala ko po rito: Kailangang tugunan, hindi lang ang kasalukuyan, kundi mas mahalaga po, ang mga suliraning pangmatagalan. Sabi nga po ng nakakatanda, turuan nating mangisda ang ating mga kababayan, kaysa hayaan silang magpabalik-balik para manghingi ng isda. Kumpleto at malawakang mga solusyon ang susi sa pagbabagong inaasam natin.

Gawin po nating halimbawa ang nagawa ng pumanaw nating kasamahan na si Secretary Jesse Robredo sa Naga. Matagal pong naging problema ang pagsisiksikan ng mga maralitang tagalungsod sa Naga, at minana ito ni Jesse nang maupo siyang alkalde. Kumplikado po ang sitwasyon: Hindi madaling ilipat nang basta-basta ang mga informal settler kung wala silang pagkakakitaan sa bago nilang lilipatan. Kung walang kabuhayan sa ibang lugar, wala ka ring aasahan kundi ang pagkukumpol ng mga tao sa sentro ng kalakalan. Kaya nga po, bukod sa disente at permanenteng tahanan, naglalatag ang lokal na pamahalaan ng Naga ng mga programang pangkabuhayan at maayos na mga pasilidad sa bagong komunidad. Kaya po: ang dating mga maralitang itinuturing na hadlang sa pag-unlad, naging katuwang na sa pagtataguyod ng kaunlaran sa Naga. Ang tagumpay nga ng programang ito na pinangunahan ni Jesse ang ginagamit nating basehan para ipatupad din ang paglilikas ng informal settlers sa Kamaynilaan.

Kung nakaya pong gawin ni Jesse ang mag-isip at maglatag ng pangmatagalang solusyon sa problemang kanyang kinaharap, tinatawag rin ang bawat isa sa atin, bilang pinuno, na tumugon sa parehong paraan. Alam ko naman: Kung kaya nating ibigay, at kung naaayon sa batas, hindi po natin ipagdadamot sa ating nasasakupan, ‘di po ba? Pero gaya ng napatunayan natin sa Tarlac, alam kong mas mapapalapit tayo sa puso ng ating mga kababayan kung hindi lang pangngayon ang ating naibibigay sa kanila, kundi lalo na pati ang pangbukas, sa pamamagitan ng tunay na serbisyo, at sa pagtutok sa kapakanan nila. Sa ganitong paraan, sila mismo ang mag-aangat sa kanilang mga sarili.

Ang pinakasukatan po ng husay ng pagiging lingkod-bayan ay hindi madadaan sa galing sa pagsayaw, sa pagkakaraoke, o sa pagpapatawa. Masusukat ito sa pag-aangat sa estado ng buhay ng ating mga kababayan; at sa pagbibigay sa kanila ng lakas para panghawakan ang sarili nilang kapalaran. Magiging makabuluhan lamang ang lahat ng paghihirap sa serbisyo kung magdudulot ito ng makabuluhang pagbabago sa ating mga kababayan, lalo na sa mas nangangailangan. Kung ang isang magsasaka na kumikita lang ng sapat para sa kanyang sarili ay nananatiling isang kahig, isang tuka sa iyong panunungkulan, masasabi mo bang tinotoo mo ang panata mong magdulot ng pagbabago? Ano pang kinabukasan ang naghihintay sa kanila kung siya ay magkapamilya, kung wala naman silang aasahang reporma mula sa iyong liderato? Ang hamon po sa ating mga lingkod-bayan: gawing mas maaliwalas ang buhay ng ating mga kababayan, nang hindi na danasin pa ng kanilang mga anak ang pagdurusang ating pinagdaanan.

Sa pagtutulungan ng ULAP, ng lokal at pambansang pamahalaan, pati ng sambayanang Pilipino, patuloy nating itutok ang ating panahon sa mga proyektong tunay na naghahatid ng benepisyo sa mga Pilipino.

Sa mga kapwa ko pinuno, lagi nating tanungin ang sarili: Gaano na ba kalayo ang narating natin mula nang mag-umpisa tayo sa puwesto? Umusad ba tayo pasulong o umatras? Nanatili ba tayo o lumihis sa mandatong ipinagkaloob ng taumbayan? Isipin na lang natin ang panahon kung kailan nagretiro na tayo, at lumingon sa ating nasasakupan. ‘Di ba’t napakasarap ng pakiramdam na masabi mong, “Ang laki ng ipinagbago nitong bayan nating ito, at kasama ako sa nakiambag at nakilahok para maisakatuparan ito.”

Bilang ama ng bayan, malinaw ang tinatahak kong landas: ang gawin ang tama, at ang laging pumanig sa kung ano ang makakabuti sa aking kapwa. At habang mas marami tayong kumikilos sa iisang direksyon, mas mapapabilis pa natin ang pagbabagong tinatamasa na natin ngayon. Kapag nga po dumating ang panahon, na sabihin ng Panginoong “finished or not finished, pass your papers,” talaga pong inaasahan kong mas maunlad at mas maaliwalas na Pilipinas ang ating ipapamana sa susunod na henerasyon ng Pilipino.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.



GPH Website


OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES










PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment