Friday, June 3, 2016

President Aquino speaks at the Busog, Lusog, Talino Excellence Awards



From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2016/05/30/speech-blt-excellence-awards/

President Aquino speaks at the Busog, Lusog, Talino Excellence Awards




Talumpati ni
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa 2nd Busog, Lusog, Talino (BLT) Excellence Awards
 
[Inihayag noong ika-30 ng Mayo 2016 sa Lungsod ng Mandaluyong]

Itinuturo sa atin ng Busog, Lusog, Talino School Feeding Program na pagdating sa serbisyong panlipunan, dapat cumpletos recados. Kapag kinulang ng isang sangkap ay siguradong mabibitin ang benepisyo. Kung “busog” pero wala namang “lusog,” magiging lapitin ng sakit ang mga estudyante. Kung may “lusog” pero wala namang “talino,” hindi sila magiging kapaki-pakinabang na miyembro ng ating lipunan. Malinaw din sa karanasan ng ating mga guro: Napakahirap ipagkaloob ang talino kapag kumakalam ang tiyan ng mga mag-aaral. Bukod pa diyan, kahit pa libre ang edukasyon, kung wala namang makain, ay tiyak na hindi mabubura ang pagkakaroon ng out of school children sa ating bansa.

Kaya nga hindi tayo nakuntento sa paghahain ng kulang-kulang na programa sa ating kabataan. Isinagad natin ang lahat ng ating magagawa upang maibigay sa kanila ang sinasabi ng isang kasabihang Latin: Mens sana en corpore sano. Malusog na isip sa isang malusog na pangangatawan. Hindi lang natin isinara ang mga dinatnan nating kakulangan sa guro, classroom, school seats, at textbook. Pinaghandaan din natin ang mga parating na pangangailangan sa pagpapatupad ng K to 12. Sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isinama natin sa mga kundisyon ang pangangalaga sa kalusugan, gaya ng pagpapabakuna, at regular na checkup. May Supplementary Feeding Program ang DSWD, na nagbibigay ng mainit at masustansiyang pagkain sa mga kabataan sa day care centers. Ang balita nga sa atin ni Sec. Dinky Soliman, 1.77 milyong mga bata ang nakinabang sa programang ito nitong school year 2015–2016. Kasama naman sa mga programang ipinatutupad ng DOH ang National School Deworming Campaign. Nitong Agosto ng taong 2015, halos 11.5 milyong mag-aaral sa ating elementary public schools ang dumaan na sa proseso ng deworming. Malinaw nga po sa mga halimbawang ito: Sa Daang Matuwid, magkakaugnay at komprehensibo ang mga serbisyo.

Totoo nga po: Sa malasakit at pakikipagtulungan ng bawat isa, ay lalo pa nating napalakas ang ating mga programa hindi lang para sa kabataan, kundi pati na rin sa mga komunidad at paaralan. Halimbawa, katuwang ang Jollibee Group Foundation, naitaas natin ang antas ng School-based Feeding Program (SBFP) ng DepEd. Ikinagagalak kong ibalita sa inyo na nitong nakaraang taon, napondohan ang SBFP ng 2.27 bilyong piso, na nakapagpaunlad sa kalusugan ng halos 1.2 milyong mag-aaral sa 29,773 paaralan. Para rin makatulong sa pagpapatuloy ng programa, ginawang requirement ng DepEd ang pagkakaroon ng Gulayan sa Paaralan. Dito mismo manggagaling ang ilan sa mga sangkap na gagamitin sa pagluluto ng pagkain ng mga estudyante. Kapuri-puri din po ang Farmer Entrepreneurship Program ng Jollibee, na nag-uugnay sa ating mga magsasaka sa produksyon ng mga sangkap ng Jollibee. Dahil dito, nabibigyan ng dagdag na pagkakataong kumita ang ating mga kababayan. Kaya nga po nararapat lang na kilalanin ang naging ambag ng pribadong sektor sa ating mga pagpupunyagi. Nagpapasalamat po tayo kay Chairman Tony Tan Caktiong, kay President Grace Tan Caktiong, at sa lahat ng bumubuo sa Jollibee Group Foundation.

Sa mga guro, magulang, estudyante, at iba pang stakeholders sa mga paaralang kinikilala ngayon, lalo na sa mga BLT Grand Winner na Francisco Laya Memorial Integrated School, at sa SBFP Grand Winner na Daniel M. Perez Elementary School: Binabati ko po kayo. May mga kabataang napagkakaitan ng pagkakataon sa mas magandang bukas dahil sa kakulangan sa nutrisyon. Sa inyong dedikasyon at pagtutulungan, nabibigyan niyo sila ng pag-asa. Bukod pa riyan, nagsisilbi rin kayong mabuting halimbawa at inspirasyon sa ibang komunidad.

Alam naman po natin: Dahil wala pang muwang at hindi pa sapat ang kakayahan ng kabataan, responsibilidad nating alagaan sila. Kapag nagpabaya tayo sa paghubog sa kanila, ay para na rin nating binalewala ang kinabukasan ng ating bansa. Di po ba, darating ang araw na sila naman ang gagawa ng mga desisyong makakaapekto sa mga susunod na henerasyon? Ang ating tungkulin: Siguruhing handa sila pagdating ng panahong iyan; ipaglaban ang tama sa lahat ng pagkakataon; at iwan ang bansa sa mas mabuting kalagayan kaysa ating dinatnan. Ito ang magsisiguro na mas malayo ang kanilang mararating; na maaabot nila ang mas matatayog pang pangarap.

Maraming salamat po. Magandang araw sa inyong lahat.



GPH Website





OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment