Friday, June 17, 2016

President Aquino speaks at the Ulat ng TESDA Kina Juan at Juana



From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2016/06/14/president-aquino-ulat-ng-tesda-kina-juan-at-juana/

President Aquino speaks at the Ulat ng TESDA Kina Juan at Juana


Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
At the Ulat ng TESDA Kina Juan at Juana
[Delivered in Taguig City, on June 14, 2016]

Mga kasama, maramo ho sa inyo, sa palagay ko, ay nakapanood na ng mga interview na ginagawa sa atin nitong mga nakalipas na linggo. Ang tawag po nila, “exit interview.” At doon sa mga interview na iyan, nagbabalik-tanaw sa mga nagawa natin, o kulang na nagawa natin, sa loob ng anim na taon.

Bibigyan ko ho kayo ng dalawang katanungang bumalot sa aking isip nang sandalian lang. Mayroong isang survey firm. Ang tanong nila doon sa kanilang survey: “Kontento ka na ba sa ginagawa ng gobyerno, ayon sa pagtaas ng iyong sahod?”

Tinanong ko po doon sa nagsusurvey. Sabi ko, “Puwede po ba tayong lumabas diyan sa may Mendiola?” Sa Malacañang ko po nakausap eh. “Maghanap tayo ng sampung tao—Kayo na ang magturo doon sa sampung tao—na mukha naming nagtatrabaho; huwag naman iyong estudyante, dahil siyempre yung estudyante, walang sahod.” Sabi ko sa kanila: “Kayo ang mamili ng sampu, at pupusta ako sa inyo na sa sampung tatanungin ninyo, labing-isa ang magsasabing hindi sila kuntento sa sahod nila. So, kung wala ho tayong mahanap na kuntento sa sahod nila, paano magkakaroon ng pag-asa ang gobyernong sapat ang ginagawa para pataasin ang sahod ko?” Problema ho, bilang Pangulo. Napatango iyong doctor—may doctorate ho siya sa statistics: “Parang tama nga ho no? Parang malabo nga ho tanong natin?” 

Bigyan ko ho kayo ng isang tanong. Ito naman ho, galing sa media. Paulit-ulit na itong tinatanong: “Noong tumakbo ho kayo, ang sabi ninyo ‘Kung walang corrupt, walang mahirap.’ Bakit ho ngayong patapos na ang termino ninyo, may mahirap pa?” Akin pong tinanong; kaagaran kong tinanong sila, “Pwede ba ninyong sabihin sakin yung formula, kung saan itong araw na ito, mahirap ka, bukas, pagising mo mayaman ka na?” Siyempre pwe-pwera na natin iyong magiging magnanakaw ka. Pwera na natin yung magiging drug lord ka, kasi hindi naman nating pwedeng imungkahi na “Bukas ho, maging drug lord kayo para yumaman kayo.” Hindi ho pwede iyon, di ho ba? Sabi ko malabo rin naman sigurong kailangan dagdagan pa ninyo ang taya ninyo sa lotto, para maging isa kayo doon sa milyong-milyong tumataya na bakasakaling manalo. So, ang sabi ko sa kanila, pag-isipan natin kung ano ba ang ginawa natin sa loob ng anim na taon. 

At ito nga ho ang sabi ko sa kanila: Isipin po ninyo, kung ikaw ay isang taong walang kakayahan, ang papasukan mong trabaho napaka-ordinaryo. Baka pahinante, baka tagalinis ng kalsada. Maraming kayong walang kakayahan, naghahabol sa kakaunting trabahong iyon, siyempre mababa ang sahod. Iyong mababa ang sahod, hindi mo masuportahan ang pamilya mo. Isang kahig isang tuka nga raw ang buhay ninyo. ‘Pag tinamaan ka pa ng karamdaman, lalo lang lulubog ang situwasyon mo. So, sabi ko, ano ba ang ginawa natin?
Hindi kayang gawin ng gobyerno na isang dikta lang, ngayon mahirap ka, bukas mayaman ka na. Pero kayang gawin ng gobyernong tulungan ka para maisagad lahat ng oportunidad na nandyan naman para makapagsamantala ng ating mga kababayan. At yan nga po ang pinilit natin. 

Alam po ninyo, kahit natapos na ang eleksyon, napakaraming nagsasabing may malasakit sila, at tutulong silang solusyonan ang kahirapan. Madali pong sabihin iyon. Pero matanong nga lang natin: Ano po ba ang nagawa nila o balak nilang gawin?

Paniwala po natin, ang lahat ng mahalaga, kailangan paghirapan. Kailangan pagsikapan. Gaya ng ilang beses ko pang nabanggit na: pangunahing yaman ng bansa ang taumbayan. Trabaho po ng gobyerno na isagad ang lahat ng oportunidad para sa ating mga Boss. At kita ninyo naman ang pagsisikap ng ating administrasyon upang mapabuti ang situwasyon ng ating mamamayan.

Kaya babalikan ko po iyong tanong: Ano po ba ang ginawa natin?

Sa atin pong termino, tinupad ng gobyerno ang tunay nitong mandato: ang pagsilbihan at bigyang lakas ang taumbayan. Tumutok tayo, hindi lang sa iisang sector o isang problema, kundi sa iba’t ibang mga pangangailangan at mga nangangailangan. Tinugunan natin ang mga minanang backlog at nireporma ang ating basic education. Pinalawak natin ang benepisyo at ang saklaw ng PhilHealth. Ngayon, kung may karamdaman ka, nariyan ang estado para umalalay. Sa Pantawid Pamilya, nagbigay tayo ng cash grants para bantayan ang kalusugan at ang pag-aaral ng inyong mga anak. Nakipag-ugnayan tayo sa industriya’t inalam kung ano ang kailangan nila sa merkado. Ang gusto natin: angkop ang kwalipikasyon ng ating mga mag-aaral pagka-graduate nila, at makakuha sila ng tunay na trabaho, sa halip na mga panandaliang trabaho lamang.

Dumako nga po tayo sa TESDA. Malinaw po: Isa ito sa pinaka-matingkad na halimbawa ng nagdulot ng positibong pagbabago, ‘di lang sa kanilang ahensya, kundi pati sa buhay ng maraming Pilipino.

Kasama nga po natin ngayon ang isa sa madalas nating gawing halimbawa nito, si Christina Reyes, [Applause] na talaga naming iba na ang look. Isa po syang OFW noon. Napilitang umuwi sa Pilipinas dahil sa pagmamaltrato ng kanyang employer. Imbes na galak ang maramdaman sa pag-uwi, labis na agam-agam at pag-aalala ang kinaharap niya. Dahil sa kabiguan sa trabaho, nakaranas sya ng depression at kawalan ng pag-asa; di niya alam kung paanong tutugunan ang kanyang mga problema, lalo na sa pinansyal na aspeto. Dumating nga sa puntong naisip niyang tapusin ang lahat. Pero di siya tuluyang sumuko. Nang mabalitaan ang programa ng TESDA, pumasok siya, nag-training, at kinuha ang kursong wellness massage. Pagka graduate, na-empleyo siya ng isang spa; ginawang operations manager sa kanyang angking galing; at pagkatapos po noon, siya na mismo ang nagtayo ng sarili niyang spa. Ngayon po, apat na taon mula nang nagtraining, lima na po ang branch ng kanyang spa, na may di bababa sa 32 ang empleyado. At bukod pa dito, nabanggit na ni Joel kanina, tatlo na po ang franchisee niya, ng kanyang spa doon po sa amin sa Tarlac—sa Gerona, Santa Ignacia, at Camiling. Kumikita ngayon si Christina nang malaki. Mas malaki sa akin, sabi nga ni Joel, bawat buwan. [Laughter] Pero ganoon talaga ang buhay. Di ko na ho sasabihin kung gaano kalaki. Pero madalas hong sinasabi sa atin ni Joel, “Boss pagkatapos ho, dumaan ka sa amin sa TESDA, gaganda ang buhay mo.” [Laughter and applause] 

Pagdating naman sa Sari-sari Store Training and Access to Resources Program o STAR program ng TESDA at Coke, sinasanay ang mga benepisyaryo sa bookkeeping, inventory management, accounting, at iba pang kaalaman para i-professionalize ang kanilang pagtakbo ng kanilang sari-sari store. Pati kung paano siguruhing hindi masasayang ang dagdag na kita po nila, itinuturo din sa programang ito. Sa kasalukuyan nga po, benepisyaryo ng programa, noong dati report sa akin ay 34,000, bumaliktad na po ngayon: 43,000 na po ang nakapagtapos ng training ng mga sari-sari store owner. May isa nga po, ang dating kinikita 800 piso kada araw; sa tulong ng STAR program, ang kita niya ngayon, 4,000 piso kada araw na. [Applause] At sasabihin nanaman ni Joel: “Boss, diyan, medyo pumapantay ka diyan.” [Laughter] Ganyan talaga ang buhay, mga kapatid. 

Bukod sa kanila, naikuwento na rin natin ang isang person with disability na si Mark Escora. Dating barker, ngayon, escalation supervisor na sa BPO. Bilang escalation supervisor, siya ang nagmomonitor ng mabibigat na tawag sa call center, at nangangasiwa sa mga ahente. Nitong Hulyo, natapos na ni Mark ang training niya na paghahanda sa promotion bilang escalation manager.

Sa Special Training for Employment Program naman, bukod sa pagbibigay ng libreng training at allowance, nagkaloob din ang TESDA ng mga starter toolkit. Minsan pong naikwento sa atin ni Joel, nagkausap daw sila ni Art Yap, miyembro ng gobyernong ating pinalitan. Tinanong kay Joel, paano nakakayanan ng TESDA ang magbigay ng de-kalidad na kasangkapan? Simpleng sagot ni Joel: “Kami kasi ang nagpapatakbo.” [Applause]
Ilan lang po ang mga ito sa tagumpay na nakamit ng TESDA sa nakalipas na anim na taon. Sa ngayon, nakakapagpatapos na ang Technical Vocational Education and Training (TVET) ng TESDA ng mahigit 10 milyong course graduates. Ang good news po: Ang placement rate sa Training for Work Scholarship Program, nasa 72 percent na po. Napansin ko lang kanina, 2014 iyong 72 percent. Nasa 2016 na tayo; alam kong ginagawa ninyo iyong impact-assessment: babasahin ko nang mas mataas sana sa 72 percent sa 2015. Napakalayo na po ito kumpara sa dating 28.5 percent lang na placement rate ng TESDA scholars.

Ito nga po ang ibig sabihin natin ng pagsasagad sa oportunidad na bumubukas na sa atin pong bansa. Ang maganda nga dito, may kakayahan tayong panatilihin at ipagpatuloy ang mga programang ito. Halimbawa po, sa ating mga TESDA scholars na nabigyan ng trabaho, dahil mayroon nang suweldo, nakakapagbayad na sila ng buwis. At kung susumahin, ang pinuhunan ng estado sa kanila, baka sa unang taon pa lang po ng kanilang paghahanapbuhay, mababawi na natin ang ating puhunan, at paglaon po ay magiging sobra pa. Ang lahat nga po ng ibinabayad na buwis ng ating scholar hanggang magretiro sila, ay sila naman po ang siyang magbubukas ng pagkakataon para sa mas marami pa nating mga kababayan. Ito po ang siklo ng pangmatagalang benepisyo.

Patunay ang TESDA at ang ating mga benepisyaryo: Ang Pilipino, kapag binigyan mo ng pagkakataon, talagang susulitin niya, hindi lang upang iangat ang sarili at pamilya, kundi pati na ang sambayanan.

Isa nga po sa kabalikat natin, at naniniwala sa kakayahang ito ng ating mga Boss noon pa man, ay walang iba kundi si Senator-elect Joel Villanueva. Ito pong si Joel, hindi nakuntento sa “Bahala na,” o sa basta lang masabing may nagawa na. Masigasig niyang sinasagad ang bawat pagkakataon at sinusuyod ang mga detalye para higit na makapagsilbi. Di nga po nakapagtatakang sa kanyang termino, nireporma niya ang TESDA, at naisalba mula sa imahe ng katiwalian at mapurol na serbisyo. Sa katunayan, noong nakaraang taon, nai-award sa TESDA ang Nationwide ISO 9001:2008 Certification, na sagisag ng de-kalidad at maaasahang pagtatrabaho ng ahensya. Kompiyansa po tayong sa bagong tungkulin ni Joel, mag-oovertime siya sa pagkayod sa Senado upang magdulot pa ng trabaho at pagkakataon sa maraming Pilipino.

Malinaw po: Lahat ng nakamit nating tagumpay ay bahagi lamang ng malawakan nating pagsisikap na tuparin ang ating panatang ang iwan ang ating bansa sa mas magandang sitwasyon kaysa sa ating dinatnan.

Sa Daang Matuwid, ginagawa natin ang tama at makatwiran, sinasagad ang pagkakataong makapaglingkod, at tinututok ang serbisyo sa kapakanan ng mas nakakarami. Kasabay ng paglago ng ekonomiya, pinapaunlad natin ang imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan, para iangat ang ating mga Boss.

Panawagan ko po: Ngayong tinatamasa na natin ang pagbabago, patuloy tayong magbantay at maki-ambag upang gawin itong permanente. Lalo nating patibayin ang ating mandato upang makapaghatid pa ng agarang benepisyo sa ating mamamayan. 

Ito na nga po marahil ang huling pagkakataon na makakaharap ko kayo dito sa TESDA bilang Pangulo. Taos-puso po akong nagpapasalamat sa ibinuhos ninyong sipag, lakas, at dedikasyon upang makihakbang sa Daang Matuwid. Hanggang sa huli, ang masasabi ko po: Napakalaking karangalan sa aking mamuno kasama ninyo, at paglingkuran nang buong puso at katapatan ang sambayanang Pilipino.

At sa pagtatapos po, babawiin ko po iyong joke ni Joel. May naalala po akong naikwento niya sa akin noong araw. 

Parati ko pong pinagmamalaki ang Pilipino, talagang matapang. Isa ho sa halimbawa nito iyong pag-aaral ng ibang lengwahe. Alam naman nating may mga kaibigan tayong Hapon. Iyong Hapon, kung hindi perpekto, hindi nila gagawin, hindi ho ba? Pag magsalita, at di perpekto ang Ingles, magha-Hapon na lang sila; ayaw nilang mapahiya. Sabi ko, baliktad naman sa Pilipinas. Iyong Pilipino, konting-konti lang ang alam, pakiramdam na kung minsan, pwede nang magturo ng Ingles. [Laughter] 

So, nagkataon po, pinamalas itong tapang na ito. Mayroon hong Pilipino, magkakaroon ng trabaho sa Amerika. Problema ho, hindi siya marunong mag-Ingles. So nilapitan niya iyong kaibigan niya na matagal nang nasa Amerika. Sabi niya: “Pare, tulungan mo naman ako.”

Ika niya, “Anong problema mo?”     

“Eh paano ako kakain man lang diyan, hindi ako marunong mag-Ingles?”

“Ah, madali lang yan. Pupunta ka doon sa maliit na restaurant, hanapin mo itong mga letrang ito: D-I-N-E-R. Diner. Lahat ng lugar sa Amerika mayroon niyan, at diyan mura iyong pagkain.”


“Ah ganoon ba? O sige.”

“Ngayon, pag napagsilbihan ka nang maaga, umupo ka doon sa counter; parang bar. Umupo ka doon. Tapos pag nilapitan ka, tinanong ka kung ano ang gusto mo; sasabihin: ‘What can I get you?’ Madali yan. Sasagutin mo lang ng ‘Coffee and donuts please.’”

“Eh ano naman iyon?”

“Coffee; kapi. Donut, di ba?”

“Ah oo, masarap iyan,” ika niya.

“At pagkatapos niyan, pare, ano? Susunod naman ako. Pagkatapos ng isang buwan, magkita tayo, tutulungan kita kung may problema ka pa.”

“Ayos, salamat!”

So, nauna iyong kaibigan nating kokonti ang Ingles. Pagkarating niya doon, unang beses na almusal niya pumunta siya doon sa diner. Nakahanap siya. Umupo siya sa counter. Umorder siya ng “Coffee and donuts please!” Naibigay naman, masaya siya. Eh, ang problema, isang buwan na siya kumakain ng almusal, tanghalian, hapunan: “Coffee and donuts, please.” [Laughter]

Dumating ngayon ang kaibigan niya at nagkita sila ulit. Sabi niya, “Pare, buti naman, dumating ka na.” [Laughter] “Oh, anong problema?” [Laughter] “Purgang purga na ako sa coffee and donuts; turuan mo naman ako ng iba!” [Laughter] 

“Iyan lang pala? Kayang-kaya natin yan. Bukas, bumalik ka doon sa diner, ha, at sabihin mo naman, ‘Ham and eggs, please.’” Sabi niya, “Ham and eggs? Ano naman yan?”

“Ham: hamon! Eggs: itlog!” “Aba okey yan,” sabi niyang ganyan. Noong natulog siya, sa totoo lang ho, ngumunguya na siya. Napanaginipan niya iyong hamon at itlog. So, napaaga po iyong gising. Unang-una siyang customer doon sa diner na parati niyang pinupuntahan. Sabi noong waitress sa kanya, “Coffee and donuts?”
“No, no, no. Ham and eggs, please.”

“Okay. How do you like your eggs?”

Sabi niya: “Pardon?”

Titingin ‘yung waitress: “You know, scrambled, over-easy, fried, poached, boiled, eggs Benedict?” Ang haba ng listahan ng kung paano iyong itlog. 

“Ah, ok. Coffee and donuts please.” [Laughter and applause]

Moral po ng story: Ilagay mo yung Pilipino, dagdagan mo ang kakayanan, walang di kayang kayanin. [Applause]
Magandang umaga po. Maraming salamat po.



GPH Website





OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES






PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment