From the Website of the President
links: http://president.gov.ph/
Article Links: https://pco.gov.ph/news-releases/
Article Links: https://pco.gov.ph/news-releases/
------------------------------------------------------------------
Reporma sa kalusugan at pinalawak na benepisyo ng PhilHealth, siniguro ni PBBM sa pagbisita sa CVMC sa Tuguegarao
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang pangako ng administrasyon na palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga specialty center sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, kasunod ng kaniyang inspeksyon sa Brain and Spine Center ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga healthcare worker, lokal na opisyal, at mga kinatawan ng Department of Health (DOH), sinabi ni Pangulong Marcos na mahalagang aral ang natutunan ng pamahalaan mula sa pandemya ng COVID-19, lalo na ang agarang pangangailangan ng mga specialty hospital na madaling mapuntahan sa labas ng Metro Manila.
“What we are doing now, ganito ang polisiya. Isa sa bagong polisiya ng Department of Health ay inutos ko sa kanila, matuto na tayo. Maglagay tayo ng specialty center sa iba’t ibang lugar para naman kapag may sakit at kailangang mapunta sa isang specialty center ay hindi na kailangan lumipad pa o pumunta pa,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binalikan ng Pangulo kung paano nahirapan ang maraming Pilipino na makakuha ng serbisyong medikal noong panahon ng pandemya dahil sa siksikan sa mga ospital at kakulangan ng mga specialized treatment center sa mga rehiyon.
Ayon sa Pangulo, karamihan sa mga specialty hospital—kabilang ang mga may sakit sa bato, puso, baga, at pangangalaga sa mga bata—ay nasa Metro Manila, dahilan upang mahirapan ang mga pasyente mula sa malalayong lalawigan na makakuha ng kinakailangang serbisyong medikal.
Sinabi ng Pangulo na ipinatutupad na ngayon ng pamahalaan ang polisiya ng pagtatayo ng mga specialty center sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga pasyente para sa specialized medical treatment.
Binigyang-diin niya na layunin ng inisyatibang ito na gawing mas abot at mas madaling ma-access ang serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga residente sa Visayas at Mindanao kung saan mahirap bumiyahe patungong Metro Manila, lalo na para sa mga kritikal ang kondisyon.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang CVMC Brain and Spine Center bilang halimbawa ng modernisasyon ng healthcare system sa ilalim ng administrasyon at kinilala ang ambag ng mga lokal na opisyal at medical personnel sa proyekto.
Itinampok din ng Pangulo ang Zero Balance Billing program ng pamahalaan, na sumasagot sa mga pangunahing serbisyong medikal at ward accommodations sa pamamagitan ng pinagsamang suporta ng DOH, PhilHealth, at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIP) program.
Sa ilalim ng programa, hindi na kailangang magbayad ang mga kwalipikadong pasyente para sa gastusin sa pagpapaospital para sa mga pangunahing serbisyo.
Binanggit din ni Pangulong Marcos ang pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth, kabilang ang dagdag na coverage para sa dialysis, gamot pagkatapos ng kidney transplant, suporta para sa cancer treatment, at maternal healthcare services.
Tinalakay rin niya ang programang “First 1,000 Days” ng DOH, na nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan at nutrisyon para sa mga ina at bata mula pagbubuntis hanggang sa mga unang taon ng isang bata, bilang bahagi ng pagtugon sa malnutrisyon at pagkabansot.
Ayon sa Pangulo, target ng pamahalaan na makapagtatag ng 349 specialty centers sa buong bansa pagsapit ng 2028.
Tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na patuloy na palalawakin ng administrasyon ang mga programang pangkalusugan at pagpapabuti ng mga serbisyong medikal upang masiguro ang mas maayos na healthcare access para sa lahat ng Pilipino.
Hinimok din niya ang publiko at mga stakeholder sa sektor ng kalusugan na patuloy na magbigay ng mga rekomendasyon upang lalo pang mapabuti ang healthcare system ng bansa. | P
Office of the President Website
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------
----------------------------------------------------
-------------------------














0 comments:
Post a Comment