Friday, September 11, 2026

PBBM admin, pinapalakas ang digital infrastructure para sa paglago ng ekonomiya

 

From the Website of the President
  and Government Media Offices
------------------------------------------------------------------

PBBM admin, pinapalakas ang digital infrastructure para sa paglago ng ekonomiya

Patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang digital infrastructure at kakayahan ng mga Pilipino upang suportahan ang paglago ng ekonomiya, lumikha ng mas mataas na uri ng trabaho at ihanda ang bansa sa mga bagong teknolohiya, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kanyang talumpati sa 2026 Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum sa Grand Ballroom ng Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City, Taguig City nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang digital foundations ng bansa bilang bahagi ng pagtatayo ng isang modernong ekonomiya.

“We are also building the digital foundations of a modern economy. We are expanding secure connectivity and advanced computing infrastructure. We are strengthening cybersecurity and establishing safeguards for the responsible use of AI,” ani Pangulong Marcos sa nasabing forum.

(Itinatayo rin natin ang mga digital na pundasyon ng isang makabagong ekonomiya. Pinalalawak natin ang ligtas na connectivity at advanced computing infrastructure. Pinapalakas natin ang cybersecurity at nagtatatag ng mga pananggalang para sa responsableng paggamit ng artificial intelligence.)

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagsusulong ng renewable resources, pagpapalakas ng power grid at paggamit ng mga teknolohiyang makatutulong kapwa sa paglago ng ekonomiya at pangangalaga sa kapaligiran.

“We are developing renewable resources, strengthening the grid, and pursuing reliable technologies that support both economic growth and environmental responsibility,” dagdag pa ng Pangulo.

(Pinauunlad natin ang renewable resources, pinapalakas ang power grid at isinusulong ang mga maaasahang teknolohiyang susuporta kapwa sa paglago ng ekonomiya at pangangalaga sa kapaligiran.)

Sinabi ng Pangulo na mayroon nang matibay na pundasyon ang Pilipinas ng mga manggagawang may kakayahan sa digital technologies.

“We are enabling them to move into the higher-value work and helping Filipino enterprises become creators—not merely users—of the new technologies,”ayon sa Pangulo. “We want our country to help design and build the solutions that will shape our future.”

(Binibigyan natin sila ng pagkakataong makapasok sa mga trabahong may mas mataas na halaga, at tinutulungan ang mga negosyong Pilipino na maging mga tagalikha—hindi lamang mga gumagamit—ng mga bagong teknolohiya.)

(Nais nating maging bahagi ang ating bansa sa pagdidisenyo at pagbuo ng mga solusyong huhubog sa ating kinabukasan.)

Idinagdag ng Pangulo na matagal nang pinagkakatiwalaang katuwang ang Pilipinas sa global semiconductor at electronics production.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lamang koleksiyon ng mga infrastructure project ang LEC, kundi bahagi ito ng mas malawak na estratehiya ng pamahalaan sa pag-oorganisa ng paglago ng ekonomiya.

“It is our strategy for organizing growth,” ani Pangulong Marcos.

(Ito ang ating estratehiya para maayos na maisulong ang paglago.)

Ayon sa Pangulo, inililipat na ng Pilipinas ang pagtutok mula sa pagtukoy lamang ng mga posibilidad tungo sa paghahanda ng mga proyekto; mula sa mga pagpapahayag ng interes tungo sa commercial partnerships; at mula sa isang shared vision tungo sa mga pamumuhunang maisasakatuparan at masusukat ang resulta.

Sinabi ng Pangulo na mahalaga ang hakbang na ito sa panahong muling inaayos ang global supply chains.

Ayon kay Pangulong Marcos, binabago ng teknolohiya ang paraan ng paggawa ng mga produkto at paghahatid ng mga serbisyo.

Sinabi rin ng Pangulo na naghahanap ang mga negosyo ng maaasahang lokasyon kung saan maaari silang mamuhunan nang pangmatagalan, makapasok sa lumalaking merkado at makinabang sa isang mahusay na workforce.

Ani Pangulong Marcos, layunin ng Pilipinas na maging isa sa mga lokasyong ito.

“We offer a growing domestic market, access to major trade routes, a young and talented population, and strong economic relationships across the world. We are reinforcing these advantages through better connectivity, reliable energy, modern digital infrastructure, and stronger domestic industries,” ayon kay Pangulong Marcos.

(Mayroon tayong lumalaking domestic market, access sa mahahalagang trade routes, batang may talento at mahusay na populasyon, at matitibay na ugnayang pang-ekonomiya sa buong mundo. Pinapalakas natin ang mga kalamangan na ito sa pamamagitan ng mas mahusay na connectivity, maaasahang enerhiya, makabagong digital infrastructure at mas matatag na mga lokal na industriya.)

“We are improving the movement of people and goods across the Corridor. This will reduce costs, support manufacturing and trade, and help Filipino enterprises reach larger markets,” dagdag ng Pangulo.

(Pinapahusay natin ang paggalaw ng mga tao at produkto sa buong Corridor. Makababawas ito sa mga gastos, susuporta sa manufacturing at trade, at tutulungan ang mga negosyong Pilipino na maabot ang mas malalaking merkado.)

Idinagdag ni Pangulong Marcos na patuloy ding pinapalawak ng Pilipinas ang energy capacity nito upang matugunan ang pangangailangan ng industriya at mga komunidad. | PND


 
 
 
 
 
Office of the President Website






PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------
 -------------------------

0 comments:

Post a Comment