Friday, September 4, 2026

PBBM,paglagda sa amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act

 

From the Website of the President
  and Government Media Offices
------------------------------------------------------------------

PBBM, pinangunahan ang seremonyal na paglagda sa amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), na naglalayong palawakin ang tulong ng pamahalaan para sa mga estudyante at trainees na kumukuha ng kolehiyo o technical-vocational courses.

Isinagawa ang ceremonial signing sa Malacañang Palace nitong Biyernes ng umaga.

“It is a great honor for me to finally sign the Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act. This Act reflects what our Bagong Pilipinas should always be: a country where every young Filipino, especially the most disadvantaged, has an equal chance at a quality tertiary education,” bahagi ng talumpati ng Pangulo.

(Isang malaking karangalan para sa akin na sa wakas ay malagdaan ang Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Sinasalamin ng batas na ito kung ano ang dapat maging Bagong Pilipinas: isang bansa kung saan ang bawat kabataang Pilipino, lalo na ang mga higit na nangangailangan, ay may pantay na pagkakataon na makakuha ng de-kalidad na tertiary education.)

Sinabi ni Pangulong Marcos na pinatitibay ng amyenda ang pangako ng pamahalaan na makamit ang hinaharap kung saan bawat pamilyang Pilipino ay magkakaroon ng kahit isang anak na makapagtatapos ng bachelor’s degree o technical-vocational education and training (TVET) program.

Ayon sa Pangulo, malaki ang naitulong ng libreng tuition sa pagtanggal ng pangunahing hadlang sa tertiary education, ngunit patuloy pa ring nahaharap ang mga pamilya sa gastos para sa mga libro, pamasahe, pang-araw-araw na pangangailangan at iba pang gastusin na maaaring maging dahilan upang hindi matapos ng mga estudyante at trainees ang kanilang pag-aaral.

Sinabi pa ng Pangulo na nabuksan na ng pamahalaan ang mga pintuan ng mga pampublikong kolehiyo, unibersidad at technical-vocational institutions, ngunit hindi nagtatapos doon ang responsibilidad ng gobyerno.

“We must help all our learners remain in school or training until they complete their studies and acquire the skills that they need to succeed,” pahayag pa ng Pangulo.

(Kailangan nating tulungan ang lahat ng ating learners na manatili sa paaralan o training hanggang makumpleto nila ang kanilang pag-aaral at makuha ang mga kasanayang kailangan nila upang magtagumpay.)

Sa ilalim ng orihinal na batas, naging libre ang tuition at iba pang school fees sa mga pampublikong higher education institutions at state-run technical-vocational institutions at nagbigay ng tulong sa mga mag-aaral na may limitadong kakayahang pinansyal sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy.

Partikular na tinutulungan ng programa ang mga estudyanteng mula sa mahihirap at disadvantaged families, kabilang ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Maaari ring makatanggap ng government support ang mahihirap ngunit karapat-dapat na mga estudyanteng kumukuha ng priority programs na hindi saklaw ng mga umiiral na scholarship o grant upang makapag-aral sa mga kwalipikadong pribadong higher education at technical-vocational institutions.

Sinabi ni Pangulong Marcos na magbibigay ito ng mas maraming pagkakataon sa mga Pilipino na makakuha ng degree, diploma o skills qualification.

Dumalo sa seremonya sina Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Shirley Agrupis, Senate President Sherwin Gatchalian at mga miyembro ng Senado; House Speaker Bojie Dy at mga miyembro ng House of Representatives, mga miyembro ng Gabinete; student beneficiaries at iba pang stakeholders.

Sa inamyendahang batas, palalakasin pa ang implementasyon ng UAQTEA sa pamamagitan ng pagpapahusay ng suporta para sa disadvantaged learners, pagpapalawak ng financial assistance, at pagpapabuti ng monitoring at accountability mechanisms ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Program.

Ang UniFAST Law, sa ilalim ng Republic Act No. 10687, ay naglalayong gawing mas maayos ang paglalaan, paggamit at pagtukoy sa mga target na benepisyaryo ng government resources, gayundin ang pagpapalawak ng access sa dekalidad na higher at technical education para sa mga higit na nangangailangan.

Ayon sa CHED, magsisilbi rin itong pangunahing mekanismo at estratehiya ng bansa sa human resource development upang maiugnay ang mga benepisyaryo sa mga priority course na kailangan para sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya. | PND


 
 
 
 
 
Office of the President Website






PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------
 -------------------------
 

0 comments:

Post a Comment