From the Website of GPH - Government of the Philippines links: http://www.gov.ph/2015/07/27/president-aquino-sixth-sona/ Benigno S. Aquino III, Sixth State of the Nation Address, July 27, 2015
State of the Nation Address
of His Excellency Benigno S. Aquino III President of the Philippines To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 27, 2015]
Maraming salamat po. Maupo ho tayo lahat.
Bago po ako magsimula, hihingi ako ng
paumanhin, dahil hindi natin nagawa ang tradisyonal na processional
walk. Hindi na rin po natin nakamayan ang lahat ng nag-abang. Medyo
masama po kasi ang ating pakiramdam sa kasalukuyan.
Bise Presidente Jejomar Binay; mga
dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Senate
President Franklin Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano
Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice
Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga
kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng
Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar,
pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko
nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal
kong kababayan, magandang hapon sa inyong lahat. [Palakpakan]
Ito ang aking ikaanim na SONA. Muli
akong humaharap sa Kongreso at sa sambayanan upang iulat ang lagay ng
atin pong bansa. Mahigit limang taon na ang lumilipas mula nang itinigil
natin ang wang-wang, hindi lang sa kalsada, kundi sa buong lipunan;
mula nang pormal tayong nanumpang labanan ang katiwalian upang masugpo
ang kahirapan; at mula nang natuto muling mangarap ang Pilipino, ang
atin pong mga boss. Mga Boss, ito ang kuwento ng ating paglalakbay sa
Daang Matuwid.
Nito lang pong Biyernes, pinasinayaan
natin ang Muntinlupa-Cavite Expressway. Una po ito sa nakapilang
Public-Private Partnerships na tayo ang nag-apruba, at sa ilalim ng
administrasyon natin binuksan sa publiko. Sa atin pong mga sinundan:
Halos magmakaawa ang pamahalaan sa pribadong sektor na lumahok sa mga
proyekto. Ngayon sila na ang sumusuyo—dito nga po sa MCX, binayaran pa
tayo ng premium na P925 million para sa pribilehiyong itayo ang
imprastrukturang kailangan natin. Sa taas din ng kumpiyansa nilang
kikita ang proyekto, sabi ng private proponent, libre na ang unang buwan
ng toll sa MCX.
Talaga nga pong napakalayo na ng ating narating. Para isakonteksto ito, magbalik-tanaw tayo.
Dinatnan natin ang taumbayang namanhid na sa walang humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw.
Ipinagmalaki sa ating sapat na raw ang
mga classroom. Iyon pala, umaabot sa apat na shift ang mga klase. May
pumapasok nang madilim pa, at may umuuwing madilim na—pero lahat sila,
naiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral.
“Uninterrupted growth” ang ibinida ng ating sinundan sa kaniyang huling SONA.
Pero nang suriin po, malaking bahagi pala nito ay galing sa remittances
ng mga taong nawalan ng pag-asa sa Pilipinas. Ika nga po, “People were
voting with their feet.” Kung gagayahin ko ang ganitong estilo,
kikilabutan akong angkinin ang tagumpay na nagmula sa pagpapalayas ng
ating mga kababayan.
Nang papalapit ang eleksiyon ng 2004,
lampas P700 milyon ang diumano’y pinambili ng fertilizer na di-angkop sa
pananim, sobrang taas ng presyo, at sa maraming pagkakataon ay hindi
man lang nasilayan ng mga magsasaka. Sino kaya ang napataba ng patabang
ito? Klarong hindi pananim o magsasaka. Naalala rin po siguro ninyo ang
NBN-ZTE scandal. Inimbestigahan namin ito sa Senado; may nagsabing siya
raw ay tinangkang suhulan. Nang usisain, ayaw namang magsalita dahil may
executive privilege daw siya. Hindi rin naman maipatawag ang dating
pangulo—kaya ang natirang matatanong ay ang alipores niyang akusado ng
panunuhol. Natural, itinanggi niya ang paratang.
Noong mga panahong iyon, maski bata,
natutuhan na ang salitang “scam.” Naaalala siguro ninyo: Ang Hello
Garci, na sinagot lang ng “I am sorry.” Ang mga tunay na bank account ng
bogus na si Jose Pidal. Ang tinangkang Constitutional Assembly para
habambuhay na manatili sa puwesto. Ang EO 464 na nagtangkang supilin ang katotohanan. Ang pagdeklara ng State of Emergency, para umilag sa checks and balances ng 1987 Constitution
ukol sa Martial Law. Ang midnight appointments. Ang Calibrated
Preemptive Response na ginamit laban sa mga nagpoprotesta. Sa wika pa
lang po, mali na ito. Paano nauuna ang response? Para mo na ring
sinabing nag-reply ka sa taong hindi ka naman tinext [text].
Ito po ang mga headline na araw-araw
nating inalmusal bago tayo manungkulan. Pag-upo naman natin sa puwesto,
sunod-sunod nating nadiskubre ang kalokohan ng ating pinalitan.
Nabanggit ko na po sa mga nakaraang SONA:
Sa NFA, pinalobo ang utang mula P12.3 billion noong 2001, patungong
P176.8 billion noong Hunyo 2010. Sinabayan ito ng sobra-sobrang
pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa kamalig. Sa PAGCOR, isang bilyong
piso para sa kape. Sa MWSS: Patong-patong na pa-bonus. Sa Laguna Lake:
higit sa P18 bilyon ang tinangkang lustayin sa paglalaro ng putik. Di ko
nga po lubos maisip kung paanong naatim ng mga pasimuno nito ang
makinabang sa pagdurusa ng ating mga kababayan.
Bawat opisyal ng gobyerno, nanunumpang
maging makatarungan sa kapwa at sumunod sa batas. Pero klaro: Ang ginawa
ng nauna sa atin, kabaliktaran nito. Nakita natin ang pinakamasahol na
ehemplo noong Nobyembre ng 2009, nang pinaslang ang 58 na Pilipino sa
Maguindanao. Isipin lang ito, mali na. Ginawa nila, lalong mali pa. Pero
ang matindi po: Naniwala silang malulusutan ito, dahil nasa poder
sila—kaya nila itinuloy. Ilang halimbawa pa lang po ito na batid n’yo;
napakarami pang iba.
Sa ganitong sitwasyon, masisisi ba natin ang mga kababayang lumikas na dahil walang makitang pag-asa?
Gaya ninyo, sumagi rin sa isip kong
sumuko na lang. Nang pumanaw ang aking ina, lalo pang nabawasan ang
ating kumpiyansa; nawala ang aming pinuno at inspirasyon sa pagtutulak
ng pagbabago. Sa burol niya, may lumapit sa akin at nagmungkahing
tumakbo raw po ako sa pagka-pangulo. Ang sagot ko: Hindi naman ako
masokista. Kasama ako sa nagpapahinto ng mga ginawang mali; batid ko ang
lubha ng sitwasyon. Tiyak ko ring may mga detalye pang inilihim sa
atin, at sadya ngang mas malaki pa sa ating nalalaman ang problema. Nang
ako nga po ay tawagin ninyo para maglingkod, ang naging tanong ko: Kung
hindi agad malutas ang mga problema, gaano kahaba ang magiging
pasensiya ng aking mga Boss, bago nila ibaling ang galit sa akin?
Isa sa mga nakakumbinsi sa akin si Alex
Lacson. Ang sabi niya: “Simulan lang ang pagtigil sa pang-aabuso, sapat
na. To stop the hemorrhaging would be enough.”
Pakinggan po natin siya:
[Palakpakan]
Noon pa man, alam na nating katiwalian ang ugat ng pagdurusa. Kaya nga, ang sigaw po natin: Kung walang corrupt, walang mahirap.
Matinding pagsisikap, tapang, political
will, at tiwala sa Diyos at kapwa ang kinailangan upang isabuhay ang
kaisipang ito. Siyempre po, ang mga dalubhasa ng lumang kalakaran, hindi
maamong tupang papayag na lang matigil ang pagkakataon nilang
magsamantala. Ginamit at patuloy nilang ginagamit ang impluwensiya at
salapi upang labanan ang agenda ng pagbabago. Ginamit din nila ang poder
para maghanda ng mga salbabida sa panahon ng paghuhusga.
Ang Ombudsman na itinalaga para bantayan
ang katiwalian, diumano’y nagbulag-bulagan sa mga eskandalo ng
nakaraang administrasyon. Na-impeach siya sa Kamara, at nagbitiw sa
puwesto bago malitis ng Senado. Ang Punong Mahistradong tila ba may
pagkiling sa nag-appoint sa kaniya, ay napatunayang naglihim ng yaman at
ari-arian sa SALN, na-impeach ng Kongreso at na-convict ng Senado.
Kapalit nila, nagtalaga tayo ng mga
taong may integridad at sariling pasya. Ang bagong Ombudsman: si
Conchita Carpio-Morales. Ang bagong Chief Justice: si Ma. Lourdes
Sereno. Ngayon, may sapat na panahon na siyang magpatupad ng reporma sa
Hudikatura. [Palakpakan]
Pati po sa ibang ahensiya, nagtalaga
tayo ng tapat at matatapang na pinuno. Sa COA, agad nating inilagay si
Chairperson Grace Pulido-Tan. Sa Ehekutibo naman, nag-appoint din tayo
ng mga palaban: si Commissioner Kim Henares sa BIR, at si Secretary
Leila de Lima [palakpakan] naman sa Department of Justice. Wala silang
inatrasan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sa inyong lahat, isang
taos-pusong pasasalamat.
Sa itaas, gitna, o ibaba ng burukrasya,
napakarami nang sinuspinde, tinanggal sa puwesto, sinampahan ng kaso, o
di kaya’y nasa piitan. Kung may nagdududa pang tunay ngang nakapiring
ang katarungan, maganda po sigurong ituon nila ang pansin sa tatlong
senador na kasalukuyang naka-detain, at sa dating pangulong
naka-hospital arrest.
May mga magsasabi: Mag-move on na raw
tayo. Ako naman po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: Ang
makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito.
Tingnan po ninyo ang ginagawa ng mga
nagkasala sa atin. Una, ipinapalimot ang kanilang mga nagawa.
Pagkatapos, sasabihin nila, “Kawawa naman kami.” Sinamantala na nga
tayo, sinasamantala pa ang likas nating pagkamaawain, para tuluyang
makatakas sa pananagutan. Ang kasunod, gagawa sila ng paraan para
makabalik sa poder. Di ba’t iyan naman talaga ang kanilang master plan,
upang patuloy pa tayong pagsamantalahan?
Natutuhan ko nga po sa aking mga
magulang, sa simbahan, at sa mga proseso ng batas: Anumang paghihilom ay
nagsisimula sa pag-amin at pagsisisi ng nagkasala. May naalala ba
kayong nagsabing, “Sorry sa pagnanakaw at pang-aabuso, handa na akong
magbago”? Ang sa akin lang po: Makaka-move on lang tayo kapag nakamtan
ang katarungan. [Palakpakan]
Nagpatuloy nga po ang pagsasaayos ng mga
institusyon, upang muli silang maituon sa tunay nilang mandato.
Halimbawa: Sa Government-Owned and -Controlled Corporations. Ang mga
itinalaga dito, nanumpang pangalagaan ang yaman ng bayan. Ang masakit,
maski nalulugi na nga ang mga GOCC, kaliwa’t kanang benepisyo’t
insentibo pa ang ipinamudmod nila sa kanilang sarili. Kumbaga sa baka,
habang ginagatasan ang institusyon, gusto pang karnehin. Kaya ang
dibidendo ng nakaraang administrasyon, P84.18 billion lang sa loob ng
siyam at kalahating taon.
Sa atin, nabawasan na ang GOCCs sa
pagpapasara ng mga nawalan na ng saysay, pero dahil pinatino ang
palakad: Umabot na sa P131.86 billion ang dibidendo [palakpakan] sa loob
ng limang taon mula nang tayo’y maupo. Hindi nga po malabong bago tayo
bumaba sa puwesto ay madodoble na natin ang dibidendo ng ating
pinalitan, na mas mahaba ang panahon para mag-ipon. [Palakpakan]
Ganitong paninindigan din ang ipinamalas
natin sa BIR, na siyang pinakamalaking revenue generating agency ng
pamahalaan. Dumating tayong pinakamataas na sa kasaysayan ang P778.6
billion na koleksiyon noong 2008. Tinambakan natin ito. Noong 2012,
P1.06 trillion ang nakolekta ng BIR—ang unang pagkakataon sa kasaysayang
tumawid ng P1 trilyon ang ating koleksiyon. [Palakpakan]
Nitong nakaraang taon, umakyat na ito sa P1.3 trillion, at aabot pa sa P1.5 trillion ang malilikom ngayong 2015. [Palakpakan]
Limang taon lang ang kinailangan para
mapantayan, mahigitan, at halos madoble ang pinakamalaking nakolekta ng
ating sinundan. Nagawa ito nang tumutupad sa pangakong di magpapataw ng
bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform. [Palakpakan]
Paano narating ito? Simple lang po: Ako
po’y naniniwalang mabait si Commissioner Kim Henares, pero ‘yung
kaniyang mga kinasuhan ay iba yata ang opinyon. Si Commissioner Kim
Henares, walang tax evader na sinanto. Ngayon, 380 kaso na ang naisampa
laban sa mga nagtangkang umiwas sa buwis. Ginawa rin niyang episyente
ang sistema ng pagbabayad ng buwis, at sinigurong malinaw sa lahat ang
kanilang tungkuling makiambag sa pag-angat ng bansa.
Sa Pambansang Budget: Sa ilalim ng
pinalitan natin, laging reenacted ang bahagi o kabuuan nito. Noong 2007,
halimbawa, halos Abril na naaprubahan ang GAA. Masama na po, na ang mga
proyektong natapos na ay pinondohang muli. Ang mas malala: Pati ang
Maintenance and Other Operating Expenses, kabilang na ang pasahod, ay
kasama sa reenacted budget na ito. Ibig sabihin, ang nakasahod na ng
unang tatlong buwan ng 2007, pinaglaanan pa ulit ng pondo. Saan kaya
napadpad ang mga sobrang ipinagkaloob at hiniling?
Ang napatunayan natin: Kung makatwiran
ang mungkahi ng Ehekutibo sa budget, maayos ang magiging diyalogo sa mga
miyembro ng Kongreso. Agarang maipapasa ang GAA, mas mapapabilis ang
pagdating ng serbisyo sa ating mga kababayan, at mas maagang maiibsan
ang kanilang paghihirap.
Naging malinaw ang mensahe: Seryoso tayo sa pagbabago; patas ang laban dito. Ang resulta: kumpiyansa sa ating ekonomiya.
Nang nagsisimula pa lang tayo, hindi ko
inasahang manunumbalik agad ang tiwala ng mundo sa Pilipinas. Ang inisip
ko lang po noon: Itigil ang kalokohang umiiral sa sistema, para mahinto
ang paglubog ng sitwasyon ng ating kababayang naghihikahos sa
kahirapan. Sumagi man lang ba sa isip ninyo na magtutuloy-tuloy ang
pag-angat natin sa global competitiveness rankings, at magiging tanyag
tayo dahil sa bilis ng paglago ng ating ekonomiya? Ngayon, ang
Pilipinas, nabansagan nang “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Rising Star,”
at “Asia’s Bright Spot.” [Palakpakan]
Ngayon nga po, sa kauna-unahang
pagkakataon, investment grade na tayo ayon sa mga pinakatanyag na credit
rating agencies. Malinaw ang sinasabi nito sa mga negosyante: Sulit
mamuhunan sa Pilipinas; nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo dito.
Ngayon, mas mababa ang interes at mas mahaba ang panahon ng pagbabayad
ng utang, na nakakaengganyo sa mga negosyanteng tumaya sa Pilipinas. Sa
pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo, sisigla ang kalakalan, lalakas ang
kompetisyon, at dadami ang oportunidad. Lahat ito, direktang resulta ng
pagsulong ng reporma sa Daang Matuwid. [Palakpakan]
Tingnan po natin: Noong 2010, nasa P1.07
billion lang ang net foreign direct investments na pumasok sa ating
bansa. Noong 2014, pumalo na ng $6.2 billion ang net foreign direct
investments. [Palakpakan] Ito ang pinakamataas na naitala sa ating buong
kasaysayan.
Pati sa domestic investments,
napakasigla ng mga numero; ngayon, ang Pilipino, tumataya sa kapwa
Pilipino. Ikumpara natin: Mula nang una itong itala noong 2003 hanggang
sa pag-upo natin noong 2010, P1.24 trillion lang ang approved na
domestic investments. Mula naman third quarter ng 2010 hanggang 2014,
ang ipinasok na puhunan ng ating mga kababayan sa merkado: P2.09
trillion na po. [Palakpakan]
Sa manufacturing naman po: Aaminin ko,
noong unang nanungkulan tayo, isa sa mga pinakamalaking palaisipan ang
pagbabalik ng sigla sa sektor na ito. Humarap sa maraming hamon ang mga
industriya: Kuryente pa lang, napakamahal na nga, di pa tiyak. Di rin po
biro ang pagtatayo ng pasilidad, dahil malaking puhunan ang kailangan
para sa mga makina at pagsasanay ng mga tao. Kaya po ultimo low-tech na
electric fan noon, kinailangan na nating angkatin.
Dahil sa repormang nagpanumbalik ng
kumpiyansa sa ating bansa, lumago ang manufacturing sector. Ang three
percent annual average growth ng sektor mula 2001 hanggang 2009,
naiangat natin sa eight percent mula 2010 hanggang 2014. [Palakpakan]
Malinaw po: Kaya nang makipagsabayan ng
Pilipino. Dati, ang tanging bentahe natin ay ang mababang pasahod sa
ating mga manggagawa. Ngayon, dinadala na rin dito ang mga pabrika ng
hi-tech na kagamitan: mula sa mga bahagi ng eroplano, mga electric
tricycle, mga printer, at iba pang digital media products, hanggang sa
high-quality medical devices gaya ng aortic catheter, at gamit para sa
in vitro diagnostics at hemodialysis treatment.
Pakinggan po natin kung gaano kalinaw ang pagbabago:
[Palakpakan]
Alam po natin: Ang pangunahing sukatan
kung tunay na tumatalab sa karaniwang Pilipino ang pag-unlad ay ang
nalilikhang trabaho. Suriin natin ang pagbabago sa aspektong ito.
Taon-taon, mahigit 800,000 ang mga
bagong pasok sa ating labor force. Idagdag na rin po natin diyan ang
naiulat na pagkaunti ng overseas Filipinos. Noong 2011, nasa 9.51
million ang naitalang overseas Filipinos ng Department of Foreign
Affairs. Sa huling datos naman ng Disyembre ng 2014, nasa 9.07 million
na lang ito. Hindi kalabisang isiping marami sa tinatayang 440,000
nabawas sa kanila ay bumalik sa Pilipinas, at nakahanap ng trabaho.
[Palakpakan]
Bagama’t may bagong salta sa merkado,
mga balikbayan, at dati nang walang trabaho, ang unemployment rate,
bumaba sa 6.8 percent noong nakaraang taon. [Palakpakan] Ito ang
pinakamababa sa loob ng isang dekada. Linawin ko rin po: Permanenteng
trabaho ang nalikha natin; hindi tayo nag-hire ng magwawalis ng kalsada
tuwing survey period lang, para kargahan ang resulta.
Kaakibat ng paglikha natin ng trabaho
ang maaliwalas na ugnayan ng manggagawa at negosyante. Ikumpara po
natin. Noong siyam at kalahating taon ng nakaraang administrasyon, ang
natuloy na labor strike: 199, o halos 21 kada taon. Sa limang taon po
natin, ang suma-total ng natuloy na strike: 15 na nga lamang po.
[Palakpakan] Noon nga pong 2013, ang nag-strike sa buong bansa: isa. Ito
ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. [Palakpakan]
Kaya naman po talagang bilib tayo kay
Secretary Linda Baldoz, at sa sektor ng manggagawa at mga nangangasiwa.
Si Sec. Linda po, hindi lang magaling; napakadali mo pang katrabaho
dahil lagi kang positibo. Ikaw na nga ang tinagurian kong Pastora ng
Gabinete. Maraming salamat sa iyo, Linda. [Palakpakan]
Talagang napakalaki na nga po ng
pagbabago. Noon, ang mga signage na lagi nating nakikita, di ho ba, “No
Vacancy”? Ngayon, nagkalat ang mga anunsiyong “For Immediate Hiring”;
magbukas ka lang ng diyaryo, makikita sa classified ads ang maraming
kumpanyang naghahanap ng maeempleo. Ang iba nga, pagandahan pa ng
insentibo. Merong magpa-interview ka lang, ililibre ka na ng almusal.
Kapag na-hire naman, sagot na rin nila ang blow-out para ipagdiwang ang
bago mong trabaho.
Nabanggit nga po sa akin ng ilang
negosyante na pahirapan na ngayong makahanap ng accountant. Naalala ko
po kasi nung bata ako, maraming kumukuha ng BS Commerce Major in
Accountancy. Nang bumisita tayo sa Bicol University, naikuwento ko ito
sa kanilang presidente. Tanong ko: Di ba meron kayong accountancy
program? Meron daw po, pero kahit sila ay nahihirapang punuin ang
sariling accounting department. Bakit? Sabi po kasi ng presidente nila,
ang mga estudyante nila, 3rd year pa lang, nire-recruit na ng mga
accounting at auditing firms. [Palakpakan]
Nagawa po ito dahil sa pagtugon sa
tinatawag na job-skills mismatch. Dati, maraming nagsasabing wala silang
trabaho, kahit napakarami namang bakanteng posisyong nakatala sa
PHIL-JobNet na hindi napupunuan. Ang simpleng dahilan: Hindi tugma ang
kakayahan ng ating mga kababayan sa hinahanap ng merkado. Simple lang
din po ang solusyon dito: Kausapin ang mga prospective employer, para
malaman kung anong klaseng kaalaman ang hinihingi ng mga posisyong
binubuksan nila. Dito naman tayo nagsasanay ng trainees, upang masagad
nila ang oportunidad.
Ang prinsipyo ng ating pamumuno: Sa
halip na bigyan ang kapwa ng isda, turuan siyang mangisda. Ang pag-unlad
at pagkakataon, sinisiguro nating masasagad ng ating mga kababayan.
Hindi puwedeng daanin sa trickle down, “bahala na,” o “sana” ang
pag-abot nito sa mga pinakamahirap. Ang paninindigan po natin: inclusive
growth.
Ang agenda: ayuda, kaalaman, kasanayan, at kalusugan para walang maiiwan. Ang isa sa mga mekanismo: Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Pinalawak natin nang husto ang saklaw
nito. Ngayon, nasa mahigit 4.4 million na ang kabahayang nakikinabang sa
programa. [Palakpakan] Malayong-malayo ito sa dinatnan nating 786,523
lamang na kabahayan. Nitong taon, 333,673 ang nagtapos sa high school;
kabilang sila sa unang batch ng ating mga benepisyaryo sa pinalawak na
Pantawid Pamilya. 13,469 sa kanila ang tumanggap ng honors at iba’t
ibang gantimpala. [Palakpakan] Iyon nga pong dalawang benepisyaryong
nakilala ko, nakapasok sa quota course na Civil Engineering sa
University of the Philippines.
Ang lahat po ng benepisyaryong ito,
tataas ang antas ng kaalaman; sa halip na menial jobs ang pasukan ay
malamang makakuha sila ng mga trabahong maayos ang mga suweldo. Income
tax pa lang nila, bawi na ang puhunan ng estado, at maitutuloy natin ang
siklo ng pagbibigay-lakas sa mga nangangailangan. Bonus pa po ang
lalong magandang kinabukasang nag-aabang para sa mga honor students na
pinagtapos ng programa.
Pakinggan po natin ang isang natulungan ng Pantawid Pamilya:
[Palakpakan]
Sa Pantawid Pamilya, kapalit ng tulong
sa mga benepisyaryo, pangunahin nilang dapat tutukan ang pag-aaral ng
mga anak. May paunang bunga na po ito: Ayon sa pag-aaral ng Philippine
Institute for Development Studies, noong 2008, mayroong 2.9 million na
out-of-school children sa ating bansa. Lumaki ang ating populasyon, pero
noong 2013, ang natirang out-of-school children, 1.2 million na lang
po. [Palakpakan] Idiin po natin ang diperensiya: 1.7 million. Para po
nating pinuno ng estudyante ang humigit-kumulang 42,500 na bakanteng
classroom. Siyempre, bukod sa Pantawid Pamilya, may kontribusyon din ang
Alternative Learning System para masigurong pati ang mga katutubo at
street children ay hindi napapag-iwanan.
May mga nagtatanong pa nga rin po:
Nasaan ang resulta ng Pantawid Pamilya? Sagot po natin diyan, “Naman.”
Ang akala kaya nila, itong Pantawid Pamilya ay parang mahiwagang
tabletang kapag ininom ng kinder, pagkatapos ng ilang oras ay college
graduate na? [Palakpakan at tawanan] Baka po kulang sila ng pagkakataong
mag-aral kaya tululungan natin silang magbilang: 13 taon ang K to 12, samantalang anim na taon lang ang aking termino. Nahahalata tuloy kung sino ang medyo matinding mambobola.
Ang lakas din ng loob ng ibang
ipagsigawan: May leakage daw ang Pantawid Pamilya. ‘Yun pala, para
makapangutya sila, taong 2009 na datos ang ginamit. Paalala lang po:
Kalagitnaan ng 2010 nang ako’y naging Pangulo; mukhang ibang pinuno ang
dapat nilang singilin sa tinatawag nilang leakage. [Palakpakan]
Malamang, pagdating ng panahong ang mga benepisyaryo’y nag-aambag na sa
ekonomiya, ang mga tumutuligsa ngayon, mag-uunahang magsabing sila ang
ama o ina ng pinalawak na Pantawid Pamilya.
Sa sektor naman po ng edukasyon:
Sinisiguro nating napupunuan ang mga pagkukulang ng nakaraan,
natutugunan ang mga pangangailangang dumarating sa kasalukuyan, at
napapaghandaan pati ang para sa kinabukasan.
Unang dalawang taon pa lang natin sa
puwesto, naisara na ang dinatnang backlog na 61.7 million textbooks at
2.5 million na upuan. Pagdating ng 2013, ang backlog na 66,800
classrooms, at ang kulang na 145,827 na guro, natugunan na rin sa tulong
ng ating local government unit partners. [Palakpakan]
Sa estima ng DepEd, mula 2010 hanggang
2017, ang kabuuang bilang ng madaragdag na estudyante: 4.7 million.
Bunsod po ito ng pagdami ng enrollees at pagpapatupad natin ng K to 12.
Para matugunan ito, kailangan nating magdagdag ng tinatayang 118,000
classrooms. 33,608 dito, naipatayo na. Ngayong taon, nakasalang na ang
pagpapagawa ng mahigit 41,000 pa. Ang natitirang 43,000, nakapaloob na
sa inaasahan naming ipapasa ninyong 2016 budget. [Palakpakan]
Tinatayang 130,000 naman ang kailangan
nating guro. Nitong 2014, ang na-hire na ay 29,444. Ngayong taon, ang
kabuuang bilang ng guro na target nating ma-hire: 39,000. Ang natitira
pang 60,000, nakapaloob na sa panukalang 2016 budget na sana po’y
aprubahan n’yo. [Palakpakan] Ayon nga po kay Bro. Armin, ang suma-total
ng naipagawa nating mga classroom at na-hire na guro ay higit pa sa
pinagsama-samang nagawa mula sa nakalipas na 20 taon bago tayo
manungkulan.
Naipamahagi na natin ang karagdagang
73.9 million textbooks, na susundan pa ng 88.7 million ngayong taon.
Ngayong 2015 din, naihatid na sa mga paaralan ang 1.6 million na upuan,
na daragdagan pa uli ng 1.6 million bago matapos ang taon. Sa budget na
isusumite natin para sa 2016; nakalagay na ang pondo para sa dagdag
pang 103.2 million textbooks, at 4.4 million na upuan. Malinaw po: Hindi
na tayo mag-iiwan ng sakit ng ulo sa susunod sa atin. [Palakpakan]
Linawin ko lang po: Nagpatupad tayo ng K
to 12 dahil hindi praktikal ang pagsisiksik ng kaalaman sa 10-year
basic education cycle. Tandaan lang po ninyo noong tayo’y nag-umpisa,
tatatlo na lang tayong bansa na may 10-year basic education sa buong
mundo. Kinukuwestiyon na ang credentials ng ating mga kababayan sa ibang
bansa; mayroon na ring na-demote, dahil hindi raw sapat na patunay ng
kakayahan ang diplomang tangan niya. Kung ang lumang kalakaran sa
edukasyon ay maihahalintulad sa manggang kinalburo, ngayon, sinisiguro
nating hinog ang kakayahan ng mga estudyante na magpanday ng sariling
kinabukasan.
Pakinggan po natin ang isang patunay:
[Palakpakan]
Kung sa tech-voc naman pumasok,
nakahanda na rin ang ating pinalakas na mga programa para sa kanila. 7.8
million na ang mga nagtapos sa iba’t ibang kurso ng Technical
Vocational Education and Training na pinangasiwaan ng TESDA. Sa Training
for Work Scholarship Program lang po, umabot na sa 821,962 ang
napagtapos. Ano na kaya ang sitwasyon nila? Ayon sa pag-aaral, 71.9
percent na ang agad nakahanap ng trabaho, kumpara sa 28.5 percent dati.
Ang ilang industriya pa nga, talagang pumapalo na dahil 91.26 percent po
ang employment rate ng mga nasa semiconductors and electronics
industry—konti na lang po, 100 percent na. [Palakpakan]
Naikuwento nga po sa atin ni Sec. Joel
Villanueva: May OFW na napilitang umuwi. Akala niya, wala nang pag-asang
umasenso. Nag-aral siya ng “hilot wellness massage” sa TESDA; ngayon
po, apat na ang branch niya ng spa. Naikuwento ko na nga rin noong
nakaraang SONA ang isang PWD na dating barker; ngayon, escalation
supervisor na siya sa isang BPO. [Palakpakan]
Sa Sari-sari Store Training and Access
to Resources Program o STAR naman, may isang sari-sari store owner na
kumikita dati ng P800 kada araw; ngayon, P4,000 na ang kita niya. Kung
susumahin nga po, halos pareho na nga kami ng suweldo ng benepisyaryong
ito, [palakpakan at tawanan] kahit hindi parehong stress ang dinadaanan
namin. [Tawanan]
Paano nagawa ito? Sinanay siya sa
bookkeeping, inventory management, accounting, at iba pa. Talagang bilib
po tayo, dahil pati kung paano siguruhing mapupunta sa tama ang dagdag
na kita, itinuturo din sa STAR program.
Pakinggan po natin ang isa sa mga nakinabang sa programa ng TESDA at ng Coca-Cola:
[Palakpakan]
Dumako naman tayo sa sektor ng
kalusugan. Sa maraming Pilipino, sagabal sa pagtupad ng mga pangarap ang
pagkakasakit. Ang mga pamilyang umaasenso, back to zero kapag tinamaan
ng karamdaman. Nauubos na nga ang ipon, nababaon pa sa utang.
Sa PhilHealth
po: Dumating tayong 47 milyong Pilipino lang ang benepisyaryo. Halos
dinoble na po natin ito. Nitong Hunyo, pumalo na ang saklaw ng ating
PhilHealth sa 89.4 million na Pilipino. [Palakpakan] Ang pagbabago pa
nga po: Tuwing eleksiyon, parang kabuteng nagsusulputan ang mga bagong
benepisyaryo ng PhilHealth. Imbis kasi na pangangailangan ng taumbayan,
interes ng kandidato ang naging basehan. Tinama na natin ang ganyang
kalakaran.
Heto pa po. Noong 2012, inanunsiyo
natin: Kung kabilang ang pamilya mo sa lowest quintile o ang
pinakamahirap na 20 porsiyento ng ating populasyon, at nagpagamot ka sa
pampublikong ospital, sigurado, wala kang kailangang bayaran. Simula po
noong 2014: Lumawak na iyan para saklawin ang susunod na quintile sa
ating lipunan. Ibig sabihin, para sa pinakamahirap na 40 porsiyento,
libre na ring magpagamot sa mga pampublikong ospital. Ito po ‘yung
pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko po, sabi
nga ni Aiza Seguerra noong araw, “I thank you, bow.” [Palakpakan]
Ngayon, pakinggan po natin ang ilan sa mga resulta ng pinaigting na PhilHealth program:
[Palakpakan]
____________________
[Palakpakan]
Muli po nating balangkasin ang kuwento
ng nakaraang limang taon. Hinabol natin ang mga corrupt at nilinis ang
sistema, na nanganak ng kumpiyansa po sa ating mga merkado. Pumasok ang
negosyo, lumawak ang oportunidad, habang binibigyang-lakas nating
magkatrabaho ang Pilipino. Sila ang tumatangkilik ng mga negosyo; ito
naman pong mga negosyo, nakikitang meron nang level playing field;
naaasahan ang pag-asenso nang hindi kailangang mandaya. Nagpapalawak
sila ng operasyon, at umeempleo ng mas maraming tao. Siklo po ito:
katarungan, tiwala, paglago ng ekonomiya, pagkakataon, pag-asenso. Boss,
ito mismo ang diwa ng “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
[Palakpakan]
At hindi lang natin nakamtan ang
pagbabago; ang transpormasyong ating tinatamasa ngayon, lagpas-lagpas pa
sa inasahan noong simula.
Ang Cadastral Survey, na sinimulan pa
noong 1913, tapos na natin. Inabot ng halos isang siglo ang mga nauna sa
atin para matapos ang 46 percent nito. Ang mahigit kalahati pong
natitira, nabuno natin sa limang taon sa puwesto. Ito pong Cadastral
Survey ang tumutukoy sa hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat
lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas. Sa ARMM, halimbawa, para bang
nanganganak ang lupa: Sabi ng mapa, 1.2 million hectares lang ang
meron, pero kung susumahin ang idinedeklarang lupa, 3.7-million hectares
ang inaabot. Ngayon, dahil naayos na ang land record system, wala nang
nanganganak na lupa sa ARMM.
Noong 2011 po, inimbentaryo natin ang
mga sitio; tinukoy natin kung sino pa ang nangangailangan ng kuryente.
Gawa ng Sitio Electrification Program, nakapaghatid na tayo ng liwanag
sa 25,257 sitiong natukoy sa imbentaryong ito. Dagdag pa rito, dahil sa
paggamit ng solar at iba pang teknolohiya, kahit malayo o liblib na
lugar, nagkakakuryente na rin. Ngayon po, 78 percent na ng target ng SEP
ang energized na. At tinitiyak sa atin ng DOE na bago tayo bumaba sa
puwesto, lahat ng naitala noong 2011, may kuryente na. [Palakpakan]
Tunghayan po natin ang isang magsasakang nakinabang sa ating Sitio Electrification Program.
[Palakpakan]
Sa aviation naman po, sunod-sunod din
ang good news: Ang significant safety concerns na ipinataw ng
International Civil Aviation Organization noong 2009, natanggal na noong
2013. Sa parehong taon, pinayagan ng European Union ang ating flag
carrier na muling lumipad patungong Europa. Noong 2014 naman, isa pang
local carrier ang pinayagan ng European Union, habang inangat na tayo ng
U.S. Federal Aviation Administration sa Category 1, mula sa nangyaring
pag-downgrade sa Category 2 noong 2008.
Dahil dito, dumadami ang flights papasok
at palabas ng bansa, at napapadali ang paglipad ng mga turista sa loob
ng Pilipinas. Ang maganda pa: Nitong Hunyo, inalis na rin ng EU Air
Safety Committee ang travel ban sa lahat ng ating air carrier. Ito po
ang unang pagkakataong tinanggal nila ang ban sa buong civil aviation
sector ng isang bansa. Ngayon, lahat ng airlines natin, direkta nang
makakalipad papuntang United Kingdom, Italy, at iba pang bansang kasapi
ng EU.
Sa seafaring: 2006 pa lang po,
kinuwestiyon na ng European Maritime Safety Agency o EMSA ang ating
pagsunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for
Seafarers. Dahil dito, nagkaroon ng bantang hindi kilalanin ng EU ang
ating maritime education certificates. Kung hindi tayo umaksiyon, may
potensiyal na mawalan ng trabaho ang tinatayang 80,000 marinong
Pilipinong naglalayag sa mga barkong Europeo.
Agad na kumilos ang MARINA at DOTC para
iayon ito sa mga pandaigdigang pamantayan. Hanggang ngayon, kinikilala
pa rin ng EU ang ating mga sertipikasyon. Sa susunod na audit ng EMSA na
magsisimula ngayong Oktubre, ang garantiya ng MARINA sa atin: Tiyak,
papasa na po tayo. [Palakpakan]
Kay Sec. Jun Abaya: Huwag ka sanang
panghinaan ng loob kung tila nalilimot ng iba ang nagawa mo para sa
ating mga marino, ang pagtanggal ng ICAO sa significant safety concerns
sa ating aviation sector, ang pag-alis ng European ban sa ating mga
eroplano, at ang pag-akyat natin sa Category 1 ng U.S. Federal Aviation
[Administration]. Ipinagbawal mo rin ang pagpapalaot ng barko kapag may
bagyo, na nakatulong upang mailayo sa panganib ang pasahero. Bihira na
po tayong nakakakita ng balitang parating may barkong lumulubog tuwing
may bagyo. Lahat ng ito, naisasantabi dahil sa masalimuot na hamong
hinaharap natin sa pampublikong transportasyon. Pinakamalaking halimbawa
na nga po ang MRT.
Bihira ang nagbabanggit na may katuwang
tayong pribadong korporasyon, na naalala ang kanilang mga karapatan,
pero tila ba nalimot ang kanilang mga obligasyon. Ang katuwang na ito,
sagot ang maintenance. Dapat, noong 2008, nagkaroon ng general overhaul
ang MRT, pero nang suriin ng ating Department of Transportation and
Communication, halos pagpipintura lang ang pinagawang overhaul. Sa
pagwawalang-bahalang ito, parang ginarantiyang masisira ang tren. Di po
ba maski sinong kumpanya, dapat sinisigurong masusulit ang kanilang
investment? Pero hinayaan lang nilang lumala nang lumala ang sitwasyon
hanggang umabot sa puntong ipinasa na sa atin nang ora-orada ang
pagsasaayos ng MRT.
Nang aayusin na natin, bigla naman
silang humirit, sila na lang daw ulit. Pero ang mungkahi nilang
pagsasaayos, di-hamak na mas mahal kaysa ating plano. Siyempre, katumbas
nito, dagdag na gastos at perwisyo sa taumbayan. Hindi tayo pumayag, at
kumilos na nga para makakuha nga ng ayuda tulad ng mga bagong bagon.
Ang problema, mapilit ang korporasyon, kaya’t pina-TRO nila ang pagbili
nito. Kaya umabot sa ganitong sitwasyon ang MRT.
Secretary Jun: Ikaw, ako, at ang buong
Kamaynilaan, hindi natutuwa dito. Ang trabaho ng pribado, ipinasa sa
atin. Ang solusyon naman natin, hinarang nila. Malinaw nang hindi
magtatagpo ang agenda natin at ng MRTC. Ngayon: Humahakbang na tayo para
i-buy-out ang korporasyon. ‘Pag naayos ito, ang estado na lang ang
tanging magdedesisyon.
Habang sumasailalim sa prosesong ito,
nagsasagawa na tayo ng agarang maintenance. Paparating na rin ang mga
mas malalaki at pangmatagalang solusyon. Sa susunod na buwan, darating
na ang prototype ng bagong bagon; ‘pag pumasa ito sa pagsusuri, mula
Enero ay 3 bagon ang sisimulang i-deliver kada buwan hanggang makumpleto
ang in-order nating 48. Ongoing na rin ang proseso para sa mga bagong
riles, at pag-a-upgrade ng signalling system at automatic fare
collection system; inaasahan ang lahat ng ito bago tayo bumaba sa
puwesto. Ang power supply para sa mga tren, maa-upgrade bago matapos ang
2016. May 12 escalator na ring maaayos bago matapos ang taong ito,
habang ongoing na ang procurement para sa rehabilitasyon ng 34 pang
escalator at 32 elevator. Ipapaalala ko lang po: Hindi puwedeng laktawan
ang proseso sa mga bagay na ito; ayaw na nating maantala ng kaliwa’t
kanang demandahan ang atin pong mga hakbang.
May mga nagsasabi nga pong may blinders
daw ako para sa taong matagal na nating kasama sa Daang Matuwid. Ako,
mulat sa maganda, pero batid rin natin ang mga hindi maganda. Ako ba ang
may blinders, o itong mga pangit lang ang nakikita?
Sa Sandatahang Lakas naman: Noong
Nobyembre ng 2010, nagkaroon ng panibagong tensiyon sa pagitan ng North
at South Korea; pinangambahang magkakaroon ng giyera doon. Kinailangang
magsagawa ng plano para ilikas ang lagpas 46,000 na Pilipinong nasa
South Korea, pati na ang walong kababayan nating nasa North Korea.
Nang tanungin natin ang AFP kung anong
asset ang magagamit para sa evacuation, ang sagot nila, may nag-iisang
C-130 ang atin pong Air Force. Ano ang pinakamabilis na round trip?
Sampung oras. Ang lulan: 100 katao. Kinalkula ko po: Lagpas 46,000 ang
Pilipinong dapat ilayo sa gulo; ibig sabihin, sa pinakaepisyenteng
kondisyon, 460 round trips ito, na higit sa 4,600 oras o tinatayang
halos 200 araw na pagbiyahe. Hindi naman maaasahang kakayanin ito ng
lumang C-130. Kung barko naman daw ang ide-deploy, 1,000 katao ang
kakayaning iuwi sa isang biyahe. Suwerte na kung abutin ng sampung araw
ang roundtrip. Kung natuloy ang gulo, baka tapos na ang putukan, di pa
tayo nakakapaglikas nang husto. Kumilos tayo agad para matugunan ang mga
limitasyon nating ito ng sitwasyon natin noon hanggang sa kasalukuyan.
Ngayon, ang dating nag-iisang C-130 na
nagagamit natin, tatlo na, at target nating makakuha ng dalawa pa. May
kasama na rin sila; nariyan na ang una sa tatlo nating binili nating
C-295 medium lift transports at paparating na po ngayong taon ang
dalawang kapatid nito. Asahan na rin natin ang dalawa pang C-212 light
lift transports bago matapos ang 2015. [Palakpakan]
Kung patong-patong na pagsubok ang ating
kakaharapin, gaya noong nangyari noong 2013, kailangan din natin ng mas
marami at mas malalaking assets. Nang tumama si Yolanda,
nasira ang mga daungan; naging limitado ang kakayahan nating magdala ng
ayuda. Sa ganitong pagkakataon, mahalaga ang tinatawag na landing craft
utility na puwedeng dumaong sa dalampasigan. Ngayon, magiging sampu na
ang dinatnan nating apat na landing craft utility: Mayroon na tayong BRP
Tagbanua. Sa mga susunod na linggo, darating din ang dalawang
Landing Craft Heavy mula sa Australia; napakagalante nga po ng
pagkakabigay nito, pati spare parts at generator kasama. Target pa
nating bilhin ang tatlo; inaayos na natin ang papeles upang sumulong na
ang proseso. Dahil sa mga ito, kapag panahon ng sakuna, mababawasan ang
pangangailangan nating umasa sa kawanggawa ng ibang bansa. Mas
mapapabilis ang paghahatid sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang ayuda,
supplies, at iba pang naglalakihang equipment gaya ng bulldozer na
kinakailangan para sa clearing at relief operations. [Palakpakan]
Kung pagtatanod sa ating teritoryo naman
ang pag-uusapan, ang F5 fighter jet na niretiro noong 2005, mapapalitan
na ng 12 na bagong FA-50 fighter. Sa Disyembre lalapag ang unang
dalawang unit niyan, at makukumpleto naman ang delivery pagdating ng
2017. Nariyan na rin ang mga barkong pandigma na BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz,
pito sa 13 na in-order nating AW-109 helicopters, anim sa walong
Bell-412 helicopters, 617 na troop carrier trucks, at 50,629 assault
rifles. Target din nating makuha ang dalawa pang frigates, anim na Close
Air Support Aircraft, 142 armored personnel carriers, at iba pang
makabagong kagamitan gaya ng 49,135 units ng force protection equipment,
2,884 na grenade launchers, at karagdagang 23,622 na assault rifles.
[Palakpakan] Sa kabuuan po, may 56 na tayong proyektong natapos para sa
modernisasyon, at may 30 pa tayong inaprubahan; ikumpara ninyo ito sa 45
na proyektong natapos ng tatlong administrasyong nauna sa atin.
Pakinggan natin ang isa sa mga kawal ng ating Air Force:
[Palakpakan]
Sa kapulisan naman, sa unang pagkakataon
sa ating kasaysayan, ang bawat pulis, may sarili nang baril. Para naman
lalong malinang ang kakayahang mag-“shoot, scoot, and communicate” ng
ating kapulisan, naipamahagi na ang unang 302 patrol jeeps, na bahagi ng
kabuuang 2,523 na pino-procure na natin. Ipinamahagi na rin ang 179 sa
577 na bagong utility vehicles. Naipagkaloob na rin natin ang 12,399 na
handheld radios. Nagpo-procure na rin tayo ng 30,136 na long firearms,
3,328 investigative kits, at dagdag pa ring 16,867 na radyo. Pakinggan
po natin kung paano ito nakakatulong sa trabaho ng ating kapulisan:
[Palakpakan]
Kakambal po ng kagamitan ang estratehiya nating “work smarter.” Isinasabuhay ito ng Oplan Lambat-Sibat
na sinimulang ipatupad sa Metro Manila. Pinag-aralan natin ang modus ng
mga kriminal, at estratehikong dineploy [deploy] ang ating kapulisan.
Kaya nga po nahuhuli ang mga “big fish” na nagmamando sa mga gang,
nabubuwag ang mga sindikato, at bumaba ang krimen sa bansa.
Sa loob ng ating termino, halos 163,000
na wanted na ang nahuli ng PNP; higit 1,000 na gang naman po ang
na-neutralize, at 29,294 na baril na walang lisensiya ang nakumpiska sa
buong bansa. Sa NCR po: Mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, nasa 37 ang
kaso ng murder at homicide kada linggo. Dahil sa Oplan Lambat-Sibat,
bumaba na ito sa 23 kaso kada linggo nitong Hunyo. Sa robbery, theft, at
carnapping naman para sa parehong panahon: nasa 444 na lang ang
lingguhang average sa NCR, mula sa dating 919.
Nitong nakaraang linggo lang, nahuli na
si Dexter Balane, na lider ng robbery and holdup group na kasabwat ng
Martilyo gang. Nariyan din ang kilabot na mag-asawang Tiamzon, si
Kumander Parago, at ilan pang kadre ng CPP-NPA-NDF gaya nina Ruben
Saluta at Emmanuel Bacarra; ang napakailap na si Jovito Palparan, pati
na ang mga lider ng BIFF na sina Basit Usman, Mohammad Ali Tambako,
Abdulgani Esmael Pagao, at ang international terrorist na si Marwan.
[Palakpakan]
Kita po ninyo: Kinakalinga ng Estado ang
unipormadong hanay, at sinusuklian nila ito. Sabay ng bagong gamit,
itinaas natin ang combat pay ng mga sundalo at subsistence allowance ng
buong unipormadong hanay. Nakapagpatayo na rin tayo ng higit 57,000
housing units para sa kanila; aabot pa ito sa mahigit 81,000 bago tayo
bumaba sa puwesto. [Palakpakan] Sa mga kampo naman, mayroon tayong mga
programang pangkabuhayan, at kasama na sa mga nakikinabang dito ang mga
kawal na nasugatan o nabaldado sa paggawa ng tungkulin. Upang magkaroon
ng partikular na tuon sa kanila, inatasan ko na po ang AFP na
makipag-ugnayan sa Gabinete, upang magsagawa ng mga inisyatibang titiyak
na magkakaroon ng disenteng pamumuhay ang mga nagsasakripisyo para sa
bayan. [Palakpakan]
Dumako naman po tayo sa imprastruktura.
Naaalala ko po noong Congressman ako sa segundo distrito ng Tarlac: ‘Pag
tag-araw, maladisyerto ang Tarlac River. ‘Pag umuulan naman, rumaragasa
ang ilog, at kasama sa napipinsala ang MacArthur Highway. Tinanong
natin, sino ba ang in-charge sa flood control sa aming distrito? Lumapit
kami sa Pampanga River Delta Project noon; ang sabi po nila, ‘yung
Lower Agno Project daw ang may saklaw nito. Pagpunta naman namin doon,
pinabalik kaming Pampanga. Kaysa tulungan kami, nagturuan lang sila.
Tapos na ang panahon ng pag-iwas sa
responsibilidad. Sa Daang Matuwid, isa-isang naipatayo ang
imprastrukturang matagal nang hinintay ng Pilipino. Nabanggit ko na ang
ilan dito: Nariyan ang Lullutan Bridge sa Isabela, na dalawang dekadang
hinintay ng mga kababayan natin doon, tulad ni Rodito Albano;
[palakpakan] ngayon, nabuksan na. Ang Jalaur River Multi-Purpose Project
sa Iloilo, naisip ipatayo noong taong isinilang ako; nag-groundbreaking
na po tayo para sa stage 2 nito. [Palakpakan] Ang Balog-Balog
Multipurpose Project Phase 2 sa Tarlac, 1980s pa po plinano; ngayon,
aprubado na ito, at nagsisimula na ang proseso ng bidding.
Ang Basilan Circumferential Road, taong
2000 pa sinimulang ipatayo, pero matagal nabinbin dahil sa kaguluhan sa
lalawigan. Hinahadlangan ng masasamang elemento ang pagpapatayo nito,
dahil oras na ito’y maipagawa, magiging mas mahirap ang kanilang
pagtakas sa batas; mapapabilis rin ang pagdating ng serbisyo, kaya’t
hihina ang impluwensiya nila sa mga kababayan natin doon. Ngayon,
tatlong tulay na lang ang tinatapos sa kahabaan nito, pero ang malaking
bahagi, dinadaanan na. [Palakpakan]
Nabanggit ko na po ang Muntinlupa-Cavite
Expressway na binuksan noong Biyernes. Bukas na rin ang unang dalawang
bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Ang Phase 2
naman ng STAR Toll, tapos na rin. Kapag nabuo pa ang Cavite-Laguna
Expressway Project, ang C-6 Phase 1, ang Metro Manila Skyway Stage 3, at
ang NLEX-SLEX Connector Road, lalong magiging malawakan ang benepisyo
ng ating estratehiyang pang-imprastruktura. [Palakpakan]
Para po tugunan ang pagbaha, mayroon din
tayong pagsasaayos at maintenance ng flood control projects. Ilan sa
mga ito ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 2, na
natapos noong 2013; ang high impact flood control projects para sa NCR
at mga karatig-bayan, matatapos na sa Nobyembre, at target naman nating
makumpleto ang Blumentritt Interceptor Catchment Area sa susunod na
taon. Ang Laguna Lakeshore Expressway Dike naman, ia-award na rin sa
Disyembre.
Tiyak ko pong batid ng lahat: Hindi
batayan kung kapartido ang pinuno sa lalawigan, o kung nanalo tayo doon;
ang tanging tanong natin: May pangangailangan ba? Hayaan po nating
magsalita ang ilan sa atin pong mga natulungan:
____________________
[Palakpakan]
Kay Governor Bulut, ika-20 ako sa puso
ninyo noong Senatorial election noong 2007, ikaapat naman ako noong
Presidential elections. Sa mga ipinapatayong estruktura, di naman siguro
ninyo masasabing malayo kayo sa puso ko at puso ng ating mga kababayan.
Kayo na rin ang testigo: Sa pagkakaroon ng proyekto, hindi boto ang
basehan, kundi dapat, pangangailangan. [Palakpakan]
Kay Congresswoman Alvarez naman, na
ilang beses na nga pong nagpo-posing nang nakahiga sa mga kalsadang
nakumpleto natin: Pasensiya na, Chedeng, pero sa susunod na humiga ka sa
kalsada, ipapahuli na kita. Obstruction of traffic ang violation mo.
[Tawanan at palakpakan]
Malinaw ang ating estratehiya: Sa
pagpapagawa ng mga kalsada, tulay at iba pang estruktura, iniibsan natin
ang dapat ibsan, at pinapabilis ang paghahatid ng benepisyo. Ang
panawagan ko nga po: Makiambag sana tayong lahat, at maging handang
magsakripisyo.
Halimbawa: Para matugunan ang madalas na
pagbaha sa Maynila, isinulong natin ang pagpapagawa ng catchment area;
pero tumutol po dito ang isang malaking unibersidad. May lumang mga
gusali daw kasi silang baka maapektuhan ng gagawing proyekto. Isa pa po:
Kailangan nang i-retrofit ang Guadalupe Bridge dahil maaari itong
bumigay kapag lumindol. Puwede bang isara ang tulay na ito, nang dadaloy
pa rin ang trapiko sa EDSA? Kaya nga hindi puwedeng ipagawa na lang ang
tulay nang basta-basta. Para magawa ito, kailangan ng alternatibong
daan. May mungkahi at tinatayang 70,000 ang kayang dumaan kada araw
dito. Kung magawa ito, ito pong tulay na alternatibo at parallel sa
Guadalupe, mapapagawa na ang Guadalupe. Kaya lang po, sa rutang pinili,
may mga grupong diumano’y tumututol. Sang-ayon silang maayos ang
Guadalupe, sang-ayon silang lumuwag ang EDSA, kung nagkaroon ng
panibagong tulay, basta raw ang proyekto, huwag sa kanila itatayo nang
hindi sila maabala. Kung ganito nga po ang pananaw, talagang maaantala
ang pagpapatayo ng kinakailangan nating imprastruktura.
May mga pagkakataon din pong hindi na
nga tayo tinulungan, naglagay pa ng balakid ang nasa lokal na antas.
Halimbawa po, may tinamaan ng sakuna. Agad-agad tayong pumunta;
sinalubong ako ng Congressman at ng Mayor, pero ang kumausap sa akin,
[City] Administrator at Vice Mayor. Ang sabi natin, meron nang kagamitan
ang DPWH, at handa na kaming itayo ang temporary shelter n’yo;
kailangan na lang ng lupang pagtatayuan. Ang sagot nila, mayroon daw 30
ektaryang puwedeng gamitin. Ang masakit, pagbalik ko, walang kahit anong
ibinahagi dahil may paggagamitan daw sila.
Isang horror story lang po iyan. Ang
atin po: Kami ay nandito para tumulong. Ipipilit namin ang ayuda
hangga’t kaya at naaayon sa batas. Kung ayaw nilang makipagtulungan, ang
masasabi ko na lang po: Eleksiyon na sa susunod na taon, at ang mga
Boss natin ang huhusga kung sino ang nakabawas o nagpalala ng pagdurusa.
[Palakpakan]
Tumungo naman po tayo sa Public Private
Partnerships. Kapag pinagsama natin ang solicited PPP projects ng
nakaraang tatlong administrasyon, ang suma-total: anim na proyekto. Sa
atin, may 50 proyekto na: Ang sampu dito, awarded na; ang 13, nasa
bidding; habang 27 naman ang nakapila pa. Kayo na po ang magkumpara sa
pagkakaiba.
Dati, walang nakikisali sa proyekto,
ngayon, nag-uunahan na ang mga pribadong kumpanya, at nagbibigay ng
premium. Suma-total, ang primang natanggap natin mula sa mga kumpanyang
katuwang sa PPP, umabot na sa P64.1 billion, na napupunta naman sa kaban
ng ating bayan. [Palakpakan] Kada matagumpay na proyekto, magbubunsod
din ng higit na kumpiyansa, na siyang magpapabilis sa pagpapatayo natin
ng iba pang kinakailangang imprastruktura. Ang pagtitiis ng ating mga
Boss, maiibsan, kundi man matatapos na.
Para naman sa imprastrukturang
paparating pa lang, hihilingin ko rin: Kalma lang po tayo. Ang
procurement, mabilis na ang apat na buwan para makumpleto. Suwerte ka na
kung ang in-order mong computer, mai-deliver sa loob ng panahong iyan.
Paano pa kaya kung pagpapatayo ng tulay ang pinag-uusapan?
Ang sa akin nga po: Di na baleng hindi
ako ang mag-groundbreaking o ribbon-cutting. Ang mahalaga: Gawing pulido
at naaayon sa batas ang mga proyekto, para oras na maaprubahan ito,
dire-diretso ang pagpapatupad; maski sino ang sumuri, papasa ang kalidad
ng ating ipinatatayo. Alam po ito ng ating Gabinete: Sa Cabinet o NEDA
Board meeting, minsan na akong nagbirong dapat magdala ng kumot ang mga
dadalo, dahil tiyak na gagabihin kami. Personal ko kasing sinisiyasat
ang detalye, para ‘pag iniharap ito sa ating mga Boss, sasabihin din
nilang, “Aprub kami, dahil nakikita naming tapat ang proseso at tiyak
ang pakinabang sa proyekto.”
Napakalaki na po talaga ng pagbabago.
Noon ang Pilipino, naglaho ang pag-asa. Ngayon naman po: Sa pinakahuling
SWS survey, lumabas na walo sa bawat sampung Pilipino ang tiwalang
magiging kahanay, kundi man kahanay na, ang Pilipinas sa “developed
countries.” [Palakpakan] Mayroon din pong survey ng Gallup, Inc. Alam po
n’yo, isa [ito] sa pinakamatanda at iginagalang na polling agency sa
mundo. Tinanong nila ang mamamayan sa 145 na bansa, “Would you say that
now is a good time or a bad time to find a job?” Lumabas po na ang
Pilipinas ang may pinakamataas na job optimism sa buong Asya-Pasipiko,
at pangalawa sa buong mundo. [Palakpakan]
Kumpiyansa nga po ang ating mga
kababayan sa estabilidad ng kanilang kinabukasan. Ngayon, maski bagong
pasok pa lang sa trabaho ay nakakapaghulog na para sa sariling sasakyan o
condo unit. Di na nakakagulat na nitong nakaraang taon, tumaas ng 27
percent ang car sales sa Pilipinas. Ang paniniwala ngayon: Kayang-kaya
nang bayaran, di lang ang down payment, kundi maging ang monthly
amortization. Sa dami ng nakakapagpundar ng bagong sasakyan, dalawa po
sa pinakamalaking kompanyang nagbebenta sa Pilipinas ay inaabot ng
dalawa’t kalahati hanggang tatlong buwan bago makapag-deliver ng kotse.
Sa sarili ko pong karanasan, noong una akong nagkatrabaho, kinalkula ko
kung gaano katagal bago ako makaipon para sa sariling kotse. Dalawampung
taon lang naman po ang aabutin, segunda mano pa.
Nakausap din po natin ang mga pinuno ng
dalawang malaking kumpanya; ang isa, mayroon nang mga pabrika dito
habang ang isa pa ay gusto ring pumasok. Pareho po silang nagpahayag ng
interes na magtayo ng research and development facilities dito po sa
ating bansa. Nakita nila ang potensiyal at talento ng Pilipinong
makatulong upang mapanatili ang kanilang magandang posisyon sa merkado.
Ang tanong nila: Kaya ba nating mag-supply ng daan-daang empleadong may
masteral at doctoral degrees sa engineering? Ang tugon ng mga kaibigan
natin sa DOST: Kayang-kaya. Sabi ko pa po, kung may magbubukas na
trabaho sa high-tech na industriya, baka makapagpauwi pa tayo ng mga
OFW, na papayag naman sigurong tumanggap ng mas mababang sahod kung
mapapalapit sila sa kanilang pamilya. Ang sabi ng mga kausap natin:
Hindi kailangang babaan, dahil handa silang tapatan ang suweldo nitong
mga kababayan nating ito. [Palakpakan]
Sa sektor din po ng pangingisda,
nadarama ang pagbabago sa pagtingin sa Pilipino. Nitong Abril, tinanggal
na ng European Commission ang ipinataw nilang yellow card sa Pilipinas.
Dahil hindi raw ho dati maayos ang dokumentasyon at tracking, di sila
makasigurong nahuli ang mga isda sa legal na paraan. Agad tayong kumilos
ang Department of Agriculture upang hindi mapasama sa blacklist ng EU,
at hindi mapagbawalang magluwas ng produkto sa kanila. Nang magtungo nga
po si Secretary Procy Alcala sa Belgium, sabi sa kanya, huwag daw
sasama ang kanyang loob, dahil baka tanungin tayo ng ibang bansang may
yellow card pa. Tayo raw kasi ang makakapagturo sa kanila kung ano ang
mga dapat gawin para maresolba ang problema. [Palakpakan]
Naalala ko rin po, noong una, pakiramdam
ko, kinakausap lang tayo ng ibang pinuno dahil obligado silang kausapin
tayo. May ilang halos sermonan tayo nang una nating nakahalubilo.
Ngayon, kaliwa’t kanan ang imbitasyon para sa State Visit, may kasama
pang papuri. Nakikiusap pa ang iba: Kahit raw dumating tayo sa umaga at
umalis din ng tanghalian, basta’t pumunta tayo, ikatutuwa na nila iyon.
Nagulat po talaga ako nang minsang may pinuno ng isang pinakamaunlad na
bansa, at ang tanong po sa atin, “Ano ba ang inyong sekreto?” Siyempre
po, dahil hindi tayo mahilig magbuhat ng sariling bangko, sinagot ko na
lang po sa kanya: “Ang sikreto po namin ay sinunod lang namin ang mabuti
ninyong halimbawa.” Meron din namang nagtatanong sa atin at maging sa
ating mga delegasyon: “Ang ganda ng nangyayari sa Pilipinas; anim na
taon lang ba talaga ang termino ninyo? Wala na bang puwedeng magawa
dito?” Ang lagi nga po nating tugon, “Nagkaroon kami ng pangulo na
talagang gumawa ng paraang manatili sa puwesto. Kailangan naming
tiyaking di mabubuksan ang pinto para maulit ito.” [Palakpakan]
Siyempre po, kahit kaliwa’t kanan na ang
ebidensiya ng pagbabago, mayroon pa ring kontra sa Daang Matuwid. Ang
hirit nila: Mabagal daw tayo. Kapag sila raw ang naging Pangulo,
sigurado, gaganda ang buhay. Sa mga medyo may edad po, ang isasagot
dito, “Ah, ganun?” sabay taas ng kilay. Para naman sa kabataan, iba na
raw po ang tugon nila sa ganoong pahayag, iba na daw po ang uso ngayon
eh: E di wow. [Palakpakan]
Ang tanong natin: Paano nila gagawin ang
mga pangakong iyan? Ang sagot nila: Basta. Nasaan ang detalye at
kongkretong mga plano? Basta. Paano ninyo ipatutupad ang inyong mga
pangako? Basta. Pakiramdam yata nila nadadaan sa basta-basta ang
solusyon sa ating mga problema.
Wala pa rin talagang gamot na naiimbento
para sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. [Palakpakan] Ang
payo ko nga po: Maganda siguro, kapag ganitong harapan nang iniinsulto
ang talino ng Pilipino, ilipat muna natin ang channel, at baka may mas
mapala pa tayo sa panonood ng sitcom.
Ngayon naman po, may ilang mga batas na nais kong ilapit upang sana’y maipasa sa loob ng kasalukuyang Kongreso:
Pangunahin siyempre po dito: Ang Bangsamoro Basic Law.
[Palakpakan] Sa mga tutol sa batas na ito: Palagay ko, obligasyon
ninyong magmungkahi ng mas magandang solusyon. Kung wala kayong
alternatibo, ginagarantiya lang ninyong hindi maaabot ang pagbabago.
Ilang buhay pa ang kailangang ibuwis para magising ang lahat sa
obligasyong baguhin ang sirang status quo sa Muslim Mindanao?
Pakinggan po natin ang ilan sa mga maaaring makinabang sa batas pong ito:
[Palakpakan]
____________________
[Palakpakan]
Inilalapit din po natin sa Kongreso ang
Rationalization of Fiscal Incentives. Kung maipapasa ito, maitatama ang
papatsa-patsang sistema ng pagbibigay insentibo at magiging mas
makatwiran ang pagbubuwis sa mga negosyo. Hinihiling rin namin ang
agarang pagtutok sa Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill,
para tuluyang maisulong ang isang makatarungang sistemang pampensiyon
para sa kanila. Agaran po sanang maipasa ang batas na ito, dahil ngayon
pa lang, trilyong piso na ang kakailanganin para pondohan ang pensiyon
ng unipormadong hanay. Kailangan ng awtorisasyon ng batas para matugunan
ang masalimuot na sitwasyong ito.
Bukas na bukas naman po ay makakarating
na sa inyo ang panukalang budget para sa susunod na taon. Hindi pa po
tayo nabibigong ipasa ito sa tamang oras; umaasa nga po ako, na
mapapanatili ang tamang kalakarang ito ngayong nasa huling yugto na tayo
ng ating administrasyon. [Palakpakan]
Naaalala ko rin po: Kumontra akong
pagkaitan ang isang tao ng karapatang tumakbo sa puwesto, dahil lang sa
kanyang apelyido. Bakit nga naman tayo gagawa ng batas para pigilang
maglingkod ang gustong maglingkod?
Pero napapaisip po ako: May mali rin sa
pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan
ang isang tiwaling pamilya o indibidwal. Ganyang kaisipan din ang
dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa
puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol
dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensiyon ng mga susunod, o
kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling
interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law. [Palakpakan]
Dahil sa Kongreso, naipasa ang mga batas
na kikilalanin bilang haligi ng transpormasyong sinisimulan natin
ngayon. Sa Kamara at Senado, lalo na sa mga kasapi ninyong naging
kabalikat sa Daang Matuwid nitong mga nagdaang taon: Salamat sa Philippine Competition Law, sa Act Allowing the Full Entry of Foreign Banks, [palakpakan] at sa pag-amyenda sa Cabotage Law. Salamat sa Sin Tax Reform Act. Salamat sa Responsible Parenthood Act.
[Palakpakan] Salamat sa lahat ng iba pang makabuluhang batas na inyong
ipinasa. Tunay nga pong napakalaki ng naiambag ng isang Kongresong
determinadong maging katuwang sa pagsusulong ng pagbabago. [Palakpakan]
Kanina po, minabuti kong pag-usapan kung
saan tayo nagmula upang bigyang-konteksto ang mga hamong hinarap,
hinaharap, at haharapin pa natin. Lahat po ng batikos, panlalait, at
pang-aalipusta, tinanggap ko bilang kakabit ng pagkakataon at
karangalang pagsilbihan kayo. Pero ang totoo, hindi ko ito pinasan nang
mag-isa. Hinihingi ko po ang oras ninyo para pasalamatan ang mga naging
inspirasyon at katuwang; maunawaan po sana ng iba kung hindi ko sila
mababanggit.
Unang-una po, siyempre, ang Panginoong
Maykapal na sa bawat sandali ay ginabayan ang ating bansa. Sa aking ama
at ina, [palakpakan] na sa paglaban sa pang-aabuso at sa pagsasakripisyo
ay naging bukal ng inspirasyon, hindi lang sa aming pamilya, kundi
maging sa sambayanan;
Sa atin pong Gabinete, na nabanggit ko na ang ilan sa kanila kanina; hayaan po ninyo akong magpatuloy:
Unang-una, kay Executive Secretary Jojo
Ochoa, na tinaguriang Little President. [Palakpakan] Sa mga magulang pa
natin nag-umpisa ang matibay nating pag-uugnayan. Nagdamayan tayo sa
maraming hamon sa buhay. Ang private practice mo, nasakripisyo sa
mahabang panahong naglingkod ka, una sa Quezon City man o sa aking
administrasyon. Lahat ng nalalaman mo sa batas, ibinahagi mo sa akin.
Hindi mo ako iniwan, kahit sa mga panahong may banta sa ating buhay.
Pare, mapalad akong nagkakilala tayo, naging magkaibigan, at magkasangga
sa paglilingkod sa ating mga Boss; [palakpakan]
Kay Secretary Rene Almendras, na
kabalikat ni ES Ochoa at naturingang bastonero ng Gabinete: Sabi nga ng
iba, dati ang kinis pa ng noo mo, ngayon nagmistula nang humps sa
barangay dahil sa pakikisalo mo sa mga kailangan nating harapin;
Kay Secretary Albert del Rosario:
[palakpakan] nanumpa ng Biyernes; pagdating ng Linggo, nasa Libya na
para pamunuan ang evacuation ng mga OFW na nalagay sa peligro noong
panahon ng Arab Spring. Di ko kailanman pinoproblema ang pag-motivate sa
iyo; at kung may debate man tayo, nangyayari lang dahil inaawat kita sa
pagbiyahe sa pinakamapapanganib na lugar sa mundo;
Kina Secretary Cesar Purisima at Arsi
Balisacan: [palakpakan] Pinalad ang bansa sa tandem ninyo. Mula sa big
picture, hanggang sa pinakamaliit na detalye, kayo ang nagsisigurong
nadadama ng bawat Pilipino ang pag-unlad ng ating ekonomiya.
[Palakpakan] Siyempre, ang ilan sa malalaking patunay nito, nagawa sa
tulong ni Usec. Cosette Canilao at ng lahat ng bumubuo sa ating PPP
center; [palakpakan]
Kay Secretary Greg Domingo, ang ating
pambansang salesman na umakit sa mga negosyanteng mamuhunan sa bansa,
[palakpakan] at kay PEZA Director General Lilia de Lima. Inutusan ko na
po ang DOST sa pagko-clone kay Lilia de Lima.
Kay Secretary Babes Singson, ang prayer
leader ng Cabinet, [palakpakan] tagapagtatag ng mga kongkretong patunay
ng transpormasyon, at nagbalik ng tiwala ng taumbayan sa DPWH;
Kay Secretary Mon Jimenez, [palakpakan]
isa sa pinakapinagkakatiwalaan nating boses sa Gabinete. Talagang “It’s
more fun in the Philippines,” at dahil nga sa pagsisikap mo, umabot sa
4.8 million ang turistang dumalaw sa bansa at direktang lumikha ng
trabaho; nagpapasalamat din ako sa kanyang maybahay na si Abby, na
tinulungan tayong ilagay sa imahen at salita ang agenda ng positibong
pagbabago;
Kay dating Energy Secretary Icot Petilla, na kahit wala na sa aking opisyal na pamilya ay nakikiambag pa rin; [palakpakan]
Kay Secretary Volts Gazmin, [palakpakan]
na nagtitimon sa ating Sandatahang Lakas at sinisigurong lagi tayong
handa sa sakuna: Kailanman ay hindi mo kami binigyan ng dahilang
mangamba;
Kay Secretary Cesar Garcia, ang ating
National Security Adviser, na kahit kakaopera pa lang sa tuhod ay
napakabilis sumagot sa aking mga text;
Kay Secretary Janette Garin, [palakpakan] na sumalubong sa MERS, Ebola,
food poisoning, encephalitis, at sa sunod-sunod na mga banta sa ating
kalusugan. Janette, ang katatagan mo ang nagpapatatag sa ating lahat;
Kay Secretary Dinky Soliman,
[palakpakan] na on-call 25 hours a day, 8 days a week, idamay ko na rin
lahat ng iyong naging executive assistants, na pagka-graduate sa DSWD ay
puwede nang isabak sa anumang krisis sa buong mundo. Dinky, tuwing
tatawagin kita ay laging hawak mo na ang tala ng problemang dapat
tugunan, ang mga ginagawang hakbang, at ang mga natitira pang dapat
gawin. Isang usapan lang, malinaw nang inaasikaso mo ang lahat ng dapat
asikasuhin; [palakpakan]
Sa mga nagtitiyak na may sapat na
kaalaman at kakayahan ang susunod na henerasyon, sina Secretaries Armin
Luistro, Tatti Licuanan, at Joel Villanueva; [palakpakan]
Kay Secretary Mario Montejo, na tumulong
magbalik ng pag-asa sa PAGASA, at talagang nagsikap upang iparamdam ang
papel ng agham sa pagpapaunlad ng bansa; [palakpakan]
Kina Secretaries Procy Alcala at Kiko Pangilinan, na nagbubunga na ang repormang ipinunla sa sektor ng agrikultura; [palakpakan]
Kay Secretary Gil de los Reyes, na hindi
natitinag sa pagsulong ng makatarungang repormang agraryo, gaano man
kasalimuot ang hamong hinaharap; [palakpakan]
Kina Secretaries Ramon Paje, Neric
Acosta, at Lucille Sering na ipinakitang nakatali ang malawakang
kaunlaran sa pangangalaga ng ating likas na yaman; [palakpakan]
Kay Secretary Mar Roxas: Nasa loob o
labas ka man ng gobyerno, [palakpakan] hindi tumigil sa panlalait sa iyo
ang mga kalaban ng Daang Matuwid. Dahil nga may bilang ka, dahil
talagang may ibubuga ka, nagpupursigi silang ibagsak ka. Palibhasa hindi
nila kayang iangat ang sarili, kaya pilit ka nilang ibinababa.
[Palakpakan] Sa patuloy nilang paninira, ang mga kritiko mo na rin ang
nagpapatunay na takot sila sa angkin mong integridad, husay, at
kahandaan sa trabaho. Mar, pinatutunayan mo: You can’t put a good man
down. [Palakpakan] Tulad ng pagtitiwala ng nanay at tatay ko, magtiwala
kang alam ng taumbayan kung sino ang tunay na inuuna ang bayan, bago ang
sarili; [palakpakan]
Kay Secretary Butch Abad, [palakpakan]
na kahit pa ba pinaulanan ng di-makatarungang paratang ay patuloy sa
pagsigurong ang pera ng bayan ay mapupunta sa taumbayan lamang;
Kina Secretaries Edwin Lacierda at Sonny
Coloma, dating Secretary Ricky Carandang, at kina Usec. Abi Valte at
Manolo Quezon: [palakpakan] dama ko ang bigat ng pinasan ninyo sa
pagsagot sa lahat ng uri ng tanong—may saysay man o wala—para
maiparating sa ating mga kababayan ang angkop at tamang impormasyon;
Kina Solicitor General Florin Hilbay at
Chief Presidential Legal Counsel Ben Caguioa, [palakpakan] na ipinakita
ang karangalan at katapatang angkop sa pagiging mga pangunahing abugado
ng Ehekutibo;
Kay Secretary Ging Deles, kasama na si
Chair Iye Coronel-Ferrer, na walang kapagurang isinusulong ang isang
mapayapang Pilipinas; [palakpakan]
Kay Secretary Julia Abad, na
sinisigurong matututukan ko ang lahat ng aking responsibilidad;
[palakpakan] sa iyo ako bumabaling para sa agarang aksiyon kaya madalas,
ikaw din ang sumasalo ng una kong reaksiyon. Sa kabila nito, lagi ka pa
ring cheerful;
Sa iba pang Kalihim na sumasagot ng
telepono kahit madaling-araw tawagan: Yasmin Busran-Lao, Francis
Tolentino, Lu Antonino, Joel Rocamora, Mely Nicolas, Ronald Llamas,
Cesar Villanueva, at Manny Mamba; [palakpakan]
Sa mga hindi kasapi ng Gabinete, pero
nakipanday sa Daang Matuwid: Si Governor Say Tetangco, na napakahusay ng
pangangasiwa sa Bangko Sentral; [palakpakan] si Governor Mujiv Hataman
ng ARMM; [palakpakan] si Chito Cruz ng National Housing Authority;
[palakpakan] si Gerry Esquivel ng MWSS; [palakpakan] at isama ko na rin
po si Chairman Bong Naguiat ng PAGCOR na hindi bumili ng kape;
[palakpakan]
Sa mga dating naglingkod sa Gabinete na
talagang nagpakitang-gilas, lalo na sa yumaong si Sec. Jesse Robredo,
[palakpakan] na hanggang ngayon po ay nagsisilbing inspirasyon para sa
aming lahat;
Kay Senate President Frank Drilon at
Speaker Sonny Belmonte: [palakpakan] na talagang nagbigay ng
makabuluhang payo sa harap ng mga pinakakomplikadong hamon; kay Cong.
Boyet Gonzales at Mel Sarmiento, [palakpakan] at sa iba pang naging
katuwang natin sa pagtahak ng Daang Matuwid;
Sa lahat ng pinuno at kasapi ng
unipormadong hanay, na buong tapang at kagitingang ipinagtatanggol ang
ating mga Boss at nakikiambag sa seguridad, hindi lang sa Pilipinas,
kundi maging sa ibang panig ng daigdig; [palakpakan] sa lahat ng
nagtatrabaho sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at tunay na naglilingkod
sa kapwa Pilipino;
Sa mga negosyante, business federation,
at iba pang kabalikat natin sa sektor ng industriya, na nakikiisa sa
pagpapaganda ng ating ekonomiya;
Sa mga miyembro ng media na naging patas sa kanilang pagsipat; [palakpakan]
Sa lahat ng sinamahan tayo sa pagtahak
ng Daang Matuwid; partikular ko na pong babanggitin si Deedee Sytangco
na nagpahayag ng pagsuporta, lalo na sa panahong mabigat ang problema,
[palakpakan] sina Alice Murphy at Yoly Ong, na naging bukal ng
makabuluhang payo at inspirasyon nitong mga nakaraang taon; [palakpakan]
Sa grupo po nina Jun Reyes at Gigi
Vistan na kasama na natin mula pa noong tumakbo ako para sa Kamara
hanggang sa Senado. Jun at Gigi, buong pasensiya ninyo akong ginabayan
sa tamang bihis, tindig, at pagsalita: Alam ninyong hindi ako tulad ni
Kris na sanay sa kamera, at kahit biniro ko kayo na mukhang imposible
ang trabaho, naging propesyonal at maaasahan kayo;
Sa aking mga tagapayong espirituwal na
sina Father Catalino Arevalo, Sister Agnes, at Father Jett Villarin,
[palakpakan] pati na kina Cardinal Chito Tagle, Cardinal Orlando
Quevedo, Ka Eduardo Manalo, Bishop Soc Villegas, Bishop Jonel Milan,
Brother Eddie Villanueva, at sa ating religious sector, at sa lahat ng
nagpapatuloy, nagdarasal para sa atin, maraming salamat po;
Sa mga tulad ni Joe America, isang
blogger na di ko man kakilala ay isinulat: “If the President were in my
foxhole, I’d watch his back. That’s because I trust that he is watching
mine.” [Palakpakan] Salamat sa iyo at sa iba pang dayuhang nagpamalas ng
pakikiisa sa ating agenda ng pagbabago;
Sa mga kabataang tulad ni Francesca Santiago, na sa murang edad pa lamang ay nagpapakita ng pagmamahal sa bayan;
Kay Noel Cabangon at iba pang kasapi ng
sektor ng sining at kultura na ipinahiram ang kanilang talento upang
ipahayag ang pagbabago; [palakpakan]
Sa aking Ate Ballsy, mga kapatid na sina
Pinky, Viel, Kris, at sa aking mga bayaw at pamangkin; [palakpakan]
panahon pa nina Mom at Dad, karamay ko na kayo. Nalalapit na ang araw
kung kailan hindi ko na kayo kakailanganing idamay sa dagdag pang
sakripisyo;
Special mention din po: Kina General
Chito Dizon na dating pinuno ng Presidential Security Group, at sa
kasalukuyang timon nito na si Commodore Raul Ubando, na dadalawang
linggo pa lang sa puwesto ay nag-baptism of fire na sa krisis sa
Zamboanga; [palakpakan] si Lt. Col. Francis Coronel na head ng aking
close-in security, at sina SPO4 Lito Africano at PO3 Bong Fuyonan, na
napakatagal na pong kasama at pinangangalagaan ang seguridad natin;
[palakpakan] sa buong PSG, na ipinakita ang propesyonalismo sa
pagprotekta hindi lang sa akin, kundi pati kina Pangulong Obama at Pope
Francis: Huwag kayong mag-alala, may 21 world leaders pang darating para
sa APEC. Karamay ko kayo sa hirap at ginhawa. Malamang, mamaya, bago
kayo matulog, baka magkatanungan kayo kung bakit napakaraming hirap at
kung nasaan ang ginhawa; parating na po tayo diyan.
Kay Asec. Susan Reyes, ang ating Social
Secretary, [palakpakan] na nagpapatunay na di kailangang maging magarbo
para itaas ang dignidad ng ating tanggapan; kay Paul Cabral, na laging
sinisigurong maayos ang aking kasuotan, [palakpakan] tuloy akala nila
mayroon akong fashion sense; at kay Cherry Reyes, na nag-aayos ng aking
buhok [tawanan], at nagmimistulang economics practitioner dahil
pinupunuan niya ang unlimited wants with very limited resources;
[tawanan]
Sa mga kasapi ng aking Private Office sa
Malacañang, lalong-lalo na kina Usec. Rochelle Ahorro at Asec. Jun
Delantar, [palakpakan] na karamay ko sa stress sa maraming pagkakataon;
At gusto ko pong ipakilala sa inyo, sa
mga hindi nakaaalala sa inyo, si Yolly Yebes, na namamahala sa aking
tahanan. [Palakpakan] Sinisiguro mong nakakakain ako sa tamang oras,
inaayos ang aking gamit tuwing may biyahe sa Pilipinas man o sa ibang
bansa, at kung minsan pa nga ay pinagkakatiwalaan pa kitang humawak ng
dokumento at nabibilinan para sa aking trabaho. Tunay mong ipinaparamdam
ang iyong kalinga hindi lang sa akin, kundi pati sa mga katrabaho ko sa
gobyerno. Kapag sinabi ko sa iyong, “may meeting tayo, pakihanda mo
naman ang makakain,” hindi mo na ako tinatanong ng “kailan” o “ilan”;
hindi mo na ako pinag-aalala, tinitiyak mo na lamang na lahat ng
kailangan ay maasikaso. Yolly, minabuti kong personal mong mapanood ang
SONAng ito, para masabi ko sa iyo: Maraming salamat sa pakikiambag mo.
[Palakpakan]
Sa mga hindi nagdalawang-isip na
tumulong sa repacking ng relief goods sa panahon ng sakuna; sa bawat
Pilipinong naghandog ng anumang halaga at nagpaikot ng alkansiya para
magdala ng pagbabago; sa lahat ng nagparamdam ng suporta, sa text man,
liham, o personal; sa bawat batang yumakap sa aking binti at tiningala
ako para ngitian; sa bawat estudyanteng nakipag-selfie; sa lahat ng
nakisiksik para makipagkamay:
Mga Boss, baka nga po bahagi ng planong
wala pa akong katuwang sa buhay o anak, kaya ang naging tutok ko lang ay
ang taumbayan. Sa trabahong ito, para akong punching bag na tinapalan
ng katakot-takot na duct tape. Pero hindi ako natinag dahil nasa likod
ko kayo. Tunay ngang hindi ako nag-iisa. [Palakpakan] Ang kongklusyon ko
nga po sa lahat ng ito: Talagang ginagabayan pa rin ako ng aking mga
magulang; totoong mahal tayo ng Diyos. Sa inyong lahat:
Maraming-maraming salamat. Napakalaking karangalan ang pamunuan po
kayong lahat. [Palakpakan]
Ang pasasalamat pong ito, may kasamang
panawagan. Ang mga naipunla sa Daang Matuwid, nagdadala na ngayon ng
ani, at magdadala ng mas mayabong pang ani sa mga susunod na panahon.
Pero mangyayari lang ito kung didiligan at babantayan pa natin ang
pananim.
Ilang halimbawa po: Hindi puwedeng
putulin na lang ang pagtutok sa modernisasyon ng AFP. Sa Pantawid
Pamilya, kapag naitawid na ang bottom 20 percent tungo sa susunod na
antas, kailangang siguruhing hindi sila basta-basta babalik sa kahirapan
kung tamaan ng sakit o sakuna.
Sa disaster management: Dahil sa
malasakit sa isa’t isa, at sa aktibong ugnayan sa mga local government
units, naibangon agad natin ang Bohol at Cebu matapos ang lindol. Sa Zamboanga
at Tacloban naman, agad nating tinugunan ang pangunahing
pangangailangan. Mula sa agarang paghahatid ng pagkain at pagsigurong
walang outbreak ng sakit; sa mabilisang pagbabalik ng kuryente, at
pagbubukas ng mga kalsada; hanggang sa pabahay at programang
pangkabuhayan, ibinuhos at ibinubuhos ng pambansang gobyerno ang lahat
ng makakaya. [Palakpakan] Pero may mga natitira pa pong gawain: May mga
komunidad pa rin tayong namumuhay sa peligrosong lugar na kakailanganing
ilayo sa panganib. Para naman sa rebuilding, kailangang paigtingin ang
ugnayan ng lokal at pambansang antas, para mapabilis ang mga tinatapos
natin.
Sa ugnayang panlabas: Ginawa at ginagawa
rin po natin ang lahat para maging responsableng miyembro ng
pandaigdigang komunidad; sa bawat hakbang, ang hinihiling lang natin ay
ang makatwiran at naaayon sa batas. Ang problema ng lahat, isinulong
nating solusyonan ng lahat, at hindi ng iilang panig lamang. Alam din po
ninyo, may hinaharap tayong hamon sa West Philippine Sea. Ang ating
kabangga, di-hamak na mas lamang, sa impluwensiya man, ekonomiya, o
puwersang militar. Pero sa batayan ng katwiran at pagmamahal sa bayan,
hindi po tayo nahuhuli. Kaya gaya sa lahat ng iba pang suliranin,
pagkakaisa po ang tanging susi para mapangalagaan ang ating karapatan.
Mga Boss, sa totoo lang, sa mga hinarap
nating hamon, puwede namang nagbigay na lang tayo ng band-aid solution.
Puwedeng nag-abot na lang tayo ng isang supot ng relief goods, o
nakipagsiksikan sa mga photo-op. Pero alam naman nating sa Pilipinas,
galit ang tao sa epal. Aanhin nga naman ang pogi points kung magpapamana
lang din naman ako ng problema sa susunod na salinlahi? Sa bawat
pagkakataon, hinahanap natin ang tunay na sanhi ng mga problema, at
naglalatag ng malinaw at pangmatagalang estratehiya upang malutas ito.
Ang mga hamon ng bansa, kung hindi man nalutas na, ay nasimulan na ang
mga hakbang upang marating ang permanenteng solusyon.
Iyan nga ang napakalaking pagkakaiba.
Dati, walang pag-asa. Ngayon, inaasahan, inaabangan, at madalas nga po
ay minamadali pa natin ang gobyernong solusyonan ang mga problemang
ating hinaharap.
Magbalik-tanaw po tayo: Sa dami ng mga
maling kinailangan nating iwasto, hindi lang tayo nanggaling sa zero, sa
negative pa tayo nagmula. Negative sa kasangkapang gumawa ng pagbabago.
Negative sa pagkakataon. Negative sa pag-asa. Binuno natin ang lahat ng
kakulangan; nagdala tayo ng positibong pagbabago, at lampas-lampas pa
talaga sa ating inaasahan ang ating narating.
Pakinggan po natin ang ilan pang testimonya nito:
Sa 25 years na pagtrabaho ko dito sa PAGASA, nakita ko po kung paano nag-improve ang aming facilities especially ngayong term ng ating Presidente.
[Palakpakan]
[Palakpakan]
Mga Boss, kung hindi mapapatid ang
transpormasyon, makatwiran nga pong sabihin: Tikim pa lamang itong
nakamtan natin; parating pa lang ang tunay na ihahain. Ang sabi nga po
natin: You ain’t seen nothing yet. [Palakpakan]
Nabanggit ko po kanina ang SWS survey na
hindi masyadong naibalita: 8 out of 10 na mga Pilipino, naniniwalang
developed o magiging developed country tayo sa hinaharap. Ito po,
pananaw ng ating mga kababayan. Pero ang mga ekonomista po mismo ng
NEDA, pinag-aralan ito sa siyentipikong paraan, at pareho ang kanilang
kongklusyon.
Tingnan natin: Mula 2010 hanggang 2014,
nagtala tayo ng average GDP growth na 6.2 percent; ito ang
pinakamasiglang yugto ng ating ekonomiya sa loob ng 40 taon.
[Palakpakan] Kung aabot po tayo sa 6.8 percent ngayong 2015, makakamtan
natin ang pinakamataas na six-year average growth sa loob ng halos anim
na dekada. [Palakpakan] Siyempre po, ang pag-angat ng ekonomiya, may
katumbas na pag-angat ng kakayahan ng gobyernong kumalinga at
magbigay-lakas sa mamamayan upang masagad ang mga bumubukas na
pagkakataon.
Nakikita po ninyo, kung hindi tayo
maaantala, kung magtutuloy ang Daang Matuwid, sa loob ng isang
henerasyon, first world na raw po tayo. Kung magpapatuloy ang mga
repormang bukal ng paglago ng ekonomiya, paglaon, ang tinitingala nating
mga bansa, makakapantay na natin, kundi man malalampasan. [Palakpakan]
Ito po ba, inambisyon ng kahit sino sa atin noong tayo’y nagsisimula?
Sa kabilang banda naman, kung tayo’y
babalik sa baluktot, habambuhay tayong mag-aabang sa wala. Muli tayong
mapapag-iwanan, at mababali ang pataas na trajectory ng ating ekonomiya.
Napakaganda na talaga ng ating naipunla,
at nagbuhos na tayo ng matinding pagod at sakripisyo upang diligan ito.
Sino ba namang nasa tamang isip ang bigla na lamang puputulin ang puno,
kung kailan nagsisimula pa lang nating pitasin ang mga unang bunga
nito?
May sentimyentong umiiral na sa tingin
ko, mahuhuli ng isang tanong. Ang tanong po nila, “Lahat ba ng ating
naipundar, lahat ba ng ating pinaghirapan, maglalaho dahil lang sa isang
eleksiyon?” [Palakpakan at tawanan] Sa ganitong pananaw, ang susunod na
halalan ay referendum po para sa Daang Matuwid. Kayo ang magdedesisyon
kung ang pagbabago bang ating tinatamasa ay magiging permanente, o
tatanawin lang bilang tsamba at panandaliang pagbangon sa isang mahabang
kasaysayan ng pagkadapa.
Ang tanong: Tama ba itong landas na
tinatahak natin? Kung sasabihin ninyong hindi, para na rin ninyong
sinabing “Mas gusto ko sa dati; bumalik na lang tayo sa baluktot.” ‘Pag
iyan po ang inyong itinugon, ako’y mananahimik na lang.
Pero kung ang tugon naman ninyo ay “Oo,”
tulad ng lagi, ako naman po’y handang maging inyong dakilang alalay.
Maski sa pagbaba sa puwesto, hanggang sa aking huling hininga, makakaasa
kayo, gaya ng walang patid ninyong pananatili bilang aking lakas, hindi
rin kayo mag-iisa; sasamahan ko kayo, tatabihan ko kayo,
magkakapit-bisig nating isasabuhay ang Daang Matuwid. [Palakpakan]
Mga Boss, aaminin ko: Ni minsan po,
hindi ko sinabing ako’y perpekto. Minsan, binigo tayo ng ilang inasahan
nating alam dapat ang kanilang trabaho. Sa mga panahong tila gumana ang
pagpapaduda, baka hindi rin namin nahanap agad at naibahagi ang
impormasyon sa oras at sa paraang nais ninyo. Hinihingi ko po muli ang
inyong pag-unawa sa mga bagay na ito.
Sa kabila nito, mahaharap ko ang sinoman
at masasabing: Ginawa ko ang pinakamainam na desisyon batay sa kaalaman
at kakayahang mayroon tayo sa panahong iyon. Kaisa-isang interes ko ang
kapakanan ng aking Boss. Ginawa ko ang lahat upang iwanang mas
makatarungan, mas maunlad, at tumatamasa ng makabuluhang pagbabago ang
ating bansa. [Palakpakan] Hahayaan ko na pong kasaysayan ang humusga.
Gaya nga po noong burol ng aking ina, bibigkasin ko ang Ikalawang Aklat
ni Timoteo, Kabanata 4, Bersikulo 7: “I have fought the good fight, I
have finished the race, I have kept the faith.” [Palakpakan]
Mga Boss, nanggaling tayo sa sitwasyon
kung saan tila nababalot ng kadiliman ang ating bansa; ni hindi natin
masigurong may liwanag pang paparating. Binabati na tayo ng
bukang-liwayway ng katarungan at pagkakataon.
Nakita naman ninyo ang mga naabot natin.
Narinig ninyo ang kuwento ng kapwa natin Pilipinong pinatunayan ang
kayang maabot gamit ang sariling lakas, ang pagbabayanihan, ang hindi
pag-uunahan, ang pag-aambagan tungo sa katuparan ng kolektibo nating mga
adhikain. Ngayon, taas-noo na tayong humaharap sa buong mundo at
nasasabing, “Kaya ko. Kaya ng Pilipino. Simula pa lang ito.”
[Palakpakan]
Opo, simula pa lang ito. Simula pa lang
ng isang bansang hindi mapapayuko, bagkus ay nagiging huwaran ng
paninindigan sa buong mundo. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng
kalayaan mula sa katiwalian. Simula pa lang ng lipunan kung saan ang
bawat Pilipino, kung magbabanat ng buto, kung gagawin ang tama, ay tiyak
na aasenso. Simula pa lang ito, at hinahamon tayo ng kasaysayang
diligan ang transpormasyon, upang magbunga ito ng mas marami pang
pagkakataon para sa mga susunod na salinlahi.
Simula pa lang ito. [Palakpakan] Nasa
unang yugto pa lang tayo ng dakilang kuwento ng sambayanang Pilipino. Sa
gabay ng Panginoong Maykapal, at sa patuloy nating pagtahak sa Daang
Matuwid, lalo pang tatayog ang mga pangarap na maaabot natin. Lalo pang
lalawak ang kaunlarang tinatamasa natin. Nasasainyo pong mga kamay ang
direksiyon natin.
Magandang gabi po sa inyong lahat, maraming salamat sa inyong lahat po.
GPH Websitehttp://www.gov.ph/ Article links: http://www.gov.ph/2015/07/27/president-aquino-sixth-sona/ OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights Home - Human rights Promotions Website HUMAN RIGHTS PROMOTIONS PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS ----------------------------------------------------------------------------------------------- ------------------------------------------------------------ ----------------------------------- |
0 comments:
Post a Comment