Friday, July 17, 2015

Speech of President Aquino during the PNP Change of Command Ceremony




From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  https://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=7I-wDqXyoQI




Speech of President Aquino during the PNP Change of Command Ceremony


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa seremonya ng pagpapalit-atas ng Philippine National Police at parangal sa pagreretiro ni Police Deputy Director General Leonardo A. Espina
[Inihayag sa Camp Crame, Lungsod Quezon noong ika-16 ng Hulyo 2015]


Nabanggit ko po kanina kay Dindo, “Dindo, mukhang hindi yata tamang ‘sign off.’ Palagay ko, ‘change channel’ lang. At kung gigisnan natin ang mga mukha ni Nick Bartolome at Ramon Bacalzo, parang mas masarap yata ang buhay ‘pag natapos tayo dito sa mga tungkulin natin ngayon. Nick, baka may second career ka na sa showbusiness.


Ito na ang ikaapat na pagpapalit-atas sa liderato ng ating kapulisan sa loob ng ating panunungkulan. Sa pagkakataong ito, naalala ko ang panatang binitiwan ko noong unang beses akong dumalo sa change of command ng PNP noong 2010: Tatanggalin natin ang pilat ng pagdududa ng mga tao, hindi lamang sa kapulisan, kundi sa buong pamahalaan. Sa loob nga ng mahigit limang taon ng pagtahak sa Daang Matuwid, ito mismo ang tinupad natin at patuloy na pinagsusumikapan.


Ngayong araw po, binibigyang-parangal natin ang isang pinuno at pulis na hindi matatawaran ang mga naging ambag sa ating agenda ng tunay na pagbabago sa kapulisan: si Police Deputy Director General Leonardo Espina, na buong-prinsipyong tinimon ang PNP sa nakalipas na pitong buwan.


Sa buong karera ni Dindo, naging mabuti siyang ehemplo para sa mga kapwa niya Pilipinong pulis: bukas ang loob, magaling makipag-usap, at talagang mapagkumbaba. Naalala ko nga po noong mga panahong spokesperson siya ng PNP; isang beses, nagkataong pareho kaming nasa Batasan at may dumating na politiko na galing po sa amin sa Tarlac. Habang naglalakad, nasagi po nang di-sadya nitong politiko ang paa ni Dindo, at ang dulo po niyan ay pareho silang natumba. Sa totoo lang, nakatayo lang noon si Dindo, pero siya pa ang humingi ng paumanhin, na patunay sa kababaan niya ng loob. Tumatak nga po sa akin ang eksenang iyon; kaya noong biglaang kinailangang magtalaga ng isang OIC para sa PNP, di na po tayo nagdalawang-isip kung sino ang karapat-dapat sa posisyon. Di naman po tayo nagkamali: Kay Dindo, talagang napalapit ang sambayanan sa ating kapulisan.


Kung mga tagumpay naman sa kanyang termino ang pag-uusapan: Dahil sa kanyang mahusay na pamumuno, nahuli ang ilan sa pinakapinaghahanap ng batas, gaya ni Miguel Omayao na opisyal ng CPP-NPA-NDF West Central Mindanao Front; kasama po siya sa higit 17,300 na wanted na tuluyang naabot at nadala sa katarungan ng PNP sa panahong OIC si Dindo. Isa naman sa criminal gangs na nabuwag ng PNP sa panunungkulan niya ay ang Bathala Drug Group, na naging notorious  sa Davao City at mga karatig na lugar nito.


Katuwang naman ang AFP, naglalakihang tagumpay din ang nakamit ng PNP sa larangan ng peace and order. Nariyan ang paghuli sa ibang pinuno pa ng CPP-NPA-NDF na sina Ruben Saluta, Emmanuel Bacarra, at Rodrigo Tayasan, pati na ang pagdakip sa teroristang si Mohamad Ali Tambako at apat na kasamahan nito. Idiin ko lang po: Itong si Tambako na lider diumano raw ng Justice for Islamic Movement, ay humiwalay sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters para lalong maghasik ng gulo, at di na nga po hinayaan ng PNP na makaporma pa ang bago niyang itinatag na grupo.


Dindo, sa maikling panahon na ika’y naglingkod bilang OIC, at sa ibang naging tungkulin mo gaya ng magsilbi kang hepe ng NCRPO, ipinamalas mo ang galing at propesyonalismong hinihiling sa mga tagapagtupad ng batas. Nakakalungkot ngang isiping umabot na tayo sa sandaling kailangan mong iwan ang serbisyo. Sa araw na ito, tanggapin mo ang taos-pusong pasasalamat ng sambayanan para sa lahat ng iyong sakripisyo’t pagsisikap.


Epektibong paglilingkod at isang taas-noong PNP: Iyan po ang ipapamana ni Dindo sa pagbaba niya sa katungkulan. Kasabay ng pagkilala natin sa isang papaalis na kabalikat sa mabuting pamamahala, tinatanggap naman natin ang pagpasok ng bagong PNP Chief: si Police Director Ricardo Marquez, na siyang magtataguyod sa ating kapulisan sa huling yugto ng ating administrasyon.


Pinili natin si Ric dahil isinabuhay niya ang mga batayang prinsipyo ng isang huwarang pulis: masipag, alisto, at may paninindigan sa pagtupad ng kanyang mandato. Naalala ko nga po: Noong 2014, mayroon daw pong isang nagpositibo sa karamdamang MERS-CoV na umuwi dito. Masakit po, naabisuhan lang tayo 12 oras pagkatapos lumapag na siya bansa sakay o lulan ng isang eroplano. Sakto po, Miyerkules Santo noon, at marami nang nasa bakasyon sa ating kinauukulan. Ang kailangan pong hanapin, di-bababa sa 414 na pasahero na posibleng nahawaan nitong virus na ‘to. Siyempre po, talagang tinutukan natin ito at sinigurong hindi kakalat ang sakit; hindi tayo basta-basta lang nakuntento at sumang-ayon sa mga tinaguriang established protocol. Dinoble natin ang pagsisikap para hanapin ang lahat ng posibleng maapektuhan ng karamdamang ito. Kinailangan nga pong bumuo ng bagong plano para rito; si Ric nga po ang naitalaga para isakatuparan ang planong ito.


May isa pa pong kuwento tungkol kay Ric: Nang mabalitaan nating gustong bumisita ng Santo Papa sa ating bansa, natural, ang tugon po natin: Siyempre! Nang malaman na po natin lahat ng detalye tungkol sa pagibisita niya, biglang napatanong po tayo: Umoo nga ba talaga tayo sa mungkahi niyang dumalaw sa atin? Ang una pong hiling ng Santo Papa ay magkaroon ng isang motorcade para makahalubilo kahit papaano ang mga kababayan natin. Pagabi ang pagdating ng ating Santo Papa, at napatanong tayo: Ano ang silbi ng motorcade sa dilim? Ang sabi po sa atin ng mga kawani ng Simbahan: Huwag ho tayong mag-alala, lalagyan naman daw ng ilaw ‘yung kanyang Pope Mobile.


Tandaan po ninyo: Matapang ang Santo Papa at may ilang nasagasaan sa mga pahayag niya. Bilang host, tungkulin nating tiyakin ang seguridad ng ating bisita. Pero ang sabi po sa atin: Di puwedeng armored vehicle ang sasakyan niya, kasi di niya maririnig ang mga tao. Para sa atin pong mga security experts na batid ang panganib, talagang nightmare scenario po ito; kumbaga, may bull’s eye na sa Santo Papa, inilawan mo pa siya para mas madaling maasinta. Wala nga pong kapaliwanagan kung saka-sakaling may nangyari kay Pope Francis habang narito siya sa Pilipinas.


Sagaran nga po ang naging hamon sa Papal Visit: Nariyan ang posibilidad ng stampede sa Luneta. Di nga po biro ito. ‘Pag may stampede, ang doctrine po para mahinto ito, kailangang itulak ang mga tao mula sa masikip patungo sa maluwag na espasyo. Problema: ‘Yung Quirino Grandstand at Luneta na po ‘yung pinakamaluwag nating venue, at kung magkakagulo doon—halimbawang may magpaputok ng labintador—ay itutulak mo ang mga tao papunta sa mas makitid na lugar. Baliktad doon sa nakaugaliang doktrina. Hindi nga po madaling mahihinto ang stampede at pihadong may mapapahamak.
Dagdag ko na rin po: Nariyan ang pagbisita ng Papa sa Tacloban, ang bawat aktibidad niya at pagkilos kung saan “exposed” din siya; pati ultimong banta ng masamang panahon, kinaharap niya. Awa nga po ng Diyos, at sa pakikiisa ng ating mga kababayan, naitawid ng ating Security Sector—ng Sandatahang Lakas at ng PNP—ang okasyong ito. Sa lahat ng ito, ang taong nakatalaga para bantayan ang bawat kompone ng plano ay si Ric Marquez.


Si Ric na po ngayon ang bagong magtitimon sa PNP, at inaasahan nating papantayan niya, kung hindi man tataasan pa, ang antas ng pagseserbisyong ipinamalas ng mga nauna sa kanya. Bago naman po ako magpatuloy, gusto kong humingi ng paumanhin sa lahat ng naghintay nang pagkatagal-tagal sa pagtatalaga natin ng bagong chief ng PNP. Aaminin ko sa inyo: Ang inaasahan nating pagpapalit-atas, dapat sa Nobyembre o Disyembre pa; pero sa pag-alis ni General Purisima, na napabilis pa dahil sa kanyang suspension, maski tayo nalagay sa di-pangkaraniwang sitwasyon. ‘Yung isa sa kakilala nating posibleng mapili para sa posisyon, di na pala pupuwede dahil di na siya kabilang sa mga nagko-contend sa posisyong ito. Kaya naman, napunta tayo sa senior officials ng PNP, at alam n’yo, sa panahong pumipili tayo ng itatalaga, nakikita natin diyan ang katakot-takot na siraan. Dahil di ko sila personal na kakilala, wala akong agarang basehan para paniwalaan ang mga ulat na dumarating sa atin. Kaya naman kinailangan nating mag-imbestiga.


Ang naging malinaw po rito, ‘yung pagbabatuhan ng putik, sintomas ng isang mas malaking problema sa ating kapulisan. Tila nga po may mga kampo-kampo sa loob ng ating kapulisan: May pulis na bata ni ganito, may pulis na bata ni ganyan. Ang pananaw po natin: Bilang pulis, bata ka dapat ng sambayanang Pilipino; tropa ka dapat ng taumbayan.


Ito po ang pangunahing kailangang itaguyod ng ating bagong PNP chief. Nitong Lunes lang, kinausap natin siya at nilatag ang mga suliraning nakikita natin sa serbisyo. Ang punto ko po sa kanya: Pareho na kaming paretiro, at mauuna lang ako nang kaunti; kailangan niyang hubugin ang isang mas buo at mas matatag na PNP, kasabay ng pagtiyak sa isang malinis at matiwasay na halalan sa 2016.


Maliwanag naman: Sa Daang Matuwid, di puwede ang kanya-kanya; di puwedeng mamayani ang imahen ng Pulis Patola; di puwede ang kaisipang wangwang. Alam nga po natin ang tipo ng pulis na di dapat tularan. Tunghayan ninyo ang isang videong ito mula sa GMA 7 tungkol sa isang SPO1 na si Ricardo Cezar Pascua na humarang po sa ating convoy noong 2012.


(VIDEO)


Mga kasama, huwag na po tayo tumutok sa mga dahilan niya. Tingnan nga po ninyo: May plakang mahirap basahin, walang rehistro ang sasakyan, at malala pa ay wala siyang dalang lisensiya para magmaneho. Ganito po ba ang inaasahan nating magpapatupad ng batas? Paalala ko lang: Walang sinuman, estrellado ka man o P.O. na nakakabit sa iyong pangalan, ang puwedeng mangibabaw sa batas.


Sa kabila nito, marami naman ang matatawag nating huwaran sa inyong hanay. Nariyan ang isang Senior Inspector Charity Galvez na pinamunuan ang pangkat ng 30 pulis sa paglaban sa 250 NPA noong 2011 sa Agusan del Sur; nariyan ang isang PO3 Edlyn Arbo na kahit off-duty ay tinugis ang holdaper sa sinakyan niyang jeep. Isama na rin po natin ang apat na rookie policewoman na agad tumugon sa pag-atake ng Martilyo Gang sa Mall of Asia nitong 2014; at si PO3 Felipe Moncatar na nakilala naman sa dami ng naipakulong niyang kriminal. Nariyan din si Inspector Marjorie Manuta, na bagaman nasalanta rin ng bagyong Yolanda, ay naglakad nang anim na kilometro para lang matulungan ang kanyang mga kababayan. Banggitin ko na rin po si SPO3 Erlinda Gagaoin ng La Union, na pinasan ang isang lola para lang maiuwi dito. Si PO2 Dondon Sultan na matapos tulungan ang isang nasiraan ng sasakyan ay tumanggi pa sa inabot na P1,000 at sinabing “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.”


Ngayon, ang utos natin sa ating bagong hepe, simpleng-simple: Tanggalin, parusahan ang mga baluktot; at gantimpalaan naman ang tuwid para lalo pa silang magpakitang-gilas sa serbisyo.


Kasabay nito, bilin din natin ang pag-angat pa sa ating antas ng seguridad sa ating mga police installations at detachments. Nitong Abril at Mayo lang, nagkaroon ng mga pag-atake sa dalawang kampo ng ating kapulisan, na dapat sana’y talagang protektado. Sa isang insidente, pinaulanan raw ng mortar ang ating mga tropa, na parang pahiwatig na ganoon-ganoon na lang ang tingin sa atin ng mga kalaban ng Estado. Pinapasagot na nga po natin ang kinauukulan tungkol sa mga kakulangan sa kampo. May isa namang insidente kung saan, pinasok ang ibang kampo para magpasabog ng bomba. Nang may dumating na first responders, nag-detonate sila ng pangalawang IED. Puwede ho sanang naiwasan ‘yan kung naging mas mahigpit tayo sa mga patakaran. Ang gusto kong bigyang-diin dito: May repormang dapat ipatupad; ang mga nagbibigay ng seguridad sa bansa, kailangang may seguridad din, lalo na sa sariling mga tanggapan.


Sa ating kapulisan naman, walang duda: Hindi magkukulang ang ating administrasyon sa pagkakaloob sa inyo ng kakayahan at kagamitan. Mula sa pagkamit ng 1:1 police-to-pistol ratio sa unang pagkakataon sa ating kasaysayan; hanggang sa pagtulak ng PNP Capability Enhancement Program at pagpapalakas sa tinatawag ninyong “shoot, scoot, and communicate;” at maging sa pagtutok sa pabahay at pensiyon ninyo, sinisiguro nating naalagaan ang inyong kapakanan. Nariyan din naman ang mga kuya ninyo sa serbisyo, sa pangunguna ni Sec. Mar, na gagabayan kayo sa landas ng tama at tuwid. Pero may kasabihan nga po: Puwede kang magturo, ngunit ang pagkatuto, nasa tao. Nakahanap na nga po tayo ng timon para sa PNP na talagang nagpakitang-gilas, at kailangan na lang ay sumunod kayo sa ehemplo niya. Ngayong mayroon na kayong pangmatagalang lideratong gagabay sa inyo, ang panawagan ng ating mga Boss: Nasa likod ninyo ang bayan; kaya naman, isabuhay ninyo ang inyong mandato bilang nagkakaisang Philippine National Police, isang Philippine National Police na tumototoo sa sinumpaang tungkulin, isang Philippine National Police na tutok sa serbisyo, disiplinado, at kongkretong simbolo ng pagbabago.


Sa Daang Matuwid, paganda nang paganda ang estado ng lipunan, at kaakibat niyan ang kakayahang matugunan pa ang inyong mga pangangailangan. Pero ang kaunlaran, nagmumula iyan sa kaayusan at katahimikan. Sa patuloy na pagtupad sa inyong tungkulin, tumutulong kayong hubugin ang kinabukasan na karapat-dapat para sa ating lahat. Tama lang po na ibuhos natin ang lahat ng magagawa natin, para tiyak na maipamana ang isang mas magandang Pilipinas sa susunod na salinlahi: Isang bansa na mas mapayapa, mas ligtas, at mas matatayog ang inaabot na pangarap.


Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

GPH Website

http://www.gov.ph/




Article links:

https://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=7I-wDqXyoQI



OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights

Home - Human rights Promotions Website

HUMAN RIGHTS PROMOTIONS


PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment