From the Website of GPH - Government of the Philippines
links: http://www.gov.ph/2015/06/29/speech-president-aquino-groundbreaking-mactan-cebu-international-airport/#
Speech of President Aquino during the groundbreaking ceremony of the Mactan-Cebu International Airport
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa seremonya ng pagtatayo ng Mactan-Cebu International Airport New Passenger Terminal Building
[Inihayag sa Mactan-Benito Ebuen Air Base, Lungsod Cebu, noong ika-29 ng Hunyo 2015]
Pinakain ho kami ng tanghalian ni
Governor Davide kanina, at sabi ko, “Junjun, ‘pag panahon na nagretiro
tayo, may naisip akong papasukan nating hanapbuhay.” Sabi niya, “Magtayo
tayo ng restaurant. Ano’ng pangalan?” “Palagay ko, pinakamaganda diyan
‘Sogbu sa Sugbu.’” Sogbu, ‘yung mga hindi natawa, mga hindi ko kayo
ka-batch. [Tawanan] Binabaliktad lang ho ‘yung busog. Sogbu sa Sugbu,
sana nga puwede. ‘Yung appetizer ho, wala pa kayong order, chicharon
kaagad. Galing sa Carcar. Pero healthy ho ‘yung amin. Si Luigi kasi
nakita ko, kaya naisip ko po ‘yon. [Tawanan] Luigi, bagong kasal,
mukhang masayang-masaya ka. Beatific smile raw, saka parang [nag-sleep]
ka yata. [Tawanan]
Ngayong araw po ang eksaktong ikalimang
taon ko sa puwesto bilang pangulo; isang taon na lang, eksakto rin, ang
natitira sa ating termino. Sa nalalabing panahon pong ito, talagang
ibinubuhos natin ang ating lakas para masagad ang hatid nating pagbabago
sa bansa. Ang tanging hangad ko po: Pagkababa sa puwesto, makalingon sa
ating mga nagawa, at masabing di-hamak na mas maganda na ang ating
iniwan kaysa ating dinatnan.
Ngayon po, nagtitipon tayo para
ipagdiwang ang isa na namang positibong pagbabago para sa Cebu, at sa
kalakhang bansa—ang simula ng pagpapatayo ng New Passenger Terminal
Building, kasama na ang iba pang pagpapaunlad ng Mactan-Cebu
International Airport. Suma-total, tinataya po na nasa P17.5 billion po
ang halaga ng proyektong ito, na inaasahan nating makumpleto sa Hunyo ng
2019. Palagay ko itse-check ko ‘yung figure na ‘yan. Parang mukhang
kulang nang kaunti.
Ano po bang pagpapaunlad ang ilalatag
natin sa paliparang ito? Una ho, ipapatayo dito ang dagdag na 20
aircraft parking stands na may kanya-kanyang aerobridge, 13 bus parking
stands para sa mga sasakyang naghahatid-sundo sa mga pasahero, mahigit
sa 550 private vehicle parking stands. Pangalawa, itatayo ang isang
link-bridge na kokonekta sa domestic at international terminals.
Pangatlo, dadagdagan natin ang domestic and international flight
check-in counters ng 100 counter: mula sa kasalukuyang 49 counters,
patungong 149 na counters. Ang resulta po nito: Lalawak ang espasyo at
bibilis ang daloy ng operasyon sa airport; at maiiwasan na ang sakit ng
ulong dulot ng delayed flights. Dahil sa mga ito, inaasahan nating
tataas ang annual passenger capacity ng paliparan, o ang bilang ng mga
naa-accommodate nitong pasahero kada taon—mula sa kasulukuyang 4.5
million, patungong 15 million. Lahat po ng ito, bahagi ng layunin nating
gawing mas de-kalidad, hindi lang ang mismo ninyong pasilidad, kundi
pati na rin ang inyong kalakhang serbisyo para sa mga pasahero.
Lagi po nating binabanggit: Sa tuwid na
daan, ang hangad natin, inclusive growth. Ibig sabihin po nito,
isinusulong natin ang pag-angat, hindi ng iilan, kundi ng lahat. Isa po
ang turismo sa mga sektor na tumutulong sa ating makamit ito. At sa
lalong madaling panahon, isipin po ninyo: Sa bawat isang turistang
dumarating, tinatayang may pumapasok na mahigit 1,000 dolyar sa ating
ekonomiya. Tinatawag nga pong low-lying fruit ang turismo, dahil hindi
ka man kargado ng kaliwa’t kanang diploma, puwede ka nang makibahagi
agad sa mga oportunidad na nalilikha ng sektor na ito. Kapag po may
turista, siyempre may hotel silang tutuluyan, may restaurant na
kakainan, may bibilhang souvenir shop; isama pa ang kakailanganin nilang
serbisyo ng mga drivers at tour guides. Ang punto po: Sa turismo,
nakakalikha tayo ng maraming trabaho, hindi bukas makalawa, kundi, sabi
nga ng kapatid ko, now na.
Sa pagpapaunlad nga po ng inyong
airport, talagang namumuhunan tayo para sa kinabukasan. Paparamihin
natin ang flights at pasaherong kayang i-accommodate ng paliparan;
gagawin nating mas maginhawa ang karanasan ng mga biyahero dito. Bunsod
nito, mapaparami natin ang turistang bibisita sa inyo. At pag-uwi naman
ng mga turista sa kani-kanilang mga lugar, ikukuwento nila—hindi ang
karanasan nilang naging pahirapan—kundi ang maayos at masigla nilang
biyahe sa inyong lalawigan. Resulta: Dadami ang mahihikayat na tumungo
rito, na muli namang magdudulot ng mga oportunidad, at siyang
magpapatuloy sa siklo ng pag-asenso.
Nais ko pong magpasalamat sa bawat
indibidwal at organisasyong nagkaisa para marating natin ang araw na
ito. Sa DOTC at DOT, sa pagtitimon nina Sec. Jun Abaya at Sec. Mon
Jimenez; sa lokal na pamahalaan ng Cebu, sa pamumuno ni Governor Junjun
Davide, na talaga namang alam nating may pinagmanahan; at siyempre po,
sa bumubuo ng GMR Megawide Cebu Airport Corporation (GMCAC), sa
pangunguna ni Ginoong Manuel Louie Ferrer. Nagpapasalamat din po tayo sa
lahat ng nakilahok sa bidding para sa proyektong ito. Alam po nating sa
bidding, siyempre, nananalo, at mayroong natatalo. Sa mga hindi po
pinalad manalo, sana ho, imbes na mabawasan ang interes ninyong
makilahok sa iba pa nating mga proyekto ay lalo pang lumakas ang inyong
ganang sumali sa mga susunod pang mga proyekto sa ating PPP program.
Tunay pong sagisag ang araw na ito sa
tagumpay na dulot ng pagkakapit-kamay; patunay din ito sa napipitas na
nating bunga sa ilalim ng ating Public-Private Partnerships. Isipin po
ninyo: Sa nakaraang tatlong administrasyon, anim na solicited PPP
projects lamang ang nai-award sa pribadong sektor; ngayon po, mula
Disyembre ng 2011 hanggang Hunyo ng 2015, umabot na sa 10 solicited PPP
projects ang nai-award na natin, na nagkakahalagang P189 bilyon. Bukod
pa rito, may 12 proyekto pa tayong nasa bidding na; at 30 naman ang
nakapila pa. Mahigit 50 PPP projects po ito na nagkakahalagang
tinatayang P1.11 trillion, sa ilalim ng ating administrasyon.
Ipaalala ko din lang po: Noon, hindi
makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan sa atin. Halimbawa po, sa
kontrata para sa MRT 3, sa Luzon, para lang ganahan ang mga kompanya,
gobyerno pa mismo ang nanliligaw at nag-aalok ng iba’t ibang insentibo.
Nariyan po ang pagbibigay ng 15 porsiyentong fixed and guaranteed rate
of return, o ang pagbibigay sa kanila ng siguradong kita—anumang
kakulangan sa dapat kitain ng kompanya, kailangang sagutin ng gobyerno.
Meron ding foreign exchange guarantee, kung saan protektado sila sa
anumang pagtaas at pagbaba ng piso; pati kaliwa’t kanang buwis, obligado
ring bayaran ng gobyerno, tulad ng corporate income tax, withholding
tax, business tax, at iba pang local taxes. Sa ganitong sistema, para
bang ang mga kompanyang hinihikayat noon ng pamahalaan, basta lang
sumagot ng matamis na “oo” sa proyekto, tiyak na ang kanilang kita; wala
nang paraan para malugi sila.
Sa atin pong administrasyon, ibang-iba
na talaga ang istorya pagdating sa sektor ng PPP: Wala nang mga paluging
transaksiyon; gobyerno ang nililigawan para makuha ang pribilehiyong
itayo ang imprastrukturang kailangan ng Pilipino. Ang malaking
pagkakaiba po: Dahil sa mas makatwiran nating pagpepresyo, katambal pa
ng ating transparency initiatives, buo na ang tiwala ng mga kompanya
ngayon sa gobyerno; mataas ang kumpiyansa nilang sa pakikituwang sa
atin, siguradong kikita ang kanilang kompanya. Ano ho’ng epekto nito?
Ngayon, naipapatayo na natin ang mga kailangang imprastruktura,
nabibigyan pa tayo ng karagdagang pondo para sa iba’t ibang proyekto’t
programa. Halimbawa po: Para sa Daang Hari-SLEX Link Road Project, ang
unang PPP sa ating administrasyon, nakatanggap ang gobyerno ng P518.48
milyon na tinatawag na premium. Sa NAIA Expressway Project 2 naman, ang
nakuha natin: P11 bilyon. Pataas po nang pataas ang mga premium na
natatanggap natin. Dito po sa Mactan-Cebu International Airport New
Passenger Terminal Building Project, ang premium na ibinigay sa atin:
P14.4 billion. Lahat po ng pondong iyan, diretso sa kaban ng bayan, at
magagamit sa iba pang proyekto para sa mamamayan. Win-win situation para
sa pampubliko at pribadong sektor, di po ba?
Alam n’yo bago ako magpatuloy, nabanggit
lang sa akin kanina: Meron na ho yatang nagsasabing P14 bilyong ‘yan ay
gagamitin ng Liberal Party para sa eleksiyon sa susunod na taon. Alam
ho n’yo, talagang nakakainsulto iyon dahil. unang-una, meron ba tayong
kilalang magnanakaw na sasabihin niya kung ano ang nanakawin niya bago
niya nakawin? At pagkatapos noon, tukuyin po n’yo, aamin na nakawin at
sana magtatagumpay pa rin kami. Magnanakaw na raw ho ‘yung partido
namin, tanga pa. Sobra namang insulto ho yata talaga ‘yun. Pero ganoon
talaga ang buhay, lulunukin ko na lang ho. At sana basahin mo kung paano
ang proseso para makita mong ito po ay didiretso sa National Treasury
kung saan ang kongreso lang ang may karapatang magsabi [kung] saan
puwedeng dalhin ‘yung pondo. By that time ho, na nagdesisyon na ang
kongreso siguro doon, matagal nang tapos ang halalan. O itong
nagsalitang ito na binalita sa akin, wala kang kausap, kakausapin ko po
si Secretary Dinky Soliman na tulungan ka ng Social Welfare, at ihanap
ka ng kausap.
Isang taon na lang po ang natitira sa
mandatong ipinagkaloob ninyo sa aking manungkulan bilang Pangulo.
Taos-puso po akong nagpapasalamat sa minamahal nating mga Cebuano; sa
inyo pong pag-aaruga sa aming pamilya—mula sa aking ama, sa aking ina,
hanggang sa akin po. Ako po’y dalawang beses pong lumapit sa inyo—nang
tumakbo akong Pangulo noong 2010, nitong 2013 para sa ating mga
kasamahan sa Team PNoy, at ako rin ho noong 2007, noong ako po’y tumakbo
bilang senador—at talaga naman pong ipinadama ninyo ang inyong mainit
na suporta. Muli, maraming salamat po sa patuloy ninyong pagtitiwala.
Alam naman po ninyo kung gaano kahirap
ang trabaho kong ito. Saksi kayo sa lahat ng panlalait at pang-aalipusta
sa akin. Bawat galaw ko, pinupuna; gaano man kalaki ang magawang tama,
hahanapin pa rin nila ang pinakamaliit na mali, kadalasan, para lang
magpapogi at mamulitika. Pero ‘pag nakikita kong naisasakongkreto na ang
mga inaasam-asam natin; kapag nakikita ko ang mga positibong bunga ng
inilalatag nating pagbabago; kapag nakikita ko ang sigla sa mukha ng
ating mga kababayan dulot ng naihatid nating benepisyo—talagang masasabi
ko po: Sulit ang bawat pagod at hirap, sulit kahit ang panlalait at
paninira, sulit ang paglilingkod na ito sa sambayanang Pilipino. Oras
nga pong tawagin na tayo ng Panginoon, taas-noo ko pong masasabi:
Talagang malayong-malayo na rin ang ating narating.
Ididiin ko po: Simula pa lang ito ng
pagpapakitang-gilas ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino. Hindi sa
akin nagtatapos ang tuwid na daan. Naglalatag tayo ng reporma ngayon, at
tiwala akong kayo, ang ating mga Boss, ang patuloy na magkukumpas sa
Daang Matuwid; kayo ang magtitimon nito sa tamang direksiyon; kayo ang
magpapaarangkada nito tungo sa katuparan ng pinakamatatayog nating
mithiin.
Hindi po ako magsasawang sabihin:
Talagang isang pribilehiyo ang maglingkod sa lahing tumatayo sa bawat
pagkadapa at talaga namang hindi nagpapadaig sa anumang pagsubok. Isang
karangalan ang maging pinuno ng sambayanang Pilipino.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.
http://www.gov.ph/
Article links:
http://www.gov.ph/2015/06/29/speech-president-aquino-groundbreaking-mactan-cebu-international-airport/#
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights
Home - Human rights Promotions Website
HUMAN RIGHTS PROMOTIONS
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------
0 comments:
Post a Comment