Friday, July 24, 2015

Speech of President Aquino during the Angat Dam strengthening project inspection and briefing




From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  http://www.gov.ph/2015/07/22/speech-president-aquino-angat-dam-strengthening-project-inspection-briefing/


Speech of President Aquino during the Angat Dam strengthening project inspection and briefing

The Angat Dam and Dike
Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Sa pag-inspeksyon at pagtatagubilin ng Angat Dam and Dike Strengthening Project (ADDSP)
[Inihayag sa Norzagaray, Bulacan, noong ika-22 Hulyo 2015]

Salamat po at inimbita ninyo ako dito. Para na rin akong nagbakasyon sa ganda ng ating tinatanaw nitong araw na ito. Preskong-presko pa; baka puwede ninyo akong bigyan ng sampung minutong dagdag habang nandito na rin tayo. Kasi napansin ko nga ho mahigit limang taon na po tayo sa Daang Matuwid. At kay kasamang Doneng Marcos; Marcos na matagal ko nang kasama. Parang namamayat ka na Doneng. [Palakpakan] Sa limang taon nga po, at sa kabila nito, wala pa ring patid ang pagrereporma natin sa buong bansa. Hindi naman po maikakaila: sadyang malubha ang gobyernong dinatnan natin; panay tagas ang sistema; maraming ahensya ang aksayado sa pondo at piniling magkanya-kanya. Tuloy po ang serbisyong dapat na dumadaloy nang malaya sa sambayanan, naiipit, at iilan lamang ang nakikinabang. Ang mga problemang dapat sana’y matagal nang naresolba, tayo na nga ang nagsusumikap na latagan ng mga solusyon.

Noong pinapakinggan po ni Governor Willie ‘yan, parang nakita ko sa kanyang mga mata ‘yung aming pong bulk water supply na matagal nang pinangako sa amin, mukhang nalalapit nang magkatotoo. Sabi po sa akin ni Babes Singson, malapit na pong magkatotoo ‘yan, Manong Willie. [Palakpakan] Ang butihing governor natin ay napakasipag, at maayos po kausap; siya po’y nakangiti kapag dinudulog ang mga problema kaya magaan pong kausapin at hindi ho puro galit, tampo, at sama ng loob ang hinaharap sa atin. Kaya, salamat gov, na napapadali ang trabaho natin pareho. [Palakpakan]

Masalimuot po ang dinatnan nating sitwasyon sa sektor ng tubig. Pagpasok natin sa puwesto, di bababa, at natuklasan nating 30—uulitin ko po: 30—ang bilang ng ahensyang naghahati-hati sa pangangasiwa sa sektor na ito. Ang malala pa po nito: Watak-watak ang mga institusyon; bara-bara ang mga plano; butas-butas ang datos; at talagang talamak ang pamumulitika. Kung ikukumpara po natin sa isang banda: Kanya-kanyang tugtog ang mga miyembrong may iba’t ibang instrumento, kaya ang lumalabas na tunog, sabog-sabog at sintunado; imbes na musika, ingay ang nagiging produkto. Ang resulta: palyado ang serbisyo, at kulang pa rin ang supply ng malinis na tubig sa bansa.

Kaya naman po, pagkaupo pa lang natin sa puwesto, agad nating itinalaga si Secretary Babes Singson. Hindi lang po siya nagsisilbing water czar, minabuti niya na ring maging symphony master ng water sector. Sa pangunguna ni Sec. Babes, nagbuo tayo ng isang Inter-Agency Committee on the Water Sector, na siya namang nagsasakatuparan ng tinatawag nating Integrated Water Resources Management Policy. Ang ibig sabihin lang po ng polisiyang ito: Tinitingnan natin ang kabuuan ng mga pangangailangan sa tubig, nang sa gayon ay magamit ito nang wasto. Gayundin, dahil natipon na ang iba’t ibang ahensya, naiiwasan ang papatak-patak o patsi-patsing inisyatiba; sa halip, naipapatupad na ang nagkakaisang layunin para sa sektor.

Pag-usapan po natin itong Angat Dam and Dike. 1960s pa ito naitayo; halos ka-edad ko na nga po. Mula noon, ni isang beses, hindi ito nakatikim ng malawakang rehabilitasyon. Nakaligtaan ho yata na anumang struktura, hindi aayos nang kusa o titibay nang mag-isa. Ang natuklasan pa: malapit ang dike sa isang bahagi ng West Valley Fault. Ibig sabihin, nakahilera ito sa mga lugar na sadyang peligroso, lalo na sa panahong baka tamaan ito ng lindol, na sana po’y huwag naman mangyari. Dahil walang angkop na surveillance system at kwestyunable ang stabilidad ng struktura, binansagan pong “conditionally poor” ang Angat Dam and Dike.

Bakit po mahalagang tugunan ito? Simple lang po: Buhay at kabuhayan ng ating mga Boss ang nakataya sa anumang pinsala o pagkawasak ng dam. Ayon po kasi sa pag-aaral, kapag rumagasa ang tubig ng dam sa mga komunidad ng Bulacan at Pampanga, nasa 3 milyong Pilipino ang apektado. Ulitin ko po: 3 milyong Pilipino, na maaaring maperhuwisyo ang kabuhayan, o di kaya’y masaktan o masawi. Hindi po natin hahayaang mangyari ito.

Malinaw sa atin ang halaga ng Angat Dam and Dike. Tinatayang 97 percent po ng MWSS service areas—kabilang na ang Metro Manila, at ilang bahagi ng Rizal, Bulacan, at Cavite—ang sinusuplayan nito ng tubig. Nasa 15 milyong Pilipino ang sakop nito. Sa irigasyon: Halos 27,000 ektarya ng palayan ang pinapatubigan nito sa Bulacan at Pampanga. Sa kuryente: 246 megawatts naman ang nalilikha nito para sa kalakhang Luzon. Ang maganda pa: Naiiwasan natin ang pagbaha dahil sa kakayahan ng dam na kontrolin ang naiipon nitong tubig. Kung ibubuod po: Tubig, kuryente, kabuhayan, at kaligtasan—sa saklaw na serbisyo’t benepisyo ng Angat Dam and Dike sa milyon-milyong Pilipino, talaga naman pong sulit na sulit ang bawat pisong ilalaan natin sa proyektong ito.

Todo rehabilitasyon nga po ang gagawin natin dito. Gamit ang pondong 1.08 bilyong piso, layunin nating siguruhin ang stabilidad ng dam at dike, upang sa anumang lindol, kahit pa umabot ng hanggang 7.2 magnitude—o sinlakas ng nakaraang lindol sa Bohol—ay kakayanin pa rin ng strukturang ito. Kaakibat nito, magkakabit tayo ng flood forecasting and warning system na nagkakahalagang 261 milyong piso, at magsasagawa ng flood control protection works na 292 milyong piso naman po ang halaga.

Naging posible naman po ang araw na ito, dahil sa pakikiisa at pagkakapit-kamay ng iba’t ibang organisasyon at ahensiya. Nagpapasalamat po tayo sa DPWH, sa pamumuno ni Sec. Babes Singson; sa MWSS, at kay Administrator Gerry Esquivel; sa probinsya ng Bulacan; sa pribadong sektor, sa K-Water at San Miguel Corporation, at sa iba pang mga kasamahan nating nakikisagwan tungo sa katuparan ng proyektong ito. Muli, maraming salamat po sa inyong lahat. Talagang napakahalagang pamana ng inisyatibang ito sa marami nating kababayan, hindi lang ngayon, kundi maging sa susunod pang henerasyon.

Bahagi nga lang po ang rehabilitasyong ito ng Angat Dam and Dike sa malawakan nating stratehiya para paunlarin ang sektor ng tubig. Kabilang din po rito ang Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project Phase 2, na nakumpleto na natin noon pang 2012, at 10 buwan ahead of schedule. Ongoing naman ang bidding ng iba pa nating proyekto tulad ng Kaliwa Dam sa Rizal, ‘yang Bulacan Bulk Water Supply Project ni Manong Willie, at ang Angat Water Transmission Improvement Project.

Tunay nga pong makasaysayan ang mga nakakamit na nating tagumpay sa Daang Matuwid. At malinaw po: Hindi tayo kailanman umasa sa pagtingala sa kalangitan para lang maambunan ng grasya. Anumang proyekto o programa, pinag-iisipan; tinutukoy natin ang pinaka-ugat ng bawat problema, para malatagan ng angkop na solusyon. Imbes na bara-bara at patsamba-tsamba, lahat ng ating hakbang, pulido at kalkulado, para sinuman ang sumuri nito sa darating na panahon, aprub din sa bawat aspeto. Lahat, dumadaan sa mahabang proseso, sumusunod sa mga batas at mga alituntunin, para masigurong di hamak ding mas mahaba ang pakinabang nito sa sambayanang Pilipino.

Mga Boss, ang panata ko: Magpamana ng Pilipinas na mas maganda ang kalagayan kaysa ating dinatnan. Bawat sandali po ng paglilingkod sa gobyerno, sinisikap nating makamit ito. Buong loob ko rin pong sasabihin sa inyo: Bawat pagkakataon sa serbisyo, tumototoo ako sa inyo.

Wala na nga pong isang taon, haharap muli sa sangandaan ang bawat Pilipino, at ito na lang po ang panawagan ko: Piliin ninyo ang pinunong tototoo rin sa inyo. Hindi sinumang magbibitiw ng mga pahayag at pangakong walang laman; hindi sinumang may ni kaunting duda tayong magsasamantala o manlalamang; hindi sinumang may ambisyong parating pansarili, imbes na para sa buong bayan—kundi piliin natin ang indibidwal na panatag tayong ipagpapatuloy ang tuwid na daan. Tanging kayo lamang po, ang sambayanang Pilipino, ang pipili sa landas na tatahakin ng bansa sa mga darating na taon.

Simula pa nga lang po ito sa mahabang paglalakbay natin. Tiwala naman ako: Sa mga darating na panahon, muling aagos ang malasakit at ambagan ng sambayanan; muling isasagwan ng ating mga Boss ang bansa sa tamang direksyon. Sa nagkakaisang kumpas ng Pilipino, magtutuloy ang pagsulong ng Pilipinas tungo sa inaasam nating malawakang pagbabago.

Magandang araw po at maraming salamat po sa inyong lahat.

GPH Website

http://www.gov.ph/




Article links:

http://www.gov.ph/2015/07/22/speech-president-aquino-angat-dam-strengthening-project-inspection-briefing/



OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES



Human Rights Advocacy Promotions | Human Rights

Home - Human rights Promotions Website

HUMAN RIGHTS PROMOTIONS

PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment