Friday, September 12, 2014

Kampanya kontra sa Krimen walang Sasantuhin - Roxas



From the Website of DILG
links:  http://www.dilg.gov.ph/news/Kampanya-kontra-sa-Krimen-walang-Sasantuhin-Roxas/NC-2014-1067




Kampanya kontra sa Krimen walang Sasantuhin - Roxas

“Wala tayong sasantuhin kapag pagpapatupad ng batas at kapakanan ng taong bayan ang nakataya,” ito ang pagbibigay diin ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas bilang reaksyon sa pagkaka-aresto ng isang aktibong police major na dawit sa insidente ng panunutok ng baril, carnapping at kidnapping sa Edsa-Mandaluyong noong nakaraang Lunes.

Kasabay nito pinapurihan ni Roxas ang matagumpay na operasyon at implementasyon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) Command sa pangunguna ni Police Director Gen. Carmelo Valmoria at ng Eastern Police District sa Oplan Lambat na nagresulta sa pagkaka-aresto nitong aktibong opisyal ng PNP.

“Binabati natin ang NCRPO at EPD sa matagumpay na implementasyon ng Oplan Lambat. Tinitiyak din natin na tuloy-tuloy itong pagtugis ng ating kapulisan sa apat na suspek na kasama nila sa grupo,” paniniyak ng kalihim.

Ito ang reaksyon ng kalihim matapos na ihayag ni Valmoria sa pulong balitaan sa Camp Crame ngayong hapon ang pagkaka-dakip sa tiwaling pulis.

Sinabi ng kalihim na nakikita nito na maliit na porsyento lang ang mga puis na gumagawa ng katiwalian at mas malaking bilang ng kapulisan ang tapat sa serbisyo.

“Maraming pulis ang ilang beses ng nagsakripisyo ng sarili nilang buhay para tugunan ang banta ng kriminalidad sa ating mga kababayan. Marami sa kanila ang gumagawa ng tama sa kanilang trabaho. Madami sa kanila ang isinasakripisyo ang personal na kaayusan para makatulong sa komunidad kaya hindi tama na maputikan at madungisan ang lahat ng unipormadong pulis,” paliwanag ni Roxas.

“Iyong mga pulis na nakikita ng tao na akala lahat sila ay masasamang loob ay iilan lamang ang mga ito. Mas maraming bilang o daang-libo ang gumagawa ng tama kaya dapat na mawala itong mga tiwali sa serbisyo para hindi nadadamay ang mga matitinong operatiba ng PNP,” pahayag nito.

Tinukoy ng kalihim ang maka-ilang ulit nitong inihayag ang kanyang panuntunan sa regular command conference na ginagawa mismo sa PNP National Headquarter sa Camp Crame na walang dapat na kinikilala sa pagpapatupad ng batas at hindi mahalaga kung sino ang tatamaan nito kahit pa ito ay kakilala dahil ang krimen ay krimen na dapat panagutan sa batas.

Inirekumenda natin ang mas mataas na reward na ibibigay ng gobyerno kung may pulis na dawit sa kaso dahil nanghihinayang tayo na itong mga operatiba natin na nanumpang magbibigay proteksyon sa ating mga kababayan ay sila rin mismo ang maaaring gumawa ng karahasan.

“Ang mga kapulisan ay nanumpa na proteksyunan ang taong bayan. Binigyan sila ng tsapa, baril at tamang kaalaman kaya kung sila pa ang gagawa ng karahasan o krimen dapat talaga silang parusahan at papanagutin sa batas,” paglilinaw pa rin ni Roxas.

“Dahil dito kaya inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon na taasan natin ang reward kung ang salarin ay pulis ng sa ganun ay magsilbing mensahe ito sa kapulisan,” paglilinaw ng kalihim.

Kaugnay nito pinasalamatan ng kalihim ang pakikiisa ng publiko na naging daan para matukoy ang mga taong sangkot sa krimen sa Edsa-Mandaluyong noong nakaraang linggo.




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------

-----------------------------

0 comments:

Post a Comment