Friday, September 26, 2014

Statement of President Aquino upon his arrival from his visits to Europe and the United States

From the Website of GPH - Government of the Philippines
links:  http://www.gov.ph/2014/09/25/statement-of-president-aquino-upon-his-arrival-from-his-visits-to-europe-and-u-s-a/


Statement of President Aquino upon his arrival from his visits to Europe and the United States

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagbabalik mula sa pagbisita sa Europa at Estados Unidos
[Inihayag sa NAIA Terminal 2, Lungsod Pasig, noong ika-25 ng Setyembre 2014

Magandang gabi po sa inyong lahat.

Ito na nga po yata ang pinakamahabang panahong nalayo tayo sa Pilipinas mula nang maupo tayo sa puwesto. Sa Europa, inikot po natin ang mga bansang Espanya, Belgium, Pransya, at Alemanya. Lumapag naman tayo ng Boston, New York at San Francisco sa pagtungo natin sa Estados Unidos.

Labindalawang araw po tayong nawala, at talaga naman pong sinulit natin ang mga araw na ito: 94 engagements ang atin pong dinaluhan. Kinausap natin ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa at institusyon upang isulong ang mas mabuting ugnayan; nakipagpulong tayo sa mga negosyante upang imbitahin silang mamuhunan sa ating bansa; kinita natin ang ating mga kababayan, at dinalhan sila ng mabuting balita.

Ipinarating po natin ang pasasalamat sa mga kabalikat natin sa Europa at pati na sa Estados Unidos. Malaki ang tulong nilang naipaabot matapos ang bagyong Yolanda, pati na rin sa proseso ng kapayapaan sa Mindanao. Pinasalamatan din natin sila, dahil nga po tinanggal na nila ang ban sa pagbiyahe ng ating local carriers sa Europa. Nabigyan po tayo ng pagkakataong ipaliwanag ang ating posisyon ukol sa West Philippine Sea; malinaw nga po sa ating pagharap sa iba’t ibang pinuno, pati na rin sa mga think tank, na nauunawaan nila ang katuwiran ng ating paninindigan. Ikinalulugod nga po natin ang pagpapahayag ng suporta ng mga pinunong ating nakausap.

Sa pagdalo naman po natin sa United Nations Climate Summit, pinalakas pa natin ang panawagan para sa sama-samang pagkilos ng mga bansa upang tugunan ang epekto ng pagbabago sa klima. Idiniin natin doon: bawat bansa, maliit man o malaki, ganap nang maunlad o papaunlad pa lamang, ay dapat iambag ang lahat nang maiaambag upang harapin ang hamon ng Climate Change.

Sari-saring kasunduan din po ang nilagdaan natin. Halimbawa nito ang Cultural Agreement at Air Service Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Pransya; at mga kasunduan para sa ugnayang pang-edukasyon.

Gaya ng lagi, bitbit din natin ang pasalubong sa anyo ng puhunan: Aabot po ng 2.35 bilyong dolyar ang halaga ng nakalap nating mga panata at tiyak na investment, na tinataya namang lilikha ng 33,850 trabaho. Dalawampu’t dalawa korporasyon ang nakausap natin sa iba’t ibang mga bansang nilapagan natin. Ang sabi nga po natin sa kanila: Kung naghahanap kayo ng paglalagyan ng inyong puhunan, bakit hindi kayo sa amin pumunta, upang makasama nating pakinabangan ang bunga ng pag-unlad? Hindi na po natin idedetalye ang bawat isa sa kanila at baka po mausog, pero ang masasabi ko lang po: Nagkakaisa sila sa kanilang tiwala sa gumaganda nating ekonomiya at sistemang panlipunan. Alam nila ang bunga ng ating mga reporma; at umaasa sila sa patuloy nating pag-angat.

Ang lahat ng kanilang puhunan, magbubunga ng mas malawak na pagkakataon para sa ating mga kababayan. Nariyan po ang Coca-Cola: Ipinangako nila sa atin noon ang pagpasok ng karagdagang isang bilyong dollars sa bansa bago sumapit ang taong 2015. Sa biyaheng ito, iniulat nilang naipasok na ang lahat ng puhunang ito, at hindi pa tayo umaabot sa 2015. Ang Volkswagen din po, halimbawa, inengganyo nating dito magtayo ng kanilang global manufacturing hub; malaking bentahe ang lumalaki nating middle class, pati na rin ang maganda nating lokasyon at ang husay ng ating manggagawa, at ipagpapatuloy po natin ang pang-eengganyo sa kanila.

Sa isa nga po nating pagpupulong, isang mataas na opisyal ng prominenteng bangko ng mundo, at hindi naman po ng Pilipinas, ang nagsabi: Baka raw po dapat ay i-globalize natin ang piso. Ang ibig pong sabihin, kumpiyansa siya sa stabilidad ng ating ekonomiya; naniniwala siyang sulit ang tumaya sa Pilipinas. Nabigla po tayo sa mungkahing ito; kahit kailan po ay hindi dumapo sa isip natin ang ganitong hakbang. Talagang kailangan ng mas malalim na pag-aaral ng ganito kalaking mga hakbang, pero hindi po maikakaila ang sentimyentong dala ng kanyang mungkahi: Ang dating Sick Man of Asia, ngayon, bukal na ng kumpiyansa sa ekonomiya; Ang dating pahirapan kung mapansin, ngayon, marami nang nag-uunahang kausapin. Napakataas na po talaga ng tingin ng mundo sa Pilipinas.

Matagal-tagal din po tayong nawala. Alam ko po, habang ibinibida natin ang Pilipinas sa ibang bansa, habang pinagtutuunan natin ang ating mga pangmatagalang pangangailangan ay hinagupit ng ilang mga bagyo ang Pilipinas. Nais ko pong magpasalamat sa bawat Pilipinong nakiambag upang tugunan ang mga pangangailangan sa panahon ng kalamidad. Hindi po nagkulang ang ating mga kasamahan sa gobyerno sa pagtawag sa telepono, sa pagtext, at sa pakikipag-usap sa akin habang tayo ay nasa biyahe. Tuloy-tuloy po ang pagbibigay natin ng direktiba sa kanila upang masigurong ang bawat Pilipino ay mabibigyan ng sapat na pagkalinga sa harap ng sakuna.

Siyempre po, ang pinakamatamis na bahagi ng ating biyahe ay ang makita ang mga ngiti ng kapwa natin Pilipino sa ibang bansa kapag naririnig nila ang magagandang balitang nangyayari sa Pilipinas. Inilatag po natin sa kanila ang transpormasyong tinatamasa na ng ating bansa: mula sa pagbasag sa baluktot na kalakaran hanggang sa pagbubukas ng pagkakataon sa ating mamamayan; mula sa pag-arangkada ng ekonomiya hanggang sa parating pang magagandang oportunidad; at maging sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan.

Isipin nga po ninyo ang pinanggalingan ng ating bansa: Mula sa puntong ni hindi man lang natin makayang mangarap, ngayon, isa-isa nang natutupad ang ating mga pangarap. Ang dating imposible, hindi lang nagawang posible; nagiging karaniwan na. Kung nagawa nating makarating sa kalagayan natin ngayon mula sa punto ng kawalang pag-asa, ano pa kaya ang maaari nating marating, ngayong mas mataas at mas mabuti na ang ating kinatatayuan? Tumuloy lang po tayo sa landas na ating tinatahak, at tiyak po, maaabot natin ang pinakamatatayog nating adhikain para sa Pilipinas.

Lahat nga po ng mga tagumpay na atin nang naisakatuparan sa tuwid na daan, ay pundasyon lamang sa higit pa nating pag-unlad. Tunay nga po: ibang-iba na ang pagkilala sa Pilipinas ngayon, at sa atin pong pakikiambag, sa atin pong pakikisagwan sa iisang direksyon, mas lalo pa tayong igagalang at hahangaan ng buong mundo.

Magandang gabi po muli. Maraming salamat po sa inyong lahat.



GPH Website

OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES




PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
-----------------------------------

0 comments:

Post a Comment