Article Links: https://pco.gov.ph/news-releases/
PBBM pinarangalan ang mga bagong promoted na guro at punong-guro, pinagtibay ang suporta sa mga edukador
“You carry a huge responsibility every single day, inside the classrooms and always extending way beyond school hours. Batid ko po ang bigat ng inyong tungkulin… And for that, this nation is grateful to you all.”
(“Malaki ang responsibilidad na inyong pasan araw-araw, sa loob ng silid-aralan at madalas umaabot pa sa labas ng oras ng klase. Batid ko po ang bigat ng inyong tungkulin…Dahil dito, buong bansa ay lubos na nagpapasalamat sa inyo.”)
Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang mahahalagang ambag at sakripisyo ng mga edukador at tiniyak ang patuloy na pagpapabuti ng propesyon ng pagtuturo habang kanyang pinangunahan ang panunumpa ng mga bagong promoted na guro at punong-guro ng Department of Education (DepEd) National Capital Region (NCR).
Sa kanyang talumpati sa “RISE in Service” oath-taking ceremony sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) na ginanap sa Lungsod ng Makati, binigyang-diin ng Pangulo na ang okasyon ay makabuluhang sandali hindi lamang para sa mga guro kundi para sa buong bansa, habang muling pinagtitibay ng mga guro ang kanilang pangako sa paglilingkod at sa nation-building.
Kinilala ng Pangulo ang mabigat na responsibilidad ng mga guro, sa loob at labas ng silid-aralan—mula sa mahabang oras ng paghahanda ng lesson plan, pagsusuri ng mga papel, paggabay sa mga mag-aaral bilang ikalawang magulang, hanggang sa boluntaryong pagtulong bilang mga facilitator sa halalan at mga gawaing sensus.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pagbuo ng mas maunlad na bansa ay nagsisimula sa mabuting edukasyon at sa mga guro na humuhubog sa kabataan upang maging disiplinado, tapat, at may malasakit.
“Sa bawat batang natututo ng tama at mali, sa bawat kaalaman na naibabahagi, dito nagsisimula ang pagbabago. At kayo, ang ating mga guro, ang humuhubog nito,” dagdag pa ng Pangulo.
Muli ring iginiit ni Pangulong Marcos na ang pagtuturo ay hindi madaling propesyon sapagkat nangangailangan ito ng tiyaga, sakripisyo, at tapang; kaya’t nararapat lamang na tumbasan ito ng kongkretong suporta mula sa pamahalaan.
Ipinunto ng Pangulo na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon, na may higit sa PhP1.34 trilyon na nakalaan para sa sektor, o mahigit apat na porsyento ng ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa suporta ang pagpapalabas ng 2025 Service Recognition Incentive para sa mga guro at non-teaching staff, kasama ang karagdagang PhP7.3 bilyon upang masakop ang lahat ng kuwalipikadong guro; ang pagbibigay ng PhP10,000 teaching allowance para sa School Year 2025–2026; at ang paglalabas ng mga alituntunin para sa pagbibigay ng PhP7,000 medical allowance sa 2025.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang patuloy na pagsisikap na lumikha ng karagdagang posisyon sa pagtuturo, bawasan ang pasaning administratibo, at palawakin ang career pathways sa pamamagitan ng estratehikong reclassification sa ilalim ng ECP, na nagbibigay-daan sa mga senior educators na umangat batay sa merito at magbukas ng bagong posisyon para sa mga bagong graduate.
“And, as I said in my third State of the Nation Address: no public school teacher should retire as Teacher I. Your promotion will be a doorway to a better life for you and your family. We hope to help you achieve greater financial stability and the much-deserved recognition for all your hard work,” ang sabi ng Pangulo.
(“At gaya ng aking sinabi sa ikatlong State of the Nation Address: walang guro sa pampublikong paaralan ang dapat magretiro bilang Teacher I. Ang inyong promosyon ay magiging daan tungo sa mas maayos na buhay para sa inyo at sa inyong pamilya. Nais naming matulungan kayong magkaroon ng mas matatag na pinansyal na kalagayan at ang nararapat na pagkilala sa lahat ng inyong pagsusumikap.”)
“Beyond these benefits and changes, our commitment to creating a system that protects and empowers teachers remains steadfast,” dagdag ng Pangulo.
(“Bukod sa mga benepisyo at pagbabagong ito, nananatiling matatag ang aming pangako na lumikha ng sistemang nagpoprotekta at nagbibigay-lakas sa mga guro.”)
Ipinaalala rin ng Pangulo sa mga guro at punong-guro na bawat responsableng mamamayan ay dumaraan sa kanilang pagtuturo, at hinimok silang magturo hindi lamang ng mga aklat kundi ng mga aral na humuhubog sa buhay: integridad, pananagutan, at pagmamahal sa bayan.
“Mga minamahal naming guro, sa inyong mga kamay nakasalalay ang susunod na henerasyon ng Pilipino,” wika ng Pangulo. | PND
----------------------------------------------------














0 comments:
Post a Comment