Friday, October 2, 2026

PBBM, muling tiniyak na walang guro ang dapat magretiro bilang Teacher I

 

From the Website of the President
  and Government Media Offices
------------------------------------------------------------------


PBBM, muling tiniyak na walang guro ang dapat magretiro bilang Teacher I

Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagsusulong ng mas maayos na career path para sa mga guro sa pampublikong paaralan, at sinabing walang guro ang dapat magretiro bilang Teacher I.

Sa kanyang talumpati sa Santiago City, Isabela, matapos ang mass oath-taking ng 4,125 bagong na-promote at bagong na-hire na personnel ng Department of Education (DepEd) Region II bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, sinabi ng Pangulo na pinalalawak ng pamahalaan ang oportunidad para sa career advancement sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) System.

“Kaya nangako ako sa ating mga guro: hindi na tayo papayag na mayroong guro na magre-retire bilang Teacher I,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, nararapat lamang na umunlad ang mga guro sa kanilang propesyon matapos nilang ilaan ang malaking bahagi ng kanilang buhay sa pagtuturo.

“Dahil sa aming pananaw, hindi naman tama na ibinibigay ninyo ang napakalaking bahagi ng inyong buhay sa pagtuturo, tapos hindi kayo uunlad sa inyong propesyon,” dagdag pa ng Pangulo.

Hanggang Setyembre ngayong taon, mahigit 82,000 guro at school heads sa buong bansa ang na-promote sa ilalim ng ECP System.

Tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga guro, kabilang ang pagbawas sa administrative work at pagpapahusay ng kanilang mga benepisyo.

“Patuloy pa rin ang suporta namin sa inyo. Binawasan natin ang administrative work at pinabuti ang benepisyo ng ating mga guro,” ani Pangulong Marcos.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga guro sa kanilang mahalagang papel sa pag-unlad ng performance ng bansa sa Reading, Science at Mathematics sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), kumpara noong 2022.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng kaligtasan ng mga mag-aaral at ang pagtutulungan ng pamahalaan at mga komunidad upang maprotektahan ang mga bata laban sa bullying, pang-aabuso at mga panganib online.

“Hindi lamang kayo nagtuturo ng aralin, kayo ang gumagabay, nag-aalaga, at tumutulong humubog sa kinabukasan ng kabataang Pilipino,” ani Pangulong Marcos.

Kasunod ng aktibidad, nagtungo ang Pangulo sa Patul Elementary School para ilunsad ang Kaagapay Program sa Region II, na tumutulong sa mga magulang na matukoy ang mga banta sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga anak. | PND


 
 
 
 
Office of the President Website






PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS

------------------------------------------------------------------------------
----------------------------------------------------
 -------------------------

0 comments:

Post a Comment