Article Links: https://pco.gov.ph/news-releases/
PBBM: ICI halos kumpleto na ang imbestigasyon sa maanumalyang flood control projects
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na halos kumpleto na ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon sa sinasabing maanumalyang flood control projects, at may natitira na lang na isa o dalawang kinaklaro o nililinaw.
Sa isang maikling interview ng mga reporter nitong Biyernes, sinabi ni Pangulong Marcos na nakasalalay ang kapalaran ng ICC kung gaano pa karami ang kanilang tatrabahuhin.
“Kung matapos na yung trabaho nila, then we will see what they can do next. But they really are coming toward the end– lahat ng kailangang imbestigahan, naimbestigahan na nila. Maybe there are one or two other loose ends that they have to clear up,” pahayag ng Pangulo.
Nang tanungin naman sa plano kung muling magtatalaga ng mga bagong komisyoner, sinabi ni Pangulong Marcos na nakadepende ito kung makukumpleto na ng ICI ang kanilang trabaho.
“We haven’t really decided on that yet. Again, it all depends on the work that ICI still has in front of them,” ayon sa Pangulo.
(“Hindi pa namin napagdedesisyunan. Muli, nakasalalay ito sa kinakaharap na trabaho ng ICI.”)
“Pag kailangan pa, then we will. But if the work is done, kung naibigay na lahat ng information sa DOJ (Department of Justice) at saka sa Ombudsman, then the focus now of the investigation will go to the DOJ and the Ombudsman,” dagdag ng Pangulo.
Una nang inilantad ni Pangulong Marcos ang iregularidad sa flood control at mga proyektong pang-imprastraktura sa kanyang Fourth State of the Nation Address noong Hulyo 28, 2025—kung saan niya sinabi, “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!”
Sinundan pa ito ng kanyang inilunsad na Sumbong sa Pangulo website na tumanggap ng mga reklamo mula sa publiko sa maanumalyang flood control projects at imprastraktura, na pinasa naman sa ICI.
Sumunod dito ang pagtatatag ni Pangulong Marcos ng ICI na nagrekomenda ng pagsasampa ng kaso sa ilang mga indibidwal na isinasangkot sa iskandalo.
Naghain na rin ang tanggapan ng Ombudsman ng reklamo sa ilang mga personalidad, habang ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay naglabas ng freeze orders para sa bank accounts at iba pang ari-arian ng mga indibidwal na naugnay sa katiwalian.
Patuloy namang nagsisilbi si dating Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. bilang chairperson ng ICI, habang ang mga komisyoner na sina Rogelio Singson at Rossana Fajardo ay tinapos na ang kanilang pagseserbisyo makaraang matapos na rin ang trabahong iniatas sa kanila.
Kasama ni Reyes sa ICI ang mga miyembro ng working staff, kabilang sina Executive Director Brian Hosaka at Special Adviser, dating hepe ng Philippine National Police na si Rodolfo Azurin Jr. | PND
----------------------------------------------------














0 comments:
Post a Comment