Article Links: https://pco.gov.ph/news-releases/
PBBM tiniyak na maayos ang kalusugan, balik trabaho na sa Palasyo
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa publiko ngayong Huwebes na maayos ang lagay ng kanyang kalusugan at kaya niyang gampanan ang kanyang mga tungkulin at trabaho, dahil ang kondisyon niya ay hindi seryoso o delikado.
Sa isang video statement, sinabi ng Pangulo na mayroon siyang diverticulitis, na karaniwang nararamdaman ng mga mas nakatatanda.
“I’m fine. I’m feeling very different from the way I was feeling before. Naayos na ‘yung problema,” ani Pangulong Marcos.
“What happened was apparently, I now have diverticulitis. It’s a common complaint amongst apparently people who are heavily stressed, and people (who) are- I have to admit- growing old,” patuloy ng Pangulo sa pag-uusap niya kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
(“Ayos lang ako, maayos na ang pakiramdam ko ngayon kumpara sa nagdaang araw. Naayos na ‘yung problema. Ang nangyari ay nagkaroon ako ng diverticulitis. Ito’y karaniwang daing ng mga taong nakararanas ng matinding stress- at inaamin ko- ng mga taong tumatanda.”)
Una nang inihayag ng Malacañang na magdamag na inobserbahan ng mga doktor ang kalusugan ng Pangulo bilang precaution kasunod ng pagsama ng kanyang pakiramdam, pero stable na o maayos na ang kalagayan ng Pangulo at nagbalik-trabaho na sa Palasyo.
Nang tinanong ni Castro kung sinabihan siya ng mga doktor na maghinay-hinay, sumagot ang Pangulo, “Well, yeah, of course, lagi naman sinasabi ng doktor sa akin ‘yun. Pero papaano mo naman gaganın ‘yun ang daming trabaho?”
Giniit ng Pangulo na walang dapat ikabahala ang taumbayan, at nagkibit balikat lang sa mga espekulasyon tungkol sa kanyang kondisyon.
“It’s not a life-threatening condition… Huwag kayong mag-alala. The rumors of my death are highly exaggerated,” wika ng Pangulo. | PND
----------------------------------------------------














0 comments:
Post a Comment